webnovel

THE RICH OLD MAN ISN'T DEAD

Nanlalaki ang mga matang napatitig si Marble sa likuran ng matandang nakaupo sa de-remote nitong wheelchair, magkahalong takot at pagtataka ang nakabakas sa kanyang mukha.

Kilalang-kilala niya ang bungisngis na 'yun! Pero imposible! Napaka-imposible! Mag-iisang buwan nang patay ang kanyang alaga. O baka naman minumulto siya nito kasi di pa rin siya bumibisita sa puntod nito hanggang ngayon.

Nandindig agad ang kanyang balahibo sa naisip. Baka nga minumulto siya ng kanyang alaga.

Gusto na tuloy niyang maiyak sa takot at balak na nga niyang pumihit patalikod at kumaripas ng takbo pababa ng hagdanan nang muling bumungisngis ang matanda.

Hindi eh! Talagang kilala niya ang boses na 'yun. Hindi siya pwedeng magkamali, tandang-tanda niya ang paraan ng pagtawa nito kahot di pa niya maalala ang mukha ng huli.

Mas nanaig ang curiosity niya kesa sa takot at buong tapang na dahan-dahang lumapit dito, ingat na ingat na makagawa man lang ng ingay at nang makalapit ay---

"Bulaga!" hiyaw niya na halos mapatayo ang matanda sa pagkagulat.

Kapwa sila napanganga, kapwa natigilan nang makilala ang isa't isa. Ngunit nang makabawi'y bigla na lang itong tumayo saka siya binatukan.

"Aray!" hiyaw niya.

"Papatayin mo ba akong walanghiya ka?!" gigil na hiyaw din nito.

"Tumanda na lang kayo't lahat, hindi pa rin nagbabago 'yang ugali niyo! Akala mo di masakit ang kamay mo ha?" nakasimangot niyang reklamo rito.

"Pa'no nga'y mapapatay mo ako sa nerbyos!" katwiran nito.

Ang talim nang tinging ipinukol niya dito.

"Sino ba kasing may sabing magpanggap kayong patay na at magpaalaga sa mga magulang ko?"

Mas matalim din ang tinging iginanti ng matanda saka bumalik sa pagkakaupo sa wheelchair.

"Wala kang karapatang pakialaman ang dahilan ko! Asawa ka lang ng apo ko! Dapat iginagalang mo ako!" sermon nito sa kanya.

Humaba ang kanyang nguso, ngunit nang maunawaan ang sinabi nito'y pinandilatan na niya ang matanda habang nakapameywang na nakaharap dito.

"Aha! Alam mo pala ang nangyayari samin sa manila ha? Seguro pinagplanuhan mo na 'to noon pa 'no? Kaya pala di ako maiyak-iyak habang iniisip kang patay na! Di mo ba alam kung anong ginawa mo sakin? Ginulo mo lang ang buhay kong matanda ka! Tapos ang kapal pa ng mukha mong magpaalaga sa mga magulang ko! Hah! Hindi na ako magtataka kung sa'yo nagmana ang magaling mong anak at apo!" ganti niyang sermon dito.

Natahimik naman ito sa kanyang sinabi, umirap na parang bata saka siya nginusuan, ginaya ang mannerism niya pag galit.

"Sabihin ko sakin, tanda! Ano'ng pumasok dyan sa kukuti mo't ginulo mo nang ganto ang buhay ko? Hindi pa ba sapat ang panlalait ng anak mo sakin noon at ngayo'y gusto mo namang paglaruan ang buhay ko?!" sumeryoso na ang kanyang boses, ramdam na duon ang totoo niyang nararamdamang sama ng loob.

Sumeryoso na rin ng kausap, tumitig sa kanya, pagkuwa'y lumungkot ang mukha sa yumuko.

"Gusto ko lang nang makatulong sa inyo ng apo ko," sagot nito sa mahinang boses pagkuwa'y tumigas na din ang mukha saka bumaling uli sa kanya.

"Bakit ba ako ang pinagagalitan mo? Magpasalamat ka nga sakin at dahil sa ginawa ko'y napilitang umuwi si Vendrick para hanapin ka at pakasalan! Igalang mo akong damuhong ka at lolo ako ng asawa mo!" hiyaw na uli sa kanya.

Lalo lang naningkit ang kanyang mga mata sa ginawa nitong dahilan at sasagot na sana uli nang marinig ang boses ni Eva mula sa labas ng kwarto.

"Marble! Asan ka? Kakain na raw sabi ng nanay mo!" tawag ng Eva, papalapit ang yapak ng tsinelas sa kanila.

Nabahala ang matanda.

"Hindi ako pwedeng makita ni Eva. Seguradong makikilala niya ako. Itago mo ako." Naalarma ito.

Naalarma din siya nang marinig ang sinabi nito saka agad na hinila ang kamay nito upang makatayo.

"Magtago ka! Magtago ka sa ilalim ng kama!" utos niya.

Parang bata naman itong sumunod at pilit na isiniksik ang sarili sa ilalim ng kama ngunit nang ma-realize kung anong ginagawa'y binatukan na naman siya.

"Walanghiya ka! Ba't mo ako isisiksik dito?"

"Eh sabi niyo, itago ko kayo! Engot pala kayo eh!" nakasimangot niyang sagot habang hinihimas ang nasaktang batok.

"Marble! Ano'ng ginagawa mo riyan? Sino'ng kausap mo?" usisa ni Eva nang makapasok nang tuluyan sa loob ng kwarto at nakita siyang nakaluhod sa tabi ng kama.

"Ah, yung lolo ko. Nahulog kasi sa kama, tinutulungan kong makatayo," maagap niyang sagot.

"Halika, tulungan na kita," presenta ni Eva.

"'Wag!" bulalas niya sabay ngiti dito. "Kaya ko na. Sige na bumaba ka na. Susunod na ako."

Hindi na namilit ang dalaga't lumabas na ng kwarto.

Nakahinga sila nang maluwang ng matanda. Hinila niya uli ang katawan nito sa ilalim ng kama at tinulungang makaupo sa wheelchair.

Di nila maiwasang simangutan ang isa't isa na para bang may cold-war sa pagitan nilang dalawa.

"Sige na, kumain ka na dun!" pagtataboy nito, nakasimangot pa rin at matalim ang tingin sa kanya.

"Hoy tanda, sino'ng spy mo sa manila at updated ka sa balita dun kahit andito ka?" usisa niya rito.

Mangani-nganing batukan na naman siya nito kung naaabot lang siya.

"Gumalang ka sa nakatatanda mo!"hiyaw na sa kanya.

Sumimangot siya ngunit ilang saglit lang ay humihikbi na siya at agad itong niyakap.

"Buhay ka pa pala, lolo. Ang akala ko talaga di na kita makikita," iyak niya, mahina lang upang di sila mahalata sa baba.

Hinagod ng matanda ang kanyang likod, ilang beses na huminga nang malalim.

"Gusto ko pang makita ang magiging apo ko sa'yo kaya sa ama mo ako nagpaalaga. 'Wag ka na magtampo. Ang mahalaga'y nagkita uli tayo," paliwanag nito.

"Marble, anak! Bumaba na't kumain ka na rito!" matinis na sigaw ng ina mula sa may hagdanan ng bahay.

"Sige na, tahan na. Baka magtaka pa sila sa'yo," saway ng matanda nang mapansing panay pa rin ang kanyang hikbi.

Sumunod naman siya't humilay dito saka umayos ng tayo't nagpahid ng luha sa mga mata.

"Pupunta uli ako dito, lo," aniya pagkuwan.

Tumango ito. "Dalhin mo rito ang apo ko. Gusto kong makita ang anak ni Lorie."

Natigagal siya. Alam nitong anak ng kanyang ate Lorie ang bata?! Kahit iyo'y alam nito?

"Alam mo pala ang lahat? Bakit di ko man lang siya iniligtas?" nagtatampo niyang tanong dito.

Bumuntunghininga ito, umiwas ng tingin.

"Marble! Bumaba ka na!" muling sigaw ng ina.

Napilitan siyang lumabas ng kwarto at bumaba ng bahay para kumain.

---------@@@@@---------------

Pagkatapos lang nilang kumain ay iginiya na sila ng ama sa isang kwarto sa itaas, tig-isa sila ni Eva. Siya ay sa tabi lang ng kwarto ng matanda.

Samantalang si Aling Linda ay dumiretso sa labas ng bahay, inasikaso ang mga kapitbahay na nagkakandahaba ang mga leeg sa katatanaw sa loob.

Balik kina Marble. Inilapag muna ng ama ang kanyang anak sa ibabaw ng kamang gawa sa kawayan, pinatungan lang ng makapal na uratex foam, pang family size iyon. Maya-maya'y pasimple siya nitong hinila palayo kay Eva na noo'y naglalagay ng electric fan sa tabi ng kama, sa tapat ng bata para hindi ito mainitan.

"Anak mo ba talaga 'yan anak? Bakit ang layo ng mukha sa'yo?" usisa ng ama.

Namula ang pisngi niya. Ayaw niyang magsinungaling sa ama pero ayaw din niyang magsabi ng totoo, hinawakan niya ang balikat nito.

"Tatay, wala po akong sasabihin sa inyong kahit ano maliban sa anak ko po siya," sagot niya sabay yuko.

Tila naunawaan naman nito ang ibig niyang sabihin kaya ilang beses itong tumango at sinulyapan ang bata, pagkuwa'y ngumiti na sa kanya.

"Ang gwapo pala ng apo ko. Wag kang mag-alala, wala kang maririnig na kahit ano samin tungkol dito," anang ama.

Napangiti rin siya.

"Marble, okay lang ba kung dun na ako sa kabilang kwarto? Pakitawag na lang ako 'pag nagising si Kaelo," sabad ni Eva.

Bumaling siya sa dalaga sabay tango.

"Bukas na kita bibilhan ng mga damit ha? Pagabi na kasi. Hiram ka lang muna ng damit ko sa bag," aniya ritong tumango naman agad bago lumabas ng kwarto.

Lumayo siya sa ama at kinuha sa ibabaw ng kama ang kanyang sling bag, inilabas ang isang sampung libo sa wallet saka bumalik at ibinigay dito ang pera.

"Tatay, bumili po kayo ng dalawang latang biskwit bukas para ipamigay sa mga kapitbahay natin, yung iba po niyan kayo na po ang bahala kung ano'ng bibilhin," bilin niya.

Inabot 'yon ng ama at isinuksok sa bulsa ng short nito saka nagpaalam sa kanyang lalabas na.

Pagkaalis lang nito'y saka naman niya pinuntahan ang matanda at dinala sa kwarto nila habang nakaupo ito sa wheelchair para makita si Kaelo.

"He really has Karl's face. But somehow ay humalo ang dugo ni Lorie sa kanya," pansin nito habang nakatitig sa mahimbig ang tulog na apo.

"Ang alam nga ni madam, anak namin ni Vendrick kasi kamukha raw siya ni Vendrick nung bata pa," sabad niya.

Napangiti ang kausap, kumibot-kibot ang kulubot nitong bibig ngunit wala namang lumabas na salita mula ruon, pagkuwa'y itinulak ang wheelchair palapit sa bata at hinimas ang mukha nito.

"I wonder kung kanino siya nagmana ng ugali." Mahina itong tumawa.

Humalukipkip siya.

"Very punctual siya sa oras. Ayaw po niya ng late sa usapan," kwento niya.

Humagalpak ito ng tawa. "I think i have a young version of Leonardo Sy Ortega here," saad nito pagkuwan.

Natawa din siya. So, nagmana ang bata sa matanda.

次の章へ