webnovel

Kabanata 15

Kabanata 15

Dahil sa mga nangyari, napagpasyahan kong ituon na lang ang atensyon ko sa trabaho ko dito sa mansyon. Wala na akong pakialam kung ano pa man ang mangyari kay Marquita at kay Sir Zeus. At hangga't maaari ay ginagawa ko talaga ang lahat para iwasan si Apollo.

Mukhang tama nga si Itay. Ang mundo ng mayayaman ay iba sa mundo naming mga dukha. Kung sila ay parang nabubuhay sa karangyaan, kami naman ay hamak na putik lamang. Kung bakit naman kasi napakatanga ko at kinalimutan ko ang mga bilin ni Itay!

"Si Sir Zeus?" tanong ni Jacob na may dala-dalang malaking kahon na halos singlaki ko na.

"Baka nasa kwarto niya," sagot ni Danica.

"Pakitawag naman oh?" pakiusap pa sa amin ni Jacob.

"Danica, ikaw na lang," walang ganang sabi ko kay Danica.

"Ha? Ah, eh, bakit ako?" takang tanong naman ni Danica.

"Ano ba naman kayo oh? Nagtuturuan pa kayo." Napailing si Jacob. "Ako na nga lang."

Hindi ko nalang tinignan pa si Jacob at ipinagpatuloy nalang ang pag-aayos ng sofa. Naramdaman ko naman ang paglapit ni Danica sa akin. Hindi ko naman siya pinansin kahit nasa tabi ko na siya.

"Galit ka pa rin ba kay Sir Zeus?" pabulong na tanong niya sa'kin.

Napabuntong-hininga ako at pinagpag ang unan na nasa sofa. "Wala naman akong karapatang magalit sa kanya, Danica. Dahil katulong lang naman ako. Nahihiya lang talaga ako sa kanya."

"Ikaw naman kasi. B-Baka naman naistorbo mo lang ang tulog niya no'n?" sabi pa niya sa'kin. Ito rin ang sinabi niya sa'kin noon nang ikuwento ko sa kanya ang pangyayari.

Nang mailagay ko sa tamang lugar ang unan ay hinarap ko na siya. "Hindi lang naman 'yon ang dahilan kung ba't ako umiiwas sa kanya, e."

"E, ano pa?" tanong naman niya.

"Kailangan kong dumistansya dahil. . . Dahil hanggang dito lang naman talaga ang lugar ko. Hindi na 'ko dapat sumobra pa do'n," paliwanag ko sa kanya.

Napaangat naman ang tingin namin sa hagdan nang marinig namin ang mga yabag nina Sir Zeus at Jacob. Hindi nalang kami nag-imikan ni Danica at ipinagpatuloy nalang ang gawain.

"Gusto ko pagbalik ko na-open na 'yang package ah?" bilin pa ni Sir Zeus bago siya lumabas. Makikipag-usap yata sa delivery man.

"Anong laman n'yan, Jacob?" dinig kong tanong ni Danica kay Jacob na nagsisimula nang buksan ang napakalaking kahon.

"Hindi ko nga rin alam, e," sagot naman ni Jacob.

Natanga nalang doon si Danica habang binubuksan 'yon ni Jacob. 'Di ko rin naman naiwasan ang mapatingin. Dahil kahit itanggi ko man sa sarili ko ay interesado pa rin ako sa kung ano ang laman ng kahon na 'yon. Ngayon lang ako nakakita ng gano'n kalaking kahon.

Mayamaya pa'y tumambad sa amin ang isang maganda at malaking teddy bear na kulay pink na nakasilid sa isang malinaw na plastic. Sa hitsura palang no'n ay nahulaan ko nang regalo 'yon ni Sir Zeus para kay Marquita.

"Wow! Ang ganda naman n'yan!" komento ni Danica. Hindi pa siya nakatiis at lumapit pa siya doon para mas makita 'yon nang maayos.

"Kasinglaki mo na, Danica," natatawang sabi ni Jacob sa kanya. Kaya naman kaagad niya itong sinampal sa braso.

"Bwisit ka talaga!" inis na sabi niya.

"Bakit?" Natawa na naman si Jacob. "Totoo naman ah!"

Hindi naman na nakasagot pa si Danica dahil pumasok na ulit sa mansyon si Sir Zeus.

"Oh, Sir! Nabuksan ko na ho," bungad ni Jacon sa kanya. "Ang ganda ho pala ng laman."

Napatango si Sir Zeus habang ang kamay ay nasa magkabila niyang baywang. "Regalo ko 'to kay Marquita. Sa Friday na kasi ang debut niya."

"Ah! Kaya po pala maganda. Para po pala sa gerpren mo ho, Sir?" sabi pa ni Jacob.

"No. Hindi ko siya girlfriend," sagot naman nito.

Hindi nga niya kasintahan, pero hinalikan naman niya! Edi, gano'n din 'yon. Tsaka pasasaan ba't magiging sila rin? Wala namang ibang humahadlang sa kanila kung hindi si Blake. At mukhang hindi rin naman ito malaking problema sa kanila.

"E, gano'n na rin ho 'yon, Sir!" sabi naman ni Jacob, pagkatapos ay bahagyang tumawa.

"E, bakit, Sir? Ayaw mo po ba?"

Nagulat ako sa tanong na 'yon ni Danica. Naku! Nakakahiya kay Sir Zeus! Kung malapit lang ako sa kanya ay masasabunutan ko siya.

Nakita ko namang medyo nag-iba ang ekspresyon ni Sir Zeus noon. Hindi ko nalang masyadong pinansin.

"Danica! 'Wag ka ngang masyadong chismosa," sita naman ni Jacob sa kanya.

"Parang ikaw hindi ah?" ganti pa ni Danica.

"Ah, Sir, pasensya na," sabi naman ni Jacob kay Sir Zeus sabay ngiti.

Tango lang naman ang isinagot ni Sir Zeus. "Nasira ba 'yung box or what?"

"Ah, hindi po, Sir," sagot ni Jacob at inilagay sa likuran ang dalawa niyang kamay at pinagdaop 'yon.

"Good." Tumangong muli si Sir Zeus, pagkatapos ay tumingin siya sa akin, na ikinagulat ko naman. Gusto ko sanang umiwas ng tingin, pero baka naman isipin niyang binabastos ko siya. Dahil kausap niya ako at dapat na tumingin ako sa kanya.

"Pakilagyan nalang 'to ng gift wrapper, okay?" utos niya sa'kin.

Walang salita ang lumabas sa bibig ko, kaya't tango lamang ang naisagot ko. Hindi naman na siya nagsalita pagkatapos noon, at dali-dali na rin siyang umakyat sa itaas patungo sa kanyang kwarto.

"Oh, narinig n'yo ang sabi ni Sir ah? Hintayin n'yo nalang si Junard. Siya ang bumili ng pambalot," sabi sa amin ni Jacob bago siya muling lumabas ng mansyon.

"Aba, mukhang may nanalo na nga. Ang bongga nito, e!" sabi ni Danica nang makaalis si Jacob.

Tipid na ngiti lang ang isinagot ko sa kanya. Isa na namang sampal sa akin kung gaano kami magkaiba ni Marquita. Buong buhay ko, iisa palang ang naging teddy bear ko. Nadumihan pa 'yon nang bahain kami noon. At pagkatapos noon ay 'di na ulit ako nagkaroon ng iba pang laruan. Samantalang itong si Marquita, bibigayan ni Sir Zeus ng pagkalaki-laki at pagkaganda-gandang teddy bear.

Sigurado akong mahal 'yon, pero baka rin barya lang sa katulad ni Sir Zeus. Mukha ring pinasadya 'yon dahil may gintong beads na korteng letrang M sa tiyan ng teddy bear.

Tama nga si Danica. Mukhang may nanalo na nga sa puso ni Sir Zeus.

* * *

Nang dumating si Junard ay sinimulan na namin ni Danica na lagyan ng balot ang kahon na 'yon. Labag man sa loob ko ay ginandahan ko pa rin ang pagkakabalot noon—sinisiguradong magugustuhan 'yon ni Marquita.

"Ginagandahan pa natin, e, tiyak naman na sisirain lang din 'to no'n," sabi pa sa'kin ni Danica.

Tinawanan ko naman siya. "Gusto mong mapagalitan tayo dahil 'di natin ginawa 'to nang maayos?"

"Hindi," sagot niya at napanguso.

"Yon naman pala, e. Tsaka alam mo, ang mga mayayaman, kaunting 'di lang maganda, mukha nang basura sa paningin nila," sabi ko pa. Sa arte ni Marquita, siguradong ayaw no'n ng mga bagay na simple lang o di kaya ay 'yong 'di kaaya-aya para sa paningin niya.

"Ako nga, 'di ko matandaan kung kelan ako huling nagkaro'n ng regalo, e," malungkot na sabi niya. "Minsan nga wala pa tayong handa, 'di ba?"

Napabuntong-hininga naman ako. "Gano'n talaga ang buhay, e."

"Oo nga pala! Malapit na ang birthday mo 'di ba?" sabi pa niya sa'kin.

Natawa naman ako. "Ang layo pa 'no! Halos dalawang buwan pa siguro."

"Hayaan mo, Mau. Mag-iipon ako para naman kahit papa'no, may regalo ako sa'yo." Nginitian pa niya 'ko.

"Wag na 'no. 'Yun lang makasama ko kayo, okay na sa'kin, e," sabi ko pa sabay ngiti.

Totoo naman 'yon. Sa ilang taon din naman, nasanay na akong mag-birthday nang walang handa. Basta, masaya ako dahil kasama ko naman ang mga kaibigan ko at si Itay. Kaya si Marquita, sobrang swerte niya talaga.

Mayamaya ay natapos na kaming balutan 'yon at nagtulong kami ni Danica na itayo 'yon. Sakto naman at dumating si Ma'am Helen at si Apollo.

"Hmm. What's that?" tanong ni Ma'am Helen sa amin na kinikilatis ang box na ngayon ay nakabalot na sa napakagandang gift wrapper.

"Ah, Ma'am, regalo po 'to ni Sir Zeus kay Ma—Ma'am Marquita," sagot ni Danica sa kanya.

Dahil doon ay kumurba ang mga labi ni Ma'am Helen. "Wow! So—" Itinukod niya ang kamay sa sandalan ng sofa at ipinameywang ang isa pa. "—anong nasa loob?"

"It's a giant and very, very soft, pink teddy bear."

Napatingin kaming lahat kay Sir Zeus na pababa ng hagdan. Nagmadali siya sa pagbaba at kaagad na yumakap kay Ma'am Helen. Kasunod naman noon ay tinapik niya ang braso ng kuya niya.

"And?" tanong pa ni Ma'am Helen.

"A-And what?" naguguluhan namang tanong ni Sir Zeus.

"Of course, hindi lang dapat ito ang regalo mo sa kanya, Zeus! You should give her more! More pretentious. More expensive!" sagot sa kanya ni Ma'am Helen.

Bakit gano'n? Parang 'di siya natuwa sa regalo ni Sir Zeus? Tsaka, isa pa, 'di naman siya ang may birthday ah?

"O-Okay, Ma. I'll try to find another one—maybe a jewelry?" sagot nalang ni Sir Zeus, na sa tingin ko ay umiiwas nalang na makipagtalo sa nanay niya.

May ganito rin palang ugali si Ma'am Helen na 'di basta-basta natutuwa sa mga bagay-bagay? Kung ako nga ang makakatanggap na regalo na 'yan, baka magtatalon na ako sa tuwa, e. Kaya lang, naalala ko. Iba nga pala sila sa akin.

"Ma, masyado ka namang stressed! It's not like it's a wedding proposal or what," pagsali ni Apollo sa usapan. "Kumain nalang tayo."

"Okay, okay." Tumango-tango si Ma'am Helen, pagkatapos ay tumawag sa kusina. "Ya! Please prepare our foods!"

"Ilagay n'yo nalang sa kwarto ko 'yan," sabi ni Sir Zeus sa amin.

Tumango-tango naman kami. "S-Sige po, Sir."

Akmang bubuhatin na namin ni Danica ang kahon nang magsalita si Apollo.

"Hindi n'yo kaya 'yan. Kina Junard at Jacob n'yo nalang ipagawa 'yan," dinig kong sabi niya.

Bago pa man din ako makaharap sa kanya ay dumiretso na siya sa hagdanan para umakyat sa kwarto niya. Wala siyang kaimik-imik at tanging tunog lang ng sapatos niyang lumalapat sa hagdan ang maririnig.

'Dahil nag-aalala ako.'

'Di ko maiwasang alalahanin kung paano niya 'yon sinabi kahapon. Napatingin tuloy ako sa kamay kong may band aid pa rin. Ginawa ba niya 'to dahil alam niyang may sugat ako? Totoo kaya ang pag-aalala niya sa'kin.

Eh, ano ngayon, Maureen, kung totoo? Baka nakakalimutan mo lahat ng masasakit na salitang sinabi niya sa'yo! At isa pa, hindi ka talaga gusto no'n! Gusto ka lang niya dahil sa hitsura mo!

"Saan dadalhin?"

Napatingin ako kay Jacob at kay Junard na pumasok ng mansyon. Hindi ko namalayang tinawag na pala sila ni Danica.

"Sa kwarto nga ni Sir Zeus," sagot naman ni Danica.

"Oh, Junard, d'yan ka sa kabilang dulo," sabi ni Jacob kay Junard. Ito naman ay nagpunta malapit sa'kin para buhatin ang kabilang dulo ng kahon. Pagkatapos ay magkatulong na nilang inakyat 'yon.

"Halika na sa kusina, Maureen," sabi naman sa akin ni Danica at isinabit ang kamay niya sa braso ko. Nagpahila nalang ako sa kanya at pilit na iwaksi ang mga kung ano-anong bumabagabag sa isip ko.

* * *

"Manang, alis na ho ako."

Kumakain kami nang magpaalam si Sir Zeus kay Manang Guada. Nakasuot siya ng asul na T-shirt na madilim ang kulay. Hindi ko alam kung ano'ng tawag do'n. Pagkatapos, ang shorts naman niya ay kulay abo na mataas nang bahagya sa tuhod niya. Mukha ring bagong ligo lang siya, at humahalimuyak pa nga ang pabango niya. Saan na naman kaya ang punta niya?

"Ah, sige," sagot lang ni Manang Guada sabay tango.

"Halika na, Sir!" sabi naman ni Junard na kaya pala mabilis kumain ay dahil ihahatid pa sa kung saan si Sir Zeus.

Pinanood ko lang sila habang sabay silang lumakad palayo. Mayamaya naman ay aksidente akong napatingin kay Danica. Medyo napaawang naman ang labi ko nang makitang nakatingin din pala siya sa'kin. Binigyan naman niya ako ng isang matamis na ngiti.

"Ah, Manang, sa'n po pupunta si Sir Zeus?" tanong ni Danica kay Manang Guada.

"Ikaw bata ka, bakit ba ang dami mong tanong?" medyo inis na tanong ni Manang Guada sa kanya. Napaatras naman ito.

"Sorry na po," sabi nalang nito at ipinagpatuloy ang pagkain.

Pasimple kaming nagkatinginan at binigyan ko siya ng isang simpleng iling.

"Alam mo, 'yang si Sir Zeus, kay Marquita at kay Marquita rin mauuwi 'yan," sabi pa ni Manang Guada, kaya lalo akong napayuko at nawalan ng imik. "E, kaya nga sila ang magka-partner sa debut ni Ma'am Marquita, e."

"Do'n po ba nagpunta ngayon si Sir? Para praktisin ang debut ni Ma'am?" tanong naman ni Monet.

"Malamang! E, late na nga silang nag-praktis, e," sagot naman ni Manang Guada.

"Manang, ayaw mo pang sumagot kanina. Sasabihin mo rin naman po pala," biro naman ni Danica dito. "Wala naman po akong balak kay Sir Zeus. Pero. . ."

"Pero ano?" tanong ni Jacob na parang ibang-iba ang tono. Bumungisngis naman si Danica bago sumagot.

"Wala! Sabi ko, nagiging kyur. . .kyur. . ."

"Curious," pagpapatuloy ni Jacob.

"Oo! Naku-curious ako kung pa'no mag-birthday ang mga mayayaman. Siguro para silang mga prinsesa at prinsipe?"

"Mahilig ka sa fairy tale no'ng bata ka 'no?" komento naman ni Ate Bella kay Danica.

"Maganda naman po kasi, e," sagot naman ni Danica.

"Hindi naman totoo 'yan. Walang happy ending 'no," sabi naman ni Ate Regine.

"Hmm? Ate Reg naman! Ang bitter," tugon ni Danica.

Natawa naman si Monet. "Pa'no, 'di niya nakatuluyan 'yung taga-Maynila na ka-text mate niya."

"Monet!" sita ni Ate Regine kay Monet, pero huli na ang lahat dahil nagtatawanan na kami sa sinabi ni Monet. Nawala ang lungkot ko nang sandaling 'yon, at nabaling sa pagka-curious kay Ate Monet ang atensyon namin.

"Ate, ikaw ha!" tudyo pa ni Danica.

"Naku, mga bata kayo oh." Napailing si Manang Guada. "Wag n'yo pa ring isara ang puso n'yo sa pag-ibig. Dahil 'yan ay dakila. Pero, 'wag din naman kayong padalos-dalos. Lalo na kayo Danica, Monet, Maureen. Mga bata pa kayo."

"Pa'no naman ako, Manang? Bata rin naman po ako, a?" biro naman ni Jacob.

"Ah, oo nga pala. Lalo na ikaw. Lalaki ka pa man din. 'Wag puro kapilyohan!" bilin naman sa kanya ni Manang Guada.

"Oo naman, Manang! Kahit gwapo 'ko, e, 'di ko paglalaruan ang mga babae," sagot naman ni Jacob sabay ngiti at taas ng kanyang kilay.

Natawa at napailing nalang kami dahil sa biro niya. Si Jacob talaga. . .

"Oh sige na nga," sabi nalang ni Manang Guada.

Natapos din naman na kaming kumain. Dahil magaling naman na ang sugat ko ngayon at 'di na mahapdi, kami na ulit ni Danica ang nakatoka sa paghuhugas ng pinggan.

"Danica, gano'n ba talaga? Kailangan pina-praktis pa ang birthday ng mayayaman?" tanong ko sa kanya. Ang totoo, ang dami kong tanong kanina tungkol sa birthday ni Marquita, pero nahiya lang akong magtanong. Baka sabihin nila, masyado akong usisera.

"Hmm. . ." Bahagya siyang tumigil sa pagsasabon ng plato para mag-isip. Pagkaraan ng ilang segundo ay nagpatuloy naman siya. "Ang alam ko kasi do'n meron do'ng cotillion."

"Co—ano?" takang tanong ko.

"Nakita ko lang din 'yon sa TV!" sabi niya. "Magsasayaw 'yung babae at lalaki na parang mga prinsipe at prinsesa!"

"Gano'n? Kailangan ba talaga ng g-gano'n sa debut?" tanong ko pa.

"Aba syempre! Ang debut ng mga mayayamang babae, marami talagang mga kung ano-ano pa. Syempre, papahuli ba naman si ano do'n?" sagot naman niya sa'kin.

Tumango-tango naman ako. "Sana sa debut natin, hindi na tayo ganito kahirap. Para naman may pang-spaghetti at ice cream tayo."

"Sana nga, e," sabi naman niya sabay nguso pa.

Kinagabihan, habang nakahiga ako sa higaan namin sa ibaba ng double deck, ay 'di ko maiwasang isipin si Marquita. Oo, siya nga. Alam kong sinabi rin sa akin ni Itay noon na 'wag daw akong makaramdam ng inggit sa mga mayayaman. Mali daw ang mainggit sa kapwa—lalong-lalo na ang hangarin ang mga bagay na 'di naman sa'yo.

Pero, katulad ng pagkagusto ko kay Sir Zeus, hindi ko rin naman maiwasan ang mainggit sa buhay ni Marquita. Oo, kakapalan ko na ang mukha ko—parehas kaming maganda, pero ganda lang ang meron ako. Siya, meron siyang pera at isang buhay na maginhawa. Ako. . . Heto lang.

Ano kaya ang pakiramdam na maging katulad niya? Anak-mayaman, tinitingala, marami ang humahanga. Lahat na lang yata ay nasa kanya. Lahat ng gusto niya, madali niyang nakukuha. 'Di ko tuloy maiwasang isipin: masaya kaya ang buhay na gano'n? Kung gano'n kaya ang buhay ko, mas magiging masaya kaya ako?

Itutuloy. . .

次の章へ