webnovel

Gala Gala din (Part 2)

"Igo punta lang doon ha?" Itinuro ni Carly ang tabing dagat at tumango naman ako. Habang naglalakad ito papunta doon ay kinuha ko na ang aking camera para kuhanan ito.

Naglakad siya sa may dagat at nilalaro ang tubig nito. Sinabayan pa ng hangin kaya nililipad ang buhok nito. Hindi ko na napigilan ang pagkuha ng iba't ibang anggulo nito. Tumayo ako sa aking kinauupuan at naglakad papunta sa direksyon ni Carly. Tumigil ito sa paglalakad at inilagay ang kanyang mga kamay sa kanyang likod at tumingala ito sa asul na langit. Pinapanood ko siya sa lente ng aking camera. Inayos ko ang aking lente para mas focus ng mas malapitan si Carly nang bigla itong lumingon at ngumiti sa akin. Hindi ko alam kung nakuhanan ko ba siya ng litrato kasi parang namangha ako. Ibinalik nito ang tingin sa karagatan at naglakad itong muli.

Bumalik ako sa aming kubo at kinuha ang aking waterproof na camera. Sayang hindi ko dinala yung underwater camera ko para sana mas maganda ang kuha. Tinggal ko na ang aking pang-itaas at hinanda ang mga snorkeling gears na gagamitin para sa paglangoy mamaya.

Napansin ata ni Carly na naghahanda na ako sa paglangoy kaya bumalik na din ito at tinanggal ang kanyang cover up. Nakasuot ito ng itim na swimsuit at shorts na kulay asul. Lumapit ito sa akin para tulungan ako. Iniabot ko na sa kanya ang snorkeling gear niya pati ang tinapay at nagtungo na kami sa dagat.

"Carly, marunong ka ba lumangoy?" Tanong ko sa kanya.

"Oo, marunong naman ako" mabilis na sagot nito. Isinukbit ko na sa aking leeg ang aking camera at lumusong na kami sa dagat. Medyo nauna ako sa paglangoy at sinundan naman ako nito. Makikita mo sa aming nadaanan ang ilang mga isda malaki at maliliit pati na din ang mga nag-gagandahang corals. Habang papalayo kami ay paganda ng paganda at parami naman ng parami ang mga iba't ibang kulay at uri ng mga isda. Lumingon upang tingnan si Carly at nakita ko na tumigil pala ito pansamantala. Iniangat ko ang aking ulo upang tingnan kung anong ginagawa ni Carly.

Tinanggal nito ang kanyang snorkeling gear habang pinapalutang ang sarili sa dagat at inilagay niya ito sa kanyang kanyang braso. Kinuha nito mula sa plastic ang tinapay at hinati ito sa dalawa. Lumubog na ito sa ilalim na naging hudyat ko naman para ihanda ang aking camera.

Lumubog ito ng maigi sa dagat at inilahad ang mga tinapay. Mayamaya'y nagsilapitan na ang mga isda sa kanya at pinalibutan siya nito. Kinuhan ko siya ng litrato at pagkatapos ay kinuhanan ko din siya ng video. Para lang siyang prinsesa ng karagatan. Kulang na lang ay buntot ng isda at para na itong sirena. Nang maubos na ang tinapay sa kamay nito ay lumangoy na ito papunta naman sa aking direksyon at pagkatapos ay umahon na din para kumuha ng hangin.

"Ang hapdi nun sa mata hindi mo suot ang iyong snorkeling gear" saad ko sa kanya.

"Sa una lang naman yan mahapdi sa mata kapag naka-adjust ka na ay masasanay ka din" tugon nito.

Pagkatapos namin lumangoy ay bumalik na kami sa pampang upang kumain ng tanghalian kasama si Kuya Tony. Matapos kumain ay nagpahinga muna kami at umidlip ng kaunti.

Mga alas dos ng hapon ay nag-ikot kami sa isla para kumuha ng mga litrato kasama na ang mga nakaw ko na litrato ni Carly at isang selfie naming dalawa. Lumangoy pa kami ng kaunti bago tuluyang nilisan ang isla.

Alas singko na ng makabalik kami sa aming lugar. Nagpasalamat kami kay Kuya Tony at naglakad na pabalik sa aming mga bahay.

"Nag-enjoy ka ba Carly?" Tanong ko sa kanya.

"Oo naman" tugon nito na may kasama pang ngiti. "Ang ganda talaga sa dagat. Ang daming isda." Dagdag pa nito.

"Meron pala akong kuha sa iyo sa dagat. Isend ko sayo o kaya ipaprint ko na lang tapos bigyan kita ng kopya." Oo nga pala hindi ko pa nakukuha kahit numero ni Carly. Di bale bago ako makaalis ay sisiguruhin ko na makakuha ako nito.

Nang makarating kami sa tapat ng bahay ni Carly ay nanatili kaming nakatayo sa tapat nito. Tila ba nagpapakiramdaman kami kung sino unang magsasalita o sino ang unang aalis sa aming dalawa.

"Mmmm... Igo... salamat ulit ha." Nahihiyang sabi nito.

"Salamat din Carly" tugon ko sa kanya.

"Salamat saan?" Nagtatakang tanong nito.

"Salamat kasi..." ano bang ipinagpapasalamat ko sa kanya? "Basta salamat yun na yun" pagtatapos ko. Kahit ang gusto kong pasalamatan ay yung nakasama ko siya at masaya ako dahil doon.

"Sige Igo mauna na ako ha. Inaantok na din ako alam mo naman puyat tayo at naglangoy pa." Kumaway ito sa akin bilang tanda ng pamamaalam nito.

"Sige Carly, see you bukas" tumalikod na ako para umalis nang tawagin ako ulit nito.

"Igo... good night kahit maaga pa." Natawa ito ng bahagya sa ideyang mag-good night kahit may liwanag pa ng araw.

"Good night Carly" nagpaalam kaming muli sa isa't isa at pumasok na sa aming kanya kanyang tahanan.

•••

Naramdaman ko ang pagod nang makapasok ako sa bahay. Nagbanlaw muna ako at pagtapos ay nagpatuyo ng aking buhok. Hindi ko na naiwasang  maalala ang mga ginawa namin kanina sa dagat ni Igo. Nabuo ang isang ngiti sa aking mga labi at tiningnan ang madilim na kalangitan. Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos dahil mayroon akong kaibigan na gaya ni Igo. Hay... nakakapagod ang araw na ito. Napahiga ako sa aking higaan at napaisip isip din ng tungkol sa binata. Ilang araw na lang at aalis na din ito. Ilang araw pa ba ang natitira?

Apat na araw na lang... apat...

Three down... Four to go...

Ipinikit ko ang aking mata at pakiramdam ko pa din ay nakalutang ako sa dagat.

See you tomorrow Igo...

Itutuloy...

04-24-2018

次の章へ