webnovel

Chapter 4

Chapter 4 - His Orders

* * *

"Buuuuuuurf!" malakas na pagdighay ko pagkatapos kong busugin ang sarili ko sa dami ng pagkain na inihain sa'min kanina. Parang full course na nga yata 'yon pero ngayon, simot lahat ang mga 'yon sa'kin.

Ito ang pinakasecret ko na kahit obsessed fans ko, hindi alam. Isa akong glutton.

Napansin ko na nakangiwing nakatingin sa'kin si Gani kaya tinaasan ko lang siya ng isang kilay. "Bakit? 'Di ka ba nadighay?" Sopistikadang nagpunas ako ng bibig gamit ang panyo na binigay sa'kin ng isang servant niya. Hindi ko lang ipinapakita sa kaniya pero hindi ako makahinga sa sobrang pagkabusog.

Ngayon ko na lang ulit binusog nang ganito ang sarili ko dahil monitored ang diet ko noon para manatiling fit at sexy na fan service na sa mga fans ko. Wala naman ako sa mortal world kaya gagawin ko ang lahat ng gusto ko.

"Ngayon na ika'y nakakain na, bibigyan kita ng dalawang oras upang magpababa ng iyong MGA kinain." talagang in-emphasize niya 'yung mga sa pangsasarcastic sa'kin sa dami kong kinain. "Pagkatapos niyon ay gagampanan mo na ang iyong pagiging Fenea."

Napaikot naman ang mga mata ko sa pagkainis.

Makalipas ang dalawang oras...

"Pakipunasan nga nito. Tila madumi pa." Ipinahid niya ang daliri niya sa kahoy na kinadidisplay-an ng mga vases na may fresh flowers at ipinakita sa'kin 'yon pero ang wala naman siyang nakuhang alikabok doon.

Grabe ang lukot ng mukha ko sa pagkainis. "Eh wala namang dumi ah! Tingnan mo." Ipinangpunas ko ro'n ang longsleeve kong pangservant na damit at ipinakita sa kaniya 'yon. Malinis na malinis 'yon.

Nakaligo na ako bago niya pinasuot sa'kin 'to at hindi naman ako makareklamo dahil isang utos niya lang, sumusunod na ang katawan ko. Kainis talaga!

"Ginoo," tawag sa kaniya ng isang servant na nasa likuran niya. Kumpleto silang sampu na nandito sa hallway ng bahay niya at lahat nakayuko ang mga 'yon sa kaniya. Ayokong lumapit sa kanila dahil pare-pareho nga kami ng damit. "Patawarin n'yo kami Ginoo kung sa inyong tingin ay hindi namin iyan nalinisan nang maayos. Uulitin na lamang po namin." magalang na sabi ng isang 'yon.

Umiiling-iling naman siya habang iwinave-wave ang hintuturo niyang daliri sa mga ito. "Si Queen ang nais kong makitang gumagawa niyon." Humarap na ulit siya sa'kin at nginisian ako.

Sinamaan ko naman siya ng tingin.

* * *

Gigil na gigil na kinudkod ko ng basahan ang kinapapatungan ng mga vase kaya nag-aalugan ang mga 'yon sa pagkakapatong. Kinukudkod ko talaga 'to imbis na punasan dahil sobra akong nanggigigil sa nanonood lang sa'king lalaking 'to.

Nakasandal siya sa pader sa harapan ko at aliw na aliw sa panonood sa'kin. Nandito pa rin 'yung mga tagapagsilbi at halata ang pagkaawa sa mukha nila hindi sa'kin kundi sa pinupunasan ko ngayon.

Nabubura ko na nga ang barnis nito pero wala akong pakialam! Gusto mo 'kong paglinisin ha? Pwes! "HAAAAAHHH!" Mas lalo ko pang idiniin ang pagpupunas at doon ay biglang naglagpakan sa sahig ang babasaging mga vases kaya nabasag ang mga 'yon. Lima ang mga 'yon at napatili pa kami ng ibang servants sa pagkagulat.

Napatalon din sa gulat si Gani.

Nanlalaki ang mga mata kong nakatingin lang sa nagkalat na basag na mga piraso ng vases sa sahig at walang nakaimik sa mga servants.

"OMG..." nagugulumihang sabi ko nang makabawi na at umupo na ako para pulutin ang mga 'yon nang biglang may humawak sa braso ko saka hinila kaagad ako patayo ulit.

Namimilog ang mga mata kong napatingin kay Gani habang hawak niya pa rin ang braso ko at nakatingin lang siya sa'kin.

"'Di ko sinasad—"

Inangat niya ang isa niyang kamay at gumana naman agad ang reflex ko kaya napasalag ako ng braso ko saka napapikit nang mariin. Natatakot ako na baka pagbuhatan niya ako ng kamay dahil sa nagawa ko. Baka mamahalin pala 'yung mga vases tapos nabasag ko lang.

Naghintay ako ng gagawin niya pero may kumuha lang ng basahan sa kamay ko na nakasalag kaya unti-unti na akong napamulat.

"Sila na ang bahala r'yan. Iba na lamang ang ipagagawa ko sa iyo." kalmado niyang sabi kaya ibinaba ko na ang braso ko at tiningnan siya.

Bigla namang may pumitik sa noo ko kaya napapikit ulit ako saka napahawak doon. "Aray!" reklamo ko. Hindi naman gano'n kasakit 'yon pero nakakagulat lang. Pero masakit din.

"Hinding-hindi ko kayang magbuhat ng kamay sa isang binibini kaya huwag mo nang iisipin na kaya kitang saktan Queen." malumanay na sabi niya pero sinamaan k siya ng tingin.

"Anong hindi kaya?! Kapipitik mo nga lang sa noo ko!" napipikon na sigaw ko sa kaniya.

Napatawa naman siya. "Ganoon ba? Sige at gumanti ka na lamang." Hinawi niya pataas ang nakaharang niyang buhok sa noo at inilapit 'yon sa'kin. Sobrang lapit na kaunti na lang ang distansya ng mukha namin sa isa't isa at ngiting-ngiti naman siya.

Inaamin ko, naflustered ako sa ginawa niya at nagskipbeat pa ang puso ko. Ang gwapo niya rin lalo kapag nakahawi pataas ang bangs niya—teka! Ano bang pinagsasabi ko?! Binigyan na niya ako ng chance na makaganti sa kaniya! Dapat makabawi ako nang big time sa pang-aalipin niya sa'kin!

Nginisian ko siya. "Iiyak ka sa'kin, sigurado." Kinasa ko pa ang daliri ko na handa nang pitikin ang noo niya. Ako pa hinamon niya sa pitikan. Eh ginagawa ko ngang living unicorn si Kuya Marco kapag pinipitik ko 'yun sa noo.

Papitik na 'ko sa noo niya nang biglang ilayo niya 'yon. "Biro lamang! Kishikishikishi!"

Nasa ere pa rin ang naudlot kong papitik na kamay habang pataas naman nang pataas ang blood pressure ko sa kaniya pero napatingin ako sa mga servants na napasinghap.

Nakatingin sila kay Gani na parang hindi sila makapaniwala.

Ano naman kayang problema ng mga 'to? Ngayon n'yo lang ba siya nakitang tumatawa?

Bigla namang tumigil sa pagtawa si Gani. "Halika na Queen at gawin mo na ang susunod mong gawaing bahay." Marahan na niya akong hinila palayo ro'n kaya sa kaniya na napunta ang atensyon ko.

Hindi ko naman makita ang mukha niya dahil mas nauuna siyang maglakad kaya likod lang ng ulo niya ang nakikita ko.

Napalingon ako sa mga servants na naiwan doon.

"Siguradong tayo'y mananagot kay binibining Hilva nito." narinig kong sabi ng isa sa kanila habang nakatingin sila sa basag na mga vases pero nang tumingin na sila sa'kin, para nila akong kinakatay sa isip nila sa paninisi sa'kin.

A-attitude-an ko rin sana sila pero nakaliko na kami ni Gani.

* * *

Nakasimangot na naghuhugas ako ngayon ng napakaraming pinggan sa kusina ng bahay na pinagdalhan sa'kin ni Gani at nakilala ko ang mga 'to. Ito ang pinagkainan namin kanina na hindi ko inakalang ako pala ang maghuhugas.

Nanonood lang siya sa'kin habang nasa may pintuan nitong kusina at nakasandal doon. Sumisipol-sipol lang siya ro'n na halatang-halatang nang-aasar sa'kin.

Bara-bara ko ngayong hinuhugasan ang mga ito gamit ang herbal soap nila Gani pero sa tana ng buhay ko, ngayon lang ako nakapaghugas ng pinggan. Bago pa man kasi ako maging singer, nagmula na talaga ako sa mayamang pamilya kaya hindi ko talaga naranasang kumilos sa loob ng bahay.

May sariling company ng cosmetics kasi ang Mommy ko at vice president niya naman ang Daddy ko ro'n. Nagmigrate na sila sa Korea kung saan nila balak i-expand ang business nila at nangyari 'yon noong nagsisimula pa lang akong sumikat na maging singer.

Kasama naman dapat kami ni Kuya Marco ro'n pero dahil umulan ng mga offer sa'kin sa music industry, pinakiusapan ko sila na magpapaiwan ako rito sa Pilipinas. Hindi naman sila pumayag dahil unica ija nila ako at 17 years old pa lang ako noon pero hindi rin naman ako nagpapigil na hadlangan nila ang pangarap ko. Sa huli, napagdesisyunan na lang ni Kuya Marco na magpa-iwan kasama ko at siya na ang maging manager ko. Mas safe daw kasi ako kung siya ang magmamanage sa'kin at hindi ma-a-abuse ng iba ang talent ko.

Pero dahil sa'kin... sinisisi niya ang sarili niya kung bakit nagkasakit ako sa vocal chords ko kahit ako naman talaga ang may kasalanan.

Inaamin ko, ino-overwork ko noon ang boses ko maattend-an lang lahat ng concerts ko. Sinasabi naman pilit sa'kin ni Kuya Marco noon na kung may iba na akong nararamdaman sa sarili ko, magsabi kaagad ako sa kaniya para mapacancel ang activities ko pero matigas ang ulo ko. Hindi ako nagsasabi sa kaniya kapag nararamdaman ko na masakit ang lalamunan ko. Sige pa rin ako nang sige sa mga rehearsals at concerts ko.

Kapag nagschedule naman siya ng check up sa vocal chords ko para i-monitor ang lagay n'on, hindi ako sumasama sa kaniya dahil tinatamad ako at sinasabi sa kaniya na pagod ako saka natutulog na lang sa kwarto ko.

Ginawa naman niya ang lahat para mapangalagaan ako pero ako lang talaga ang naging problema.

Ako na dapat mismong nangangalaga nito dahil sa'kin 'to binigay.

Totoo pala talaga na sa huli ang pagsisisi...

...dahil sising-sisi na talaga ko ngayon... na hindi na ako makakanta pa ulit.

Naramdaman ko ang paglalandas ng mga luha sa pisngi ko kaya binaling ko ang mukha ko sa opposite direction ni Gani para hindi niya ako mapansing umiiyak. Pasikreto rin akong suminghot-singhot at pinunasan ang pisngi ko gamit ang sleeves ko na 1/4 ang nakatiklop para hindi mabasa sa paghuhugas ko.

Pagkatapos kong hugasan ang lahat ng pinggan, napahugot ako ng malalim na hininga sa pagod.

"Mabuti naman Queen at nagawa mo ang iyong ikalawang gawain na walang nagiging problema," sabi ni Gani habang ngiting-ngiti.

Asar na asar talaga ako sa ngiti niyang 'yan! Nakakapikon!

Hindi ko na lang siya pinansin at binuhat ang mga plato para ilagay sa lamesa nang mapunasan na pero maling-mali ang desisyon ko na pagpatung-patungin ang marami n'on lalo na at may basa pala sa sahig.

"Aaaahhh!" tili ko nang madulas ang sapatos ko ro'n na pangservant at nabitawan ko ang hawak kong mga pinggan para lang makakapit ako sa gilid ng lababo.

"Queen!" Agad pang napatakbo papunta sa'kin si Gani mula sa pintuan pero napatigil nang maglagpakan na sa sahig ang mga pinggan.

Lumikha 'yon ng malakas na pagkabasag katulad n'ong sa vases kanina.

Agad namang napapunta rito ang mga servants para tingnan kung ano ang nangyari at napasinghap sila nang makita ang maraming basag na pinggan sa sahig.

Napatingin na sila sa'kin at nakangiwing ngumiti lang ako sa kanila saka nagpeace sign.

* * *

Nagpupunas na ako ng pader ngayon ng hallway at wala na rito 'yung kalat ng mga vases na nabasag ko kanina. Wala pa rin silang naipapalit doon na maidi-display sa patungan n'on at may sinabi 'yung mga servants kanina na mananagot sila sa isang babae na hindi ko maalala ang pangalan na nabanggit nila. Sino naman kaya 'yon?

Si Gani nga, mukhang walang balak papalitan sa'kin ang mga 'yon kaya wala na akong pakialam doon. 'Di ko naman sinasadya eh.

'Yung mga servants din ang naglinis ng mga nabasag na pinggan sa kusina kaya sigurado ako na nag-iinit na talaga ang bunbunan nila sa'kin. Hindi naman ako natatakot dahil kahit nakasuot ako ng pangservant na tulad nila, hinding-hindi nila mapapantayan ang worth ko sa mortal world. Hinding-hindi!

"Pero teka. Parang wala 'yung asungot na lalaking 'yon ngayon ah." mahinang sabi ko nang mapansin kong wala akong bantay saka tumingin-tingin sa paligid para hanapin si Gani pero wala nga siya. Baka nagsawa na sa pang-aasar sa'kin.

Buti naman-Wait. Ibig sabihin, chance ko na 'to na makatakas sa kaniya!

Namilog ang mga mata ko at puminta kaagad ang na-e-excite na ngiti sa mga labi ko. Itinapon ko na rin kung saan ang basahan na hawak ko at nagtingin-tingin ulit sa paligid saka mala-ninjang tinungo ang labas ng bahay.

Sobrang ingat ng mga galaw ko dahil baka may makarinig sa'king mga servant. Matunugan pa nila na tatakas ako. Eh 'di, nakarating kaagad kay Gani 'yon tapos uutusan niya ako na 'wag tumakas.

Nakalabas na ako ng bahay at padaan na ako ng garden nang may makita akong tatlong servant na nagdidilig at nagtitrim ng halaman.

Agad naman akong napatago sa isang makapal na poste nitong bahay. Four sides na poste 'yon at mataba kaya hindi nila ako makikita sa pagtatago ko rito.

"Nakakainis ang Fenea na iyon, hindi ba? Imbis na makatulong siya sa atin sa paglilinis ng bahay ay mas lalo niya lamang tayong pinahihirapan sa pagpapalinis sa atin sa mga pinagkalatan niya! Pasalamat talaga siya at si Ginoong Gani ang nag-uutos sa atin niyon. Kung hindi ay hinding-hindi ko lilinisin ang mga iyon para sa isang Fenea na tulad niya."

"Kaya nga. Kung naririto lamang ang punong tagapagsilbing si binibining Hilva ay siguradong mapaparusahan siya nito."

"Sino kaya ang babaeng iyon at dinala siya rito ni Ginoong Gani? Kung umasta rin siya sa ginoo, napakawalang galang! At nakapagtatakang napapatawa niya ito sa mga lapastangan niyang pag-aktong iyon."

"Tama. Sabihin na natin na nagtataglay siya ng kagandahan ngunit nakapagtatakang malapit ang loob sa kaniya ng ginoo gayung ang pangit naman ng kaniyang ugali!" pagchichismisan na nila na sobrang nagpairita sa'kin.

Sinusubok ng mga babaitang 'to ang pasensya ko.

"EHEM!" malakas na peke kong tikhim at lumabas na ako sa pinagtataguan ko. Napaigtad naman sila sa gulat at sabay-sabay na napatingin sa'kin.

Alam kong dapat, tatakas ako ngayon pero hinding-hindi ko palalagpasin na pinagchichismisan ako ng mga malignong 'to.

Nagcrossarms ako habang naglalakad paunta sa kanila at nang makalapit na ako ay tinaasan ko sila ng isang kilay. "Gusto n'yong malaman kung sino ako? Para sabihin ko sa inyo, sikat na sikat ako sa mundo namin at 'yang Gani na 'yan?" napatawa pa ako nang pakli. "Tss. P.'A. ko lang siya."

"P.A?" nalilitong tanong nila.

"Alalay." taas-noong pagmamalaki ko sa kanila.

Sabay-sabay naman silang napasinghap at nagkatinginan pa. "Si Ginoong Gani?... A-alalay?" hindi nila makapaniwalang tanong.

"Oo. Alalay ko lang siya. Sunud-sunuran. Utusan. Tagapagsilbi. Ano pang gusto n'yong ibang tawag?" Nakangisi lang ako sa kanila at nagtoss hair pa ako.

Ang sarap naman sa feeling nito. Na maipamukha sa kanila ang amo nila, alalay ko lang sa mortal world. Puhahahaha! Feeling ko, ako ngayon ang nanalo kay Gani.

"Tss. Sa iyong tingin ba Fenea, maniniwala kami sa iyong sinasabi?" tanong sa'kin ng isang servant kaya unti-unting nawala ang ngisi ko.

Nawala na ang pagkagulat sa mukha nila at balik 'yon sa pag-a-attitude sa'kin.

"Gagawa ka lamang ng isang kuwento ay iyung hindi pa kapani-paniwala."

Nanlaki naman ang mga mata ko. "Anong gumagawa ako ng kwento—"

"Tama na iyan at ikaw na ang magdilig ng mga halaman dito. Ayusin mo na ang iyong trabaho nang hindi mo na kami maabala pang muli!" Ibinaba ng isa sa kanila ang pandilig na gawa sa kahoy sa lupa sa harap ko pati na ang gunting na pangtrim sa halaman.

"T-teka! Hoy!" habol ko sa kanila pero naglakad na sila sa hallway ng gilid ng bahay at lumiko na ro'n.

Naiwan naman ako rito na mag-isa at nakahabol tingin sa kanila. "Kaasar 'yung mga 'yon! Ginawa pa akong sinungaling!" naiinis na sabi ko nang...

"Kishikishikishi." pamilyar na pagtawa ng isang tao 'di gaanong malayo sa'kin kaya napatingin ako sa pinagmumulan n'on.

Doon ko naman nakita si Gani na nasa gilid ng posteng pinagtaguan ko kanina. Tawa siya nang tawa at alam ko na agad na narinig niya ang pag-uusap namin ng mga servant niya kanina.

"Anong tinatawa-tawa mo d'yan?!" napipikon na tanong ko sa kaniya.

Napailing-iling lang siya habang natatawa pa rin at naglakad na papasok ng bahay.

"Aaaarrggghhh!" Inis na inis kong sinipa ang pandilig na kahoy at napalakas ang sipa ko ro'n kaya nasira 'yon at tumilamsik ang laman n'on na tubig sa'kin.

Ang ending, basang-basa ako sa sarili kong kagagawan.

NAKAKAINIS TALAGA!

Ipagpapatuloy...

次の章へ