webnovel

Chapter Eighteen

"MAY MISS na blooming."

"Frecy! Marga!" bulalas ni Iarah nang pumasok sa opisina niya ang dalawang babae. Natutuwa siyang makita ang mga ito. Ang mga ito ang itinuturing niyang mga matatalik na kaibigan.

"Tanghalian na, girl," ani Marga sa kanya. "Masyado kang busy sa trabaho. Tara, kain tayo sa labas."

Napatingin siya sa orasan ng computer niya. Tanghalian na nga pala. Hindi niya namalayan ang paglipas ng oras. Pinatay na niya ang computer niya at sumama na palabas.

Nagtungo sila sa isang tahimik na restaurant sa malapit. Hindi niya inakala noong una na magiging matalik na magkaibigan sila ni Marga o "Princess Margarette" noong nasa showbiz pa ito. Madalas kasi niya itong pagselosan noon dahil ka-love team ito ni Vann Allen. Madalas siyang naiinggit dito. Napakabait pala talaga nito.

Naging malapit sila nang maging kasosyo ito ni Frecy sa VA Wears, isang fashion label. Matagal na itong wala sa showbiz. Ginamit ng mga ito ang pangalan ni Vann Allen para sa promotion at dahil dito rin galing ang pondong ipinang-umpisa ni Frecy.

Inamin nito sa kanya dati na na-in love ito kay Vann Allen, ngunit kusa rin nitong sinukuan ang binata. Mas maiging magkaibigan na lamang daw ang mga ito.

"Alam ko kung bakit ka blooming," ani Frecy habang kumakain sila. "Naglabing-labing kayo nang todo ni Vann bago siya umalis, `no?" tudyo nito.

Nag-init ang mga pisngi niya.

"Ay, nakita mo rin `yong picture?" ani Marga kay Frecy. "Ang hot, `no?"

Lalong nag-init ang mga pisngi niya. "Anong picture ang pinagsasasabi n'yo?" nagtatakang tanong niya kahit parang nahuhulaan na niya kung ano ang tinutukoy ng mga ito.

"Kunwari pa `to," sabi ni Frecy. "Ipinagyabang sa akin ni Enzo ang bago niyang camera. `Kitang-kita, may kahalikan ka."

Natawa si Marga. "Ako, ipinadala niya sa e-mail ko. Gusto ko ngang ibigay sa reporter."

"Lagot sa `kin ang batang iyon. Kokompiskahin ko ang camera niya," nanggigigil na sabi niya. Malamang na hindi lamang sina Frecy at Marga ang nakakita ng larawan. Hindi na nahiya ang anak niya! Mapipingot niya ang tainga ng batang iyon.

"Magka-comeback daw ang Lollipop Boys," pag-iiba ni Frecy sa usapan.

"Sinabi nga ni Vann bago siya umalis," aniya. "Tatapusin lang daw niya ang mga natanguan niyang commitments sa States at uuwi na uli siya rito. Niluluto na ni Rob ang comeback album."

"Kaya siguro masaya at blooming ka," puna ni Marga.

Hindi niya magawang tumanggi. Ilang araw na siyang masaya dahil sa magandang balitang iyon. Kasabay ng launching ng comeback album ay ang comeback concert ng Lollipop Boys. Ibig sabihin, sa Pilipinas muna ng ilang buwan si Vann Allen.

"Why don't you just stay together?" seryosong tanong ni Marga sa kanya.

"Hindi ganoon kadali ang lahat," tugon niya.

"Magiging madali kung gugustuhin mo," wika ni Frecy.

Umiling siya. Kung madali, sana noon pa ay magkasama na sila ni Vann Allen.

"I LIKE you a lot."

Napailing si Iarah sa sinabi ng kanyang anak kay Matteo Mendez, ang boyfriend ng Ate Janis niya. Kahit ang kapatid niya ay napailing. Pareho nilang alam kung bakit gustung-gusto ni Enzo si Matteo.

"Thank you, young man," tugon ni Matteo. "I like you, too. I like your eyes."

"Tito U, you look good with my tita. You are so bagay. Magpakasal na po kayo."

Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Matteo. "Tito U?"

"Your name is Matte-u, right?"

"Eh?" tanging naitugon ni Matteo.

Natawa nang malakas ang Ate Janis niya. Ipinaliwanag nito kay Matteo kung bakit "Tito U" ang tawag ni Enzo rito.

Natutuwa siyang makitang masaya na ang kanyang kapatid. Punung-puno ng pag-ibig at kaligayahan ang mga mata nito. Kitang-kita rin niya ang pag-ibig sa mga mata ni Matteo para sa kapatid niya.

Nang malaman niyang uuwi ito sa Pilipinas, buo ang loob niyang hikayatin itong huwag nang bumalik sa Boston. Mukhang hindi niya ito mahihikayat kahit ano ang gawin niya. Sa Boston nakabase si Matteo. Ito ang dating nobyo ni Peighton.

Nagdalamhati siya nang mamatay si Peighton dahil sa isang aksidente. Papunta na sana ito sa kasal nito at ni Matteo nang mangyari iyon. Ate na rin ang turing niya kay Peighton. Malaki ang utang-na-loob niya rito. Hanggang sa huli, nais ni Peighton na maging masaya ang mga taong mahal nito.

"`Ayan, `Nay, puwede na kayo ni Tito Vann. May boyfriend na si Tita Janis. Wala nang hadlang," sabi ng anak niya.

Nakamot niya ang kanyang pisngi. "Enzo, you behave," saway niya rito, pagkatapos ay nagpaalam siyang magtutungo sa kusina upang maghanda ng merienda. Sinundan siya ng kanyang kapatid.

"Hindi ka ba naaalarma, Iya?" tanong nito habang tinutulungan siya sa paghahanda ng merienda.

"Saan, Ate?"

"Kay Enzo. Habang lumalaki siya, lalong sumisidhi ang kagustuhan niyang magkatuluyan kayo ni Vann. He's becoming obssessed with the love team."

Ngumiti siya. "Ganyan lang talaga ang batang `yan, `Te. Hindi naman siya sumosobra."

"Bakit hindi mo na lang kasi pagbigyan? Ang tagal na rin, Iya. Maawa ka kay Vann at sa anak mo. Maawa ka sa sarili mo."

"Alam mong hindi puwede. Makakasira ang katulad ko sa career niya."

"Katulad mong...?"

"Dalagang-ina, disgrasyada, mababa ang moralidad?"

"Hindi mababa ang moralidad mo! Bakit ganyan kababa ang tingin mo sa sarili mo? You're a CPA. You are a vice president of a company."

"One of the vice presidents of his company," pagtatama niya. "You know the press can be cruel. Hindi naman nila makikita ang pagiging CPA at VP ko. Mas makikita nila ang mga kapintasan sa pagkatao ko. I got pregnant at sixteen, and then I became a mother at seventeen. Vann Allen's reputation will be ruined because of me and I don't want that to happen."

"So, what will you do? Ganito na lang kayo lagi?"

Hindi siya nakasagot. Hindi rin kasi niya alam kung ano ang isasagot niya.

May solusyon ba sa suliranin niya?

"HOME sweet home," bulong ni Vann Allen habang naglalakad siya palabas ng airport.

Maraming mga tao ang nag-aabang sa kanya. Ang ilan ay nagtitilian. Kahit nakasuot siya ng dark glasses, nasisilaw pa rin siya sa mga kislap ng camera. Pinanatili niya ang ngiti sa kanyang mga labi. Paminsan-minsan ay sumasagot siya sa mga tanong ng mga reporters na pilit na umaalpas sa mga security niya.

Ganoon ang eksena kapag alam ng buong madla na uuwi siya sa bansa. Ang akala ng karamihan, taon na ang lumipas mula nang umuwi siya sa Pilipinas. Hindi alam ng mga ito na madalas siyang pasekreto kung umuwi.

Sumakay siya sa isang van at nagtungo sila sa isang hotel. May press conference siya roon kasama ng iba pang Lollipop Boys.

Sa wakas ay matutuloy na ang comeback ng Lollipop Boys. Kahit isang album at concert lang iyon, masaya pa rin siya. Nitong mga nakaraang buwan ay minadali niyang tapusin ang mga commitments niya sa ibang bansa upang matutukan niya ang pagbabalik ng grupo niya. He wanted the comeback to be special. Nasabi na ni Rob ang konsepto ng magiging album nila at gustung-gusto niya iyon.

Ayaw sana siyang payagan ng agent niya. Mas marami raw siyang magagawang proyekto sa Amerika. Ipinaliwanag niya rito kung gaano kaimportante ang Lollipop Boys sa kanya. Kung wala ang Lollipop Boys, walang Vann Allen. Nais niyang bumalik sa pinanggalingan niya. Nais niyang pasayahin uli ang mga taong nalungkot noong mawala ang Lollipop Boys.

Habang nasa sasakyan ay inayusan na siya ni Zhang. Si Cheryl ay isa-isang binasa ang mga pupuntahan niya pagkatapos ng press conference. Mamaya pa siya makakapagpahinga.

Inabot ni Katrina sa kanya ang kanyang cell phone. He took it immediately when she mouthed "Enzo."

"Welcome home, Tatay!" masiglang sabi ni Enzo sa kabilang linya.

"Parang ang tagal nating hindi nagkita, ah," natatawang sabi niya. He missed his boy so much. "Tatay" talaga ang tawag nito sa kanya tuwing walang ibang taong nakakarinig. Pinipigil kasi ito ni Iarah kapag tinatawag siya nitong "tatay" sa publiko.

Nakarating na sila sa hotel. "I'll see you later, okay?" aniya bago niya tinapos ang tawag.

Nagtungo na siya sa pagdarausan ng press conference. Naroon na sina Enteng, Rob, Maken, at Nick.Nakangiting hinarap nila ang press people.

Dinampot niya ang mikropono at siya na ang naunang nagsalita. "Good day, friends. Welcome home to me," aniya sa masiglang tinig. "I just wanna remind you that this is a presscon for the comeback of Lollipop Boys. Lollipop Boys isn't just about me. It's about all of us. So, bring it on," aniya, sabay subo ng isang lollipop.

Nagsimula na ang tanungan. Nagpasalamat siya nang walang halong pangit na intriga ang mga tanong ng press. Tila excited pa nga ang lahat sa pagbabalik nila. Tila positibo ang enerhiya ng lahat.

He took it as a good sign.

Matagal din niyang makakasama ang pamilya at mga kaibigan niya. Hindi siya gaanong magiging abala sa trabaho. Makakasama niya nang mas matagal ang anak niya. Mas masusuyo na niya si Iarah.

HINDI akalain ni Iarah na darating ang araw na iyon sa buhay niya. Hindi siya naging aware na nakalimutan na niya si Daniel. Kahit kamukhang-kamukha nito ang anak nila, napakadalang kung sumagi ito sa isip niya.

Hindi niya ngayon mapaniwalaang bisita niya ito sa kanyang opisina. He looked good. Guwapo pa rin ito ngunit hindi na katulad noon na nabighani siya rito.

"Hi," bati nito sa kanya.

"Hello," bati rin niya. "Have a seat. I am... surprised."

Ngumiti ito. She remembered that his mere smile used to melt her heart. Hindi na siya ang dating dalagita na umibig dito. Hindi na ang ngiti nito ang nagpapalusaw ng puso niya. Kinapa niya ang kanyang damdamin. Hindi ba dapat ay magalit siya rito dahil iniwan na lang siya nito basta? Hindi ba dapat ay sumbatan niya ito dahil wala ito noong mga panahong kailangan ni Enzo ng ama? Ngunit wala siyang madamang kahit ano nang mga sandaling iyon.

Para lang siyang nakakita ng isang taong matagal din niyang hindi nakita.

Ano naman kasi ang silbi kung magagalit siya rito? Ano ang magagawa ng lahat ng panunumbat niya rito? May magbabago ba?

Pakiramdam pa nga niya ay dapat siyang magpasalamat dito. Kung hindi siya nito iniwan, hindi siya magiging matatag. Mahirap ang mga pinagdaanan nilang mag-ina, ngunit marami naman siyang natutuhan. Kung walang Enzo na nabuo, marahil ay hindi siya magsisikap nang husto sa buhay.

"How are you?" tanong nito.

"Great. How are you?"

"Great. I'm married."

"Good for you."

"I am here to ask for forgiveness. I know I'm too late. It's been more than a decade. I was young, foolish, and ruled by my hormones. Paalis na ako nang may mangyari sa `tin. I can't even remember why I didn't say good-bye then. I'm so sorry."

"You didn't really love me then, right? I was just a trophy, a challenge. Kasi ako lang iyong girl na hindi nagkandarapa sa `yo."

"Don't say that. I care about you. Hindi naman tayo magtatagal noon kung hindi."

"Matagal nang nangyari iyon, Dan. Matagal ko nang nakalimutan. Nasaktan ako noong iniwan mo ako pero nakalimutan ko na rin iyon."

"Can you still forgive me?"

Tumango siya. Kahit naging walanghiya ito, mananatili ang katotohanang wala siyang Enzo kung wala ito. "I already forgave you, Dan."

He cleared his throat. "I know we have a son."

Nanlaki ang kanyang mga mata. May takot na bumundol sa dibdib niya. Huwag nitong sasabihin na kukunin nito sa kanya ang anak niya. Ang kapal ng mukha nito. Aawayin na talaga niya ito kapag nangyari iyon. Hindi nito magugustuhan ang galit niya!

"Don't get the wrong idea," agap nito bago pa man siya makapagsalita. "I just want to know him. Hindi ko siya kukunin. My wife can never get pregnant due to a riding accident that happened last year. I love her so much but I really want to have a kid."

"I don't care about you and your wife!" galit na sabi niya. "Lorenzo is mine."

"Hindi ko naman siya kukunin sa `yo. I just want to get to know him. Kahit gusto ko siyang kunin, hindi ko gagawin. That would upset my wife. Lalo niyang madarama ang kakulangan niya. Hindi ko pa balak sabihin sa kanya na may anak ako. Please, Iya, just let me get to know my son. Hindi ako manggugulo. I just want to meet him, hug him, bond with him for a while."

"How'd you know about him?"

"Si Papa. Nakita niya minsan ang tatay mo na kasama ang bata sa probinsiya. He said the kid looked a lot like me. His eyes are gray like mine. Nagpa-imbestiga siya. When everything was confirmed, he phoned me and asked me to come here. Gusto rin niyang makilala ang apo niya. Nahiya lang siyang lumapit dahil hindi siya nakatulong noong nangailangan ang bata."

"Dapat ikaw rin, mahiya." Naiinis na siya rito. Hindi siya magagalit dito sa anumang bagay tungkol sa kanila, ngunit ibang usapan kung kasama ang kanyang anak. Alam niyang may karapatan ito ngunit natatakot talaga siyang kunin nito ang anak niya. Hindi niya alam ang takbo ng isip nito. Malay ba niya kung may niluluto ito? Hindi na raw ito magkakaanak kaya hindi malabong ang anak niya ang pag-interesan nito.

"It's your fault. You didn't ask for help. Papa would have been very willing to help you then."

"Don't tell me that!" she snapped. "You have no idea what I've been through, Daniel. You have no idea how hard it was."

Hanggang ngayon, may mga pagkakataon pa ring hindi siya natutulog sa gabi upang bantayan ang pagtulog ng anak niya. Baka kasi bigla itong hindi makahinga at mangasul na naman..

"I'm sorry," pagpapakumbaba nito. "I'm sorry. I'm sorry, Iya. I know it's my fault. Please, I'm begging you. I swear, hindi ko siya ilalayo sa `yo. I just want to get to know him. Please, let me. I'm going back to the Netherlands next week. I just want my son to know I exist. May karapatan naman ako sa kanya kahit paano. Please, Iya," he begged.

"I'll think about it," aniya.

Ano ang magiging reaksiyon ng anak niya kapag nakita nito ang tunay na ama nito? Buong buhay ng anak niya, hindi nito hinanap sa kanya ang tunay na ama nito. Tila nakakondisyon na ang isip nito na si Vann Allen talaga ang ama nito. Hindi rin kasi nagkulang si Vann dito. Kahit madalas magkalayo ang dalawa, naging mag-ama ang dalawa sa tunay na kahulugan ng salita.

At si Vann Allen, ano ang magiging reaksiyon nito kapag nakita uli nito si Daniel? Magagalit ba ito? Masasaktan? Magseselos?

Ano ang magiging pasya niya?

次の章へ