Panghihinayang sa lahat ng nangyari sa nakaraan, isang pakiramdam na pinakamahirap sagupain.
"Ayla!"
Nabalik ako sa realidad at agad pinutol ang titig ko sa litratong iyon nang marinig kong may tumawag sa pangalan ko sa dagat ng tao.
"Ayla! Saan ka ba galing? Kanina pa ako nagti-text sa 'yo ha!" Agad kong nakita ang pagmumukha ni Zubby.
"Dinaanan ko pa—"
"Halika na, baka mawala pa 'yong ni-reserve kong bangko natin doon, e."
Napa-iling na lang ako sa biglang paghablot ni Zubby sa akin pero nagpapasalamat din na hindi niya binanggit ang tungkol sa tarpaulin na iyon. Kapag nalaman na naman ni Zubby ito, tatalakan na naman ako ng babaeng ito.
Bitbit ang malaking bag ni Sia, nakipagsapalaran kaming dalawa ni Zubby sa medyo masikip na entrance. Mabuti na lang talaga at medyo palaban itong kasama ko, nagagamit ko para mapahawi ang mga taong ito.
Inayos ni Zubby ang salamin niya sa mata nang makarating kami sa puwesto na sinasabi niya. Inilapag ko sa paanan ko ang malaking bag at naupo na.
"Bakit dito tayo pumuwesto?" Tumingala ako para makita ang puwesto kung saan ang side ng eskuwelahan namin. "Bakit hindi roon? Nandoon 'yong mga schoolmate natin, oh?" Sabi ko pa sabay turo sa bandang itaas na iyon.
"Ek, dito na lang tayo, malapit sa mga dancers."
"May crush ka ba sa mga dancers na tiga-ibang school, Zubby?"
"Luh, hindi ah. Ibinilin kasi ni Fabio sa akin na dito raw tayo umupo para mas malapit sa kanila."
"E, bakit kailangang malapit tayo sa kanila?"
Sabay naming nilingon ni Zubby ang isa't-isa at nang magtama ang tingin namin, isang malalim na buntonghininga ang isinagot niya sa akin.
"Wala, nevermind." Narinig kong sabi niya pa bago namutawi ang loob ng coliseum ng isang dumadagundong na sigawan.
Isang senyales na sisimulan na ang kompetisyon.
Punong-puno ang coliseum ng iba't-ibang klaseng tao. Pero mas marami ang estudyante ng high school dahil kailangang suportahan ang bawat eskuwelahan nilang kasali sa cheer dance competition na ito.
Matapos ang usual na pansimula ng program ay nagsi-upuan ang lahat.
"Before we start, let's hear a short message from our beloved Mayor, Honorable Salvador 'Sally' Montero IV."
Isang masigabong na palakpakan ang sumalubong sa Mayor ng aming bayan na ngayo'y nasa gitna na ng stage. Nilingon ko siya sa malaking puting tilon kung saan naka-flash ang mas malapitang kuha ng kung sino man ang nasa stage.
"Gusto mo, girl?" Nilingon ko ulit si Zubby nang makita siyang may dalang pagkain. Napatingin ako roon.
Hindi pa nga pala ako nanananghalian.
"Teka, hindi ka na naman kumain ng lunch 'no?" Naibalik ko ang tingin kay Zubby dahil sa sinabi niya.
"Nagmamadali kasi ako. Galing pa ako sa pag-aabono kaya hindi na ako nakakain sa bahay." Nag-iwas ako ng tingin at muling tiningnan ang Mayor ng bayan na hanggang ngayon ay nagsasalita pa rin.
"Nagpapalipas ka na naman ng gutom. O heto, oh."
Nakita ko sa harapan ko ang pagkaing kakainin sana ni Zubby. Pakapalan ng mukha na ito, kukunin ko na talaga ang pagkaing ito dahil gutom na ako.
"Thank you so much, Mayor Sally Montero, for a wonderful and heartwarming message for the contestants and to the Escalantehanons. Now!" Biglang nag-ingay na naman ang mga taong nandito. Mas lamang ang sigawan ng mga estudyanteng katulad ko.
Nakakabingi at sumasakit ang ulo ko sa ingay. Hindi talaga ako mahilig sa mga ganitong klaseng pagtitipon, 'yong tipong maraming tao. Nahihiya kasi ako at madali akong mapagod. Hindi ko alam kung ganito na ba ako simula noong bata pa ako pero kinalakihan ko na ang ganitong ugali. Ewan ko ba.
Tahimik akong nanood ng kompetisyon. Kahit nakaka-excite at nakakakaba ang mga flyers ay hindi ko masabayan ang enerhiya ng mga estudyanteng katulad ko na ang lalakas sumigaw. Lalo na ng katabi kong si Zubby. Sobrang ingay niya at halos lahat ng nagpi-perform ay chini-cheer niya. Napapa-iling na nga lang ako. Parang nakalaklak si Zubby ng isang kahang energy drink sa sobrang hyper.
May anim na kalahok ang cheer dance competition ngayong taon. Apat galing sa public high school at dalawa galing sa private school. Panghuli ang eskuwelahan namin.
Nang tawagin na nga ang pangalan ng eskuwelahan namin ay masigabong sigawan ang dumagundong sa loob ng coliseum. Maraming nag-aaral sa eskuwelahan namin kasi ito nga ang national high school ng bayan namin. Pang-ilang beses ko ba dapat sabihin sa inyo?
"Oy si Fabio oh!" Kinalabit ako ni Zubby at itinuro pa kung saan banda nakapuwesto si Fabio na una ko nang nakita bago pa niya itinuro.
"Alam ko, Zubby, may mata ako," sagot ko sa kaniya dahilan para humaba ang kaniyang nguso.
"Oo nga pala, hindi ka nga pala bulag, manhid lang."
Hindi ko na pinansin ang pinagsasabi nitong si Zubby at itinoon na lang ang pansin sa mga schoolmates ko na nire-represent ang eskuwelahan namin.
At dahil nasa likuran kami ng coliseum, hindi ko makita nang harapan si Sia kaya sa puting tilon na lang ako nanood kasi nandoon din naman ang mukha ni Sia na malawak nang nakangiti sa lahat dala-dala ang pride ng aming eskuwelahan.
"Sa tingin mo, bakit shinota ni Breth Osmeña 'yang si Sia Encarquez na iyan?"
Bumalik sa pagiging kalmado ang paligid kaya narinig ko ng buo ang usapan ng dalawang babae na katabi ko mismo. Medyo nagbubulungan lang sila pero kahit ganoon, narinig ko pa rin ang sinabi ng babaeng katabi ko.
Iginalaw ko ang aking mata para maaninag silang dalawa. Alam kong wala silang alam kung ano ang koneksiyon ko kay Sia kaya hindi naman nila siguro mamasamain kung makikinig ako sa usapan nila.
"For sure girl na si Sia 'yong naglandi kay Breth. Ano bang makukuha ni Breth sa kaniya? Like duh, Breth can literally get the girl he wants. He can get a model, an actress, a high-maintenanced girl just like his cousins. So obviously, si Sia ang maraming makukuha sa kaniya. You know naman na well-known gold-digger 'yang si Sia Encarquez, a wannabe socialite in this city." Narinig kong sabi naman ng isa pang babae.
Hindi ko na napigilan ang sarili kong lingunin sila. Mukhang hindi nila napansin ang paglingon kong iyon kaya tahimik na lang akong nagbalik ng tingin sa mga nagsasayaw.
Gusto ko mang ipagtanggol si Sia sa iba, alam kong hindi rin naman nila ako pakikinggan. Sino ba naman ako para gawin 'yon?
"Ayla, panoorin mo naman si Fabio."
"Oo na, panonoorin na."
Hindi ko na pinansin ang dalawang babaeng katabi ko. Hindi ko na rin naman narinig na pinag-usapan nila ulit si Sia e, kaya natahimik na lang ako.
"Zub, pupuntahan ko lang si Sia ha? Babalik din ako."
Nang saktong natapos ang cheer dance team nina Sia mag-perform ay agad akong nagpaalam kay Zubby. Sumimangot ang kaniyang mukha.
"Sabi na julalay ka na naman, e. Balik ka ha?" Tumango ako sa sinabi niya at kahit nahihiya ay nilabanan ko ang sarili kong mag-excuse sa bawat taong madadaanan ko, makalabas lang ng coliseum na ito.
Nang tuluyang makalabas sa coliseum, nilabanan ko naman ang sarili kong lingunin ang tarpaulin na nakita ko kanina. Pero kahit anong gawin ko, napapalingon pa rin ako roon.
"Thank you talaga, Ayla. Hayaan mo, ililibre kita mamaya." Matapos makuha ang mga gamit na kailangan niya sa pansamantalang pamamahinga ng grupo nila ay nagpasalamat na siya sa akin na sinabayan niya pa ng pagkindat. Mukhang nagpapa-cute.
Pagak akong ngumiti sa kaniya. Walang choice kundi ang pumayag kaysa naman wala, 'di ba?
"Balik ka na sa loob, magkita na lang tayo after ng program. Hanapin mo lang ako ha?" Bilin niya bago kami naghiwalay ng landas.
Wala akong nagawa kundi ang tanguan ang bawat sinasabi niya.
Ngayon, sa pangatlong pagkakataon, madadaanan ko na naman ang tarpaulin kung saan nakapaskil ang kaniyang mukha.
Bakit nga ba hindi pa ako nasasanay? Tatlong taon ng Mayor ang kaniyang ama at sa tuwing may okasyon ang bayan namin palaging present ang kanilang pamilya at palagi ko siyang nakikita.
Hmm, tatlong taon na rin pala ang nakalilipas.
"Maj, tingnan mo si Vad oh, punyemas kulang na lang talaga ataul, e."
Kusang bumagal ang paglalakad ko nang may nakita akong dalawang tao na nakatingin sa tarpaulin na kanina'y tinitingnan ko.
"Teka sandali MJ, pi-picture-an ko," sabi naman no'ng isang lalaki at halatang natatawa rin katulad ng kasama niyang babae.
Pinagpatuloy ko ang paglalakad papasok sa loob at piniling 'wag nang alalahanin ang dalawang taong iyon.
"Before we announce the winners for this year's cheer dance competition, our coaches from the participating schools will give us a firing intermission number with the special participation of the three hall of famer cheer captains in the history of Escalante's Cheer Dance Competition: Pricess Blanco, Madonna Vaflor, and Krezian Saratobias. To be accompanied by the Princess of effortless dancing, MJ Osmeña!"
Kung posibleng masira ang isang gusali sa pamamagitan lang ng mga sigaw, baka kanina pa nag-collapse ang coliseum na ito. Nabibingi na nga ako, e. Masakit na sa tenga.
Kaniya-kaniyang sigaw silang lahat. Lalong natuwa sa handog na sayaw ng mga taong tinawag ng emcee. Pati nga ang katabi ko, grabe na 'yong sigaw. Pumalakpak na nga lang ako, baka matawag pa akong ingrata kapag may nakakita sa aking hindi man lang nakikisabay sa kasiyahan ng lahat. As if naman may nakatingin at may makakapansin sa akin.
Unang sumayaw ay 'yong mga coach ng mga cheer dancers. Habang sumasayaw ang mga coach, biglang pumuwesto si MJ Osmeña sa may bandang likuran, malapit sa puwesto namin.
"Hi, MJ Osmeña!" Bati ng mga taong malapit lang sa akin. Sinabayan pa ng kaway. 'Yong katabi ko rin, isinigaw na rin ang pangalan niya.
Lumingon siya sa likuran niya. Malawak siyang ngumiti. Masigasig na kumaway.
"Hello! Ako lang 'to ha? Hindi 'to artista, si MJ Osmeña lang 'to."
Halos magtawanan ang mga katabi ko dahil sa naging sagot niya. Muli siyang tumalikod sa amin at hinintay kung kailan siya papasok sa formation ng sayawan.
"Grabe talaga itong si MJ. Bakit kaya hindi siya sumali sa cheer dance team ng school nila? Magaling naman siyang sumayaw at saka nandoon naman 'yong kaibigan niya, 'yong cheer captain, 'yong amo ng Nanay mo, Ayla 'di ba?"
"Jessa Marañon."
"Oo, si Jessa nga."
Pinagmasdan ko ang bawat galaw ni MJ Osmeña. Pero sa pagtingin ko sa bawat galaw niya, lumampas ang tingin ko sa may bandang stage.
Kahit malayo, kahit hindi klaro, kapag alam na alam mo maski ang pigura ng katawan niya, makikilala at makikilala mo talaga siya. Kahit isawalang-bahala mo siya sa utak mo, kapag puso ang kusang nakaalala, wala kang magagawa.
Bago pa man lumalim ang aking pag-iisip, umiwas na lang ako agad.
Isang masigabong na palakpakan at sigawan ulit ang narinig ko mula sa mga taong nandito. Nagising ako sa katotohanan. Isang katotohanan na ang agwat naming dalawa ang dahilan kung bakit hanggang tingin na lang ako sa kaniya ngayon.
"Hala, sino kaya ang mananalo ngayon? Mukhang magaling silang lahat, ah."
Narinig ko na naman ang dalawang babae sa tabi ko na nag-usap.
"Ako, basta ang bet ko sa cheer captain si Jessa Marañon. 'Di hamak na mas magaling naman siya kaysa sa trying hard na si Sia 'no."
"Jessa is MJ's friend 'no, kaya nga magaling sumayaw kahit effortless. Nakita mo kanina si MJ? Ang super humble tapos kahit hindi niya tayo kilala pinapansin niya pa rin tayo."
Palitan sila ng kuro-kuro habang ako ay nakikinig lang sa mga ibinabatong salita nila.
Iba talaga kapag mayaman ano? Nabubulag nila ang ibang tao sa kanilang mukha na ipinapakita sa lahat. Basta mayaman, kahit pangit ang ugali, sasambahin pa rin nila.
Napabuntonghininga na lang ako at hindi na ulit pinansin ang pag-uusap ng dalawang katabi ko.
"Okay ka lang?" Tanong sa akin ni Zubby, mukhang napansin ang malalim kong hininga.
Nilingon ko siya at bahagyang ngumiti.
"Sa tingin mo, may chansang manalo si Sia sa cheer captain?" Biglang tanong ko sa kaniya.
Umiwas ng tingin si Zubby sa akin at biglang napaisip.
"Hmmm, personally, mas bet ko si Jessa kasi alam mo na, magaling talaga siya. Pero kailangan nating suportahan ang school natin, e, kaya kailangan manalo ni Sia!"
Kita niyo na, kahit nga kaibigan ko sinasabing mas magaling talaga si Jessa kaysa kay Sia.
Natapos ang cheer dance competition na itinanghal ang eskuwelahan namin na siyang champion pero bigong masungkit ni Sia ang parangal na best in cheer captain.
"Zub, puntahan muna natin si Sia, ibibigay ko lang itong bag niya," sabi ko kay Zubby nang matapos na ang kompetisyon at kaniya-kaniyang alis na ang mga taong nanood.
Umismid ang mukha ni Zubby.
"Ikaw na lang muna ang pumunta. Pupuntahan na lang kita kung nasaan si Sia, kakausapin ko muna 'yong pinsan mga ko. Tatawagan na lang kita at please sumagot ka ha?"
Bahagya akong ngumiti at tumango rin kalaunan kay Zubby bago naghiwalay ang landas naming dalawa.
Kahit ayoko sa mataong lugar, nakipagsiksikan ako para puntahan kung saan man banda ang grupo nila Sia. Kailangan ko rin kasing magmadali, baka hinahanap na niya ang bag niya.
Humahangos at ngayo'y punong-puno na ng pawis ang noo at ang likuran ko dahil sa sikip at init na naramdaman ko habang palabas, sinalubong ko ang nakasimangot na si Sia. Nakataas ang isang kilay at pinag-ekis pa ang dalawang kamay sa tapat ng kaniyang dibdib.
Kahit hingal na hingal pinilit kong ngumiti kay Sia kahit mababakas na sa mukha niya ang inis at ang mas malala pa, baka galit.
"P-Pasensiya ka na, natagalan kasi ako sa paglabas sa sobrang daming tao," agad na paghingi ko ng paumanhin nang magkaharapan na kaming dalawa.
Hinablot niya ang bag na bitbit ko. Wala akong nagawa kundi ang ibigay sa kaniya kahit na nagulat ako sa ginawa niya.
"Sana no'ng free pa lang ang entrance, lumabas ka na. Hindi 'yong saka ka lang lalabas kapag marami na ang nagsilabasan. Kanina pa ako naghihintay sa 'yo rito, muntik na rin akong maiwan ng mga kasamahan ko," pagmamaktol niya habang hinahalungkat ang laman ng bag niya.
"Pasensiya na talaga, Sia… Nga pala, ang galing mo kanina," pag-iiba ko sa usapan.
"Psh, kung magaling ako, em sana ako 'yong nanalo. Nang-iinsulto ka ba, Ayla?"
"H-Hindi naman 'yon ang ibig kong sa—"
"Whatever. Kung pupunta ka sa bahay mamaya, 'wag mo nang ituloy, wala kami. Sabi ni Papa sa labas kami kakain mamaya kaya wala kang aabutan doon."
At bigla na lang niya akong tinalikuran. Napabuntonghininga na lang ako at yumuko dahil kahit alam kong walang nakapansin sa inasta ni Sia sa akin, medyo nahiya pa rin ako.
Kinuha ko 'yong cellphone ko sa bulsa ng aking pantalon at tinitigan ang pangalan ni Zubby. Saktong tumatawag siya.
Pumihit ako patalikod para bumalik sa aking nilakaran at pipindutin na sana ang button ng accept call nang pagpihit ko ay bumunggo yata ako sa isang pader. Nabitiwan ko ang cellphone at mariing pumikit.
Aray.
"S-Sorry, hindi ko sinasadya," agad na hingi ko ng paumanhin sabay dampot ng cellphone ko.
Habang dinadampot ko ang cellphone ko, nakita ko ang dalawang pares ng sapatos sa harapan ko. Nang makuha ang cellphone, nag-angat ako ng tingin para tingnan ko sino 'yong nabunggo ko.
Isang pares ng seryosong mata agad ang bumungad sa akin. Mga matang kasing ganda ng ulap sa kalangitan.
"Halika na, Sonny." Nilingon ko ang lalaking tumawag sa kaniya saktong umakbay sa lalaking nakatitigan ko kanina. "Sa susunod, bata, titingin ka na sa nilakaran mo ha," dagdag na sabi ng lalaki at tuluyan na nga'ng kinaladkad 'yong lalaking nabunggo ko.
Sinundan ko ng tingin ang lalaking iyon at doon ko napansin na may buhok pala siya sa batok.
Ang bango niya. Ang laki ng katawan niya sa malapitan. Ang guwapo niya.
Siya 'yon, 'yong crush ni Zubby sa mga Lizares. Siya 'yon, hindi ako puwedeng magkamali.
At speaking of Zubby! Oo nga pala!
Agad kong inatupag ang cellphone ko at doon nga bumungad sa akin na mayroong maliit na crack ang screen ng cellphone ko. Touch screen 'yong cellphone ko pero ito 'yong pinakalumang model, nabili pa ng second hand, galing china pa ang tatak.
Napakamot na lang ako sa noo ko sa nakitang crack sa screen. Guwapo nga, hindi naman marunong humingi ng pasensiya. Mayaman nga, wala namang pakialam.
Saktong tumawag ulit si Zubby kaya bago sinagot, tiningnan ko muna ang dinaanan ko para makasigurong wala na akong makakasalamuha pa.
"Hello Zub," agad na bati ko nang sinagot ko na ang tawag niya.
"Nandito na ako sa may labas, halika na, kanina pa ako tumatawag sa 'yo."
"Oo, papunta na. Ang dami kasing tao kaya hindi ako makalusot."
"Oh sige, hihintayin kita rito."
Binaba na ni Zubby ang tawag kaya nakipagsapalaran ulit ako sa dagat ng tao. Hindi pa rin humuhupa ang mga nagsisilabasang tao mula sa loob. Sobrang dami kaya ang sakit sa ulo.
Pero 'yong kanina… 'yong lalaking kasama niya, 'yong tumawag sa akin ng bata… anak ng konsehal ng bayan namin. Justine Saratobias yata ang pangalan no'n.
Tinawag na nga akong bata, ako pa nasabihan na tumingin sa nilalakaran ko. Oo, may kasalanan ako roon kasi hindi ko inaalam kung may tao ba sa likuran ko pero malaki ang parte nila kasi sila ang nakaharap sa akin, mas una nilang malalaman kung may tao ba sa harapan nila.
O baka sa sobrang yaman nila, akala nila dapat lahat ng tao ay tatabi sa tuwing dadaan sila? Mayaman nga masama naman ang ugali. Kaya minsan kapag iniisip kong sana mayaman na lang ako, ipinapasok ko naman sa utak ko na masasama ang ugali ng mayaman kaya mas mabuti na sigurong naging ganito ang estado ko sa buhay, at least alam ko kung paano ang magpakumbaba.
Sinulyapan ko ulit ang cell phone kong may crack ang screen. Gumagana pa naman pero wala tayong magagawa, mayaman 'yong nakasagupa ko, e. Wala akong maaasahan do'n.
"Sa bahay ka na maghapunan ha? Para makasama ka sa amin mamaya, mag-party party tayo sa may rotonda," agad na sabi ni Zubby nang magkita na kami. Tumango na lang ako sa kaniya kasi alam ko namang hanggang gabi na itong gala kong ito. Walang chansang makauwi muna para magbihis. Para saan pa? Aksaya lang sa pamasahe 'yon.
"Zub, nakasalubong ko pala 'yong crush mo kanina," biglang sabi ko habang naglalakad kami palabas ng gate ng coliseum. Sobrang daming tao kasi at hindi kami makasakay ng pampasaherong traysikel tapos sobrang traffic pa kaya mukhang maglalakad kami papunta sa plaza nito. Malayo pa naman 'yon.
Naka-angkla ang kamay ni Zubby sa braso ko. Kasama namin 'yong ibang pinsan niya na hindi ko masiyadong pinapansin kasi hindi rin naman ako pinapansin pero mababait sila, promise.
"Oh? Sinong crush naman 'yon?"
"Lizares?" Hindi siguradong tanong ko. Nakalimutan ko kasi ang pangalan pero kilala ko ang mukha. Ikaw ba naman makita mo nang malapitan ang pagmumukha no'n.
"Oh?" Namilog ang bibig ni Zubby at pati na rin ang mata. Muntik pa nga siyang matigil sa paglalakad dahil sa gulat niya. "Si Sonny Lizares?" Tumango naman ako.
"Saan? Paano? Kailan? Anong nangyari?" Sunod-sunod na tanong niya.
Kinuha ko 'yong cell phone ko sa bulsa at ipinakita sa kaniya.
"Kita mo 'to?" Sabay turo sa crack. "Siya may gawa nito."
Ngumiwi ang mukha ni Zubby kaya ibinalik ko na lang ang cell phone sa bulsa at itinoon sa paglalakad ang atensiyon ko.
"Huh? Bakit naman? Ano bang ginawa niya?"
"Nabunggo ko kasi siya kaya nahulog 'yong cellphone ko at ayon na nga, nabasag," pagku-kuwento ko naman.
"Ha? Edi kasalanan mo?"
Sinasabi ko na nga ba.
Halos tampalin ko ang noo ko dahil sa sinabi ni Zubby.
"Pero ano 'yong sinabi mo? Nabunggo mo siya? Ano? Guwapo 'di ba? Mabango ba? Ano, Ayla, magkuwento ka naman kung ano! Siyempre 'di ba, nakita mo siya nang malapitan? May pores ba ang mukha niya? Ano? May tigyawat ba? Black heads, white heads, peklat, nunal? Ano, Ayla? Magkuwento ka!"
This time, tuluyan ko na talagang inihilamos ang palad ko sa mukha ko. Hindi makapaniwala sa mga pinagsasabi ni Zubby na halos hindi ko na maintindihan. Masiyado siyang excited at kinikilig na rin.
"'Wag 'yon, Zubby, masama ang ugali, masungit. Hindi man lang nag-sorry sa ginawa niya," sabi ko na lang kaya humupa ang excitement ni Zubby. Humaba ang kaniyang nguso at masama akong tiningnan.
"Alangan, kasalanan mo, e, kaya paano magso-sorry 'yon?" Sabi niya pa.
"Zubby... talaga?" Hindi makapaniwala sa naging sagot niya. "Mamili ka, ako o 'yong crush mo na 'yon?"
Mas lalong humaba ang nguso niya pero unti-unti rin siyang ngumisi sa akin.
"Ikaw na nga lang, marami naman akong crush, hindi lang siya," at ngayon ay malawak na ang ngiti niyang nagpatuloy sa paglalakad.
Napa-iling na lang ako at hindi na hinabaan ang aming pag-uusap.
'Yong bahay nina Zubby ay malapit sa plaza ng bayan. Kaya kung may palabas ang bayan namin tuwing pista at mga ganitong charter day at kung anu-ano pang okasyon, mas madaling nakakagala si Zubby. Minsan nga dito na rin ako natutulog kung pinipilit niya ako, pero ngayon, hindi ako puwedeng matulog sa kanila kasi kailangan kong umuwi ng bahay. Kahit Sabado bukas, may kailangan akong trabahuin sa bukid e.
"Ayla!"
Katatapos pa lang naming maghapunan nina Zubby kasama ang kaniyang pamilya ay may biglang pumasok na sa kanilang kusina.
"Magandang gabi po, Tito, Tita, Zubby, Zenna, Zarry." Matapos niyang tawagin ang pangalan ko, agad siyang nagmano sa mga magulang ni Zubby at binati na rin ang iba pang kapatid ni Zubby.
"Oh, Pab-Pab, mabuti at narito ka. Sasamahan mo ba sina Zubby at itong si Ayla gumala?" Matapos niyang magmano sa mga magulang ni Zubby ay agad siyang kinausap ni Tito Luis.
"Tito talaga… Fabio kasi Tito. Nakakahiya oh, nandito pa naman si Ayla."
"Ay sus! Batang Pab-Pab ka kaya Pab-Pab ang itatawag ko sa 'yo. Itong tatandaan mo, kahit ano pa ang pangalan mo, at kahit ano pa ang itawag ng tao sa 'yo ang pinaka-importante sa lahat ay kung ano ang tawag sa iyo ng taong mahal mo. Pab-Pab ka habang buhay," pangangaral ni Tito Luis sa kaniya.
Humagikhik si Zubby sa sinabi ng Papa niya, 'yong dalawa niyang kapatid ay bigla na lang nawala sa hapag-kainan, si Tita Gina naman ay napa-iling at agad nilapitan ang dalawa, ako naman ay gusto na ring matawa.
"Luis, pabayaan mo na 'yang si Fabio, nagbibinata na 'yan kaya dapat maganda rin ang pangalan niyan. Ang guwapong bata nitong si Fabio tapos Pab-Pab tawag mo?" Depensa naman ni Tita Gina sa pamangkin niyang si Fabio.
Nagpalipat-lipat lang sa kanila ang tingin ko. Ang saya nilang tingnan, kahit hindi naman mayaman ang pamilya ni Zubby, masaya naman sila at kontento sa buhay nila.
At oo po, kung hindi ko lang alam na mag-pinsan itong si Zubby at Fabio, matagal na akong naghihinala na gusto ni Zubby si Fabio. E, mag-pinsan sila kaya hindi ko masiyadong pinapansin kung bukambibig palagi ni Zubby si Fabio.
"Siya, siya, kahit ano pa 'yang pangalan mo, pamangkin pa rin kita," pagtatapos ni Tito Luis sa usapan. Tinapik niya ang balikat ni Fabio na nakangiti at tumayo na sa hapag-kainan.
Agad din akong tumayo para ligpitin ang pinagkainan namin, tutulungan ko lang si Tita Gina.
"Ay naku, Ayla, ako na rito, 'wag mo nang abalahin ang sarili mo. Mabuti pa at maghanda na kayo para makagala kayo, kanina pa excited itong si Zubby, e."
"Okay lang po, Tita, nakakahiya naman po," pagpupumilit ko pa.
"Hindi na, Ayla, sige na…" At mataman akong tiningnan ni Tita Gina.
Tumango na lang ako at hindi na nagpumilit pa na tulungan si Tita Gina.
"Hindi ka ba magbibihis, Ay? Wala ka bang dalang damit?"
Nasa kuwarto na kami ngayon ni Zubby dahil nagpasama siya sa akin. Magbibihis lang daw siya.
Umiling ako sa naging tanong ni Zubby.
"Hindi kasi ako nakadala ng extra'ng damit sa sobrang pagmamadali ko kanina."
Humaba ang nguso ni Zubby tapos ay tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa kahit na nakaupo lang naman ako sa kaniyang kama. Tapos ay inatupag niya ang kaniyang orocan at naghanap ng kung ano. Siguro naghahanap ng damit niya.
Iginala ko ang tingin ko sa maliit na kuwarto ni Zubby. Kasama niya 'yong kapatid niyang babae na si Zenna rito sa loob ng kuwarto. Double deck nga 'yong kama nila, e. Nasa ilalim si Zubby at nasa itaas naman 'yong kapatid niya. 'Yong bunso naman nila na si Zarry, sa kuwarto ng mga magulang nila natutulog.
Hindi ko kasi ma-describe ang bahay namin at ang sariling pamilya ko kaya ang buhay na lang ni Zubby, mas interesante kasi 'yon kaysa sa mismong buhay ko.
"Oh heto, isuot mo 'to." Matapos maghalungkat si Zubby sa kaniyang orocan, may bigla siyang inihagis sa akin na kung anong damit.
Kinuha ko iyon na saktong tumama sa may binti ko. Agad din akong napangiwi nang makita ang desinyo ng damit.
"Hindi na kailangan, Zub, okay na naman itong suot ko. At saka alam mo namang hindi ako nagsusuot ng ganiyang klaseng damit at saka ulit, baka hindi ko na masaoli 'yan," sabi ko sabay lapag sa damit sa kaniyang kama.
Sumimangot ang mukha ni Zubby. Isang sleeveless na damit kasi ang ibinigay ni Zubby, masiyadong lantad ang katawan kung susuotin ko 'yon kaya ayoko.
"O itong t-shirt na lang, oh. Hindi ko na masiyadong sinusuot 'to, sa 'yo na lang." May ibinigay na naman siyang panibagong t-shirt na kulay itim.
Napabuntonghininga na lang ako sa mga pinaggagagawa nitong si Zubby.
"Sige na nga, maraming salamat," sagot ko sabay kuha sa damit na ibinigay niya.
Sobrang bait ng pamilya ni Zubby, maski siya ang bait din. Kahit walang-wala na sila, nagagawa pa rin nilang tumulong sa isang katulad ko. Mga ganitong klaseng tao dapat 'yong pinagpapala, e, hindi 'yong mayayaman na sobrang sama ng ugali.
Hindi ko naman direktang pinatatamaan 'yong lalaking nakabangga ko kanina pero parang ganoon na nga.
Hindi rin nagtagal ang pagbibihis namin ni Zubby, agad din kaming umalis ng bahay nila kasama si Fabio na matiyagang naghintay sa amin.
Pupunta raw kami sa may rotonda, nandoon daw ang ibang tropa ni Fabio na makakasama namin. Pumayag na rin si Zubby dahil kilala naman niya 'yong mga tropang sinasabi ni Fabio. Ako lang 'yong hindi pero ano ang magagawa ko? Sila lang ang kasama ko. Kung ako nga lang ang masusunod, mas gusto kong gumala na lang sa plaza at manood no'ng palabas nila kaysa rito sa sayawan at party na sinasabi nila. Maraming lasing dito, baka nga may away pang maganap.
Sinarado ang buong rotonda dahil nilagyan ng malaking stage ang bandang gitna nito, may tutugtog daw na sikat na banda at iba pang banda. Nang makarating kami, may isang amateur band na tumutugtog sa stage. Iginala ko ang tingin ko sa mga taong nasa baba ng stage, nakikisayaw sila, nakikikanta sa mga tugtugin ng banda na OPM. Mga ganitong kanta ang gusto ko at madalas pakinggan sa cell phone ko. Mga lumang kanta ng mga OPM band.
Masayang-masaya ang lahat, lalo na ang mga taong nasa loob ng barikada. Mga espesyal na tao ng aming bayan, mga anak ng mayaman, mga anak ng pulitiko, mga may sinasabi sa lipunan. Ang barikadang nakapailigid sa kanila ay nagpapahiwatig na malayo nga ang agwat naming mga nasa labas ng barikada sa kanilang nasa loob.
At isa na siya sa nandoon.
Masayang-masaya kasama ang mga kaibigan niya. Ibang-iba sa Vad Montero na nakilala ko noon. Ibang-iba sa Vad Montero na una kong minahal noon.
Isa rin akong normal na babae. Normal na babaeng nag-aaral sa high school na mayroong taong hinahangaan. Sa kaso ko, ang unang taong hinangaan ko ay ang unang tao ring nagparamdam sa akin ng sakit.
Kasi sa lahat ng puwede kong magustuhan, ang bunsong anak pa ng aming Mayor. Malayong-malayo sa agwat ng aking buhay, malayong-malayo sa aking kinalalagyan. Langit at lupa, 'yan yata 'yong term nila sa mga ganitong klaseng situwasiyon.
Pinalis ko ang bumagsak na isang luha dahil sa iniisip at pasimpleng nag-iwas ng tingin. Masakit pa rin pala. Akala ko sa araw-araw na sinasabihan ko ang sarili kong mahirap, mamamanhid ako sa sakit.
Pero hanggang ngayon, sa tuwing nakikita ko siya, nadudurog pa rin ang bata kong puso.
~
Chapter 3 of Clouded Feelings (Tagalog) is here. Enjoy reading! 10.17.2020