Kabanata 16
Sa mga araw na lumipas, palaging wala si Sir Zeus sa mansyon kapag hapon. Kadahilanan pa rin ng pina-praktis nila para sa debut ni Marquita. Ang hirap din naman palang mag-birthday 'pag mayaman. Para bang isang linggo kung paghandaan.
Ang buong pamilya nga ng mga Lorenzino, nagpatahi pa ng mga bagong damit. Lahat 'yon ay para lang sa birthday ni Marquita! Grabe talaga. . .
At ngayon nga'y nakatanaw ako kay Ma'am Helen habang inaayusan siya sa sala ng isang bakla. Habang pinagmamasdan ko si Ma'am Helen ay 'di ko mapigilan ang humanga sa kanyang ganda. Lalo pa ngang lumabas ang taglay niyang kagandahan dahil sa ayos niya ngayon.
Bahagyang kinulot ang mahabang buhok ni Ma'am na kulay tsokolate. Pagkatapos, ang suot naman niyang damit na medyo kulay balat. Pero may mga mamahaling bato ang nakadisenyo roon.
"Ma, how do I look?"
Halos lahat yata kaming nasa sala—si Ma'am Helen at kaming mga katulong—ay napatingin kay Zeus. Nakasuot siya ng isang magarang damit na madilim na rosas ang kulay. Basta parang rosas na parang pula. Ganoon din ang kulay ng pang-ibaba niya. Ang panloob naman niyang damit ay kulay puti.
Napanganga nalang ako sa hitsura niya ngayon. Para talaga siyang isang prinsipe, kahit pa medyo pambabae, kung maituturing, ang kulay ng suot niya. Ang gwapo niya talaga. . . Bakit kaya 'di siya mag-artista?
"Of course, you're so handsome, my son!" sagot ni Ma'am Helen at tumayo sa kinauupuan niya para makalapit kay Sir Zeus. "I can't believe it. Binata ka na talaga!"
"Ma naman. . ." dinig kong reaksyon ni Sir Zeus. Hindi ko na siya makita ngayon dahil nakaharang na si Ma'am Helen sa harapan ko.
"E, magtataka pa po ba kayo, Madam? E, mukha namang may pinagmanahan itong anak n'yo," sabi naman ng baklang nag-ayos kay Ma'am Helen. "Ang gorgeous n'yo pa rin po, e!"
"Naku naman, Ursula," natatawang sagot ni Ma'am Helen doon. Hinawakan pa niya ito saglit sa braso, pagkatapos ay bumaling siyang muli kay Zeus. "Where's your kuya?"
Pero bago pa man makasagot si Sir Zeus ay narinig na namin ang pagbaba ni Apollo. Nakasuot naman siya ng asul na damit na madilim din ang kulay. Mabagal ang pagbaba niya sa hagdan at para bang matamlay siya.
Eh, ano naman ang paki ko?
"Aba, madam! Ang ga-gwapo naman pala talaga ng mga anak n'yo," komento ulit ng bakla na tinawag ni Ma'am na Ursula. Bakit gano'n? Parang tunog kontrabida ang pangalan nito?
"Of course! Ikaw na nga ang nagsabi," sagot naman ni Ma'am Helen. Pagkatapos ay lumapit kay Apollo. "What's with the frown? Are you okay, Son?"
Umiling-iling si Apollo. "Medyo masakit lang ulo ko, Ma."
"Oh, Son." Makikita ang pag-aalala ni Ma'am Helen sa kanyang anak base sa paghawak niya sa balikat nito. "Kaya mo naman siguro, 'di ba?"
Tumango-tango si Apollo at ngumiti kay Ma'am Helen. "I can manage."
"Well kung gano'n, let's go!" sabi ni Ma'am Helen. Kasunod noon ay lumapit ito sa sofa para kuhanin ang bag niyang halatang mamahalin.
Nang sandaling 'yon ay nakita kong muli si Sir Zeus. Para siyang wala sa sarili at nakatitig lang sa sahig. Dahil doon ay 'di ko maiwasang magtaka. Ano kayang iniisip niya at parang napakalalim naman yata no'n?
"Ah. . .Jacob, Junard, pakibuhat na nga 'tong box."
Natauhan naman ako nang marinig kong muli ang boses ni Ma'am Helen. Napatingin ulit ako sa kanya na ngayon ay maayos nang nakatayo habang hawak ang maliit na bag niya.
Kaagad namang sumunod si Jacob at Junard na kapwa nakasuot ng barong na kulay abo. Lumapit sila sa regalo ni Sir Zeus at binuhat iyon palabas ng mansyon.
"Ursula, invited ka rin sa birthday ni Marquita, 'di ba?" tanong pa ni Ma'am Helen saby lingon sa nag-ayos sa kanya.
"Yes, Madam! Of course!" sagot naman nito.
"Good! Sumabay ka nalang samin," sabi ni Ma'am dito. Pagkatapos naman ay bumaling siya sa amin at kinausap si Manang Guada. "Pa'no, Manang? Ikaw na muna'ng bahala dito ah?"
"Opo, Ma'am. Mag-iingat po kayo," sagot naman ni Manang Guada at bahagya pang yumuko.
"Alright." Napangiti si Ma'am Helen. Ang ganda niya talaga. "Come on, Zeus, Apollo."
Nang sandali din namang 'yon ay nagsilabasan na silang apat sa mansyon. Ihahatid na rin sila nila Junard sa kung saan man gaganapin ang birthday ni Marquita.
"Oh, halika na't kumain na tayo," sabi naman ni Manang Guada sa amin, kaya nagsipuntahan na kami sa kusina.
Nagtulong kami ni Ate Bella sa paghahain ng pagkain. Mayamaya rin naman ay dumarating si Jacob. Sakto at tubig na lang ang kulang noon sa mesa. At dahil sa takot ni Ate Bella na makabasag na naman ako, siya nalang ang kumuha.
"Oh, Jacob? Hindi ka sumama?" tanong ni Monet aa kanya.
"Sabi ni Junard siya nalang daw, e. Medyo masikip din kasi sa kotse," paliwanag ni Jacob at naupo sa upuan niya. "Tsaka kaya na raw niyang buhatin 'yung regalo ni Sir."
Tumango-tango naman si Monet.
"Oh, hayan na! Kumain na tayo," sabi ni Ate Bella nang mailapag ang isang pitsel ng malamig na malamig na tubig sa gitna ng mesa.
"Oh, magdasal muna," paalala ni Manang Guada, kaya napabitaw kami sa mga kutsara namin at nag-krus.
Ganito palagi ang gawi namin kung kakain. Magdadasal muna kami bago kumain. Turo 'yon ni Manang na parang pangalawang magulang na namin.
Ang ulam namin ngayon ay paksiw. Lumipad na naman tuloy ang isip ko sa birthday ni Marquita. Sa araw-araw na pag-uusap ng mga Lorenzino doon, pati yata ako ay naapektuhan na. Napapaisip lang kasi ako, ano kaya ang mga pagkaing nakahain doon ngayon? Siguradong higit pa sa mga pagkaing nakahain noong party ng mga Lorenzino.
Ang ilan nga sa mga 'yon ay 'di ko pa natitikman. Ni hindi ko rin alam ang tawag. May nakita pa nga akong puting spaghetti. Tinanong ko naman noon ang isang kusinerang nandoon kung ano 'yon, pero nakalimutan ko na.
"Manang, pwede po ba kaming manood ng TV mamaya? Tutal wala naman po sila Ma'am, e," pagbasag ni Danica sa katahimikan.
"Oh, siya, sige. Baka sumama pa ang loob mo kapag 'di ko kayo pinayagan," sagot naman sa kanya ni Manang Guada.
Napabungisngis si Danica. "Thank you, Manang! Inaabangan ko po kasi 'yung Hamakin Man Ang Mundo, e. Tsaka 'yung. . . Kahati Ng Puso."
"Naku! Ako, sawa na 'ko sa mga palabas na 'yan. Pare-parehas lang naman lagi. Naiiba lang ang artista," komento naman ni Manang Guada. Sa bagay, medyo tama nga. Siguro kaya ayoko rin manood ng mga gano'n.
"Grabe naman si Manang," komento naman ni Danica, pero 'di na sumagot pa si Manang Guada.
Nang matapos nga kaming kumain ay nagmamadaling nagpunta sa sala si Ate Bella at si Danica, kaya si Monet ang nakatulong ko sa paghuhugas ng mga pinggan. At nang matapos kami ay nagpaalam na siyang pumasok sa kwarto. Ako naman ay sasama na rin sana sa kanya, kaya lang ay tinawag ako ni Danica.
"Maureen! Halika, makinood ka dito!" sabi niya sa'kin.
Dahil ayoko pa naman talagang matulog ay naupo nalang ako doon sa solong upuan sa tabi ng inuupuan nila ni Ate Bella. Ang nasa TV ay isang babaeng maputi at may maiksing buhok.
"Yan si Mercedes," sabi sa'kin ni Danica.
Tumango ako. "Ang ganda pala niya."
"Teka. . . Parang kahawig mo 'yung kapatid ni Mercedes," sabi naman ni Ate Bella na matagal na palang nakatingin sa'kin.
"Ha? Naku, malabo naman po siguro," nahihiyang sagot ko. Oo nga't maganda raw ako, pero 'yung magkaro'n ako ng kahawig na artista? Parang malabo yata 'yon.
"Sino, Ate?" tanong naman ni Danica na napatingin din sa'kin. "Si Celestia?"
"Oo! Sino pa ba'ng kapatid ni Mercedes?" sagot naman ni Ate Bella. "Tignan mo, may pagkakahawig talaga sila sa ibang anggulo, e. . ."
"Hindi ko naman kilala 'yang sinasabi n'yo. . ." sabi ko nalang.
"Ay, Ate! Nagsabunutan si Rica at si Mia!"
Dahil sa eksenang 'yon sa palabas ay nabaling ang atensyon ni Ate Bella at ni Danica doon. Ako naman ay napapaisip pa rin kung sino 'yung Celestia na sinabi nila. Talaga nga kayang kamukha ko siya? Hindi naman siguro. Katamtaman lang naman ang hitsura ko.
Ilang minuto pa ang itinagal namin doon, hanggang sa napalitan ang palabas. Ang pamagat naman no'n ay "Kahati Ng Puso". Base sa mga narinig ko sa mga artistang nandoon, ang istorya ay tungkol sa kambal na nagkagusto sa iisang lalaki.
"Tanggapin mo na kasi, Ammie! Hindi ka mahal ni Jay, dahil ako! Ako ang mahal niya!"
"Hindi. . . Hindi ako makakapayag, Annie!"
"Nakakainis naman 'tong si Ammie! Ayaw pang magparaya, e, may mahal na ngang iba si Jay!" reklamo ni Ate Bella.
"Naku, Ate, oo nga po, e! Kasora!" sang-ayon pa ni Danica.
Para naman akong sinasampal sa linya na 'yon. Kasi, aaminin ko, may parte pa rin sa'kin na humihiling na sana. . .sana wala na lang Marquita sa buhay ni Sir Zeus. Na kung prinsipe siya, ako na lang sana ang prinsesa niya. Kaso, prinsesa nga pala ako ng mga mahihirap. . .
"Ehem! Ehem!"
Napatingin kaming tatlo sa pinanggalingan ng ubo na 'yon. Lahat naman kami ay nagulat nang makitang si Apollo pala 'yon. Wala na ang damit nitong nakapatong sa damit niyang panloob kanina.
"Sir Apollo? Ayos lang po ba kayo?" tanong ni Danica. Lalapit na sana siya dito nang pigilan siya nito.
"Okay lang ako," sagot nito at nagdire-diretso sa pag-akyat patungo sa itaas.
"May sakit yata si Sir. . ." sabi pa ni Danica.
Kasunod naman noon ay ang pagpasok ni Junard. Dala-dala nito ang damit ni Apollo.
"Junard! Ano'ng nangyari kay Sir Apollo?" tanong naman ni Ate Bella dito.
"May sakit yata. Kanina pa nahihilo, e," sagot naman ni Junard. Pagkaraan ay inabot naman niya sa'kin ang damit ni Apollo. "Pakibigay nga kay Sir. Magpapahinga muna 'ko."
Medyo nataranta din ako dala ng reaksyon ni Ate Bella at ni Danica, kaya kinuha ko na lang ang damit ni Apollo at kaagad na tumayo. May sakit naman siya ngayon. Siguro naman hindi siya gagawa ng ano mang nakakainis, 'di ba?
Hindi ko alam sa sarili ko kung bakit hindi ko naisipang kumatok. Tinignan ko kaagad kung bukas ang pintuan ng kwarto niya, at sakto namang bukas 'yon. Kaya naman pumasok na lang ako nang tahimik sa loob.
Aalis na sana ako matapos kong ilagay sa table niya ang damit niya, kaya lang ay 'di ko mapigilan ang makaramdam ng awa sa sitwasyon niya ngayon. Nakaluhod siya sa gilid ng kama niya at nakayuko. Halatang hirap.
Oo, galit ako sa kanya. Pero hindi ko pa rin maiwasan ang mag-malasakit. Siguro dahil na rin sa turo ni Itay.
"A-Apollo? Masama ang pakiramdam mo?" tanong ko at bahagyang lumapit sa kanya.
"Sabing okay lang—Maureen?"
Agad na nawala ang salubong niyang kilay kanina at napalitan iyon ng pagkabigla nang makita niya ako. Para namang may sariling isip ang mga kamay ko at sinalat ko ang noo niya.
"Naku! M-May lagnat ka yata!" reaksyon ko nang maramdamang mainit ang temperatura niya.
"Maureen?" tanong pa niyang muli na 'di pa rin makapaniwala. "Ikaw ba talaga 'yan?"
Hindi ko 'yon pinansin at kaagad na tumayo. "Kukuha ako ng gamot."
Dali-dali akong nagtungo sa sala, dahil may cabinet doon na pinaglalagyan ng mga gamot. Kaagad naman nilang napansin ang pagmamadali ko.
"Maureen, bakit? Ano'ng nangyari kay Sir?" tanong ni Danica.
"May lagnat siya," sagot ko na lang na hindi sila tinatapunan ng tingin. Dumiretso rin ako sa kusina at kumuha ng tubig. Pero nasa plastic na bote naman 'yon, kaya siguradong 'di ko mababasag.
Nang makuha ang mga kailangan ko ay dali-dali rin naman akong umakyat at nagtungo sa kwarto ni Apollo. Naabutan ko naman siyang nakahiga sa higaan niya. Ni hindi pa niya natanggal ang sapatos niya.
"Apollo—S-Sir Apollo, uminom ka muna ng gamot," sabi ko habang hawak ko ang gamot at tubig sa magkabilang kamay ko.
Napagtanto kong baka 'di niya kayang tumayo, kaya ako na ang lumapit sa kanya. Binuksan ko ang gamot, pagkatapos ay binuksan ko rin ang tubig.
"I-Ito. . . Uminom ka," sabi ko pa at inilapit sa kanya 'yon.
Nagawa naman niyang maupo nang bahagya at sumandal sa dingding. Pagkatapos noon ay kinuha niya sa'kin ang gamot saka ininom 'yon. Kinuha rin niya ang tubig at lumagok doon. Nang matapos siya ay kinuha ko na ulit 'yon at saka tinakpan.
Pero mayamaya'y may naalala ako. Sa tuwing nagkalalagnat ako ay pinupunasan ni Itay ang katawan ko.
"Saan nakalagay ang mga bimpo mo?" tanong ko sa kanya.
Itinuro lang niya ang isa niyang cabinet. Tumango-tango naman ako at lumapit doon para maghanap ng bimpo. Nang makahanap ako ay dumiretso ako sa banyo at binasa 'yon ng tubig. Mabuti at may sari-sarili silang banyo sa mga kwarto nila.
Matapos mapigaan ang bimpo ay lumapit akong muli sa kanya.
"Oh, punasan mo 'yang katawan mo," sabi ko sa kanya.
"H-Hindi ko kaya. . ." sabi naman niya.
Pinagmasdan ko muna siya sandali at mukha namang hindi siya nagpapanggap lang. Napabuntong-hininga at napairap nalang ako nang lumapit ako sa kanya at nagsimulang punasan ang leeg niya kasunod naman ang mga braso niya.
"Bahala ka. Ito lang ang mapupunasan ko," sabi ko sa kanya. Hindi ko naman kasi makakayang punasan ang ibang parte ng katawan niya. Parang sobra naman na yata 'yon.
"Ba't kasi. . .may ganyan pa?" tanong niya.
"Ganito kasi ang ginagawa ni Itay 'pag may lagnat ako. Para daw lumabas ang init sa katawan," paliwanag ko naman sa kanya. "Mahirap kami, pero may mga alam din naman kaming gawin."
"Maureen. . ." sambit naman niya sa malambing na tinig. Nang tignan ko siya'y nakangiti pa siya. ". . . Salamat."
Napaawang ang labi ko, ngunit hindi ko na nakuhang sumagot. Baka mamaya kung ano'ng isipin niya sa ginawa ko. Pero sa kabila ng lahat, hindi ko pa rin masasabing lumambot na ang puso ko sa kanya. May sakit lang siya kaya ko ginagawa 'to.
Umiwas nalang ako ng tingin at imbis na sumagot ay nagtungo na lang ako sa bandang paanan niya at tinanggal ang sapatos niya. Hinila ko na rin ang kumot niya para matakpan no'n ang buo niyang katawan. Pagkatapos noon ay nilagay ko sa laundry basket ang bimpong ginamit ko.
"Wag mo sanang isiping nag-iba na ang tingin ko sa'yo," sabi ko sa kanya. "Ginagawa ko lang 'to dahil kailangan."
Tumalikod na ako pero napatigil ako nang magsalita siya.
"Naiintindihan ko. . . Pero may pakiusap sana 'ko. Kahit ngayon lang?"
Napapikit ako at napabuntong-hininga bago ako muling lumingon sa kanya. "Ano naman 'yon?"
"Pwede bang dito ka muna? Hanggang sa makatulog lang ako," pakiusap siya.
Gusto ko sanang tumanggi, pero dahil na rin sa awa sa kanya ay pumayag nalang din ako. Wala akong nagawa kung hindi ang lumapit at tumayo sa gilid ng kama niya.
"Hindi ka ba mangangawit sa pagtayo d'yan?" tanong niya sa'kin. "Bakit 'di ka maupo dito sa tabi ko?"
Nang mga sandaling 'yon ay medyo pinagsisihan ko na ang pagtulong sa kanya. Kung bakit kasi ang bilis kong maawa sa may sakit! Ngayon tuloy ay mukhang sinasamantala niya ang awa ko sa kanya.
Kinuha ko na lamang ang upuan na nasa table niya. Ito 'yung upuang umiikot-ikot. "Dito na lang ako."
Napangiti naman siya. "Kung 'yan ang gusto mo."
Napabuntong-hininga akong muli. Madalas kong gawin 'to para mailabas ang inis ko. Pagkatapos ay humalukipkip ako.
"Magpahinga ka na at nang gumaling ka na. Para naman mawala na rin ang awa ko sa'yo."
Itutuloy . . .
*Clarifications*
• Siguro napapansin n'yo na Apollo lang ang tawag ni Maureen kay Apollo imbis na "Sir Apollo" Well, dahil 'yan sa nawala na ang respeto ni Maureens sa kanya simula no'ng gabing umamin siya.
• Alam ko ang tawag sa mga bagay-bagay na nababanggit dito kagaya ng; 1) maliit na bag - pouch, 2) puting spaghetti - carbonara. Pati na rin ang mga colors. Kaya lang dahil mahirap si Maureen, hanggang elem lang ang inabot, at point of view niya 'to, ginagawa ko, nahihirapan siyang mag-describe ng 'di niya alam. Para mas convincing.
• Hazel wood ang color ng dress ni Ma'am Helen, navy blue kay Apollo, at magenta ang kay Zeus (dahil pink ang theme ng debut ni Marquita, at isa si Zeus sa kasama sa cotillion)
Lastly, sorry for the slow update. Hahaha. Hindi pa ako gano'n kagaling magsulat at may mga araw na pakiramdam ko, nade-drain ang utak ko. Plus the fact na hindi ako madalas mag-load. Still, to those who keep on reading and waiting for my update, I love you and God bless you! ❤️