Sineryoso naman ni Lin Che ang sinabi nito kaya nagsimula na siyang mag-rehearse ng script. Inaangat naman ni Gu Jingyu ang ulo maya't-maya para tumingin sa kanya pero kahit minsan, hindi man lang siya nito nilingon. Parang hindi siya nito nakikita.
Ipinatong ni Gu Jingyu ang baba sa kanyang kamay at sinuring mabuti si Lin Che.
Nang mapansin ni Lin Che na tumigil ito, itinaas niya ang kanyang ulo at nagtatakang nagtanong. "Senior Jingyu, ba't ka nakatingin sa'kin?"
"Pangit ba ako?" Tanong nito.
Nagulat naman si Lin Che sa tanong nito. "Ha? No way."
"So, bakit hindi mo man lang ako tinitingnan?"
Itinuro niya ang script. "Pero kailangan kong tumingin sa script..."
"So, totoo nga na hindi mo ako gusto. May nagawa ba ako na hindi mo nagustuhan?" Naisip ni Gu Jingyu sa kanyang sarili, mas nakakaakit ba ang script kaysa sa kanya?
Nagulantang naman na sumagot si Lin Che. "Imposible naman 'yun. Gustong-gusto nga kita, Senior Jingyu dahil ikaw ang role model ng industriyang ito. Katulad ng rumaragasang ilog na hindi tumitigil sa pagdaloy ang paggalang ko sa'yo."
"Kung totoo man 'yan, so simula bukas, kailangang lagi ka ng nakasunod at sasama sa'kin. Ipaghain mo ako ng tsaa, bigyan mo ako ng maiinom, gawan mo ako ng sabaw, at ipagluto mo ako ng pagkain."
"Huh?" Gulat na sabi ni Lin Che.
Sagot naman ni Gu Jingyu, "Hindi ba't yan dapat ang gagawin mo?"
"Pero kung gagawin ko ang lahat ng 'yan, hindi ba parang magpapaubaya na sa'kin ang iyong assistant?" Saad ni Lin che.
"Haha, so gagawin mo lang 'to alang-alang sa ibang tao?"
"Oo, oo naman. Kung hindi, talagang susundan na talaga kita palagi. Seryoso ako, Senior Jingyu."
"Oo na. Sige na. Naniniwala na ako sa'yo."
Agad naman siyang binigyan ng ngiti ni Lin Che.
Pinigilan naman siya ni Gu Jingyu. "tama na 'yan. Mas pumapangit kang tingnan kaysa kapag umiiyak ka."
Sa huli ay napasimangot nalang si Lin Che. Sa katagalan ng kanilang pag-uusap ay narealize niya na masaya naman pala itong kasama.
Iba si Gu Jingyu kompara sa sinasabi ng iba tungkol sa kanya. Hindi naman siya mahirap pakisamahan, kaya nagtataka siya kung bakit sinasabi ng mga entertainment reports na hindi nito gustong makipag-usap sa ibang tao, ayaw ng may ibang kasama, at mahirap daw intindihin ang ugali.
Para sa kanya, kagusto-gusto naman ang ugali nito.
Tumayo lang si Gu Jingyu dahil oras na para mag-film siya ulit.
Sinadya talaga nitong sabihin sa direktor na bakante siya ngayon, kaya't gusto niyang i-tape na rin ngayon ang dapat sana ay bukas pang scene nila ni Lin Che.
Wala namang elemento ng pag-ibig ang mga eksena nila ni Lin che; para lang silang matalik na magkaibigan. Pagkatapos ng ilang rehearsals, naging pamilyar agad sila sa kanilang mga linya kaya't mabilis nilang natapos ang shooting nang isang take lamang.
Pinuri naman ng director si Gu Jingyu. "Napakagaling talagang umarte ni Gu jingyu. Sa isang take lang ay natapos niya kaagad ang filming."
Matagal nang sanay si Gu Jingyu sa ganitong mga papuri. Kinuha niya mula sa kanyang assistant ang tubig at uminom nang marami. "Hindi naman. Sa tingin ko, nadala lang sa galing umarte ni Lin Che. Ang lakas ng aming connection kapag nagfi-film kami. Kaya masasabi kong okay naman siya."
Napatigil naman ang director na na kasalukuyan ay nasa gilid lang nila.
Pero, kaagad naman nitong kinausap si Lin Che, "Oo, siyempre naman. 'Yan nga ang nagustuhan namin sa kanya kaya siya ang kinuha namin. Kahit bago pa lang siya sa industriyang ito, hindi naman masama ang kanyang pag-arte. May potential talaga siya."
Nagpapasalamat namang tumingin si Lin Che kay Gu JIngyu. Masayang-masaya siya na makatanggap ng ganoong papuri kahit nagsisimula pa lang siyang makilala sa pagiging artista.
"Salamat, Senior Jingyu. Salamat po, direk." Mabilis na sinabi ni Lin Che.
"Bakit mo ako tinatawag na Senior Jingyu? Jingyu nalang ang itawag mo sa'kin."
Ngumiti lang si Lin Che kay Gu Jingyu. Mas lalo lang siyang naniwala na mabuting tao talaga ito.
Samantala, pilit namang inaalisa ng director sa likuran nila kung ano ba talaga ang nangyayari. Tiningnan nito si Lin Che nang makahulugan at inisip na napakaswerte talaga ng babaeng ito. Paanong nangyari na ang hindi-pwedeng-malapitan na si Gu Jingyu ay napakamaalalahanin kay Lin Che kahit hindi pa sila matagal na magkakilala?
Nang piliin niya ito, iyon ay dahil lang sa tingin niya na bagay dito ang role bilang ghost hunter. Napaka-refreshing nitong tingnan at hindi madaling kalimutan. Pero hindi niya inaasahan na magiging special ito sa paningin ni Gu Jingyu.
Nang matapos na silang mag-film, tumawag si Gu Jingze para tanungin siya kung nasaan siya.
Nalilitong tinanong niya ito, "Ano'ng kailangan mo?"
"Pupuntahan kita para sunduin ka."
Huminto muna saglit si Lin Che bago ibinigay ang address. Hindi niya ito inaasahan na pupunta para lang sunduin siya.
Dumating din naman kaagad ito.
Ngayon, ang gamit nitong kotse ay isang Bentley na hindi masyadong marangya ang kulay at mahahalata kaagad na pang-business ang gamit nito.
Pero, kapansin-pansin pa rin ng plate number nito: 12321.
Sumakay na siya sa sasakyan at nagtanong, "Anong naisip mo at sinundo mo ako ngayon?"
Tiningnan naman siya ni Gu Jingze. Katatapos pa lang ng kanilang filming kaya may make-up pa ang kanyang mukha. Para siyang isang water lotus na ubod nang ganda.
"Oh, gusto ka nga palang makita ng aking pamilya kaya pumunta ako dito para sunduin ka." Sabi nito habang iniiwas ang tingin.
Ah kaya pala, ani Lin Che sa isip niya.
Pero hindi na nito kailangan pang magpaliwanag nang ganoon kalinaw.
Umayos na kaagad siya ng upo. "Bakit naman bigla nila akong gusto makita? Okay lang ba talaga na pumunta ako ngayon?"
Sumagot naman si Gu Jingze. "Magkikita-kita din naman talaga kayo sa susunod. Ano naman ang ikinatatakot mo?"
"Paano kung hindi nila ako magustuhan?"
"Magugustuhan ka nila." Sabi nito habang nakatitig sa kanya.
Kahit sino, magugustuhan nila basta hindi si Mo Huiling, sa isip ni Gu Jingze.
Mas malaki ang mansiyon ng kanyang mga magulang kumpara sa mansiyon niya. Mukha itong pinagkabit-kabit na mga patyo kaya pakiramdam niya ay mahihilo na siya sa katitingin dito.
Tila baga napansin ni Gu Jingze ang kanyang pag-aalala, sinabi niya ito, "Hindi ka naman kakainin ng mga magulang ko. Relax ka lang."
"Ito ang unang beses na makakaharap ko ang aking mga biyenan. Kaya siyempre, kinakabahan talaga ako."
Ngumiti naman si Gu Jingze. "So, nakakaramdam ka din pala ng kaba. Bihira lang 'yan ah."
Tiningnan siya nito nang masama. "Siyempre naman. Sinabi ko na sa iyo na propesyonal ako. Dahil pumayag ako na maging asawa mo, gagawin ko talaga ang mga obligasyon ko. At isa sa mga obligasyong ito ang tiyakin na magugustuhan ako ng mga magulang mo."
Pagkatapos, nakita niyang nagbukas ang malaking metal na gate at lumabas ang isang butler para salubungin sila.
"Second Young Master, Young Madam." Buong galang na sinundan sila ng butler papasok sa loob. Habang nakatingin siya sa mahigpit na mga security sa loob, lalo lang kinabahan si Lin Che.
Moderno ang disenyo sa loob ng bahay at kumikintab ang mga sahig na gawa sa marmol. Bago pa man sila makagawa ng ilan pang hakbang ay may lumapit sa kanila na isang napaka-eleganteng ginang.
"Ikaw si Lin Che? Sa wakas ay nagkita na rin tayo. Itinago ka talagang mabuti ni Gu Jingze mula sa amin. Kung hindi, noon pa sana ako pumunta sa inyo para makita ka." Maingat nitong hinawakan ang kanyang kamay.
"Siya nga pala ang mama ko." ang pagpapakilala ni Gu Jingze mula sa likod.
Pagkarinig dito ni Lin Che ay agad siyang ngumiti. "Hello po, Mama."
Kaagad din namang ngumiti si Mu Wanqing nang marinig ang itinawag nito sa kanya. "Good, good. Good daughter-in-law. Tinawag mo agad akong Mama. Dahil diyan, bibigyan kita ng pulang sobre."
Pagkasabi niya nito ay mabilis na lumapit ang isang katulong at iniabot ang kanina-pa-nakahanda na pulang sobre.
Medyo nahiya si Lin Che at hindi alam kung ano ang gagawin. Sa tabi niya ay nakatayo lang si Gu Jingze at marahang tumango sa kanya.
Naisip niya na baka bahagi ito ng formality sa kanilang pamilya kaya ngumiti siya at sumagot. "Thank you po, Mama."
"Okay, okay. Halika, ipapakilala kita sa lahat."
Hinila ni Mu Wanqing palayo si Lin Che at ipinakilala siya sa isang matandang lalaki na mukhang kagalang-galang sa unang tingin pa lang. Sinabihan nito si Lin Che na tawagin itong 'Lolo'.
Sumunod naman si Lin Che at tinawag itong Lolo. Narinig niya rin si Gu Jingze na magalang itong tinawag na Lolo mula sa kanyang kabila.
At, nadagdagan na naman ang hawak niyang pulang sobre.
Tiningnan siya ni Gu Xiande. Bagama't unang pagkikita palang nila ito, tinitigan siya nito bago nasisiyahang tumango. "Magandang babae, nawa ay maging masaya ang pagsasama ninyo ni Gu Jingze."