webnovel

Ang Pagpupulong

Nagmistulang lungga ng mga bubuyog ang maluwang na bulwagan ng kabahayan ng datu at lakambini ng Rabana nang magsidatingan ang lahat ng mga datu na sakop ng kapuluan at nagbulungan sa isa't isa sa magkahalong pagkagimbal at pagtataka sa nangyari sa nayon ng Masagana. Ngunit ang ilan ay wari bang walang alam sa nangyayari at blangko ang mga mukhang nakamasid lang sa bakanteng upuan ng mag-asawang pinuno ng Rabana--gawa ang mga iyon sa purong ginto at mga palamuting perlas.

Natahimik lang ang lahat at inihanay ang mga sarili sa pagkakatayo paharap sa unahan nang magkasabay na dumating sina Datu Magtulis at Lakambini Bana, kapwa nagkanya-kanya ng upo ang dalawa sa kanilang mga luklukan, dalawang metro ang layo sa isa't isa sa harapan ng madla.

Nakagawa ng apat na hanay ang mga datu, isang hanay sa silangang dako ng kapuluan, isang hanay sa hilaga, isa rin sa kanlurang dako at isa sa timog na dako ng kapuluan. Ang bawat hanay ay kinabibilangan ng tatlumpong mga datu.

Matapos lang na bumati ang lahat at magbigay ng pahintulot ang lakambini na simulan ang pagpupulong ay agad na naglakad paunahan ang isang datu mula sa silangang dako ng kapuluan, yumukod muna sa mga pinuno bago nagsalita.

"Ang pangyayari sa nayon ng Masagana ay sadyang karumal-dumal at marapat lamang na bigyan ng kahatulan ang sinumang may sala sa naganap!" matapang nitong wika.

"Subalit Mahal na Lakambini Bana at Datu Magtulis, ang mga monggol na nagbalak sumakop sa atin ay sadyang mapanganib at bihasa sa pakikipagdigma. Batay sa mga mangangalakal na aking nakapanayam, kanila nang nasakop ang mga karatig nating bansa. Ano ang ating laban sa kanilang mga sandatahang pandigma?" salungat ng isang datu sa pinakaunang hanay, sa kanlurang dako ng kapuluan.

Nagsimulang magbulungan ang lahat sa tinuran ng datu habang tahimik lang na nakikinig si Datu Magtulis na sa malalim na pagkakalukot ng noo ay tila may malalim ding iniisip. Ngunit si Lakambini Bana ay panatag lang ang isip na nakatanaw sa unahan, hindi halatang inuunawa ang sinasabi ng mga nasasakupan nito.

"Subalit marapat lamang na tayo'y maghiganti sa balak nilang pananakop sa atin!" puno ng paninindigang sagot ng datung nagsalita kanina.

Sa ilang sandaling bulungan ng mga datu, may isa pang datu sa Timog na dako ng kapuluan ang pumaroon sa unahan upang magsalita matapos na palihim na sulyapan ni Datu Magtulis.

"Mahal na Datu Magtulis at Lakambini Bana. Ang aking nasasakupan ay ang pinakamalapit na nayon ng Masagana at aking nabatid na Si Ginoong Adonis ang siyang sumugpo sa mga mananakop subalit ngayo'y kanyang pinarurusahan ang isa sa nabuhay na kawal ng mga monggol," wika nito, nasa boses ang katiyakan sa sinasabi.

Natuon dito ang pansin ng lahat maging ni Lakambini Bana ngunit hindi pa rin kakikitaan ng pagkabahala ang mukha.

"Magaling kung gayon!" biglang sabad ni Datu Magtulis sabay pilantik ng daliri.

Napatingin dito si Lakambini Bana.

"Dalhin siya sa aming harapan upang usigin at ituro sa atin ang kinaroroonan ng kanyang mga kasamahan upang atin silang magapi at maipaghiganti ang nasawi nating mga nasasakupan!" mariing utos ng datu sa lahat.

May isang datu sa likuran malapit sa maluwang na pintuan ng bulwagan ang nagmamadaling lumapit sa harapan at agad na yumukod kay Datu Magtulis bago nagsalita.

"Ipagpaumanhin ng inyong kamahalan subalit ang aliping tinutukoy ni Datu Sipagan ay hindi isang Monggol. Siya lamang ay anak ng isang hamak na balo galing sa pulo ng Raon. Ang aking kapatid na si Datu Bagis ang makapagsasabing ako'y nagsasabi ng katotohanan," pagtatanggol ng datu.

"Kung gayon, bakit siya'y pinarusahan ng Mahal na Ginoong Adonis kung siya'y hindi kawal ng mga mananakop? At nasaan ang iyong kapatid na datu upang patunayan ang iyong sinasabi?" Patuyang usisa ni Datu Sipagan.

Natahimik ang isang datu, agad na bumaling sa kinabibilangang hanay ngunit biglang nanlumo ang mukha nang hindi makita ang hinahanap.

Lihim namang napangiti si Datu Sipagan at napasulyap kay Datu Magtulis na isang makahulugang ngisi ang iginanti.

Lumakas ang bulungan ng lahat ng mga datung naroroon.

Iyon ang tagpong naratnan ni Adonis nang magmadali siyang pumasok sa bulwagan upang sana ipaalam ang naganap sa Nayon ng Masagana subalit sadyang mabilis na kumalat ang balita at nalaman agad ng ama ang ginawa niyang pagpaparusa sa isang alipin duon.

Bago pa man siya makalapit sa pintuan ng bulwagan ay tumatakbo nang sumalubong si Milos upang ipabatid ang ginagawang pagpupulong ng mga datu kasama ang kanyang mga magulang.

"Ang aliping iyo'y hindi pinarusahan sapagkat siya'y kawal ng mga Monggol na nagbalak sakupin ang Masagana!" malakas niyang wika habang nagmamadaling pumasok sa bulwagan at walang lingon-likong lumapit sa mga magulang. Nang makarating sa unahan ay saka humarap sa mga datung nagpakatayo sa apat na hanay.

Malamig ang tinging ipinukol kay Datu Sipagan bago inisa-isang sulayapan ang mga mukha ng mga naroon saka nilingon ang kanyang ama na tumalim ang tingin pagkakita sa kanya, ngunit hindi niya iyon pinansin at muling bumaling sa mga datu.

"Siya lamang ay aking sinubukan sa paraang nararapat upang aking maging magiting na kawal pagkuwan, sapagkat kanyang iniligtas ang aking buhay mula sa mga mananakop!" Pagtatama niya sa maling paratang na inilahad ng isang datu laban sa aliping kanyang pinarusahan, ipinatali sa puno at ipinakagat sa mga langgam.

Aaminin niyang hindi maipaliwanag ang kanyang galit sa naganap nang malaglag ito sa likod ni Puti at mahalikan siya lalo na nang makita ang mahigpit na paghawak ng kapatid nito sa balikat ng alipin kaya walang pasubali niya itong pinarusahan.

Subalit siya lamang ang may karapatang magparusa sa aliping iyon, wala nang iba.

"Subalit, Mahal na Ginoong Adonis. Batid ng buong kapuluan kung bakit siya'y iyong pinarusahan. Sapagkat siya'y nagbabalat-kayo at isang kawal ng mga Monggol," giit ni Datu Sipagan na nang mga sandaling iyo'y kapansin-pansin ang panlalaki ng mga mata, walang balak na iurong ang pang-aakusa sa tinutukoy na alipin.

Lihim niyang naikuyom ang mga kamay at malamig ang tinging ipinukol sa datu. Bakit nito ipinagdidiinang isang Monggol ang aliping si Kidlat gayung isa lamang iyong bali-balita sa buong kapuluan at wala ito sa mismong labanan?

"Kung gayun, dakpin ang nagkalat ng balitang iyon at iharap sa akin upang aking maparusahan!" matigas niyang sambit, agad nang tumalikod matapos pukulan ng isa pang matalim na tingin ang namutlang datu.

Tikom ang bibig at naniningkit ang mga matang tinungo niya ang kanyang bakanteng luklukan sa kaliwang bahagi ng kinauupuan ng kanyang amang kapansin-pansing hindi siya tinapunan ng tingin.

Pagbagsak niyang inilapat ang pwet sa upuang gawa sa purong ginto, pagkuwa'y huminga nang malalim at nag-isip.

Paanong nabaling sa aliping si Kidlat ang dahilan ng pagpupulong gayong ang marapat sanang pag-usapan ng lahat ay ang pananakop ng mga monggol sa kanilang kapuluan? At sino ang mga nilalang na balot na balot ng mga kasuotang iyon ngunit ang gamit na sandata ay mula sa Rabana? Ibig bang sabihin, sadyang nilusob ang Masagana upang patayin ang mga naroroon? Sa ano'ng dahilan?

Napasulyap siya sa amang tahimik lang na nakikinig sa sinasabi ng isang datu.

Mayamaya'y inihilig niya ang ulo. Hindi niya marapat na pagdudahan ang kanyang ama. Wala itong kinalaman sa nangyari. Marahil nga'y dalawang pangkat ang gustong sumakop sa Masagana subalit lahat ng mga ito'y nabigo.

Ngunit, paanong kumalat nang ganoon kabilis ang balita? Hindi pa man sila nakababalik ni Milos sa Rabana'y alam na ng buong kapuluan ang ginawa niya sa isang alipin? Paano nasabi ni Datu Sipagan na nagbabalat-kayo ang aliping iyon?

Bagama't malalim ang kanyang iniisip ay hindi pa rin nakaligtas sa kanyang pandinig ang sinabi ng isa pang datu sa Hilagang dako ng kapuluan kung saan naroroon ang pulo ng Dumagit.

"Mahal na Datu Magtulis, mayroong isang nilalang na makapagpapatunay na nagbabalat-kayo ang aliping iyon sa Masagana. Ang totoo'y tumakas sila sa Pulo ng Dumagit at nagtungo sa Masagana upang duon magkubli. Ang anak ng taksil na si Datu Matulin ang makapagpapatunay na isang kawal ng mga monggol ang aliping pinarusahan ni Ginoong Adonis!" Sa lakas ng tinig ng datung nagsalita at sa matibay na katibayang hawak nito, hindi nakapagtatakang kahit siya'y gulat na napatingin dito.

Sandaling bumanaag sa kanyang mukha ang pagkalito sabay sulyap sa amang tila nakakita ng mamahaling bato, higit na mahal kaysa ginto.

"Kung gayun, dalhin dito ang anak ni Datu Matulin at ang aliping pinarusahan ni Adonis sa Masagana!" utos ng kanyang ama, kapansin-pansin ang liwanag ng mukha.

次の章へ