Nakangiti. Yakap ang backpack habang nakatingala sa arkong may nakaukit na Villa Guinto Children's Home. Naroon sa kanya ang kakaibang saya dahil matapos nang pitong taong pagkakawalay ay nakabalik na siya. Bakit nga ba niya malilimutan ang lugar na ito kung dito siya hinubog bilang isang tao? Noong wala pa siyang muwang, noong hindi pa niya nakikilala ang tunay na mga magulang. Noong tanging dalawang tao lang ang itinuturing niyang pamilya.
"Nazmiya!"
Nagningning agad ang mata niya nang makilala ang boses mula sa likuran.
"Naneth!" Saktong paglingon niya ay yakap na siya nito.
"Oh, God! Kuya and I, miss you a lot. Mabuti at pinayagan ka nilang dito magbakasyon," masayang sabi nito. .
"Sabi ko kasi tatakasan ko sila kapag hindi sila pumayag." Yumakap na rin siya. Hindi naging sagabal ang bag sa pagitan nila. Talagang na-miss niya ang kababata. Nagkakausap naman sila sa internet. Bibihira nga lang dahil abala siya sa pag-aaral sa mga nagdaang taon. Bukod doon, mahigpit ang ama niya pagdating sa gadget. Pumupuslit pa siya minsan para makigamit ng tablet sa kaklase.
"Tara sa loob!" hila nito sa kanya matapos buksan ang malaking gate. "Welcome back, Master!" sabi pang yumukod sa kanya.
Natawa tuloy siyang sinang-ayunan ang sinabi nito. "Yeah, welcome back sa akin," at inakbayan na si Naneth. Masaya siya. Iba pa rin talaga kapag nasa lugar kung saan lumaki at nagkaroon ng masasayang alaala.
"Sa kitchen sa likod tayo dumaan para masorpresa si Kuya."
"T-teka, hindi niya alam na ngayon ang dating ko?"
Hindi siya nito sinagot bagkus humagikhik lang ito.
Nang makapasok sa kusina panay ang senyas ni Naneth na huwag siyang maingay. Naging napakaingat tuloy ng hakbang niya.
Ilang saglit pa ay nasa sala na sila. Inilapag na niya ang dala-dala. Nang mapagtantong wala pang ibang tao, naghagikhikan sila.
"Ho? Kailan daw? Hindi ko ho alam, Miss Santillan, kadarating lang din kasi namin ng kapatid ko, hindi tayo nagkaabutan."
Nagkatinginan sila dahil sa lalaking papababa ng hagdan. May kausap ito sa selpon ngunit bago pa sila makita ay mabilis pa sa alas-kuwatrong hinila siya ni Naneth sa likod ng sofa.
"Ang kuya mo na ba 'yon?"
"Oo kaya magtago muna tayo."
Umupo nga sila sa sahig at sinigurong hindi makikita ang ulo nila. Pareho nilang pinakiramdaman ang paligid hanggang marinig na may umupo sa sofa.
"Sige ho, ako nang bahala. Susunduin ko siya ngayon."
Naghawak-kamay na sila ni Naneth. Pigil ang hininga. Pigil din ang tawa. Hindi nagtagal tumunog ang tiyan niya at noon din ay may nagsalita.
"Anong ginagawa ninyo riyan?"
Sabay silan napatingala at nakita ang hindi maipintang mukha ni Nato.
Si Nazmiya ang unang tumayo. Kinalikot ang mga daliri.
"A-ano kasi... plano namin---"
"So, ako na lang pala ang hindi nakakaalam?" si Nato sa kapatid na nagpapagpag ng puwitan at saka bumaling sa kinakabahan pa ring si Nazmiya. "Gusto ko ng element of suprise pero hindi sa ganito, Miss Safar," at walang ano-ano itong humakbang paakyat ng hagdan.
Kinakalikot pa rin niya ang mga daliri na sinundan ng tingin ang lalaki. Nang marinig ang malakas na pagsara ng pinto ay napaigtad pa siya.
"S-sorry, di ko alam na ganito ang kalalabasan," si Naneth na humihikbi at kaliwa't kanan ang pagpunas sa pisngi.
"Okay lang, hindi mo naman kasalanan, Neth." Hinaplos niya ang likod nito. Noon pa mang mga bata pa sila ay sensitive na ang magkapatid. Kung si Naneth ang iyakin. Si Nato naman ang hindi puwedeng biruin at nadala pala ito ng dalawa hanggang sa ngayong malalaki na sila.
Buwan ang pagitan ng edad niya kay Nato pero hindi siya nito tinatawag na 'ate' samantalang panganay naman siya ng dalawang taon kay Naneth. Pare-pareho silang bahagi ng bahay-ampunan. Ang magkapatid kasi ay kabilang sa mga batanglaging iniiwan doon ng mga magulang. Siya nga lang ang naging kalaro ng mga ito at nang lumaon ay naging best friend. Nagkahiwalay lang sila dahil pagka-graduate niya ng elementarya sumulpot naman ang nagpakilalang magulang niya. Siya raw ang matagal nang nawawalang anak. Pinay ang babae at may kasamang lalaking kahawig niya pero iba ang lengguwahe. Ayaw niya nga sanang sumama pero dahil sa kuwintas niyang may pangalan niya na siyang patunay at mga family picture na dala ng mga ito--- doon na siya walang nagawa. Masakit sa dibdib noong una lalo na't ayaw niyang malayo sa dalawa. Si Naneth ang sobrang nagdamdam, panay lang ang iyak, hindi siya nito iniimikan. Sa huling araw niya sa ampunan si Nato lang mahigpit na yumakap sa kanya at nagsabi ng isang pangako.
"Magsusulatan tayo. Gagawa ako ng social media account, magtatawagan tayo. Pakakasalan pa kita kaya huwag mo akong kakalimutan ha. Hihintayin ka namin ni Naneth."
Napangiti siya dahil sa alaalang iyon.
"Miya... hoy, Nazmiya!"
"H-ha? Nasaan na ba tayo? Okay ka na ba?" Sinipat pa niya ang mukha ng kaibigan. Hindi na ito umiiyak.
"Sabi ko magmeryenda muna tayo kasi kumukulo na rin ang tiyan ko. Magse-serve pa tayo ng lunch sa mga bata, ihahanap pa kita ng matutulugan sa taas, maggo-grocery pa---"
"Hep, hep! Isa-isa lang naman, Naneth." Malawak ang pagkakangiti niya matapos sabihin iyon. Natataranta kasi sa wala ang kaibigan. E, hindi pa nga pasado alas onse.
"Okay, sa kitchen tayo?"
Kumuha lang sila ng tig-isang slice na buko pie at saka humila ng upuan. Tubig ang kanilang panulak.
"May ibang volunteers na makakasama natin mamaya. Ang isa ay galing din dito---" uminom muna ito bago nagpatuloy, "and they are new graduates like you and Kuya--- e, di kayo na ang tapos ng high school."
Napangiti siya. Hindi niya alam kung dahil ba sa pinagdiinan nitong salita o dahil parang may bitterness sa boses ni Naneth.
"Nakakaasar ka naman, Nazmiya! Oo na, ako na ang repeater at hindi makaalis sa Grade X!" sabi nitong tumayo na at tinungo ang lalabo.
"A-ah, Neth! Wala naman akong sinasabi!"
"Ngayon, meron na!"
Nasapo ni Nato ang sariling noo. Nagsisimula na naman kasi ang kapatid niya sa kaartehan. Wala siyang plano sanang lumabas ng kuwarto o makisali sa mga ito kaya lang pahamak ang tiyan niya.
"Magpaturo ka kasi sa kuya mo," ang suhestiyon nitong hindi man lang namamalayang nasa likuran lang siya nito.
"Ayoko, binabatukan lang ako niyan, e!" nakangusong sabi ni Naneth sa gawi niya kaya tumalikod siya.
Kakalimutan muna niya ang kalam ng sikmura. Siguro pupunta na lang siya sa labas para magpahangin. Babalik na lang siya kapag sigurado nang wala nang tao sa kusina.
Teka, kailan ka pa naduwag? Si Nazmiya lang 'yan. Hindi naman nag-iba, siya pa rin ang dati---
Nawala ang iniisip niya nang may pumatong sa balikat niya.
"Sabi ko sa 'yo, hindi binabatukan ang babae di ba?" Mahina lang ang pagkakasabi. A, hindi! Malambing iyon sa pandinig niya.
"M-Miya..." ang nasabi lang niya nang mapagtantong sobrang lapit lang nito. Nakaakbay si Nazmiya sa kanya! Ganoon sila noon. Kasing-pantay pa rin niya. Gaya ng dati. Walang nagbago. Teka sandali! May tumatama sa gilid niya. Malambot. Gusto niyang hawakan.
"Kuya! Anong ginagawa mo sa boobs ni Miya?" histerikal na sigaw ni Naneth dahilan para manlaki ang mata niya kasunod ng pagdistansiya sa dalaga.
"Sorry, sorry hindi ko alam na ano mo---" natataranta niyang sabi. Nang hindi kumibo si Nazmiya ay napasabunot na siya sa sarili. Mababaliw yata siya.