webnovel

Daniel (Chapter 63)

NANG SUMUNOD na araw ay nabalita agad ang pagpanaw ni Sasha. Natawa ako sa sanhi nang pagkamatay nito kasi uminom ba naman ng muriatic acid.

Hindi ko alam kung bakit parang nagustuhan ko na ang nangyayari. As the matter of fact, na-e-excite ako sa mga sunod ko pang mabibiktima. Paraan ko na rin siguro iyon para maaliw ako. Para makalimot sa lahat ng sakit dahil kina Brad at Anne.

Hindi ko namalayang halos gabi-gabi ay gumagala ako. Kung saan-saan ako nakakarating para magpagamit lang sa mga bakla. Kung tutuusin, isa na akong kriminal no'n. Mas masahol pa pala ako sa mga kriminal. Isa na akong demonyo.

Kalat na ang balita tungkol sa serial killing ng mga bakla kaya pinag-iingat na sila. Ako naman ay nag-iingat na rin baka mahuli ako. Pero naisip ko rin, kung kay Ruby at Yanyan nga hindi ako naging suspect, nang mga panahong iyon pa ba na ang nagiging biktima ko'y hindi ko naman kilala. Mga baklang nakilala ko lang sa bar o sa daan kapag naglalakad ako. Ang iba sa mga mall. Pero kailanman ay hindi ko naisip na muling mambiktima ng schoolmates.

Paano nga kaya nangyayari ang lahat? Ako kaya ang pumapatay? Kailangan kong malaman ang tungkol do'n.

*****

ISANG gabi ay nagyaya si tatay Rey na makipag-inuman sa 'kin. Nagtaka ako kasi first time niya iyong ginawa. Hindi tuloy ako nakagala at nakapangbiktima nang gabing iyon.

"Himala, tay, ikaw na mismo ang nagyaya," sabi ko sa kanya. Masayang-masaya ako nang mga sandaling iyon sa totoo lang.

Wala si nanay Lea no'n. May kaibigan kasing inatake sa puso at kritikal daw ang lagay. Kaya nasa hospital ito at dumadalaw.

"Okay lang, nak, paminsan-minsan lang 'to," tugon ni tatay.

Napansin kong malungkot pala siya. Halata sa mga mata na galing siya sa isang matinding iyakan.

"Tay, okay ka lang?" tanong kong naupo sa sopa katabi niya.

Huminga nang malalim si tatay Rey. "Hiniwalayan na ako ng ninong Albert mo, nak," mayamaya ay tugon niya.

Bigla siyang napahikbi kaya niyakap ko siya. Hinagod ko ang kanyang likuran.

Hindi ako sang-ayon sa relasyon nilang dalawa ni ninong Albert dahil kataksilan nga sa kani-kanilang pamilya. Pero na-realize kong sino ba ako para i-judge sila? Labis na nasaktan si tatay. Kasalanan ba talaga ang magmahal?

"Natatakot na kasi siya, nak. Baka mahalata na kami ng ninang mo, e," parang batang sabi ni tatay.

Alam kong hindi biro ang sakit na kanyang nararamdaman nang mga sandaling iyon. Siyempre naka-relate ako sa kanya. Pareho lang naman kaming bigo no'n. Iisa lang ang sitwasyon na kinasadlakan namin.

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa kanya. Ang sarili ko ngang problema hindi ko kayang ayusin tapos mag-e-effort pa akong bigyan siya ng advises. Naisip kong wala ako sa lugar para gawin 'yon.

Tumahimik na lamang ako at pinakinggan siya. Hinayaan ko siyang magsalita habang umiiyak sa 'king balikat. Iyon lang naman ang kailangan ni tatay para kahit papaano'y gumaan ang kanyang kalooban. Shoulder to cry on, 'ika nga.

Nang mahimasmasan si tatay Rey ay tumayo siya at kinuha ang biniling alak sa kusina.

"Daniel, punta ka rito saglit. Kaw na kumuha ng ice," narinig kong sabi ni tatay.

Tumayo kaagad ako at tumungo sa kusina. Nagluto rin pala si tatay ng sisig para gawing pulutan. Nagsimula nga kaming uminom. Tingin ko nama'y kahit papaano masaya na si tatay. Nakukuha na niyang magbiro.

Ang bilis kong tinamaan. Masyado kasing matapang ang alak na iniinom namin. Pero kailanman ay wala akong tinanggihang tagay. Inom lang ako nang inom. Kinakaya ko kahit parang pinipiga ang bituka ko sa tapang.

"Mag-videoke tayo, nak," mayamaya ay mungkahi ni tatay.

"Mas maganda nga 'yon, tay," sang-ayon ko naman.

Nag-videoke nga kami. Si tatay lang muna ang kumanta. Puro emotional songs ang pinili niya.

So here I am

And can you please tell me

Ohhh... where do broken hearts go

Can they find their way home

Back to the open arms...

Habang kumakanta siya ay patuloy naman sa pagbalong ang matataba niyang luha. Ang tindi talaga ng tama niya kay ninong Albert. Naisip ko noong tanungin siya kung sino kaya ang mas mahal niya, si ninong Albert o si nanay Lea?

Pagkatapos ni tatay Rey kumanta ay ako naman. Sa totoo lang ay napakasaya ko talaga nang mga sandaling iyon. Nakalimutan ko ang sarili kong mga problema. Ang nasa isipan ko lang ay ang magpakasaya kasama si tatay. Natanong ko pa tuloy siya kung bakit noon lang nangyari ang mag-jam kami.

Nang medyo mapagod sa pagkanta ay tumigil muna kami at nakinig na lamang ng mga kantang isinalang ni tatay sa player.

"Sino ba ang mas nauna mong minahal, tay? Si ninong o si nanay?" I asked him. Hindi ko na napigil ang sarili kong usisain siya tungkol doon. Curious talaga ako sa love story niya.

Nahihilo na ako no'n. May tama na nga. Nangangalahati na ang pangalawang bote ng alak na binuksan ni tatay. Namimigat na nga ang talukap ng aking mga mata. Medyo nangmamanhid na rin ang katawan ko lalo na ang mukha. Parang nanigas ang pakiramdam ko nang mga sandaling iyon. Paminsan-minsan ay parang babaliktad na ang aking sikmura. Pero tinitiis ko pa rin. Kailangan kasi ni tatay ng karamay kaya ayoko siyang iwanan.

Bumuntong-hininga si tatay Rey bago sumagot, "Si ninong Albert mo," he paused, "Magkababata kami e at mag-bestfriend. Tapos no'ng highschool, doon ko na-realize na may kakaiba na pala akong nararamdaman para sa kanya. Pero takot akong malaman niya kaya nanatiling sekreto 'yon."

"Paano naging kayo, tay?"

Ngumiti si tatay at halatang kinilig. "Nalaman niya 'yon by accident," tugon niya at biglang natawa. "May diary kasi ako tapos naiwan ko lang sa higaan. Boardmate kasi kami, ewan ko ba kung bakit niya 'yon pinakialaman. Doon niya nalaman ang lahat. Lakas maka-teleserye ng buhay ko, e. Sa diary pa talaga niya nalaman." Tumawa siya ulit.

"Tapos, tay, ano'ng nangyari after malaman ni ninong sa diary mo na mahal mo siya higit pa sa isang kaibigan?" mausisa kong tanong.

Sobrang curious na talaga ako sa love story nila ni ninong nang mga sandaling iyon. Ako pa tuloy ang mas kinilig para sa kanila.

Pumikit si tatay at nagsimulang magkuwento...

*****

"PRE, sorry sa nalaman mo," sabi ko. Hiyang-hiya ako kay Albert. Hindi na nga ako makatingin sa kanya nang diretso no'n.

Hindi siya nakaimik. Nakatitig lamang siya sa 'kin. Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako.

Bigla niya akong niyakap nang mahigpit na labis kong ipinagtaka.

"Pre, bakit hindi mo agad sinabi sa 'kin?" tanong ni Albert.

"Kasi, pre, baka magalit ka, e. Bakit? Okay lang ba sa 'yo 'yon?" tanong ko sa kanya. Naramdaman kong hinagod niya ang aking likuran.

"Pre, ang daming panahong nasayang."

"A-ano'ng ibig mong sabihin, pre?" maang kong tanong sa kanya.

Kumalas siya mula sa mahigpit na pagkakayakap sa 'kin. Tinitigan niya ako. "Pre, parehas lang tayo nang nararamdaman sa isa't-isa. Matagal na rin kitang minamahal pero kagaya mo, natakot din akong malaman mo. Baka hindi mo matanggap, e," kumpisal niya sa 'kin. Umiiyak na rin siya nang mga sandaling iyon.

Napanganga ako. Hindi ako makapaniwala. "Talaga, pre? Ibig sabihin ang pagmamahal at pag-aalaga natin para sa isa't-isa magmula pa noon ay mas malalim pa pala sa pagkakaibigan ang dahilan?" Natawa ako na sinabayan din ni Albert.

"Gano'n na nga 'yon, pre. Pareho tayong duwag, e. Kundi ko pa nabasa ang diary mo, hindi ko malalaman ang totoo," sabi niya.

Walang pagsidlan sa labis na kaligayahan ang puso ko no'n. "Mahal na mahal kita, pre," madamdamin kong turan.

"Mahal na mahal din kita, pre," tugon niya.

Nang gabi ring iyon, nangyari ang unang love-making namin ni Albert.

*****

"ITULOY mo, tay," kinikilig kong sabi nang bigla siyang tumigil sa pagkukwento. Nakakakilig naman talaga at gusto kong malaman ang buong kwento ng pagmamahalan nila ni ninong Albert.

"Ay, tama na 'yon, nak," malambing na sabi ni tatay Rey. Nagsalin siya ng alak sa baso at ibinigay sa akin. Agad ko namang ininom iyon.

"Sige na, tay. Ang ganda ng story ninyo, e. H'wag mo naman akong bitinin," I insisted. Nang mga sandaling iyon ay medyo inaantok na ako. Matindi na talaga ang tama sa akin ng alak.

"Ano pa ba ang gusto mong malaman?" tanong ni tatay.

"Gusto kong malaman, tay, kung ano'ng nangyari at hindi kayo ang nagkatuluyan ni ninong Albert. At saka kung paano mo nakilala si nanay Lea," tugon ko sa kanya.

"H'wag mo na lang alamin, nak. Mahabang kuwento pa, e. Next time na lang, ha," tugon ni tatay.

"Ito naman si tatay, e. Nambibitin. Sige na, tay," malambing kong sabi sa kanya.

Napangiti si tatay. "Sige na nga..."

Nagpatuloy nga siya sa pagkukwento.

HINDI nagbago ang turingan namin ni Albert sa isa't isa. Parang tulad lang ng dati. Ayaw rin kasi naming mabulgar ang totoong relasyon na mayro'n kami. Hindi pa namin kayang sikmurain ang maaaring judgements na matanggap sa iba lalo na ng aming mga magulang.

In short, hindi pa kami handa at pareho kaming duwag. Duwag gaya nang pag-amin ng tunay na nararamdaman para sa isa't-isa. Dapat noon pa pala ay may 'kami' na. Mahirap itago pero wala kaming ibang pagpipilian no'n. Ang madalas na saksi lamang ng katotohanan ay ang apat na sulok ng kwarto kung saan kami nangungupahan.

Tingin ng lahat sa amin ay mag-bestfriend. Hindi lang nila alam na sa loob ng kwarto ay nagsasama kaming parang tunay na mag-asawa.

Isang hapon ay maaga akong umuwi. Wala kasi ang dalawang instructor ko no'n. Sabik na sabik ako kasi makakapiling ko na naman si Albert. Nagtaka ako kasi naka-lock ang pinto.

"Albert!" tawag ko. "Albert!"

Pero walang sumasagot. Idinikit ko ang aking tenga sa pinto. Parang kinurot ang puso ko sa naririnig. Mga ungol ni Albert at ng isang babae. Tatawag pa sana ako ulit pero nagbago na ang isip ko. Ayoko na silang disturbuhin pa.

Naghintay na muna ako sa sala. Nagtimpi ako. Kinontrol ko ang aking sarili. Ayokong mapaiyak dahil nakakahiya sa ibang boardmates. Nasa sala rin sila noon at nanunuod ng TV.

Mga kalahating oras din ang lumipas bago ko nakita si Albert kasama ang isang mestisang babae. Napakalambing ng babae sa kanya.

"Pre, si Ayesha pala, nobya ko," pakilala niya sa babae.

Pinilit kong ngumiti kahit ang sakit nang nararamdaman ko sa puso nang mga sandaling iyon.

"Rey," nakangiti kong pakilala sa babae at nag-shakehands kami.

Pagkatapos no'n ay nauna na akong pumasok sa kwarto namin ni Albert. Doon na ako umiyak nang umiyak. Putang ina! Ang sakit! Kahit pa sabihing babae 'yon pero mahal ko si Albert, e. Mahal na mahal. May karapatan naman siguro akong magselos 'di ba?

"Pre, pasensiya ka na, ha. Hindi ko naman alam na maaga ka palang uuwi ngayon. Dinala ko pa tuloy rito si Ayesha."

Nagpahid ako ng mga luha nang marinig ko ang boses ni Albert. Hindi ko alam kung bakit pero nahihiya akong malaman niyang umiiyak ako no'n.

"Okay lang," mahina kong tugon.

"Wait... sure kang okay lang, pre?" paninigurado ni Albert.

Gusto ko siyang sumbatan. May sumibol na poot sa puso ko. Tanga ba siya? Pagkatapos nang nangyari, may gana siyang tanungin ako kung okay lang ako? Paano ba ako magiging okay?

"Oo, pre, promise!" Tumayo ako at walang paalam na umalis. Pinigilan niya ako pero hindi ko na siya ininda pa.

Naglakad-lakad ako. Wala na akong pakialam kung ano ang sasabihin ng mga nakakita sa 'kin. Basta iyak lang ako nang iyak. Sobrang bigat ng kalooban ko. Siguro'y nagtataka sila sa 'kin. Ang laki kong tao tapos umiiyak na parang bata.

"Hi, ano'ng problema mo?"

Tumigil ako sa paglalakad. Napatingin ako sa nagtanong na babae. Ngumiti siya sa 'kin.

Pero hindi ko siya tinugon at nagpatuloy ako sa paglalakad.

"Puwedeng sumabay sa 'yo?" tanong niyang sumabay na nga sa 'kin.

Sa totoo lang ay naiinis ako sa kanya. Pero bakit hindi ko siya magawang bulyawan? Dahil ba maganda siya?

"Alam mo, ngayon lang ako nakakita ng poging umiiyak sa personal," sabi niya.

Napapahid tuloy ako ng mga luha. Hinayaan ko lamang siyang sumabay sa 'kin. Salita lang siya nang salita at halos hindi na pumapasok sa utak ko ang mga sinasabi niya. Okupado talaga ni Albert ang isipan ko no'n. Nagtaka ako kasi sumasabay lang talaga ang babae sa 'kin kahit saan ako magpunta.

"Miss, saan ba talaga ang destinasyon mo?" Hindi ko napigilan ang sariling tanungin na siya.

Tumawa ang babae. "Hindi ko alam, e. May sinusundan kasi ako."

Napakunot ang aking noo sa kanyang sinabi. "Sinusundan? Ano'ng sinusundan mo? At saka sumasabay ka pa talaga sa 'kin e sa totoo lang wala naman akong patutunguhan," sabi ko sa kanya.

Tumawa siya ulit. Sa isip ko no'n, may sayad yata sa utak ang babaeng 'to.

"May sinusundan nga kasi ako, ang kulit ni pogi, oh."

Napatigil ako sa paglalakad at tumigil din ang babae. Hinarap ko na siya.

"Ano ba talaga ang sinusundan mo?" maang kong tanong sa kanya.

Hinawakan niyang bigla ang kanan kong kamay at inilagay sa tapat ng kanyang dibdib. Ramdam na ramdam ko ang mabilis na pintig ng kanyang puso.

"Kasi po, kanina nang nakita kita, biglang may ibinulong ang puso ko," sabi niya.

Lalo lamang akong naguluhan. "Ano? I mean ano naman ang ibinulong ng puso mo?" kunot-noong usisa ko sa kanya.

Ngumiti siya bago tumugon, "Ibinulong ng puso ko, 'Lea, sabayan mo ang forever mo'..."

*****

NANG SUMUNOD na araw ay nagising ako sa mga tawag at tapik ni nanay Lea sa 'king mukha. Labis akong nagtaka dahil hilam sa luha ang kanyang mga mata.

次の章へ