Hinahabol nila si Gabriel.
Kumakaripas ng takbo ang batang lalaki sa isang madilim na lansangan. Wala ang buwan sa kalangitan, pati ang mga bituin ay parang bulang nagsipaglaho. Tahimik ang buong paligid, parang patay, walang katau-tao. Tanging si Gabriel lamang ang makikita, na hingal na hingal na sa katatakbo.
Sinubukan niyang lingunin ang mga humahabol sa kanya ngunit hindi niya maipihit ang kanyang ulo dahil sa takot. Alam naman niya kung ano ang makikita niya, kung sino ang humahabol sa kanya. Alam niya na nasa likod lamang niya ang limang lalaking pumatay sa kanyang mga kaibigan. Sa kanyang pamilya.
Aswang! Mga aswang sila! Muling bumalik sa kanyang isipan ang pangit at nakakatakot nilang hitsura. Naalala niya ang kanilang matatalas na ngipin at ang kanilang matang puno ng kasamaan. Lalong binilisan ni Gabriel ang pagtakbo.
'Gab!'
Isang pamilyar na boses ang tumawag sa kanya. Biglang natigilan si Gabriel sa pagtakbo, pansamantalang nakalimutan ang nadaramang takot.
"Teban?" tawag ni Gabriel. Luminga-linga siya sa paligid, hinahanap ang matalik na kaibigan.
'Dito Gab.'
Napalingon si Gabriel sa kanyang gawing kanan at doon nga ay nakita niya si Teban. Ngunit biglang napaatras si Gabriel. Duguan ang buong katawan ni Teban, ang kanyang mukha ay mukha ng isang bangkay.
Tinangkang sumigaw ni Gabriel ngunit walang boses na lumabas sa kanyang bibig.
Bakit mo kami tinatakbuhan, Gab? Hindi ba't pamilya tayo? tanong ni Teban sabay ngiti. Pagkatapos ay dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang kanang kamay, may itinuturo sa likuran ni Gabriel. Bagamat ayaw lumingon ng batang lalaki, kusang gumalaw ang kanyang katawan at dahan-dahang pumihit para harapin ang itinuturo ng kaibigan.
Mula sa kadiliman, isa-isang sumulpot ang mga humahabol kay Gabriel, ngunit hindi ang inaasahan niya. Sa halip na limang lalake, ang nasa harapan niya ngayon ay ang kanyang mga kaibigan, mga kapwa batang ulila na natutulungan para mabuhay. Ngunit iba na ang sitwasyon ngayon. Sapagkat lahat ng mga bata ay wala ng mga buhay. At kung titingnan ang kanilang mga mata, isa lang ang gusto nila kay Gabriel.
"Hindi. Hindi!" Paulit-ulit na sabi ni Gabriel. Muli siyang pumihit upang tumakbo papalayo ngunit dalawang malalakas na braso ang pumigil sa kanya. Mahigpit siyang niyakap ng mga ito, halos hindi na siya makahinga.
Hindi mo kami iniligtas, Gab. Pinatay mo kami, bulong ni Teban kay Gabriel. Pero huwag kang mag-alala. Magkakasama-sama na ulit tayo!
Nagpumiglas si Gabriel, ibinuhos ang lahat ng lakas upang makawala. Ngunit di natitinag ang pagkakahawak sa kanya ni Teban. Papalapit ng papalapit ang mga batang bangkay. Halos masuka si Gabriel sa mabahong amoy ng nabubulok nilang katawan.
"Pinatay mo kami. Pinatay mo kami!" paulit-ulit na sabi ng mga bata.
"Hindi!" sigaw ni Gabriel. "Hindi totoo iyan!"
Patuloy lamang ang mga bata sa paglapit sa kanya. Hanggang sa kuyugin nila si Gabriel, lahat nasasabig na mahawakan ang batang punung-puno ng buhay. Napuno ang buong paligid ng mga sigaw ni Gabriel. Sigaw ng pagtanggi, sigaw ng pagsusumamo, sigaw na dulot ng takot, at higit sa lahat, sigaw dulot ng matinding sakit. Ngunit hindi siya naririnig ng mga batang bangkay. Sapagkat tanging isang bagay lamang ang nasa isipan nila.
Gutom.
###
Nagising si Gabriel, isang sigaw ang kumawala sa kanyang bibig. Napabalikwas siya ngunit bigla rin siyang bumagsak sa pagkakahiga ng makaramdam ng kirot mula sa kanyang kanang balikat. Nang silipin niya ito, nakita niyang nababalot ang kanyang balikat ng puting benda.
Pinagmasdan niya ang silid na kanyang kinaroroonan. Malaki ito, malinis at maraming gamit. Malaki at malambot ang kamang kanyang hinihigaan. Malamig din dahil may aircon.
Dahan-dahan siyang umupo, nagtataka kung nasaan siya. Tatayo na sana siya ng biglang bumukas ang pinto at isang dalagitang babae ang pumasok. May dala-dala itong ilang pirasong damit. Halatang nagulat ang babae ng makita sa Gabriel.
"Gising ka na pala!" nakangiting sabi ng babae na nakasuot ng makapal na salamin sa mata.
Hindi sumagot si Gabriel. Hindi rin naman niya alam kung ano ang sasabihin.
"Kamusta na ang pakiramdam mo? Masakit pa ba ang balikat mo?" Lumapit ang babae sa kama at inilapag ang hawak na mga damit.
"B-Balikat?" Muling tiningnan ni Gabriel ang nakabendang parte ng kanyang katawan. "Medyo masakit pa."
"Huwag kang mag-alala. Mawawala rin iyan. Naalis ko na ang kamandag sa dugo mo."
"Kamandag?"
Ngumiti lang ang babae, patuloy na pinagmamasdan si Gabriel.
"Teka, nasaan ba ako? Saka, sino ka ba?"
Lalong lumaki ang ngiti ng dalaga. "Narito ka sa Balanggay, ang tahanan ng mga Datu." Biglang napaisip ang dalaga. "Sa katunayan, mas tama siguro kung sasabihin ko na ito na ang magiging tahanan mo."
Hindi maintindihan ni Gabriel ang sinabi ng babae.
"Ako nga pala si Ellie, ang Manggagamot ng Datu." Inabot niya ang kanyang kamay kay Gabriel. Saglit pinagmasdan ng lalaki ang kamay ng dalaga bago ito kunin at makipagkamay.
"Manggagamot ka?" tanong ni Gabriel.
Biglang namula sa Ellie, parang nahiya.
"Sa totoo lang, hindi pa ako ang opisyal na Manggagamot. Nag-aaral pa lang ako," pabulong niyang sabi.
"Ikaw ba ang gumamot sa akin?"
"Ako nga!" malakas na tugon ni Ellie na muling nabuhayan. "Alam ko yata ang lahat ng dapat malaman tungkol sa mga sugat mula sa mga aswang!"
Parang nakuryente si Gabriel sa sinabi ng babae. "A-Aswang?" Biglang nagbalik sa kanyang alaala ang mga nangyari. Ang kanyang mga kaibigan, si Teban, ang limang lalaki (limang aswang), ang matanda...
"Oo," masayang sagot ni Ellie. "Mayroon kasing kamandag ang mga ngipin at kuko ng mga aswang.
Nagdudulot ito ng matinding kirot na kumakalat sa buong katawan. Ginagamit nila ito upang paralisahin ang ka-"
"Ellie."
Parehong napalingon sina Ellie at Gabriel sa pintuan. Doon nakatayo si Bagwis, ang noo ay nakakunot.
"Saka mo na kuwentuhan si Gabriel. Mukhang wala pa siya sa kondisyon para makinig sa mahaba mong kuwento."
"O-Opo, Sir Bagwis." Mabilis na naglakad si Ellie patungo sa pintuan ngunit bigla siyang natigilan at muling hinarap si Gabriel. "Oo nga pala, mga damit iyan para sa iyo," turo niya sa mga damit na inilapag niya sa ibabaw ng kama. Pagkatapos ay lumabas na siya ng silid.
"Kaya mo na bang tumayo?" tanong ni Bagwis sa batang lalaki.
Pinakiramdaman ni Gabriel ang sarili. Maliban sa kaunting kirot sa kanyang balikat, sa tingin niya ay ayos naman siya.
"Ayos lang ako," mahina niyang sagot.
"Mabuti. Magbihis ka. May nakahaing pagkain sa baba." Hindi na naghintay ng sagot ang matanda. Tumalikod na ito at isinara ang pintuan ng silid paglabas niya.
###
Tatlong pares ng mga mata ang sumalubong kay Gabriel pagkababa niya sa hagdanan. Si Ellie, na naglalagay ng ilang plato sa isang malaking lamesa, ay nakangiting humarap sa kanya. Si Bagwis ay nakaupo sa isang kahoy na upuan na mukhang antigo. Isang teenager na lalaki naman ang nakaupo sa harap ng mga monitors ng computer sa bandang dulo ng malaking bahay.
"Tamang-tama!" napapalakpak si Ellie sa tuwa. "Halika, kumain kang mabuti. Ako ang nagluto ng mga ito!"
Dahan-dahang lumapit si Gabriel sa mahabang lamesa, amoy na amoy niya ang iba't ibang putaheng nakahain. Bigla siyang nakaramdam ng matinding gutom. Naglaway ang kanyang bibig at nanlambot ang kanyang mga tuhod. Pilit lamang niyang pinigil ang nararamdamang gutom dahil sa mga katanungang bumabagabag sa kanyang isipan. Inalis niya ang kanyang mga mata sa lamesa at galit na tiningnan si Bagwis.
"Bakit ako nandito?" Anong kailangan mo sa akin?"
Walang emosyon ang mukha ng matanda. "Kumain ka muna. Kailangan mong makabawi ng lakas. Pagkatapos, saka ko na sasagutin ang lahat ng mga katanungan mo."
"Hindi ako nagugu-"
Hindi naituloy ni Gabriel ang sasabihin dahil malakas na tumunog ang kanyang sikmura. Dito ay napangiti ang matanda.
"Pagkatapos mong kumain."
Sa kanyang isipan ay kanina pa minumura ni Gabriel si Bagwis. Ilang saglit niya itong tinitigan ng masama at pagkatapos ay padabog na naupo sa hapag-kainan.
"Kain ka lang mabuti," nakangiting sabi ni Ellie.
###
"Tungkol doon sa tanong mo kanina," malumanay na sabi ni Bagwis, "dinala kita dito para magpagaling. Nawalan na ng malay dahil sa sugat mo sa balikat. Masuwerte ka at sinundan kita nung gabing iyon kundi…"
Hindi ipinagpatuloy ni Bagwis ang sasabihin. Kasalukuyan silang nasa isang malaking silid-aklatan. Sa gitn ng silid ay may isang mahabang lamesa na napapalibutan ng maraming upuan. Ang mga pader naman ay natatakpan ng malalaking mga cabinet na punung-puno ng iba't ibang uri ng libro. May malalaki at makakapal samantalang ang iba naman ay maliliit at ilang pahina lamang ang laman. Mayroong halatang bago pa, ngunit mas marami ang nangungulubot na sa pagkaluma.
"Kundi ano?" tanong ni Gabriel. "Ano ba talaga ang mga lalaking iyon? At bakit nila pinatay si Teban at ang mga bata?" Galit niyang tinitigan ang matanda, pagkatapos ay ibinaling niya ang kanyang tingin kay Ellie. Nakatungo lamang ito at hindi makatingin sa kanya. Wala namang kibo ang binatang nakatayo sa likod ni Bagwis. Muli ibinalik ni Gabriel ang kanyang tingin kay Bagwis.
"Mga aswang sila, Gabriel." Hinintay ni Bagwis ang magiging reaksyon ni Gabriel, at ng hindi ito kumibo ay ipinagpatuloy niya ang kanyang sasabihin.
"Naaalala mo ba ang mga sinabi ko sa iyo noong kumain tayo sa restaurant?"
Hindi pa rin umiimik si Gabriel.
"Gaya ng mga sinabi ko sa'yo, totoong may mga impakto, engkanto, at lamang-luma. Nasa paligid lang natin sila ngunit isang lihim lamang ang kanilang pag-iral. At iyan ay dahil sa mga Datu. Gamit ang kanilang kapangyarihan, nakakapagpatupad sila ng mga batas na dapat sundin ng ibang mga nilalang habang naririto sila sa ating mundo.
"Pero siyempre, mayroong mga nilalang na sadyang sumusuway sa mga batas na iyon. Ang nangyari sa iyong mga kaibigan ay isang halimbawa nito."
"Gaya rin ng nasabi ko, ang iyong ama ang kahuli-hulihang Datu bago siya namatay. Simula ng mawala siya, mas dumami ang mga nilalang na nagkaroon ng lakas ng loob na sumuway sa mga batas at gawin kung ano ang gusto nila. Pinilit kong pamahalaan ang ibang mga nilalang ngunit hindi sapat ang aking lakas. Hindi ako karapat-dapat.
"Yan ang dahilan kung bakit kita matagal ng hinahanap." Tinitigang mabuti ni Bagwis si Gabriel. "Dahil ikaw na lamang ang nag-iisang nagtataglay ng dugo ng mga Datu."
Parang sumasakit ang ulo ni Gabriel sa mga sinabi ng matanda.
"Sandali. Ang ibig mong sabihin, ako na ang magiging Datu?" "Kapag handa ka na, oo," tugon ni Bagwis.
Matagal nag-isip si Gabriel, pinipili ang mga salitang susunod na sasabihin.
"Puwes, handa na ako! At ang gusto ko, patayin lahat ng mga aswang na iyan!" sigaw ni Gabriel sabay hampas ng kanyang kamao sa kahoy na lamesa. Nagulat si Ellie sa inasal ni Gabriel at napahakbang paatras. Bigla namang natawa ang binata sa likod ni Bagwism ngunit agad din naman niyang pinigilan ang sarili at tinakpan ng kamay ang bibig. Wala namang anumang reaksyon si Bagwis.
"Bakit?" galit na tanong ni Gabriel. "Hindi niyo ba narinig ang sinabi ko? Ang sabi ko, gusto ko-"
"Hindi mo naiintindihan ang mga pinagsasabi mo," mariin ngunit kalmadong putol ni Bagis. "Iyan ang unang dahilan kung bakit hindi ka pa handa. Kulang ka pa sa kaalaman."
Hindi nakasagot si Gabriel, hindi lubos na naiintindihan ang sinasabi ng matanda.
"Hindi basta-basta ang pagiging Datu. Ito'y isang banal na tungkulin. Napakarami mong matutunan. Kailangan mong matuklasan kung ano talaga ang kapangyarihan ng isang Datu. Kailangan mong malaman ang mga tungkulin at responsibilidad na iyong kakaharapin. Dapat mo ring pag-aralan ang iba't ibang mga nilalang na iyong pamumunian at kung paano makitungo sa kanila. Dapat ka ring maging bihasa sa pakikipaglaban, at sa paggamit ng iba't ibang uri ng sandata."
"Kayang-kaya ko ang lahat ng iyon!" sigaw ng batang lalaki.
"Hindi pa ako tapos," sabi ni Bagwis na malumanay pa rin. "Kung ang iyong layunin para maging Datu ay upang maghiganti, ngayon pa lang ay binabalaan na kita. Hindi ka magtatagumpay. Hindi mo maaaring patayin lahat ng mga aswang."
"Pero bakit? Bakit hindi? Hindi ba't masasama ang mga aswang?"
Napailing lang si Bagwis sa sinabi ng batang lalaki. Sandali niyang ipinikit ang kanyang mga mata, iniisip kung paano ipapaliwanag kay Gabriel ang katotohanan.
"Gabriel, naiintindihan ko ang nararamdaman mo," malungkot na sabi ng matanda. "Pero, hindi masasama ang mga aswang.
Hindi alam ni Gabriel kung matatawa ba siya o maiiyak sa narinig. "Naloloko ka na ba? Anong hindi masama? Kumakain sila ng tao!"
Muling umiling si Bagwis. "Iyan ang isa sa maling paniniwala ng mga tao tungkol sa aswang. Huwag ka sanang mabibigla pero, alam mo bang masama para sa mga aswang ang pagkain ng tao?"
Kahit binalaan na ng matanda ay napanganga pa rin sa gulat si Gabriel. "M-Masama para sa aswang ang kumain ng tao?" tanong niya pagkatapos ay natawa ng malakas.
Napangiti si Bagwis. "Tama. Kailangan mo muna kasing maintindihan kung ano ang tunay na kalikasan ng mga aswang."
Natigilan sa pagtawa si Gabriel at muling tumingin kay Bagwis.
"Ang mga aswang," pagpapatuloy ng matanda, "ay hindi galing sa mundong ito, Gabriel. Mayroon silang sariling mundo. Sa kasamaang palad, ang kanilang mundo ay malapit ng mamatay. Dahil na rin ito sa pag-abuso nila sa kalikasan at sa kanilang natural na yaman."
Inantay ni Bagwis kung may sasabihin ang batang lalaki. Nang hindi ito sumagot ay nagpatuloy siya.
"Noong una silang makarating sa mundong ito, sa mundo ng mga tao, pinayagan sila ng mga Datu noong panahon na iyon na makalikom ng mga likas na yaman upang muling buhayin ang kanilang mundo. At isa sa pinakamalaki nilang pangangailangan ay ang pagkain.
"Hindi tulad nating mga tao, hindi kumakain ng mga gulay at prutas ang mga aswang. Kaya't pinayagan sila ng mga Datu na makakuha ng mga hayop upang dalhin sa kanilang mundo, para alagaan at kainin."
Tumayo si Bagwis sa kanyang kinauupuan at lumapit sa isa sa mga kabinet at tiningnan ang mga libro, mukhang may hinahanap.
"Aha," sabi niya ng makita ang hinahanap. Dahan-dahan niyang hinila ang isang luma at makapal na libro. Binuksan niya ito, dahan-dahang nililipat ang mga naninilaw na pahina. Pagkatapos ay inilapag niya ang libro sa harap ni Gabriel.
"Naging maayos at mapayapa ang pamumuhay ng mga tao at mga aswang. Subalit isang araw, may isang aswang ang aksidenteng nakapatay ng isang tao dahil sa isang alitan. At ng maamoy niya ang dugo ng taong napatay niya, hindi niya napigilan ang kanyang sarili at kinain niya ito. At nagustuhan niya ito.
"Para sa mga aswang, tao ang pinakamasarap na pagkain. Para itong isang uri ng droga para sa kanila, na hindi nila mahindian. Simula noon, marami nang aswang ang pumatay ng mga tao para kainin.
"Dahil dito ay ipinagbawal ng mga Datu ang pagpatay at pagkain ng tao. Ang sinumang lalabag ay papatayin. Karamihan ng mga aswang noon ay pinagtawanan lamang ang kautusang ito at nagpatuloy sa pagkain ng tao. Ngunit 'di nagtagal ay natuklasan nila ang masamang dulot ng pagkain ng tao."
Muling naupo si Bagwis at pinagmasdan si Gabriel habang binabasa nito ang librong ibinigay ni Bagwis. Nakakunot ang noo nito, buhos na buhos ang konsentrasyon sa binabasa.
"Tama ba ito?" biglang tingin ni Gabriel sa matanda. "Sabi dito, ang pagkain ng tao ng mga aswang ay…" Hindi maituloy ni Gabriel ang sasabihin dahil hindi siya makapaniwala.
Tumango si Bagwis. "Oo, ang pagkain ng tao ay sumisira sa katawan ng mga aswang."
Ilang minutong katahimikan ang pumuno sa silid.
"Naaalala mo pa ba ang hitsura ng mga lalaking nagtangkang pumatay sa iyo?" tanong ni Bagwis.
Dahan-dahang tumango si Gabriel.
"Naging ganoon ang kanilang hitsura dahil sa pagkain nila ng tao. Ang mga aswang ay katulad din nating mga tao, katulad natin sila ng hitsura. Nasisira lamang ang kanilang katawan at nagmumukhang mga halimaw dahil sa pagkain ng tao. At kapag hindi sila tumigil, tuluyan silang nababaliw at nagmimistulang isang mabangis na hayop na lamang. Di magtatagal, mamamatay din sila.
"Dahil dito ay mismong ang mga pinuno ng mga aswang, na tinatawag na Tatlong Matatanda, ang nagbawal sa kanilang mga kauri sa pagkain ng tao. Napilitang bumalik sa pagkain ng mga hayop ang mga aswang. Siyempre, hindi naman maiiwasan na mayroon talagang mga aswang na matitigas ang ulo at mapagrebelde. Mayroon pa rin na patuloy sa pagkain ng mga tao. At kailangan silang mapigilan. Kailangang ipatupad ang mga batas."
"Iyan ang tungkulin na kakaharapin mo kapag Datu ka na.
Hindi sumagot si Gabriel. Tinitigan niyang mabuti si Bagwis, kinikilatis kung totoo nga ba ang mga sinabi nito sa kanya. Ibinaling niya ang kanyang tiningnan kay Ellie at sa binatang nakatayo sa likuran ni Bagwis. Pagkatapos ay muli niyang tiningnan ang matanda.
"Kailan ba ako magsisimula?"
Napangiti si Bagwis. "Sa lalong madaling panahon, Gabriel."
Biglang parang nainis ang mukha ni Gabriel. "Gab na lang okay. Gab for short."