webnovel

Ang Simula

[Taong 2009]

Kumatok muna ako ng tatlong beses sa kwarto ng anak ng mga amo ko bago ako tuluyang pumasok. Pagkatapos ay pinihit ko ito ng dahan-dahan, at humakbang papasok. Sumalubong sa'kin ang napakalansang amoy ng patay na daga na halatang matagal nang nabubulok.

Napasinghot ako at saka ko tinawag ang bata.

"S-señiorito?" nanginginig kong tanong nang makalapit ako sa kanya.

Lumingon siya ng bahagya sa akin. Waring hinihintay ang susunod kong mga sasabihin. Napakagwapo naman ng batang 'to! Hindi nga lang halata. Mas una pa kasing mapapansin ang kaputlaan ng balat nito.

"P-pinatawag m-mo daw a-ako?" Pagkarinig niya no'n ay mala-anghel siyang ngumiti.

"Maaari po bang ilipat ninyo ako sa kama?"

Dali-dali ko siyang binuhat at ipinatong sa kama. 'Di naman s'ya gaano kabigat sapagkat may kapayatan rin ang bata.

"M-may iuutos po pa ba k-kayo?"

"Maaari mo po bang suklayin ang aking buhok?" malumanay niyang utos sa'kin. Kahit kasi lalaki s'ya ay medyo mahaba 'yung mga hibla ng buhok n'ya.

Kinuha ko ang pulang suklay na inabot n'ya sa'kin. Pero nagitla ako ng may maamoy ako dito. Napakalansa! Parang dito nakadikit ang amoy ng patay na daga!

Kahit na alam kong may ipag-uutos pa s'ya sa akin, ay tinanong ko pa rin s'ya, "M-may ipag-uutos po pa ba kayo, S-señiorito?"

"Ahh... opo. Pakikuha nga po ng itim na baul diyan sa ilalim." Tinuro niya ang ilalim ng kanyang kama.

Agad akong dumapa at hinagilap ang tinutukoy niyang kahon sa ilalim ng kanyang kama. At ayun! Nahanap ko na! Dali-dali ko itong hinawakan at hinila palabas ng kama. Binigay ko naman ito sa kanya, at saka niya ito inilapag sa kama. Sa katunayan, karton lang pala ito, pero hindi ko alam kung bakit medyo mabigat ito.

"Maaari mo po bang buksan ang kahon?"

Pagkabukas na pagkabukas ko pa lang ng karton ay agad sumalubong sa'kin ang napakalansang amoy ng tila nabubulok na  patay na daga? O 'di kaya'y...

"Tao?! Diyos ko po!" Napatakip ako ng bibig at ilong hindi lamang dahil sa amoy pero sa pagkagulat. Puno ang kahon ng iba't ibang mga putol-putol na mga parte ng katawan ng isang tao.

Kailangan kong makaalis dito sa mas lalong madaling panahon!

"S-señiorito? Pwede na po bang ako'y m-makalabas?"

"Aba! Oo naman po!" Para akong nabunutan ng tinik ng marinig ko iyon. Pero hindi pa pala s'ya tapos magsalita. "... Basta po ibibigay niyo po ang mga kahilingan ko po ha?" masigla niyang sambit, na tila'y sabik na sabik sa kung anong magaganap ngayon.

Ngumiti siya ng napakamisteryoso. Nakakakilabot! Ubod ng itim ang awra niya ngayon!

Tumingin siya sa akin mula ulo hanggang paa—at tumigil siya sa'king mga paa!

"Maaari bang ibigay niyo po ang mga... kuko niyo sa paa?" Ngumiti sya at ang mga mata niya'y tila ba'y nagsusumamo.

Ramdam kong umakyat ang libo-libong boltahe ng kuryente mula ulo hanggang sa dulo ng mga daliri ko sa paa.

Nababaliw ang batang ito! Demonyo sya!

Wala na akong ibang pagpipilian pa kung hindi sundin na lamang ang ipinag-uutos niya matapos niyang ibigay sa'kin ang isang napakatulis na kutsilyo. Pwede ko rin naman siyang patayin gamit ang kutsilyong ito pero naisip ko ang pamilya kong nagtatrabaho rin dito sa mansyon. Papatayin ako ni Don Rodrigo at ang lahat ng lahi namin! Kaya kailangan ko itong gawin para sa kapakanan ng mga anak ko at ng asawa ko.

Umupo ako sa isang bangkito na nasa paanan lamang ng kama ko nakita. Sandali kong ipinikit ang aking mga mata upang pakalmahin ang aking sarili. Ngunit, hindi pa rin ito sapat upang mapatigil ang puso kong tila ba kabayo na nag-uunahan sa pagtakbo.

Iniisa-isa ko nang nilukap ang mga kuko sa aking mga paa. Sinimulan ko sa pinakamataba na daliri sa kaliwang paa ko.

"AAAHHH!" napasigaw ako sa sakit. Una pa lang iyon pero ramdam na ramdam kong pumulandit ang masaganang dugo mula dito na mainit-init pa. Halos mapatumba ako sa sakit ngunit maagap ko namang naibalanse ang aking sarili.

'Yung pinakamataba na namang daliri sa kanan ang sinunod ko. Masakit pero kailangan ko itong gawin para sa pamilya ko.

"AAAHH! HUHU! HIK!" Napasinghot ako nang napasinghot dahil ang sakit talaga! Hindi ko na nga magawang punasan ang pinaghalong luha, pawis, at uhog ko habang unti-unti kong pinapahirapan ang aking sarili  Diyos na mahabagin! Kayo na pong bahala sa'kin!

At ito na nga... dalawa na lang. Walo na lahat ang natuklap kong mga kuko. 'Di ko nga alam kong paano ko nagawang tuklapin ang mga kuko ko nang 'di ko namamalayan. Siguro dahil ang tanging nasa isip ko lamang ay ang mga anak at asawa ko.

Tutuklapin ko na sana ang kuko ko na hinliliit nang...

"'Wag na. Tama na 'to," kalmado niyang turan. Hahakbang na sana ako palabas nang may maalala ako.

"M-may ipag-uutos po p-pa ba kayo, S-señiorito?"

Ganon talaga sa'min sa mansyon. Dapat alamin mo muna kung may ipag-uutos pa ba ang iyong amo dahil kung hindi, kapahamakan ang siyang bubungad sa iyo.

Pinagpapawisan na't natatakot na ako sa kung ano mang nanaisin niyang hingin sa'kin. Kahit na mas nakakatanda ako sa kanya, wala pa rin akong kawala sa impluwensya ng kanyang ama, si Don Rodrigo. Kilala kasi ito sa pagiging mabagsik at wala itong pinalalampas kahit na sanggol. Pinalaki rin sa layaw itong anak niya kaya kahit ano mang nanaisin ay kaagad na ibinibigay. Siguro dahil saksi siya sa mga napatay ng kanyang mga ama, kaya nagagawa niya ang mga bagay na ito. Kabaligtaran naman nito ang asawa nitong si Doña Feliciana. Mabait ito at maaalahanin sa aming mga naninilbihan sa kanila. Ngunit, maging ito ay wala ring magawa upang pigilan ang anak sa nakasanayan nitong 'laro' sapagkat siya ay sunod-sunuran lamang sa Don.

Nag-isip siya saglit at tiningnan ako ng diretso sa aking mga mata. 'Di ko alam pero parang may ideya na ako sa susunod niyang hihingin sa akin.

"Maaari po bang hingin ko ang kaliwang mata niyo?" Sumilay sa kanyang maninipis na mga labi ang isang nakakakilabot na ngiti.

Kumunot ang malapad kong noo. Nababaliw na talaga ang batang ito.

Kinuha ko ang kutsilyo na may bahid pa ng malansa kong dugo at saka ko ito dinahan-dahang inilapit sa kaliwang mata ko gamit ang kanang kamay ko, na kanina pa nanginginig.

Tiningnan ko muna ang batang yaon kung ano ang magiging reaksyon niya. Binasa niya ang ibabaw niyang labi ng kanyang dila. Naghihintay ng kung anong susunod kong gagawin na hakbang.

Walang kasenya-kasenyales na tinusok ko ang mata ko.

"AAAHHHH!" Lumabas sa mga labi ko ang isang nakakakilabot na sigaw.

Hindi! Kinakailangan ko talagang makaalis dito! Pero paano?

Pumulandit ang masaganang dugo mula sa mata ko nang kunin ko ito sa pinaglalagyan nito, at saka ibinigay ito sa kanya pagkatapos. Pinagpag niya ito nang mahina—na animo'y may dumi ito sa kanyang paningin—at marahang hinipan ito. Pagkatapos, idinagdag niya ito sa kanyang naunang koleksyon.

Tila ba nawalan ako ng ulirat ng ilang mga segundo dahil sa hapdi na nararamdaman ko sa dating kinalalagyan ng dating kaliwang mata ko. Medyo wala na rin sa pokus ang aking paningin sapagkat ang kanan na lamang na mata ko ang gumagana upang makita ko kung anong kasalukuyang nangyayari sa aking paligid.

Ngumisi siya na tila'y nagpapasalamat at tinitigan ako, naghihintay ng kung anong susunod kong sasabihin.

Kahit garalgal na ang boses ko sa kakaiyak ay nilakasan ko pa rin ang loob ko na sabihin ang mahiwagang mga kataga, "M-may ipag-uutos po pa b-ba kayo S-señiorito?"

Sandali akong napalingon sa bandang pintuan sapagkat para kasing may naaninagan akong tao. Duda ko si Olympia ito—isa sa mga kasamahan ko na naninilbihan din dito sa loob ng mansyon—dahil sa nakabuyangyang na palda na parte ng uniporme naming mga yaya. Siya at ako na lamang kasi ang naaalala kong natira dito sa mansyon sapagkat ang ibang kasambahay ay kasama ni Doña Feliciana na namalengke.

Sinenyasan ko siya na tulungan ako. 'Pakiusap, Olympia. Tulungan mo ako,' sambit ko ngunit walang lumabas na boses sa aking mga labi. Sapat na siguro ang nakikita niyang sitwasyon ko upang tulungan niya akong makauwi sa pamilya ko. Ngunit, bahagya akong nadismaya nang bigla na lamang umalis ang taong iyon. Sana hindi mo ito pagsisihan kaibigan, balang-araw.

Nilingon ko na ulit ang amo ko. Agad naman niyang ibinigay sa akin ang kahon at pilit na ipinakita ang laman nito. Napakalansa talaga! Sa palagay ko'y babaligtad na yata ang sikmura ko.

"Sa tingin niyo po, ano po bang kulang diyan?" nagagalak niyang sabi.

Lumapit ako nang dahan-dahan at tiningnan ko kung ano pang kulang. Huhu! Kadiri naman! May mata ko, ilong, paa, kamay, at iba pang parte ng katawan ng tao dito.

Parang wala naman yata?

"W-wala naman a! Ku-kumpleto na ito lahat!"

Wari-wari'y binigay niya sa akin ang balat ng kendi na nginunguya niya ngayon.

Ngumiti siya ng nakakakilabot.

'Wag mong sabihing ang gusto niyang hingin ay ang... balat ko?!

"HINNNDDDIII!!!!"

次の章へ