webnovel

Chapter 8

Chapter 8: Kissperine

LUMIPAT muna ng p'westo sina Richard at Camille. Inis na inis naman si Ruby na naiwan mag-isa. Ang kaninang masaya niyang mukha ay napalitan ng pagkab'wiset.

"Okay lang ba 'yong kasama mo?" tanong ni Camille.

Natawa naman si Richard. "Okay lang 'yon. Talagang may pagkamasungit ang babaeng iyon."

"T-talaga bang hindi mo siya ka-live in? Magkasama kayo sa bahay. Tapos, ang sexy rin niya... siguro nag-ano na kayo 'no?"

Nataranta nang kaunti si Richard. "Naku! Hindi ah! Wala talaga! Hindi ko type ang babaeng 'yon. Aalis na rin siya bukas," sagot naman niya na napilitan pang mag-imbento.

Naisipan din ng binata na ilihis ang usapan. "Ano nga pala ang sasabihin mo?"

Napangiti at napahinga nang malalim si Camille. Nagkatinginan pa sila ng binata.

"Richard... Pumunta ka ba no'ng sinabi ko na puntahan mo ako?" Napayuko ang dalaga. Bigla namang naalala ni Richard iyon. Ang araw na akala niya ay sasagutin na siya ng dalaga. Kaso, nakita niyang kahalikan nito ang mayamang manliligaw nito.

"O-oo." Napatingin ang binata sa taas. Napabuntong-hininga. Sino ba naman kasi ang makakalimot sa araw na iyon. Sa araw na nasaktan siya nang sobra.

"Nakita ko pa nga na naghahalikan kayo..."

Natigilan si Camille. Napahikbi siya nang marinig iyon.

"M-mali ang iniisip mo... Pin'wersa niya ako. B-binasted ko siya at ikaw ang dapat na sasagutin ko..." Napatingin si Camille kay Richard.

Tumulo ang luha ng dalaga. "K-kaso... H-hindi ka na nagpakita..."

Bumilis bigla ang tibok ng puso ni Richard. Napangiti siya. Dahan-dahan niyang hinawakan ang kamay ni Camille.

"Salamat." Pinunasan niya ang luha ng dalaga.

"Pero masaya na ako sa mga nangyari. Naisip kong hindi tayo bagay. Ayaw sa akin ng magulang mo. Isa akong basurero. Wala kang magiging bukas sa gaya ko... Sorry..." Niyakap niya ang dalaga. Muli namang umiyak si Camille. Nasaktan siya sa mga narinig.

"P-pero... R-richard... M-mahal k-ki..."

"Hoy Richard! Tayo na umuwi! Gabi na!" Hindi na naituloy ni Camille ang sasabihin niya nang may malakas na boses ang nagsalita sa tapat nila. Si Ruby at parang galit na galit.

Napabitaw sa pagyakap si Richard. "Mamaya na! Kita mong nag-uusap kami!"

Isang sampal ang ginawa ni Ruby sa pisngi ng binata. Nagulat si Camille dahil doon.

Nainis si Richard. Napatayo siya na namumula dahil sa hiya. "B-bakit mo ako sinampal!?"

Inirapan siya ni Ruby. "Umuwi na tayo! Inaantok na ako! Ngayon na! Dahil kung hindi ay pupugutan kita ng ulo!"

Natulala naman si Camille sa bangayan ng dalawa. Nakaramdam din siya ng selos, pero napangiti na lang siya. Pinunasan niya ang luha niya at tumayo.

"Richard!" tawag niya.

Napalingon ang binata na kasalukuyang nakikipagtalo kay Ruby.

"Salamat! Sige na. Okay na ako," nakangiting sabi ni Camille.

"P-pero..." mahinang sabi ng binata.

"Okay na talaga ako. Maraming salamat."

"Ruby! Alagaan mo siya," pahabol pa ni Camille at pagkatapos ay nakangiti siyang umalis.

Naiwan sina Ruby at Richard. Natahimik pareho.

"Hoy! Umuwi na tayo!" utos ni Ruby.

"Oo na. Ba't ba ang sungit mo?" natatawang tanong naman ng binata.

"Hindi ko sasabihin! Galit ako sa 'yo! Ang baho mo!"

"Kaibigan daw..." bulong pa ng dalaga. Si Richard naman ay bumahin nang bumahin habang naglalakad sila pauwi.

*****

BAHIN nang bahin si Richard kinagabihan. Pakiramdam niya ay ang bigat ng ulo niya. Nanghihina rin siya.

"Magpatulog ka nga! Ba't ang ingay mo?" inis na sabi ni Ruby na nagsaklob na lang kumot.

"Pasensya na mahal na prinsesa. Hindi ko mapigilan. Para yata akong sisipunin," sagot na lang ni Richard na nakakaramdam na rin ng ginaw.

Kinaumagahan, naunang nagising si Richard. Ang sakit ng ulo niya. Nilalamig din siya. Napatayo na lang siya mula sa upuan nang maramdaman niyang parang tuyong-tuyo ang kanyang lalamunan. Uminom kaagad siya ng tubig.

"Alas-tres pa lang pala..." sabi niya sa sarili nang mapatingin sa orasan.

Muli siya naupo at umub-ob sa mesa. Ramdam niya ang lamig at napailing nang maramdamang ang init ng balat niya.

"H-hindi ako p'wedeng magkasakit. Wala kaming kakainin..." sabi pa niya sa sarili. Naisipan niyang maidlip at umasa siyang wala na ang sakit niya paggising.

NAGBANAT-BANAT ng katawan si Ruby nang magising siya. Naghikab pa siya. Umuulan din sa labas nang mga oras na iyon. Kaya ramdam niya ang lamig. Mabuti na lang at may kumot siya.

"Tulog pa siya..." Napatingin din siya sa binata nang bumangon siya para umihi.

Samantala, habang nasa C.R. si Ruby ay nagising naman si Richard. Ramdam niya ang sakit ng ulo niya. Sobra rin siyang nilalamig. Napahipo siya sa noo niya at napailing.

"May lagnat pa rin ako..."

"Mabuti't gising ka na. Wala na tayong tubig," biglang sabi ni Ruby na kakalabas lang ng C.R..

Ngumiti si Richard. "Mag-iigib ako kapag humina ang ulan."

"Sasama ako!" Umupo si Ruby at nagsuklay ng buhok.

"Oo." Tumayo naman si Richard. Ramdam niyang parang tutumba siya pero pinilit niyang maging okay.

"G-gusto mong kape?" tanong ng binata.

"Sige. Ipaghanda mo ako."

"Okay ka na ba?" Naisipang itanong ng binata habang naglalagay ng asukal sa dalawang tasa.

Nagulat naman si Ruby. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Ang sungit mo kasi kagabi..." Napangiti pa si Richard habang hinahalo ang kape. Dinala niya rin ito sa mesa.

"Huwag mo nang ipaalala dahil baka pugutan na talaga kita ng ulo!" Napalunok ng laway si Richard sa narinig. Humigop na lang siya ng mainit na kape.

"Opo, mahal na prinsesa..."

*****

"M-MAY dumi ba ako sa mukha?" tanong ni Richard sa dalaga habang naglalakad sila papunta sa igiban. Kanina pa kasi siyang pinagmamasdan nito. Bigla tuloy siyang kinabahan.

"Alam mo. Parang pamilyar ka. Noong isang gabi ko pa itong iniisip," sagot naman ni Ruby.

Naisipan naman ni Richard na magbiro. "Ganito talaga kapag prinsipe. Malay mo, nagkita na tayo sa kaharian mo?"

Tawang-tawa pa ang binata matapos iyon. Nainis naman si Ruby.

"Putulin ko kaya ang dila mo! Lapastangan!" malakas namang sabi ng dalaga. Pinalo pa niya ang binata pagkatapos.

Nakarating sila sa igiban. Medyo kakaunti pa ang pila. Kaso si Richard, parang bibigay na.

"Pareng Richard... Ang s'werte mo sa chix mo ah. Ang ganda ng katawan. Palaban..." salubong na sabi kaagad sa binata ni Mang Kanor, isa sa mga nakatira sa Payatas.

Napailing na lang si Richard. Hindi na siya umimik. Sinabihan na lang niya si Ruby na humawak sa tabi niya. Paano, medyo maikling shorts ang suot ng dalaga.

"Agang-aga, mga manyakis agad ang nandito..." sabi na lang ng binata sa sarili.

MUNTIK pang matumba si Richard sa pagdadala ng dalawang gallon ng tubig. Nanghihina kasi ang tuhod niya. Maging siya ay nanghihina at nilalamig pa.

"M-may problema ba?" tanong ni Ruby.

"Wala ah! Malakas yata ako." Nag-macho pose pa ang binata. Si Ruby naman, pinipilit na hindi mapangiti... pero hindi rin nito napigil.

Kaso hindi na namalayan ng binata na bigla na lang siyang natumba at nawalan ng malay. Gulat na gulat si Ruby sa mga nangyari. Nilapitan niya kaagad ang binata.

"M-mainit ka?" Alalang-alala ang dalaga nang mga sandaling iyon.

*****

NARAMDAMAN ni Richard may basang kung ano ang nakalagay sa noo niya. Medyo masakit din ang ulo niya. Inimulat niya nang dahan-dahan ang mga mata niya. Napansin niya si Ruby na papalapit sa kanya na may dalang palangganang maliit. Naisipan na lang niya na magtulog-tulogan.

Naramdaman niyang nawala ang basang towel sa noo niya. Naramdaman din niya na may umupo sa hinihigaan niya.

"Nagkasakit ka dahil sa pakikipagkita sa babaeng pangit kagabi. Dapat sa susunod, 'wag ka nang makipagkita roon," sabi ni Ruby habang pinupunasan ng basang towel ang mukha at leeg ng binata.

Sa isip-isip naman ni Richard ay gusto niyang matawa dahil si Camille ang sinisisi ng dalaga. Napaisip din siya na saan kaya natuto si Ruby na mag-alaga. Naramdaman niyang natapos na ang dalaga kaya iminulat na uli niya ang mata niya. Tiningnan niya ito at napangiti siya nang ewan. Ang p'wet kasi ng dalaga ang bumungad sa kanya.

"Ano kayang niluluto nito?" Isip-isip ni Richard nang makitang sa lutuan naman tumigil si Ruby. Kinabahan tuloy siya. Napaisip din siya kung saan galing ang niluluto nito. Ang alam kasi niya, hindi pa siya nakakabili. Nakita rin niya na nilalagyan ni Ruby ng kanin ang niluluto nito.

"Lugaw?" Napapaisip si Richard. Natutuwa na rin dahil sa ginagawa ng dalaga. Hindi niya akalaing aalagaan siya nito. Sana lang daw ay makakaya niyang kainin iyon.

Naidlip uli ang binata dahil medyo masakit pa ang ulo niya. Nagising na lang siya nang may tumatapik sa braso niya.

"Gising! Mamaya ka na matulog. Kumain ka muna!" panggigising ni Ruby. Dahan-dahan namang inimulat ni Richard ang mata niya.

"Ikaw! Ba't hindi mo sinabing mayroon ka pa lang sakit?" tanong agad ni Ruby na may hawak na tasa at kutsara.

"Nag-alala ako!"

Hindi maiwasang mapangiti ni Richard sa mga narinig niya. "Pasensya na, mahal na prinsesa..." sabi na lang niya.

"Palalampasin ko ito. Sige na, umupo ka nang ayos at papakainin kita," sabi naman ni Ruby.

"S-sigurado ka?" Paniniguro ni Richard.

Sinamaan ng dalaga ng tingin si Richard. "Lapastangan! Mukha ba akong nagbibiro?"

Napangiti si Richard. Natuwa siya dahil para siyang may personal nurse. Isang cute at sexy na nurse.

"Nganga!" utos agad ng dalaga nang maayos na ang pagkakaupo ni Richard. Kinabahan pa nga ang binata dahil baka hindi maganda ang lasa. Pero natigilan siya nang matikman at manguya na ang lugaw na niluto ni Ruby.

"Masarap ba?" Nakangiti na si Ruby.

"A-ang sarap..." Napangiti si Richard. Takang-taka siya kung paano iyon naluto ng dalaga.

"Puno kasi iyan ng pagmamahal..." mahinang sabi ni Ruby.

"A-ano 'yon?" tanong naman ng binata dahil hindi niya narinig iyon nang ayos.

"Wala!" Namumulang sabi naman ni Ruby at sinubuan niya uli ang binata.

Gumaan ang pakiramdam ni Richard matapos makakain. Samahan pa ng cute na nagsusubo. Talagang kahit sino ay gagaan talaga ang pakiramdam.

"Nganga!" utos uli ni Ruby na may hawak na orange na tabletas at isang basong tubig.

"Inumin mo itong... B-ba...bayodye...seks." Nagkandabulol pa ang dalaga sa pagbigkas ng pangalan no'ng gamot.

"Biogesic." Itinama naman ni Richard.

"Iyon na rin iyon!" sabi naman ng dalaga at isinubo na niya iyon sa binata. Uminom si Richard ng tubig, pagkatapos.

"Teka, pa'no mo nakuha 'yang gamot? Pati 'yong niluto mo?" tanong ni Richard.

"Tinulungan ako noong babaeng malaki ang katawam diyan sa tapat. Iyong laging maputi ang mukha. Siya rin ang nagturo sa aking magluto ng lugaw. Siya lahat ang nagbayad. Mamaya raw tanghali at gabi ay dadalhan niya tayo ng ulam. Utang mo raw muna," k'wento ni Ruby. Napatawa naman nang bahagya si Richard.

"Si Jana?" tanong ng binata.

"Oo," sagot naman ni Ruby. Napangiti si Richard, dahil ang totoo, bakla si Jana. Mukhang hindi iyon alam ng dalaga. Kinikilabutan nga lang siya sa bading na iyon. Lagi kasi nitong sinasabi na crush raw siya nito.

"Salamat nga pala..." nakangiti namang sabi ni Richard sa dalaga. Namula naman ang pisngi ng dalaga.

"W-wala ito. Gusto ko lang na mapadali ang paggaling mo. Ako lang pati ang makakagawa nito." Ngumiti si Ruby at umupo rin sa higaan.

Kaso, kahit may lagnat si Richard ay may naisip pa rin siyang kapilyuhan.

"Mas mapapadali ang paggaling ko kung may hahalik daw sa akin," biro ni Richard.

"T-tunay ba iyan?" Gulat na naitanong ni Ruby. Seryoso. Medyo na-konsensya naman si Richard.

"Biro lang... pasensya," sabi ng binata. Pagkatapos noon ay tumayo na si Ruby.

"Magpahinga ka. Maliligo lang ako."

Tumango na lang si Richard. Humiga at ipinikit na lang ang mata para matulog uli, kaso biglang may kamay na humawak sa magkabila niyang pisngi. Napamulat siya at bumungad sa kanya ang mukha ni Ruby. Papalapit sa kanya.

"R-rub...uhmmmm..." Nagdikit agad ang kanilang mga labi. Napapikit sila pareho. Naisip ni Richard na hindi na lasing ang dalaga. Totoo na ito.

Akala ni Richard ay mabilis lang... pero biglang iginalaw ni Ruby ang labi niya. Napahawak tuloy ang binata nang mahigpit sa kumot niya. Lumaban na rin siya dahil nadala na siya. Damang-dama nila ang init at lambot ng kanilang mga labi nang oras na iyon.

Habol-hininga sila pareho nang bumitaw si Ruby. Namumula at namumungay ang mga mata. Si Richard naman ay hindi makapaniwala.

"R-ruby..."

"Dapat gumaling ka na niyan," nahihiyang sabi naman ni Ruby at pagkatapos ay nagmamadaling pumasok sa C.R. na dala-dala ang kanyang pamalit.

Tulala naman si Richard. Nararamdaman pa niya ang lambot ng labi ng dalaga sa labi niya. Nalalasahan pa rin niya.

"Gagaling nga kaya agad ako dahil doon?" naitanong na lang niya.

次の章へ