webnovel

Dancing King

Isang interpretative dance ang magiging talent nina Bryan at Kim para sa Mr. and Ms. Business School. Ayon na rin iyon sa kagustuhan ni Hannah. Ito na rin ang nag-abalang kumuha ng magti-train sa kanila sa sayaw. Biyernes ng hapon nang ipakilala niya sa dalawa si Andrew, ang dance instructor na magtuturo sa kanila ng sayaw.

"Interpretative dance?" Gimbal sa narinig si Bryan.

"Oo," sagot ni Hannah. Nasa student lounge silang apat noon.

"Pero..." Parang problemadong napatingin si Bryan kay Hannah.

"Ang isasayaw ninyo ay 'My Heart Will Go On' by Celine Dion. Magiging sina Rose at Jack kayong dalawa. O di ba, Kuya Andrew? Napaka-bonga ng idea ko."

Ngumiti lamang si Andrew sa sinabi ni Hannah. Si Kim naman ay tahimik lang na nakikinig sa lahat.

"Pero... Hindi ako marunong sumayaw!"

Napatingin ang lahat kay Bryan.

"Hindi ako sasayaw. Ayoko!" Todo iling pa si Bryan bilang pagtanggi sa ideya ng mga ito.

"Madali lang naman iyon," ani Andrew. "Madali lang ang mga steps na gagawin ninyo. Ang kailangan lang, galingan ninyo sa pag-e-emote. Kailangan ninyong maipakita na talagang in love kayo sa isa't isa ni Kim. Na malungkot kayo na magkakahiwalay kayo dahil nga sa hindi ka makaka-survive sa paglubog ng Titanic."

"Kailangan ba natin ng mga back up?" tanong ni Hannah kay Andrew.

"Oo, tsaka kailangan din natin ng mga props. Pero tutulungan ko rin naman kayong gumawa ng mga iyon," ang sabi naman ni Andrew.

"Great!" ani Hannah.

"Basta hindi ako sasayaw!" pagtatapos ni Bryan.

"Bry, maganda yung talent na iyon," ani Hannah. "Kakaiba. Siguradong walang gagawa noon kaya sure ako na kayo na ang mananalo sa talent portion."

"Hindi nga ako sasayaw!" Nagiging frustrated na si Bryan. Ngayon alam na niya kung ano ang pinagdaraanan ni Angel at ng iba pang officers ng JPIA sa mga kamay ng presidente nila.

"Eh anong magiging talent mo?" tanong ni Hannah.

Hindi makasagot si Bryan. Ano nga ba ang magiging talent niya? Hindi pa niya napagtuunan iyon ng pansin. Isa pa, isang bahagi din niya ang umaasa na hindi siya aabot sa round na iyon.

"Baka naman hindi ako mapili sa Top 5," ang sabi na lamang niya.

"Don't you ever say that! Sumali tayo to win. Hindi tayo dapat nag-iisip ng ganyan. Isa pa, kung hindi ka sasayaw, sino ang magiging partner ni Kim? Baka akalain pa ng mga tao, iyon ang kasali at hindi ikaw," ani Hannah sa kanya.

Napatingin si Bryan kay Kim. Parang biglang nag-alala ang dalaga dahil sa sinabing iyon ni Hannah. Nakonsensiya naman daw siya dahil doon.

Ganoon pa man ay nginitian pa rin siya nito. "Okay lang iyon, Kuya Bryan. Hindi rin naman ako ganoon kagaling sumayaw. Pero sabi nga nitong si Kuya Andrew, tutulungan daw niya tayo na matuto."

"Tama iyon," ang sabi naman ni Hannah.

Napaisip si Bryan. Totoo nga kayang hindi ganoon kagaling sumayaw si Kim? Kung ganoon, mas magiging disaster pala kung silang dalawa ang magiging partner sa sayaw. He really can't follow even a simple step when it comes to dancing.

Kung totoo ngang hindi magaling magsayaw si Kim, o kung nahihiya lang ito, kailangan nito ng magaling na partner na magdadala sa kanya at magpapalakas ng confidence nito sa pagsasayaw. At alam niya kung sino ang taong kayang gumawa noon.

"Alam ko na kung sino ang magiging partner mo," aniya kay Kim.

Nagulat naman ang lahat sa biglaang pagsisiwalat ni Bryan.

"Sino naman?" tanong ni Hannah.

Kinuha ni Bryan ang kanyang backpack at tumayo na. "I-text n'yo na lang sa akin ang mga detalye ng practice bukas. Dadalhin ko iyong magiging partner ni Kim." Saka na siya umalis ng student lounge.

"Ngayon lang ako nawirduhan ng ganito kay Bryan de Vera," ani Hannah.

Wala nang nagawa ang tatlo kundi ang sundan na lamang ng tingin ang papalayong si Bryan.

💃🏻🕺🏻

Kinagabihan ay pinuntahan ni Bryan sa bahay nila si Richard. Ito ang naisip niyang magiging partner ni Kim. Kung pagsasayaw lang naman ang pag-uusapan, kaya nitong makipagsabayan sa mga dancer na nagpe-perform sa t.v. Nag-workshop kasi ito minsan noong sa Manila pa sila nakatira. Wala lang daw kasi itong magawa noong summer na iyon.

Sa kwarto ni Richard sila nag-usap. Baka kasi may makarinig at malaman ng mga magulang ni Richard na may ugnayan silang dalawa sa Martinez sisters.

"Sumali ka sa Mr. Business School?" Hindi makapaniwala si Richard sa sinabi ni Bryan.

"Nagkasubuan na, eh," ani Bryan. "Wala na akong ibang maisip nung time na iyon." Basta bigla na lang niyang naisip na kailangan niyang iligtas si Angel sa pagna-nag ni Hannah. Hindi na siya nakaisip ng mas mabuting solusyon kasi nga parang iiyak na si Angel any moment that time.

Parang noong nasa library sila. Wala siyang maisip na paraan para makaiwas kay Richard at hindi sila makita nito. Isa pa, bigla siyang nataranta at nawala sa focus nang makitang sobrang lapit ni Angel sa kanya. Kaya naman naisip na lang niya na halikan ito. Though, he admits there was a part of him na ginusto lang talagang mahalikan si Angel nung sandaling iyon.

He brushed the thought off his mind at nagbalik sa kasalukuyang panahon. "Sobra kasing magsalita si Hannah. Akala mo kung anong malaking kasalanan na ang ginawa ni Angel."

"Eh baka big deal nga para sa kanya iyon."

Napabuntong-hininga si Bryan. "Siguro nga."

Napangiti si Richard. "But I can't imagine you doing the pageant, Bry." Saka ito natawa.

"Sige, pagtawanan mo pa ako," naiinis niyang wika. "Kaya nga ako nandito kasi papatulong ako sa iyo."

"Magpapatulong kang mag-practice kung paano mag-project at rumampa?" Muling natawa si Richard.

Lalo namang napasimangot si Bryan. Tinignan niya ng masama ang pinsan.

Pinilit namang kalmahin ni Richard ang sarili. "O sige. Ano bang tulong ang kailangan mo?"

"Gusto kasi ni Hannah, sumayaw ako sa talent portion."

Muling natawa si Richard. Alam kasi nito na parehong kaliwa ang paa niya... o kanan... Kahit ano pa! Alam nitong hindi siya marunong sumayaw.

"Kaya ikaw na lang sana ang maging partner ni Kim sa dance number niya."

Natigil sa pagtawa si Richard. "Ako? Eh hindi naman ako taga-BS, ah. Pwede ba iyon?"

"Oo naman. Back-up lang naman. Partner. Kahit sino naman pwede nilang kunin na kapareha niya. Kahit iyong trainer niya mismo."

"Eh ano bang sasayawin?"

"My Heart Will Go On. Interpretative dance daw," ani Bryan. "Kunwari ikaw si Jack at si Kim naman si Rose."

"Talaga?" Biglang naging excited si Richard. "Sige, go ako diyan."

"Talaga?"

"Oo," ani Richard. "Ang cool kaya noon. Isama mo pa ang costumes at mga props. Parang nasa teatro ka at hindi lang basta nagsasayaw."

"But you have to remember to make Kim shine. Kailangan siya ang mapansin at hindi mo siya masapawan."

"Don't worry, Cuz. Ako ang bahala kay Kim," confident na wika ni Richard.

Kahit papaano ay nakahinga ng maluwag si Bryan. Solved na ang isa niyang problema. Pero sobrang dami pa ng kailangan niyang ayusin. Kailangan pa niyang umisip ng sarili niyang talent. At ang pinakamalaking problema niya ay ang pageant mismo. Hindi pa rin niya ma-imagine ang sarili na rumarampa sa harapan ng maraming tao.

Bahala na. Kaya naman siguro niyang lusutan iyon. Wala naman siyang magagawa kung hindi siya manalo. Basta gagawin na lang niya ang best niya, just like what he always do.

♥♥♥ 𝓘 𝓫𝓮𝓵𝓲𝓮𝓿𝓮 𝓽𝓱𝓪𝓽 𝓽𝓱𝓮 𝓱𝓮𝓪𝓻𝓽 𝓭𝓸𝓮𝓼 𝓰𝓸 𝓸𝓷... ♥♥♥

次の章へ