webnovel

Dinner Disaster

Maagang nagising si Theo. Lumabas siya sa kuwarto at nakita si Rina na nagwawalis malapit sa asotea.

Huminto ang babae upang hawiin ang kurtina doon.

"Huwag mong bubuksan 'yan," utos niya.

Humarap si Rina at kunot-noong tumitig sa kaniya. "Bakit?"

"Basta," sagot niya. Hindi siya sanay na nakabukas iyon. Palagi kasi siyang mag-isa sa bahay nila at hindi iyon nagagalaw.

Umupo siya sa sofa. Mas mabuti na ring nakasarado iyon palagi para maitago niya ang sarili sa labas. Ayaw niyang may nakakakita sa kaniya tulad na lamang ng mga guwardiya nila.

Pili lang ang mga tao na pumapasok sa mansion nila. Kabilang doon si Dr. Steve, ang tito at ang pinsan niya.

"Anong niluto mo?" tanong niya. Tumingin siya kay Rina nang tuluyan nitong hawiin ang kurtina.

Tumagos sa transparent glass door ang kaunting liwanag mula sa labas. Lumikha iyon ng Tyndall effect na nagpalitaw ng mga alikabok na lumilipad sa hangin. Ang kaninang madilim na loob ay unti-unti nang sinakop ng liwanag.

'Ang tigas ng ulo!' isip-isip ni Theo habang nakatingin kay Rina na abala sa pagtali ng kurtina.

"Isarado mo 'yan. I'm your boss. Sundin mo lahat ng sasabihin ko," utos niya.

Ngumiti sa kaniya si Rina. "Ang ganda kaya tingnan ng pagsikat ng araw," sabi nito saka tumitig sa labas. "Tingnan mo 'yong araw, mamaya lang lalabas na 'to sa pinagtataguan nito. Mamaya lang ay mas magliliwanag na ito at magbibigay buhay sa lahat," patuloy nito.

Napako na ang tingin ni Theo kay Rina. Nakangiti ang dalaga na para bang wala itong mabigat na problema.

"Don't you know how far the sun from the two mountains? It is one hundred fifty million kilometers away from the earth. The sun is bigger than the earth, so it is impossible na makapagtago ito sa dalawang bundok na 'yan. Nag-aral ka ba?" pang-aasar ni Theo kay Rina.

"Hindi naman literal ang kahulugan ng sinabi ko."

"That's why many people are living with a lie because they tend to believe in a fairy tale rather than reality."

Kumunot ang noo ni Rina. "Kaya pala hawak mo ang story book na Beauty and the Beast," natatawang sabi niya. Naalala niya kasi ang picture ni Theo na pinakita sa kaniya ng magulang nito.

"That was a long time ago. The time na wala pa akong alam sa mundo." Nag-iwas si Theo ng tingin kay Rina.

Aaminin niya na nagustuhan niya ang kuwento ng Beauty and the Beast. Subalit noong bata pa siya. Iyon ang panahon na marami pa siyang gustong malaman sa mundo. Nalulungkot kasi siya dahil matagal na nakulong si Beast sa palasyo. Noong lumaki siya at nawalan ng interes sa buhay sa labas, naunawaan niya na rin ang sitwasyon ni Beast. Mas makabubuti rito ang manatili sa loob ng palasyo kaysa makatanggap ng mga masasakit na salita mula sa ibang tao.

Sandaling tumahimik ang paligid.

"Nga pala, kailan ang huling labas mo rito?" umpisa muli ni Rina para magkaroon sila ng topic na mapag-uusapan dalawa.

"I don't know," pagsisinungaling ni Theo. Ang totoo ay malinaw sa kaniyang alaala kung kailan siya huling lumabas. Iyon din ang araw na nagsimulang maging impiyerno ang buhay niya. "Ayokong pag-usapan."

Napansin ni Rina ang pagbabago sa ekspresyon ni Theo. Lalong lumungkot ang mga mata nito.

"What?" tanong ni Theo sabay iwas ng tingin sa kaniya.

"Sa'n ka pala nag-aral?" Hindi mapigilan ni Rina ang sarili na magtanong. Curious siya sa buhay ng lalaki. Gusto niyang malaman ang dahilan ng lungkot sa pagkatao nito.

"Through online school and home study."

Napanganga si Rina. "Hala, 'di nga? Puwede ba 'yon?"

"Everything is possible as long as you have money. Money can help you or can destroy you." Tumayo na si Theo. "Stop asking me about nonsense questions. Gutom na ako."

Naalala ni Theo kung paano sinira ng pera ang buhay niya. Iyon ang naging dahilan kung bakit naging miserable ang pagkatao niya.

"Oo nga pala, darating dito ang mama, papa, tito at pinsan mo. Dito sila magdi-dinner."

Napalingon siya kay Rina. Nagsasabi ba ito ng totoo? Naninibago siya. Iyon ang unang beses na kakain silang magkakasama.

Mapakla siyang ngumiti. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip ng pamilya. Lalo na ang kaniyang ama.

"Kasama si Dr. Steve."

"Wala akong pakialam."

Tuluyan na siyang tumalikod at naglakad papunta sa kusina. Gawin nila ang gusto nilang gawin, wala na siyang pakialam.

.....

Alas singko ng hapon nang makarating ang pamilya ni Theo. Magkakasabay silang dumating sakay ng kani-kanilang magagarang kotse.

Sumalubong sa pagpasok nila ang mesang puno ng pagkain. May kanin at iba't ibang ulam—lumpia, malaking hipon, crabs, isda at karne. May mga prutas at gulay rin.

"Wow! Ikaw ba ang nagluto ng lahat ng 'to?" bungad ni Cliff.

Lumapit si Cliff kay Rina na nakatayo sa gilid ng mesa at kanina pa naghihintay sa pagdating nila.

"Cliff nga pala, ikaw siguro si Rina?"

Tumango si Rina habang sinusuri ang lalaking kaharap. Payat ito, nakasuot ng polo shirt, maong pants at rubber shoes na white. Mayamaya ay inalis ng lalaki ang tingin sa kaniya at tumingin sa hagdan.

"Insan!" bati ni Cliff sa pinsan na si Theo.

Kakababa lang din ni Theo nang dumating sila. Inakbayan ni Cliff ang pinsan nang tuluyan itong makababa sa hagdan.

"Tanggalin mo 'yang kamay mo sa balikat ko."

Bata pa man sila ay hindi na kasundo ni Cliff si Theo. Mailap ang pinsan niya. Kahit na siya ang unang kumakausap dito ay patuloy pa rin ito sa pag-iwas sa kaniya.

Sa messenger lang sila nag-uusap ni Theo. Tinutulungan niya kasi ito sa online business nito. Ginagawa niya iyon dahil gusto niyang makuha ang loob ng pinsan.

"Hindi ka pa rin nagbabago Insan. Minsan na nga lang akong pumunta rito tapos nagsusungit ka pa." Nakanguso si Cliff habang sinasabi iyon sa kaniyang pinsan.

"Nakakatuwa kayo," komento ni Rina na ngiting-ngiti habang nakatitig sa dalawang lalaki.

Napalingon ang mag-pinsan kay Rina nang marinig ang pagtawa ng babae.

"Ang ganda mo pala Rina," papuri ni Cliff.

"Ikaw pala si Rina. My brother is right about you. You are beautiful and skillful woman. Ikaw ang nagluto ng lahat ng 'to?" tanong ng matandang lalaki.

Lumapit sa kanila ang nakakatandang kapatid ni Armando na si Eduardo. Nakasuot ito ng business attire at nakasalamin. Mayroon itong magkasalubong at makapal na kilay.

"Yes po," sagot ni Rina kay Eduardo na lumingon sa direksyon ni Theo.

"Kumusta Theo? Ang laki mo na."

Nasa likuran ni Eduardo ang kapatid, si Caridad at si Dr. Steve.

Nag-iwas si Theo ng tingin sa tito niya.

"Ganiyan mo ba babatiin ang tito mo? You should learned to respect your family and other people. You can't manage our family business with that behavior."

"Tama na yan." Makahulugang tumingin si Armando sa anak. "Theo," banggit nito sa pangalan ng anak upang iparating dito na magbigay respeto sa tito nito.

Hindi pinansin ni Theo ang ama sa halip ay tumalikod siya sa mga ito at nauna nang maupo.

"By the way, I'm glad na malaki na ang improvement mo. Hindi ka na katulad ng dati na parang tuta na iyak ng iyak sa kulungan," pagbibiro ni Eduardo.

Napakuyom si Theo. Nagpapanting ang tainga niya sa tuwing mapag-uusapan ang kabataan niya.

"Sana magtuloy-tuloy na 'yan. Mahirap na baka malaman pa ng iba ang kondisyon mo. Ang mga Ledesma—pamilya ng mga baliw." Tumawa nang malakas si Eduardo.

"Stop it!" sigaw ni Theo sabay hampas sa mesa. Gumalaw ang mga baso at kutsara doon.

"Theo, calm down," sabi ni Dr. Steve.

"Anak," sabi naman ni Caridad. Hinawakan nito ang balikat ng anak upang pakalmahin ito.

Si Rina naman na nakatayo at tahimik lang na nagmamasid sa nangyayari ay napatakip sa bibig dahil sa naging reaksyon ni Theo.

"You are already twenty five, pero hindi ka pa rin nakakatulong sa business natin," dugtong pa ni Eduardo.

"I said, stop it!" Ginalaw ni Theo ang mesa kaya nagsitauban ang mga pagkain na nasa harap niya. Ginusot niya ang tablecloth. Sinasabi na nga ba niya! Nandito ang pamilya niya para na naman sa business nila!

Tumayo siya at naglakad palayo sa hapag.

"Theo! If you continue that kind of attitude, mas lalo mo lang pinapatunayan na wala kang kwentang anak!" sigaw ni Armando.

Lumingon si Theo sa ama. "So be it!" sagot niya at muling kinuyom ang mga kamay. Wala talagang nakakaintindi sa kaniya sa lugar na ito, walang may malasakit at walang may tiwala.

Dumiretso siya sa kaniyang kuwarto at binagsak ang katawan sa kama. Nakaramdam pa naman siya ng excitement nang sinabi iyon sa kaniya ni Rina. Hindi naman pala talaga sa salo-salo ang pinunta ng mga ito. Nandito ang pamilya niya dahil nag-aalala ang mga ito sa negosyo.

Tinanggal niya ang suot na polo shirt at hinagis iyon. Sana hindi na lang niya pinaghandaan ang pagdating ng mga ito. Sana hindi na siya nag-expect na magiging masaya ang gabing iyon.

'I'm stupid to believe that they care!'

Narinig niya ang pagbukas ng pinto. "Anak."

Boses iyon ng kaniyang ina. Tumayo siya nang umupo ang ina sa kaniyang tabi.

Niyakap niya ito.

"Mom, bakit hindi nila ako maintindihan?"

Hinigpitan din ni Caridad ang pagyakap sa anak. Nangingilid ang luha niya. Bakit kailangang humantong ang anak sa ganitong sitwasyon?

"Intindihin mo na lang ang tito mo, gano'n lang talaga iyon mag-salita."

Hindi akalain ni Caridad na mangyayari ito. Mali ba na pinapunta pa niya ang tito at pinsan nito? Nagkamali ba si Dr. Steve sa suhestiyon nito?

"Intindihin mo na lang din ang daddy mo, pagod lang 'yon."

Hindi na alam ni Caridad kung saan siya lulugar. Parehong nahihirapan ang anak at ang asawa niya sa sitwasyon nila. Maging siya ay nahihirapan na rin.

"Ma'am Caridad, eto na po ang tubig."

Pumasok si Rina sa loob nang tumango si Caridad. Nakalagay sa bitbit niyang tray ang pitsel at isang baso na pinapadala nito.

Nilapag niya iyon sa bedside table pagkatapos lumingon siya sa mag-ina.

Nakahawak ang kamay ni Theo sa hita ng ina. Samantalang ang ina naman ay patuloy sa pagtapik sa likod nito upang pakalmahin ang anak.

Nalulungkot si Rina para kay Theo. Sa sitwasyon nito, higit nitong kailangan ang suporta ng pamilya.

Huminga siya nang malalim. Mabuti na lang ay nandiyan para sa kaniya ang kaniyang ina.

次の章へ