webnovel

Chapter 2, part 1 : Dual dungeon incident

"Die!" Umalingawngaw ang malakas na tawanan sa loob ng dungeon. Kaagapay nito ay iyakang parang sa kinakatay na mga baboy. Makikita rin ang dugong nagsabuyan sa hangin, sa pader at sa sahig ng kwebang dungeon. Inakumpanyahan din ito ng maingay na paglagpak ng katawang malinis na nahati sa dalawa.

Dalawang walang-buhay na nilalang ang nakalapag sa malamig na sahig ng dungeon. Ang dalawang nilalang na may wangis sa mga tao ay may kulay berdeng mga balat.

Ang una'y nahati sa dalawa, pahalang. Ang isa nama'y nangangamoy uling matapos masunog ng isang fire type magic.

Ang mga nilalang na ito ay masyado nang pamilyar kay Clyde. Ang mga halimaw sa harapan niya ay kadalasang lumalabas sa mga mababang uri ng mga dungeons tulad kung saan sila naroroon ngayon --goblins. Ang mga goblins na ito ay kinikilala bilang ikalawa sa pinakamahinang mga nilalang, sunod lamang sa mga slimes.

Aroganteng mga hagikgikan ang kumawala sa mga bibig ni Crooked Nose at ng kasama.

Maigting na tinitigan ni Clyde ang likod ng mga ito.

Tila ba'y naramdaman nitong may nag-oobserba sa kanyang likuran, lumingon si Crooked Nose para lang mahuli niyang minamatyagan siya ni Clyde. Binigyan niya ito ng isang nakakalokong ngiti.

Yumuko si Clyde nang magtama ang kanilang mga mata.

"Duwag!" Mapanuyang komento ng guildmate ni Crooked Nose. Halatang nag-e-enjoy ito sa tono ng kanyang pananalita.

Hindi na lang 'yon pinansin ni Clyde.

Pinutol ni Crooked Nose ang tig-isang tenga ng dalawang pinatay nilang mga goblin. Katibayan 'yon sa bilang ng napaslang na mga kalaban sa loob ng dungeon. Ipapakita 'yon sa asusasyon at magiging basehan para sa dagdag na kitang matatanggap mula sa pag-clear ng isang dungeon.

Pati na rin sa puntos na ibibigay para sa mga hunter. Meron kasing ranggo ang mga hunter na minomonitor ng asusasyon base sa kanilang performance. Wala naman itong dagdag na insentibo mula sa asusasyon.

Kung meron mang benepisyong matatawag, ito siguro 'yung point system para sa mga hunters sa kanilang respective rank, at kapag mas malapit ka sa taas ng rankings, priority ka ng asusasyon patungkol sa mga dungeons na nababagay sa ranggo ng isang hunter.

Ang hunters' point system ay 'di naman ganun kaimportante. Maliban na lang sa isa, sa maalamat na mga hunter, na tinatawag nilang rank S hunters.

Ang pagkakaalam pa ni Clyde, may top rank S hunters talaga sa bansa. At may umuugong-ugong pang mga balita na meron din daw top hunters na ranked internationally. Sila raw yung recognized best hunters in the world.

Hindi naman alam ni Clyde kung totoo iyon. At wala s'yang pakialam dahil wala namang kinalaman sa kanya iyon bilang isang rank E hunter. Parang langit at lupa ang rank E at S hunters, kailanman ay hindi magtutugma.

Sinamantala ni Clyde ang paghinto nila upang makapag-inat. Inilibot n'ya rin ang mata sa paligid.

Nakita niya ang liwanag na nangangaling sa mangilan-ngilang mga sulo sa mabatong mga pader ng kweba.

Kung unang beses pa lang siguro ng isang baguhang hunter dito, malamang ay kabahan s'ya rito ng husto.

Masyadong limitado ang makikita sa paligid.

Isama mo pa ang masangsang na amoy mula sa mga patay na goblins. Maging ang kanilang mga suot na manilaw-nilaw na lampin na ang tanging natatabingan lang ay ang maselang parte ng katawan, at talaga namang ito'y mapanghi.

Marami ring magkakatabing mga daan dito. Makikitid at maari pang pagtaguan ng mga goblins para sa isang ambush.

Maging si Clyde na beterano na, kahit isa lang s'yang rank E hunter ay medyo tensyonado pa rin.

Kahit pa sabihin mong pinakamababang klase ito ng dungeon, isang class D. Ang isang dungeon ay isa pa ring dungeon kahit gaano pa kahina. Nakadesenyo ito upang kumitil ng buhay.

Lahat ng dungeons ay merong nakakapangilabot na enerhiya sa kapaligiran na mararamdaman ng sinumang hunter. Para bang ramdam mo rito yung amoy ng kamatayan. Kahit malinis pa ang dinadaan mo. Malalaman mo instinctively na maraming namatay sa lugar na 'yon.

Ganon lahat ng dungeons.

Kaya lahat ng hunter ay dapat palaging alisto sa loob ng isang dungeon, kasi sa isang iglap, isang pagkakamali ay maaaring mawala ang isang buhay.

"Let's continue." utos ni Crooked Nose. Marahan silang naglakad ulit sapagkat mapanglaw ang ilaw sa kweba.

Bilang pinakamalakas sa mga kasali sa raid at sa pagiging miyembro niya ng isa sa tatlong pinakamalakas na guilds sa bansa, agad umaktong pinuno si Crooked Nose.

Walang umangal dito, maging si Clyde.

Hindi naman iyon big deal kay Clyde.

Maaaring sabihin ng iba na karuwagan ang pinaiiral ni Clyde kapag nasaksihan nila 'yong nangyari sa pagitan ng dalawa.

Pero iba ang nasa isip ni Clyde.

Matapos kasing magsulputan ng mga dungeons at nagkaroon ng kapangyarihan ang mga piling tao bilang mga hunters, maraming naganap na pagbabago sa kalakaran ng mundo.

Ang batas ng pamahalaan na nirebisa ng apat na major powers ng bansa ay mukhang matagumpay sa mga mata ng normal na mga mamamayan, subalit ang katotohanan ay hindi tulad ng inaasahan.

Ang katotohanan ay ang batas ay bahagya lang napipigilan ang kaguluhan na kahit anumang oras ay maaaring sumiklab.

Sa pagkakamit ng sangkatauhan nang kapangyarihan sa anyo ng mga hunters, tinaas nito ang kapasidad ng mga tao para protektahan ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ngunit sa parehas na dahilan, binigyan din nito ng pakpak ang kasamaan at kriminalidad.

Primerang halimbawa ng garapalang paniniil ng walang bahid hiya o takot ay ginagawa ng mga evil guilds.

Pinangungunahan ito ng pinakamalakas na evil guild --Dark Resurgence.

Oo, tama ang narinig mo. Dark Resurgence --kung saan nabibilang si Crooked Nose. Maaaring hindi siya isa sa mga importanteng miyembro nito, pero ang guild nila ay notorious sa kanilang nagkakaisang kabuktutan.

Ang prinsipyo ng Dark Resurgence ay, "Kapag may nanakit sa isa sa atin, babalikan natin ang taong yon para sa ating pamilya."

Ang kanilang prinsipyo ay masasabi mo naman talagang cool sapagkat tinuturing nilang pamilya ang kanilang mga ka-guild. Nagtutulong-tulong din sila kapag nag-agrabyado ang isa sa kanila.

Sa kasamaang-palad pulos kasamaan ang kanilang ginagawa.

Normal lang talagang na lumaban sa kanila ang iba bilang pagdepensa.

Sila ay isang wala sa katwirang samahan.

Sila ay maihahalintulad sa bungkos ng mga hyena. Mga tuso at manlilinlang na langkay, na kung sumugod ay palaging bilang isang kawan.

Datapwat hindi patas, ang alliance ay napwersang magbulag-bulagan sa mga evil guilds hindi lang dahil sa malaking pinsalang idudulot ng kaguluhang dala nito sa bansa. Kasama pa nito ang mga magagandang benipisyong maaaring mawala kapag nilupig ang mga evil guilds. Isa na rito ang proteksyong binibigay nila rin para sa bansa.

Tumutulong sila sa pagkitil sa mga halimaw mula sa dungeon outbreaks. Idagdag mo ang bigay nilang proteksyon sa sariling bansa.

May mga kaso kasing ang ibang bansa ay sinasamantala ang civil war ng mga hunters sa isa pang bansa para sakupin ito matapos ang giyera kung kelan sila mahina.

-

"Huwag mo silang intindihin. Okay lang 'yan. Malakas kasi ang backer nila. Hm! Kaya sobrang yayabang nila. Sobrang feeling nila. Akala pa yata nila pwede na nilang gawin ang lahat ng gusto nila." Ihinilig ni Clyde ang ulo niya sa dikesyon kung saan niya narinig yung nakakakalmang tipo ng boses.

Tanging hangin lang ang nakita niya roon?

Kaya naman naisipan niyang i-adjust ang kanyang paningin.

Sa baba.

Doon nasilayan n'ya ang isang masiglang ngiti ng isang babaeng sinusubukan s'yang aluin. Siya yung healer sa dungeon raid na ito.

Noong mas masinsinan niyang inobserbahan ang babae, ang agad niyang napansin ay ang kanyang mukha.

Huwag niyo s'yang pag-isipan ng mali. Hindi siya interesado sa babae. Meron kasing bagay na nakakaagaw atensyon sa kanya. May kinalaman yun sa edad niya. Napansin n'ya 'yon sa labas pa lang ng dungeon na umabot pa sa puntong nanliit ang mga mata ni Clyde.

Kailanman hindi nag-eeffort si Clyde na makihalubilo sa mga pansamantalang kasama sa party.

Kaya it is a first para sa kanya. First time na may isang hunter na nag-aksaya ng oras niya sa isang katulad na basura ni Clyde, tulad nga nang kine-claim ng mga hunters.

Hanggang ngayon may duda pa rin si Clyde kung dapat ba talagang makapasok ang babaeng hunter na ito sa mga dungeons.

Wala sa malay na pinasadahan niya ng tingin ito mula ulo hanggang paa.

Pero, it hit him! Nang marinig niya 'yong pekeng pag-ubo, na sinundan pa nang mahinang paghagikgik ng babae. Nag-init ang mukha niya.

Na-realize niyang medyo may kabastusan ang kanyang inasal. Siya naman ngayon ang napaubo ng wala sa oras.

Ang pinag-aalala niya ay ma-misinterpret iyon ng babae.

Na baka isipin niyang binabastos siya ni Clyde. Na imbes na magpasalamat, ang ganti niya rito ay kamanyakan. Pero hindi naman talaga.

Kasunod noon ay serye ng hagikgik mula rito.

"Nagba-blush s'ya! Nagba-blush s'ya! Ang cute!" Pero ang mga mata niya ay walang bahid pagbibiro.

Hindi makapagsalita.

Napagtanto ni Clyde na ang kinatatakot niya ay nagkakatotoo na. Napakamot na lang siya sa ulo.

"Huwag kang mahiya. Sanay na naman ako. After all, may mga lalaki talaga into minors. Ano nga tawag nila do'n? Lolicon?" Ang mga kilay ng babaeng hunter ay nakakunot. Ang boses n'ya ay may bahid iritasyon.

"Argh! Hindi ganon 'yon." Paliwanag ng ating bida. In-extend ni Clyde ang kamay niya sa babae na maliksi nitong iniwasan. May pagdududang tiningnan siya ng babae. Napaangil s'ya sa inis.

"Sinubukan mo ba akong hipuan ngayon lang?" Ang mukha ng babae ay may ekspresyon na tila di makapaniwala. Nangingilid pa ang mga luha.

"Hindi!" Pasigaw at matinding pagtanggi ni Clyde sa akusasyon. Medyo nag-uumpisa na siyang mag-panic.

"Rachel tigilan mo na 'yan. Pahirap talaga sa'kin 'yang hobby mo." Isang hindi pamilyar na tinig ang naulinigan ni Clyde. Tiningan niya ang babaeng papalapit. Ang babaeng ito ay ibang-iba sa healer, kay Rachel. Ang isang ito ay may malakas na pangangatawan sa unang tingin pa lang. Dagdag mo pa ang matitigas na mga kilos.

Tiningnan niya ito ng may pasasalamat. Nakasuot ito ng itim na breastplate. May hawak siyang maso sa isang kamay. Sa kabila naman ay isang bilog na pananggalang.

Ang tank ng party.

"A-a-anong pinagsasasabi mo Gen?" Nabubulol na tanong ni Rachel.

"Talaga ba, Rachel? Tigil na. Nasa dungeon tayo ngayon. Tigilan mo muna 'yang trip mo kahit dito lang. Maaring maka-distract ka ng isang miyembro. Na maaaring makapatay sa'ting lahat." Malamig na sabi ni Gen, ang party tank. Matalim n'yang tiningnan si Rachel.

Nalilitong nagpabalik-balik ang tingin ni Clyde sa dalawa. Ang kanyang bibig ay bahagyang nakaawang.

Pumalatak si Rachel. Muling humarap kay Clyde ng may komplikado ng ekspresyon ang mukha.

"I am sorry, okay? Hindi ko lang talaga mapigilan. Nang tiningnan mo ko mula ulo hanggang paa, nainis na ako. Nakita ko na 'yong mga tingin na 'yon maraming beses na. Ano naman kung maliit ako? Ano naman kung mukha akong bata? Na maliit? So ano? Lalaban ka ba? Hay! I apologize? Okay na ba?" Namangha siya sa tulin nitong magsalita. Pati na ang bilis ng papalit-palit n'ya ekspresyon. Maging ang mga eksahiradong pagkilos.

At huli ang kanyang paiba-ibang emosyon.

Mula sa nagpapaawang itsura hanggang sa naiinis ng mukha, ang malungkot at bagsak balikan na itsura n'ya habang hawak ang non-existent breasts. Na tinapos n'ya na parang inosenteng tuta. Nanlalaki ang mata at naghihintay ng sagot.

Hindi napigilang mapahagalpak ni Clyde.

"That's quite cute!" Sikreto n'yang papuri. Paano naman siya magagalit, sa mga pinakita nito ay natuwa pa nga s'ya.

"Sige na! Sige na!" Pagtanggap niya sa paghingi nito ng tawad, habang hinahabol ang hininga dahil sa paghagalpak sa tawa.

"Thank you oppa!" masiglang sagot ni Rachel. Kinagat pa nito ang kanyang labi at dinilaan.

"FBI is watching you!" Pahabol pa nito.

Napailing na lang si Clyde.

Sa kanyang encounter kay Rachel meron siyang bagong natutunan. Naiba ang pananaw n'ya sa mga healers. Ang misconception kasi n'ya bago ang pagtatagpo, inosente ang lahat ng healer.

Sa kaso ni Rachel, mukha lang s'yang inosente at mahinhin. Pero kapag nakasalamuha mo na s'ya, doon mo madidiskubreng siya ay isang taong galawgaw at puro kalokohan ang alam.

Ngayon hindi na s'ya magugulat kung ang isang tank type na hunter ay hindi matapang at kalmante.

"Ako na ang humihingi ng dispensa para sa kanya. Minsan talaga sumusumpong yung kakulitan n'ya. Pero wala s'yang masamang intensyon, I assure you." Nilapitan siya ni Gen para muling ihingi ng tawad ang kaibigan.

"Tulad ng sinabi ko sa kanya kanina, tinanggap ko na yung sorry n'ya." Tinapunan n'ya ng kumplikadong tingin si Gen.

Napansin iyon ng babaeng tank. "Bakit ganyan ka makatingin?" tanong ni Gen.

"Alam mo ba, ikaw at ang kaibigan mo, ang weird n'yo." saad ni Clyde na may pilit na tawa.

"Huh?" Napamaang si Gen, mukhang nalito.

"Ang ibig kong sabihin, narinig n'yo naman kanina di ba? Ako 'yon. Yung pinakamahinang hunter. Hindi ba dapat hamakin, pandirian n'yo ko? Iwasan parang isang nakakahawang sakit?" Pa-cool na tanong pa ni Clyde. Ngunit sa totoo lang, sa loob n'ya, mas higit s'yang kinakabahan kesa sa pagtungtong sa isang dungeon.

"Dapat ganun gawin ko? Sundin ang ginagawa ng karamihan kahit alam kong hindi naman tama? Hindi ako ganung klaseng tao. Susundin ko kung ano sa tingin ko ang tama. At sigurado akong ganun din s'ya." Paliwanag ng babae.

"Tama si Rachel. Huwag mong masyadong intindihin yung dalawa." Dagdag pa nito.

"Alam kong medyo late na. For formalities sake, ako nga pala si Clyde." Ihinaya ni Clyde ang kanang kamay n'ya, na agad namang pinaunlakan ng babae para sa isang handshake.

"Ako naman si Gen. No affiliation kahit sa anumang guild. Well, parehas kami." kibit-balikat niyang pagpapakilala.

"Bakit?" tanong ni Clyde.

"Masyadong maraming rules na kailangan sundin at masyadong strict. Walang kalayaan." sagot nito.

"Ikaw?" balik tanong ni Gen.

"Hindi ako miyembro ng anumang guild. With my reputation, hindi na kataka-takang maging guildless ako."

sagot ni Clyde.

Nagkibit-balikat lang si Gen.

Nagpatuloy ang pag-eexplore ng guild.

.....

"Nandito na tayo!" Anunsyo ni Crooked Nose.

Sa harap nila ay isang lumang gate na gawa sa kahoy. Kita mula sa labas ng gate ang maraming goblin, sa tapat ng gate. Sa gitna nito at may nakakapukaw atensyong tronong kahoy. Nakaupo ito doon.

Kakaiba iyon sa lahat ng nakasagupa nila hanggang ngayon.

Malaki ito. Ang isang ito ay matipuno, hindi tulad ng iba. Ang mga normal na goblins ay may pangangatawang pambata. Samantalang ang isang ito'y merong nakaka-intimidate na enerhiya sa paligid n'ya na ramdam hanggang sa labas ng gate.

Ito ang goblin king.

Napalunok si Clyde.

Sa wakas, napansin rin nito ang pagdating nila Clyde. Inalerto n'ya ang lahat ng mga goblin na kasama.

Binuksan ni Gen ang gate bago pa makalapit ang mga goblins dito. Habang binubukas ni Gen ang gate, nagtsa-chant na ng incantation ang fire type mage ng party.

"Naku po. Eto na naman po tayo." Bulong ni Clyde sa sarili ng hindi nawawala ang pagtitig sa malaking goblin na dahan-dahang tumatayo sa pagkakaupo. Dinampot pa nito ang isang bilugan maso na punong-puno ng mga tulis sa pinakaulo.

Isinigaw nitong goblin king ang kanyang battlecry, hudyat ng labanan. Ang mga dahan-dahan naglalakad kaninang mga goblin ay humahangos ng sumusugod kina Clyde.

Saktong natapos ang incantation ng mage. Pinakawalan nito ang isang fireball sa nagkukumpulang mga goblins na sumusugod sa kanila.

Kasabay ng pagtama ng fireball sa mahigit sampung goblins na agad kumitil sa mga ito, yun namang pagpasok ng lima sa kwarto ng boss. Sa kwarto ng goblin king.

Matuling pinasadahan ni Clyde ng tingin ang kanyang paligid. Napapaligiran na sila ng mga goblin. Sa kanan, sa kaliwa at sa harap.

Base sa nakita n'ya. Sa estima n'ya, naglalaro ang bilang nila sa mahigit kumulang limampu, kasama na ang mahigit sa sampung napatay ng surprise attack gamit ang fireball.

"Formation!" utos ni Crooked Nose.

Pumunta sa harapan sina Gen at Crooked Nose. Sa likurang nila naman ang guildmate ni Crooked Nose na isang mage. Si Clyde at si Rachel naman ay sa likuran ng mage.

Sa kaliwa si Gen at Clyde. Samantalang si Crooked Nose at Rachel ay sa kanan.

Kumbaga ang formation nila ay sa porma ng isang square. At sa pinakagitna ng square nakapesto ang mage. Siya ang naka-assign na maging pangunahing tagapinsala sa kwartong ito base sa napagplanuhan kanina.

Dahil kabisado na nga ng party ang komposisyon ng mga halimaw sa isang final boss room ng isang goblin dungeon, napagkasunduan nilang ang mage ang pinakaepektibong panlaban sa marami-maraming tauhan ng goblin king.

Ang pangunahing trabaho rito ni Clyde ay ang protektahan ang healer. Ang ikalawang trabaho niya naman ay pagtulong sa pagpatay sa mga tauhang goblin sa kaliwa.

Nag-umpisa na nga ang labanan. Pumosisyon sila malapit lang sa gate ng boss room. Para masiguro nilang may tatakasan sila kung sakaling magkaaberya. Upang 'di rin nila intindihin ang mga atake mula sa blindspots.

Sabay-sabay halos sumugod ang kalahati ng mga goblin sa kanila. Ang sa harapan ay kinailangan pang iwasan ang mga nasusunog pang goblins.

"Yung isa d'yan. Siguraduhin mong hindi ka magpapabigat." Pasaring pa ni Crooked Nose kay Clyde.

"Ron! Siguraduhin mong hindi makakalapit ng husto yung mga goblins. Pero mas priority nating hindi makalapit ng husto ang goblin king hangga't hindi pa nauubos ang mga tauhan niya. I-focusfire mo ang goblin king kapag nakapasok s'ya sa formation natin." utos nito sa guildmate niyang si Ron.

"Alam ko Lando." sagot ni Ron, ang fire mage. Kasabay noon ang pag-chant niya ng incantation ng fire magic.

"Tank sa'yo lahat ng nasa kaliwa. Kami na ang bahala sa goblin king." paalala ni Crooked Nose kay Gen.

"Oo." maikling sagot ni Gen.

"Healer, be wise sa gamit ng heal. Kapag hindi pa naman makakasagabal sa laban ang injury, ireserba mo muna ang heal mo. Sa mga crucial na pagkakataon mo gamitin 'yon, maliwanag?" Dikta niya kay Rachel.

"Oo na. Whatever." sagot ni Rachel.

Binangga ni Gen gamit ang kanyang shield ang grupong dumating mula sa kaliwa kasabay ang paghampas ng maso niya sa ilan doon.

Si Crooked Nose naman ay panay wasiwas ng kanyang espada sa mga nagdadatingang kalaban sa harap. Hindi lubos na masundan ng mata ni Clyde ang espada nito. Ang alam n'ya lang, kada galaw ng espada, dalawa hanggang tatlong goblin ang nawawalan ng buhay.

Si Clyde ay nakaantabay kay Gen. Naghihintay ng lulusot sa depensa nito habang pasulyap-sulyap din sa kalagayan ng lahat. Sakto niya namang nakita ang pagbato ni Ron ng fireball sa mga goblin sa kanan.

Naghihiyawan sa sakit ang mga natamaan ng fireball. Yun 'yong mga pinalad na mabuhay pa kahit tinamaan na ng atake. Ang mga minalas ay tustado na ngayon at wala ng buhay.

Si Rachel ay nakaantabay din sa buong labanan ng walang kurap. Seryosong naghihintay para sa pagkakataong sumuporta. Malayo ito sa normal niyang ugaling puro pagbibiro.

Unti-unting dumarami ang mga bangkay sa paligid nila Clyde. Palagay n'ya mahigit dalawampu ang mga namatay nang goblin.

Habang nangyayari ang labanan, ang goblin king ay marahan lamang naglalakad tungo sa kanila. Na para bang walang kinalaman ang mga nangyayari sa paligid niya. Ito ay masyadong palagay. Masyadong relax.

May isang nakalusot sa depensa ni Gen. Agad 'tong sinalubong ni Clyde.

Winasiwas niya ang espada niya na may intensyong biyakin ang ulo ng goblin.

Isang matining na tunog ang narinig ni Clyde. Tunog ng nagkikiskisang bakal.

Napapalatak siya. Nasalag kasi ito ng goblin gamit ang isang kutsilyo.

Mas tinulinan pa niya ang kanyang mga atake.

Sagal dito. Salag doon ang goblin.

Mabibigat at matutulin na atakeng walang pag-aalinlangan ang pinakakawalan ni Clyde sa goblin. Matapos magdaan ng ilang malalakas at brutal na mga atake, nag-umpisa ng mapagod ang goblin.

Unti-unti nang dumadaplis ang mga atake n'ya sa katawan ng goblin. Napagod na ito sa pagdepensa sa mga atake ni Clyde. Hanggang sa naputol n'ya ang kamay nitong goblin na humahawak sa kutsilyo. Umungol ito sa sakit sa pagkaputol ng kanyang kamay. Nalaglag ang kutsilyo nito.

Sinamantala ni Clyde ang nararamdaman nitong sakit.

Ang espada ni Clyde ay matulin niyang iwinasiwas sa ulo ng goblin.

Naputol ang bahagi ng ulo ng goblin, pahalang, pakaliwa. Umaagos ang berdeng dugo nito mula sa bukas na ulo. Kita ang malambot na utak at mga laman sa ulo ng nilalang.

Matapos noon ay naghahabol na rin si Clyde ng hininga. Binigay niya rin kasi ang lahat sa laban na 'yon.

Matulin n'yang pinasadahan ang labanan habang namamahinga sa laban.

Sakto sa pagtingin n'ya sa harapan, naramdaman n'ya ang presensya noon. Alam n'yang papalapit iyon pero hindi n'ya ito makita.

Nalaman n'ya na lang kung nasaan iyon ng ito ay nakasagupa na ng umaatras na si Crooked Nose. Nagmula sa taas ang atake ng goblin king. Umatake ito sa ere gamit ang bilugang masong punong-puno ng tulis, sa tapat ng walang kamalay-malay na si Ron na agad sinalag ni Crooked Nose gamit ang kanyang espada.

Bumaon ang mga paa ni Crooked Nose sa lupa sa atakeng iyon. Nagtilansikan ang mga nabitak na lupa sa kinatatayuan ni Crooked Nose.

Bagamat ito'y napakalakas na atake, matagumpay naman itong napigilan ni Crooked Nose.

Sa pagbaon ng paa ni Crooked Nose sa lupa, doon pa lang napansin ng fire mage ang kanyang muntikan ng pagkamatay. Pero dahil may tiwala ito sa kasama, tinuloy n'ya ang naantalang pag-atake sa kanang bahagi ng kwarto. Matapos noon ay nag-umpisa s'ya ng bagong incantation.

Napansin ni Clyde na liban sa pagiging pagkakahawig ng goblin king sa mga goblin, wala na silang pagkakatulad pa.

Ang goblin king ay kasintangkad ni Crooked Nose na mahigit dalawang metro ang laki. Malayo sa normal na height ng mga goblin, na parang sa mga bata lamang.

Matipuno rin ang goblin king. Malayo sa normal na pangangatawan ng mga goblin, napakapapayat.

Kataka-taka rin ang bilis nito para sa ganung pangangatawan. Nagagawa nitong makipagsabayan kay Crooked Nose na isang rank C hunter.

Nang mapansin ni Gen ang pagdating ng goblin king, matulin siyang nag-adjust sa formation. Umabante s'ya ng konti para masakop n'ya na rin ang mga atake mula sa harap ng mga goblin.

Si Clyde ay bahagya ring umabante para lumaban sa dalawang goblin na nakalusot mula kay Gen sa kaliwa.

Mabilis niyang iwinasiwas ang kanyang espada sa dalawang goblin na papasugod sa nakatalikod na si Ron. Umatras ang dalawa. Agad na pumusisyon si Clyde sa likuran ni Ron para harangan ang dalawa.

Galit na umungol sa kanya ang dalawang goblin at sabay sumugod na parehong may hawak na espada. Nag-espadahan sila. Dalawa laban sa isa.

Matapos ang incantation, maagap na pinakawalan ni Ron ang isang bagong fire magic sa mga nasa kanang goblin. Firewall, isang uri ng defensive fire magic. Isa ito sa mga basic spells kasama ng fireball na kadalasang ginagamit ng mga low-tier fire magicians.

Ngunit karamihan sa mga fire mages ay ginagamit ang firewall bilang offensive magic. At ganun din ini-utilize ni Ron ang kanyang firewall. Pinatama n'ya mismo ito sa mga pinakamalapit na nakahilerang goblin.

Ang ganoong uri ng pag-utilize sa firewall ay mas maraming layunin. Una na rito ang pagpaslang sa mga kalaban. Ikalawa, ang fire wall ay mananatili sa lugar kung saan ito ginamit bilang pader na apoy ng ilang sandali. Binibigyan nito ng proteksyon ang mage para hindi malapitan ng mga kalaban. Ikatlo, binibigyan nito ng oras upang saglit na mamahinga ang mage at makapag-isip na rin sa susunod na igagalaw. Ikaapat at huli, sinisindak nito ang mga kalaban, para magdalawang isip ang mga ito kung aabante sila o hindi. Di kasi katulad ng fireball ang firewall. Ang fireball ay makikitang nabubuo sa tapat ng mage, madaling iwasan. Samantalang ang fire wall ay bigla na lang lalabas sa lupa kung saan iyon napagplanuhang itira ng mage sa huling sandali.

Pero kailangan ng matinding ensayo upang magawa ng maayos ang ganitong uri ng utilization. Timing at placement, 'yan ang pangunahing dapat isaalang-alang sa paggamit ng offensive-minded fire wall. Dahil sa oras na mali ang pagkakalapag ng fire mage sa fire wall, maaari niyang ikamatay 'yon kung wala siyang kasamang sasalag sa mga atake ng nakalusot na mga kalaban.

Tulad na rin sa sitwasyon ngayon, meron nga siyang kasama pero wala itong panahon para tulungan s'ya, sapagkat lahat ay okupado sa mga kalaban nila.

Matapos ang paggamit ng fire wall, agad humarap si Ron sa kinalalagyan nila Lando o mas kilala sa tawag na Crooked Nose. Tinawag n'ya ang atensyon ni Crooked Nose matapos maihanda ang isang panibagong firewall.

Walang tanong-tanong na umatras si Crooked Nose matapos sipain sa tiyan ang goblin king.

Sakto sa katawan ng goblin king ang firewall. Humiyaw ito ng pagkalakas sa nadaramang sakit sa pagkakasunog n'ya.

Matulin itong gumulong palayo sa party nila Clyde. Agad nagsihawan ang mga goblin para paraanin ang nasusunog na pinuno. Hinarangan nila ito matapos makaraan at mas naging matindi ang opensiba bilang proteksyon sa pinuno.

Samantalang si Clyde, habang nangyayari 'yon, ay matinding nakikipagsagupaan pa rin sa dalawang goblin. Isang malaking wasiwas ng espada ang kanyang pinakawalan. At isa 'yong pagkakamali. Sinamantala ng dalawa ang malaking galaw na 'yon para makapasok sa kanilang attacking range. Ginamit ng dalawa ang kanilang espada patusok sa katawan ni Clyde. Nang nakita 'yon ni Clyde, subalit nagdadalawang-isip, minabuti niyang mas tulinan ang sariling atake dahil hindi n'ya naman maiiwasan ang mga atake ng kalaban.

Inabante nya ang kanang paa. Ang kaliwa ay sinugurado n'yang nakalapat para tumatag ang kanyang balanse. Binaluktot niya ang kanang tuhod para mabago nya ang angulo ng atake.

Sa tulin ng kanyang pag-atake, hindi n'ya lubos nakita ang kalagayan ng kanyang mga kalaban dahil pumaling ang katawan niya sa kanan. Kasabay noon naramdaman n'ya naman ang dalawang bagay na nahiwa ng kanyang espada na tila ba mga papel lang, na ipinagpalagay n'yang mga goblin. Pero kasabay noon ay naramdaman n'ya rin ang matinding sakit mula sa kanyang likuran at kanang tagiliran.

Nakita n'ya rin ang tulala sa takot na mukha ni Rachel habang nakatingin sa kanya kung saan s'ya nakaharap. Kung paano nito itinaas ang mga kamay nang ito'y nahimasmasan tungo sa kanya. Napapikit s'ya sa nakakasilaw na liwanag mula sa kamay ni Rachel.

Hinugot n'ya ang nakabaong espada sa likod ng kaliwang hita at tinapon papalayo sa sarili. Matapos noon ay muli s'yang humarap kung saan naroroon ang mga goblin na kanyang napaslang. Nang ibuka n'ya ang kanyang mata ay nalukot ang mukha n'ya sa takot. Sa harap n'ya ay isang espadang pabagsak sa mukha n'ya.

Katapusan ko na ba ito? Yan ang natanong n'ya sa mga panahong 'yon. At sa tulin ng mga pangyayari ay hindi na s'ya agad nakapag-react.

Isang bagay ang bumangga sa goblin na muntik ng makapatay sa kanya. Nang marinig n'ya ang boses tsaka n'ya nalaman kung sino 'yon.

"Clyde, mag-ingat ka. Kung hindi mamatay ka," sabi ni Gen kay Clyde habang pabalik sa harapan. Ang nakita pala ni Clyde kanina ay shield ni Gen na ginamit n'ya para paliparin palayo ang goblin sa kanya.

"Hoy tank anong ginagawa mo d'yan sa likuran?" Pabalang na tanong ni Crooked Nose.

"Kailangan ako doon sa likod," sagot pabalik ni Gen.

"Tsk!" si Crooked Nose.

Kasabay noon ay nag-init ang pakiramdam ni Clyde. Unti-unting nawala ang sakit na nararamaman n'ya. Pagtingin niya sa kanang tagiliran ay nakita n'yang sumara na ang sugat doon, isang heal mula kay Rachel.

Narinig nilang lahat ang isang galit na galit na sigaw. Matapos noon ay narinig nila ang mahabang pagsasalita na hindi nila maintindihan.

Nakita nilang buhay pa siya. Buhay pa ang goblin king. Siya 'yung nagagalit. Ang balat n'yang kulay berde ay nahaluan na ng ibang kulay itim. Tanda ng mga pagkasunog.

Muli itong sumugod.

Pero bago pa ito makalapit kina Clyde, lahat ng mga goblin na may hawak na sandatang pangmalapitan ay nagsipag-atrasan. Kasunod noon ay mga atake mula sa mga goblin archers.

Ang maaliwalas na kalangitan sa boss room ay biglang nagdilim. Napuno ito ng mga palaso.

Nagitla si Clyde sa nakita. Nang parating na ang mga palaso sa lugar niya, gumulong s'ya pakaliwa kung saan walang tatamang palaso.

Nagawa niyang makailag, maging ang apat na kasamahan, pero nasira ang kanilang formation.

Siya at si Gen ay parehong nasa kaliwa. Samantalang ang tatlo ay pawang nasa kanan.

Agad siyang lumapit kay Gen para makipagtulungan sa labanan.

"Kailangan nating makabalik sa formation," sigaw ni Gen para marinig ng lahat.

"Gamitin n'yong pananggalang sa mga palaso yung mga patay na goblin." Utos pa nito.

"Alam namin ang gagawin namin. Huwag kang magmarunong. Ron ubusin mo yung mga goblin archers." Sigaw ni Crooked Nose sabay dampot ng isang patay na goblin.

May mahigit dalawampung goblin na lang ang nabubuhay. Mas marami roon ang lumalaban sa malapitan, gamit ang kutsilyo, espada, maso, palakol o sibat. Pero di rin nalalayo ang bilang ng mga archers. Lagpas sampu pa rin ang mga ito katulad pa rin sa simula.

"I-didistract ko lahat ng goblins, ikaw na ang bahala Ron." Sabi ni Crooked Nose sabay sugod sa mga goblin.

Agad s'yang pinaulanan ng mga palaso, kasabay noon ay sinalubong siya ng mga goblin na galing sa gitna at kanan.

Pinansalag niya ang patay na goblin sa mga palaso mula sa harapan at inilagan niya paatras ang mga mula sa kanan.

Sinundan siya ng mga goblin. Nakipaglaban siya sa maraming goblin. Atake rito, ilag dito, para bang nakipagsasayaw siya sa mga goblin sa mga galawan n'ya.

Sinamantala naman ni Ron ang pagkakataon para tirahin ang mga goblin archers na nasa kanan habang sila ay naglalagay ng mga palaso sa kanilang mga pana.

Napatay niya ang apat sa mga iyon. May isa ritong nakailag.

Samantalang sina Gen at Clyde ay okupado rin sa mga nasa kaliwa.

Sangga rito sangga roon si Clyde. Hindi n'ya magawang lumaban sa mga goblin, puro pagsangga lang ang nagagawa n'ya.

Sa may 'di kalayuan sa harapan ni Clyde naman nandoon si Gen.

Si Gen na nakikipaglaban sa maraming goblins. Nag-uumpisa na ring madaplisan ng mga atake ang babae. Napapagod na kasi s'ya sa dami ng kanyang kinakalaban. Maliban sa paglaban sa mahigit sampung kalaban, kailangan pa niyang bantayan ang buong labanan, sapagkat trabaho n'ya bilang tank ang protektahan ang mga kasamahan. Nang makita n'yang gumalaw ang goblin king patungo kay Crooked Nose, napilitan na s'yang gamitin ang kanyang alas. Sumigaw ng pagkalas si Gen at ini-activate ang basic skill ng lahat ng tank, provoke.

Ang provoke ay isang gamechanging move. Kapag nasa isang dehadong sitwasyon ang isang party na may tank, maaaring ibalik nito ang laban sa isang balanseng sitwasyon o minsan nagiging dahilan pa ito nang paglipat ng momentum sa pamamagitan ng pekpektong timing sa paggamit ng provoke.

Pero ang provoke ay ginagamit bilang trump card ng mga tank, sapagkat ang provoke ay isang unique skill kung saan hindi ito gumagamit ng mana tulad sa mga mage at mga healer. Sa totoo lang, walang talento sa paggamit ng mana ang mga tank.

Sa halip na mana, sila ay gumagamit ng unique energy na tanging mga tank lang ang nakakagamit, shelled aura.

Ang shelled aura ay isang invinsible protective outer shell na nakapaligid sa isang tank. Ang pangunahing gamit ng aura na ito ay ang bawasan ang mga natatamong damage ng isang tank.

Ang isa pang gamit nito ay sa paggamit ng mga skills na unique para sa isang tank. At ang pangunahing unique skill ng isang tank ay ang provoke. Ginagamit ng mga skills ang shelled aura na para bang baterya.

Dahil ang provoke ay isang gamechanging or reversal move, hindi lang ang shelled aura ang kailangan nito. Matinding mental toughness ay kailangan din. Malaki rin kasi ang mental burden nito dahil matinding concentration ang kailangan ng skill, kaya naman nakakapagod ang provoke para sa user.

Biglang lumiko ang goblin king na dapat ay papunta sa direksyon ni Crooked Nose. Sapilitan itong nahatak papunta kay Gen, kung saan may maraming goblins na nakapalibot at umaatake sa babaeng tank.

Agarang napagdesisyunan na lumapit ni Clyde upang tulungan ang babae sa mga goblins. Sinuong n'ya ang mga nagliliparang palaso sa ere. Dahan-dahan n'yang iniilagan habang papunta sa kanyang harapan.

Samantalang si Ron ay pinatamaan ng isa pang fireball ang mga goblin archers sa likuran ng mga goblins sa

side nila Gen. Napatay n'ya 'yong lahat. Kaya n'ya biglang inatake 'yong mga goblin archers dun ay dahil papunta na doon ang goblin king. Sinigurado n'ya lang na makakapunta si Clyde para tulungan si Gen laban sa maraming goblin at isama pa ang goblin king. At kapag hindi n'ya pinatay 'yong mga goblin archers, paniguradong matatalo ang kaliwang banda nila, at paniguradong ikamamatay nilang lahat.

Dahil doon nakalapit ng sakto si Clyde sa pagdating din ng goblin king sa tapat ni Gen. Inatake ni Clyde ang lahat ng nasa likuran ni Gen. Matutulin at malalakas na atake ang pinawawalan n'ya. Kahit na pagod na s'ya na para bang mapipilas na ang kamay n'yang may hawak ng espada. O maging ang napakabigat na n'yang katawan. Pati na rin ang mga talukap n'ya na nagbabadya ng sumara sa pagod. Pilit n'yang hindi indahin ang mga 'yon, sapagkat mas natatakot siyang makatulog, at kapag nakatulog s'ya alam n'yang mamamatay s'ya.

"HA!" Sigaw ni Crooked Nose habang mas tinitindihan ang pag-atake sa mga kaharap na goblin.

Ang goblin king naman ay nagsasalita sa kanilang sariling lenggwahe, na hindi maintindihan nila Clyde.

Matapos noon, lahat ng mga goblin archers ay nakatuon na ang atake kay Ron.

Nagpatuloy ang labanan. Subalit ang bumagal ang rate ng pagkamatay ng mga goblin. Matagumpay kasing naselyuhan ng goblin king ang primerang tagapaslang ng grupo ni Clyde sa pamamagitan ng pagsakripisyo ng long range attackers nila kapalit ng paghadlang sa mga magic attacks ni Ron.

Walang ibang magawa si Ron kundi umilag para maisalba niya ang kanyang buhay. Wala siyang panahon para sumali sa laban. Bagkus may apat na lang na goblin archers sa likuran, pero hindi nila ito mapaslang dahil nga protektado ng ibang mga goblin sa harapan ang mga goblin archers at focus s'ya ng kanilang opensiba.

Kasabay ng opensiba laban kay Ron, nagkaroon ng kompletong laya si Rachel sa labanan. Nang mapansin n'ya 'yon, walang pag-aatubiling tumakbo si Rachel tungo kay Gen at Clyde. Maliban sa pagkakaroon ng mahinang kakayahan sa opensa ng dalawa, wala naman s'yang maitutulong kay Ron, kung meron man, 'yon ay bigyan s'ya ng mas malawak na espasyo para ilagan ang mga palaso.

Si Crooked Nose at Ron ang malalakas sa opensa, kaya mas minarapat n'yang pumunta kina Clyde at Gen dahil maliban sa napapalibutan sila ng mas maraming goblin, naroroon din ang goblin king, ang pinakamalakas sa kanilang panig. Mas kakailanganin nila ang heal ni Rachel.

Bigla na lang nakaramdam si Clyde ng mainit na pakiramdam sa kanyang kaibuturan. Hindi n'ya na kailangan lumingon pa, alam na n'yang naroroon na sa likod n'ya si Rachel para sumuporta sa kanilang dawala ni Gen.

Nagpatuloy ang labanan ng matagal. Hindi masasabi ni Clyde kung gaano ito katagal. Ang alam n'ya lang ay talagang matagal.

Bukod sa pangangalay sa pagwasiwas ng kanyang kamay ng paulit-ulit na samahan pa ng mga pag-ilag sa mga pamatay na atake, naramdaman n'ya rin ang maraming beses na pag-heal sa kanya ni Rachel sapagkat marami s'yang sugat na natatamo.

Napagdesisyunan n'ya kasing piliin na lang ang mga atakeng dapat n'yang iwasan. Hindi na bago iyon kay Clyde. Madalas s'yang sugatan kung lumabas sa halos lahat ng dungeon na sabakan n'ya. Kaya nahasa na n'ya ang sarili sa pagpili ng nakakamatay na mga atake. Ginagawa n'ya 'yon para ipreserba ang lakas sa mas matagal na labanan.

Pinili n'yang ipagkatiwala ang buhay sa mga nakakasama sa dungeon raid. Wala naman s'yang pagpipilian, masyado s'yang mahina para magreklamo.

Hindi naman s'ya maaaring hindi pumasok sa mga dungeon. S'ya lang ang inaasahan ng kanyang nakababatang kapatid. Silang dalawa na lang ang meron ang isa't-isa simula ng mamatay ng kanilang mga magulang dahil sa dungeon outbreak.

Napalingon si Clyde sa banda ni Crooked Nose. Nag-uumpisa ng magseryoso ang rank C hunter.

Matapos noon ay nag-concentrate na s'ya sa mga kalaban n'ya sa harapan.

.....

"Nagawa natin!" Sigaw ni Rachel ng mapabagsak ni Crooked Nose ang goblin king.

Nang marinig 'yon ni Clyde, agad s'yang nakahinga ng maluwag. Unti-unting nawalan ng lakas ang kanyang katawan. Bumagsak siya sa malambot at madamong lupa ng boss room. Hindi n'ya na maigalaw ang kahit anong parte ng katawan. Napansin n'ya rin ang asul na kalangitan sa boss room bago unti-unting nagsara ang kanyang mga talukap.

次の章へ