webnovel

Sina Lorena at Pawikana

Kabanata IX

Lumapit sa pinto ng kaharian sina Pawikana at Lorena.

"Paraanin mo kami sundalo," utos ni Pawikana sa mga sundalong sireno na nakabantay sa malaking pintuan ng kaharian.

"Sige, pumasok kayo Pawikana," sagot ng sundalong sireno.

Pumasok sila sa kaharian. Lalo pang namangha si Lorena sa loob. Sadyang napakagara at kakaiba ang mga kasangkapan at palamuting ginamit. Ang mga naglalakihang mga mesa at silya na yari sa malalaking bato na dinisenyuhan na parang lumba-lumba at iyong iba ay yari sa ginto na lalong pinaganda ng mga makukulay na pamaypay ng sirena na nakapatong sa itaas na bahagi ng silya. Ang bulwagan ay sadyang napakalaki, tatalunin ang laki ng ibang bulwagan ng mga palasyo ng mga hari at reyna sa daigdig ng mga tao. Malapit sa gitna nito ay ang malaking istatwa ng diyosa ng dagat na si Neptuna na mahigit isang daan at limampung metro ang taas nito. Yari sa ginto ang istatwa at yari naman sa diyamante at perlas ang korona nito. Talagang natulala si Lorena sa kanyang nakita. Hindi niya akalain na masisilayan niya ang nakatagong kaharian sa ilalim ng dagat, ang kahariang pagmamay-ari ng kanyang tunay na ina.

"Halika na Lorena, wala ng oras! Kailangang magamot mo na ang iyong ina. Sumunod ka sa akin," sabi ni Pawikana sa kaibigan na alam niyang sobrang namangha sa nakikita.

Sumunod nga si Lorena sa kaibigan hanggang sa marating nila ang kuwarto ng reyna na matatagpuan sa pinakamataas na bahagi ng kaharian. Maraming mga sundalo ang nakabantay dito. Mahigit labin-limang mga sundalo ang nakatalaga sa seguridad ng reyna. Sa mukha pa lang nila ay matatakot na ang sinumang magtatangkang masama rito. Hawak-hawak sa kanilang kanang kamay ang mga naglalakihang traydon.

"Maligayang pagdating Pawikana at sa iyong kaibigan! Hinihintay ka na ni Karuno at Prinsesa Sarina sa loob ng kuwarto ng reyna," bati ng isang sundalong sireno.

"Salamat kung gano'n. Dala ko na ang susi sa ating problema," sabi ni Pawikana.

Pumasok sa kuwarto ng reyna sina Pawikana at Lorena. Kahit sabik na sabik si Lorena na makita ang ina ay nanatili itong walang imik. Parang kinakabahan kung makakaya niyang pagalingin ang ina. Pero malaki ang kanyang pananampalataya sa Dakilang May Likha. Alam niyang ang kanyang dalisay na pagmamahal sa ina kahit hindi pa niya nakikita ito ang siyang pinakamabisang gamot sa sakit dito. Kahit anong sakit ay kayang pagalingin ng tunay na pag-ibig at pananampalataya sa Panginoon. Alam niyang walang imposible, lahat ng problema ay may solusyon.

"Salamat at nakarating kayo nang ligtas. Ito na ba ang pinagpalang bata? Ang nawawalang anak ng reyna?" tanong ni Karuno sa bagong dating.

"Oo, Pinunong Karuno. Siya si Lorena, si Prinsesa Lorena," sagot ni Pawikana.

"Magandang gabi po sa inyo," magalang na sabi ni Lorena na tila nahihiya pa sa nilalang na kinakausap.

"Simulan na natin ang ritwal. Manalangin tayo nang mataimtim kay Neptuna na palitawin ang buwan. Siya lamang ang ating pag-asa na magkaroon ng kabilugan ng buwan sa ngayon," sabi ni Karuno sa mga nilalang na nasa loob ng kuwarto ng reyna. "Pawikana, palapitin mo ang bata sa ating mahal na reyna," dagdag nito.

Lumapit si Lorena habang inalalayan siya ni Pawikana sa malaking kama ng reyna na yari sa ginto ang mga pangunahing materyales rito. Ang mismong higaan ay yari sa malambot na halamang dagat na binili pa mula sa ikalimang bahagi ng kaharian ng dagat-ang Lumbanya, ang sentro ng pangangalakal at ekonomiya sa buong kaharian ng pitong dagat na pinangangasiwaan ng hari ng mga lumba-lumba. Ang Dagatlaot ay isa lamang sa pitong kaharian ng dagat.

Nagsisimula nang manalangin sina Pawikana, Lorena, Karuno at ang iba pang mga pantas kay Neptuna. Habang nakatayo, dilat ang kanilang mga matang nananalangin, nakataas nang bahagya ang ulo, ang mga kamay ay nakataas din sa ere. Hawak-hawak ni Karuno ang Bohra, ang mahiwagang aklat na bigay ni Neptuna sabay sambit sa pangalan ng diyosa. Mahigit kalahating oras ding nagtagal ang kanilang panalangin. Hindi naman sila nabigo. Nagpapakita nga ang buwan sa bilugang anyo nito. Nagpasalamat silang lahat lalung-lalo na si Lorena at dininig ng diyosa ang kanilang dasal.

"Umawit ka na Prinsesa Lorena, aming munting kamahalan. Ito na ang takdang oras," magkasabay na utos ni Pawikana at Karuno.

"Sing na friendship!" dagdag ni Pawikana.

Umawit nga si Lorena ng kantang siya mismo ang may likha nito. Ang awit na siyang nagpanalo sa kanya sa singing contest sa daigdig ng mga tao. Ang mahiwagang tinig niya at ang liwanag ng buwan ay biglang nagsanib at naging bahayang-isda. Ito ang lamang- dagat na siyang pinakainosente at banal na nilalang kung ituring ng mga taga-Dagatlaot at taga- pitong dagat. Ang asul na bahayang-isda ang siyang bumalot sa buong katawan ng reyna at nagpagaling sa kanya.

"Mahabaging Neptuna! Unti-unting gumagaling ang reyna. Nagkakulay berde na ang buntot niya. Ilang saglit pa ay gagaling na nang tuluyan ang kamahalan," masayang sambit ni Karuno. Masayang-masaya naman ang mga naroon sa sinabi ni Karuno. Ngunit, ilang sandali na ang lumipas pero hindi pa rin nagkamalay ang reyna.

"Bakit hindi pa rin nagising si Reyna Landaya, Karuno?" tanong ni Pawikana "Akala ko ba ay magigising siya sa ritwal na ginawa natin?"

"Hindi ko rin alam Pawikana. I just did what is written on Bohra," sagot ni Karuno. "Mga pantas, ano ang inyong masasabi rito?"

"Baka naman ay may kumontra sa ating ritwal kanina. Tama! Baka ganoon nga ang nangyari," sabi ng isang pantas.

"Hahahaha! Tama ka pantas. My kumontra nga sa inyong ginawang ritwal kanina, at ako iyon. Hahahaha! Mamamatay na ang inyong reyna!" sabi ng boses na dumadagundong sa loob ng palasyo.

Biglang natakot ang mga naroon lalung-lalo na si Lorena.

"Sino ka?Magpakilala ka?" tanong ni Karuno.

"Hahahaha! Ikaw naman Karuno, nakalimutan mo na ako? Parang wala naman tayong pinagsamahan. Ako lang naman si Lawudra, ang inyong tunay na reyna." sagot naman nito.

"Ang sama mo!" mangiyak-iyak na sabi ni Lorena.

"Salamat, hahahaha!" sabi naman ni Lawudra. "O, paano, maghanda na kayo at bukas din ay ako na ang mamumuno sa inyo. Mamamatay na ang inyong reyna bago pa sumikat ang haring araw bukas. Hahahaha!" ang malakas na halakhak ni Lawudra hanggang sa unti-unting nawala ang boses nito sa palasyo tanda ng pagkawala ng presensya nito.

"A-a-a-ano na ang gagawin natin ngayon Karuno?" tanong ni Sarina.

Hindi sumagot si Karuno. Balisa rin ang mga pantas habang nakatingin lang si Lorena sa nakahigang reyna.

"Mawalang-galang na, sa inyo," sabat ni Pawikana. "Sumangguni kaya tayo kay Vicera baka naman may maitutulong siya sa atin."

"Tama, si Vicera." Sabi ni Karuno. "T-t-teka, Pawikana, paano mo nakilala si Vicera?"

"A-ah, eh," pautal-utal na sagot ni Pawikana.

"Hmmm, siguro nagliliwaliw ka naman doon sa lugar niya noh?" tanong ni Karuno.

"Pasensiya na kung sinusuway ko minsan ang utos mo, Karuno" sabi naman ni Pawikana.

"Wala iyon, may pakinabang ka naman." Sabi ni Karuno.

"Friendship, sino naman si Vicera?" ang pabulong na tanong ni Lorena kay Pawikana.

"Hehehe, ang baklang sireno na saksakan ng katarayan at kaartehan," sagot naman ni Pawikana.

"E, bakit tayo pupunta sa kanya kung mataray siya?" inosenteng tanong ni Lorena.

"Kasi nga, kahit mataray ang baklang iyon ay biniyayaan naman ito ng mahiwagang salamin. Kaya niyang malaman ang mga bagay-bagay na sadyang mahirap alamin," sagot ni Pawikana.

"Ang galing niya pala, para pala siyang si Naruha," sabi ni Lorena sa kanyang sarili.

"May sinabi ka?" tanong ni Pawikana.

"A-a, e, wala," sagot ni Lorena.

"Well, Pawikana, dahil ikaw higit kaninuman ang may alam kay Vicera, e, ikaw na ang pumunta sa kanya, isama mo na rin si Lorena. Pasamahan ko na lang kayo ng mga sundalong sireno," sabi ni Karuno.

"Masusunod, Karuno." sabi ni Pawikana.

Kasama si Lorena at ang dalawang sundalong sireno, agad na pinuntahan ni Pawikana si Vicera sa ilalim na bahagi ng palasyo.

"Magandang Vicera, si Pawikana ito, p'wede bang makapasok sa kuwarto mo?" tanong nito.

"Bakit ka papasok sa kuwarto ko e may kuwarto ka naman," sagot naman nito.

"Mataray nga," sabi ni Lorena.

"H'wag kang maingay," sabi ni Pawikana kay Lorena.

"Narinig ko iyon, sinong mataray?" tanong ni Vicera. "Ayoko ng sinungaling."

"A-a-ah, eh," pautal-utal na sagot ni Pawikana.

"Anong ah, eh? A-e-i-o-u, ba, be, bi bo, bu?" tanong naman nito.

Bahagyang natawa si Lorena sa narinig.

"O, bakit may tumatawa? May party?" dagdag na tanong nito.

"Pasensiya ka na, magandang Vicera. Pumunta lang kami rito kasi kailangan namin ang tulong mo," sabi ni Pawikana. "May sakit kasi ang reyna ngayon, kailangan niya ang tulong mo, please!"

"Iyon naman pala, pupuntahan niyo lang ako 'pag kailangan niyo ang tulong ko," sabi naman ni Vicera.

"Hindi naman. Pumupunta kaya ako rito sa iyo pag may pagkakataon," sabi naman ni Pawikana.

"A, ewan, wala akong maitutulong diyan. Labas na ako riyan sa problema ninyo. Umalis na kayo rito," mataray na sabi nito. "Magpapahinga na ako. Katatanggap ko lang ng bisita kanina. Sige na, alis!"

"O sige, di umalis. Sayang naman hindi mo makikita ang dalawang guwapong sireno na kasama namin," sabi ni Pawikana. "Let's go boys! Uwi na tayo!"

"Oooops, t-t-teka lang, Pawikana. Ikaw naman, masyado kang matampuhin, alis agad, hindi mo naman sinasabing may kasama ka pa lang boys," sabi ni Vicera. "O, sige na nga, pumasok na kayo rito."

Kinindatan ng dalawang sireno si Pawikana, na parang nagsasabing epektibo ang ginawang istilo nito upang makuha ang kiliti ng baklang kausap.

Biglang bumukas ang pinto at agad namang pumasok sina Pawikana, Lorena at ang mga sundalong sireno. Maaliwalas ang kuwarto nito. Nakaayos ang mga gamit lalung-lalo na ang malaking salamin na nakaharap sa pintuan. Halatang masinop sa mga bagay ang nakatira rito. Ngunit ang ipinagtataka ni Lorena ay wala namang nilalang sa loob ng silid.

"Ola, Pawikana, magandang araw sa inyo, lalung-lalo na sa mga nagpopogihang mga binata, aheeey," sabi ni Vicera na halatang kinikilig nang makita ang dalawang sireno.

"Ayyyy!" gulat na sabi ni Lorena.

"O, bakit ka nagugulat bubuwit na sirena? Sabagay nakagugulat naman talaga ang aking kagandahan, aheey," sabi ni Vicera.

"E, kasi bigla ka na lang lumitaw mula sa loob pa ng malaking dingding," sagot ni Lorena.

"O, bakit, may problema? Dito komportable ang aking walang katulad na beauty," sabi naman ni Vicera.

"Walang katulad nga, isda na, mukhang kabayo pa," pabulong na sabi ng isang sireno sa kapwa sireno nito na sinabayan pa ng mahihinang tawa.

"Aheey, my sinabi kayo boys?" malambing na tanong ni Vicera.

"Wala," sagot ng mga sireno. "Tunay ngang kakaiba ang iyong ganda."

"Aheey, kayo talaga! Slight lang," sabi naman ni Vicera na talagang kinikilig sa mga pambobola ng mga binatang sireno.

"Mawalanggalang na magandang Vicera. Gusto naming itanong sa iyo, kung papaano gagaling ang aming reyna?" sabat ni Pawikana.

"Ay nariyan ka pala, Pawikana! Kanina ka pa? Joke!" sabi ni Vicera. "Simple lang iyan, gusto ko munang makita ang kalagayan ng reyna para malaman ko kung ano ang nararapat na panlunas nito. Idikit mo sa dingding ang iyong mga palikpik nang makita ko ang nangyari kanina sa taas ng palasyo."

Ginawa nga ni Pawikana ang sinabi ni Vicera, at sa ilang saglit lang ay nakita nila sa dingding ang mga pangyayaring naganap kanina. Manghang-mangha si Lorena sa kanyang nakita. Parang isang malaking telebisyon ang dingding na nagpapalabas ng mga eksena sa isang fantaserye. At bago pa man siya tuluyang nadala sa pinapanood ay nagsalita na ang baklang sireno.

"Hindi ordinaryong lason ang ginamit sa reyna. At dahil din sa makapangyarihang orasyon na ginamit upang kontrahin ang ritwal na pinangunahan ni Karuno ay nakatitiyak akong isang pambihirang gamot lang ang makapagpapagaling sa kanya," sabi ni Vicera.

"Ano iyon?" magkasabay na tanong nina Lorena at Pawikana.

"H'wag kayong atat. Sasabihin ko rin. Kailangan niyong maglakbay sa kabilang mundo, ang mundo ng mga Bahasa, ang mga babaeng ahas. Kailangang makuha niyo ang balat ng ahas, ang ibig kong sabihin, ang lumang balat niya. Iyong balat na kusang natanggal sa kanyang katawan," sagot ni Vicera.

"Ano? Balat ng ahas?" magkasabay pa ring tanong nina Lorena at Pawikana.

"A, hindi, balat ng saging," pamimilosopo ni Vicera na siyang nagpapahagikhik sa mga binatang sireno na nakikinig din sa kanilang pag-uusap. "Balat nga ng ahas ang sabi ko di ba? Itong dalawang 'to kung maka-react, ang o-oa,"sabi ni Vicera.

"Naku, nakakatakot naman iyan, baka gawin tayong almusal ng mga ahas na iyon," sabi ni Pawikana na halatang natatakot sa pinagsasabi ni Vicera. "Takot kaya akong makaharap ang ahas. "Iisipin ko lang na makaharap ang mga babaeng ahas ay manginginig na ako sa takot."

"E, di h'wag kang humarap, tumalikod ka lang," pamimilosopo pa ring sabi ni Vicera na siyang nagpatawa nang bahagya kay Lorena.

"Ikaw talaga, pilosopo ka!" sabi ni Pawikana. "O, paano ba pumunta roon?"

"Well, para mabilis tayong makapunta roon ay kailangan niyong idikit ang inyong mga sarili sa dingding at para kayo'y higupin at nang makapaglakbay na tayo tungo sa mundo ng mga babaeng ahas."

Lumapit sina Lorena at Pawikana at bigla nga silang hinigop ng dingding nang madikit ang kanilang mga katawan. Lumapit din ang dalawang sireno at ginawa rin ang sinabi ni Vicera ngunit bago pa tuluyang madikit ang katawan nila ay biglang nagsalita si Vicera.

"Well, boys, hindi kayo kasali rito sa adventure na ito. I-kiss niyo na lang ako bilang pampabuenas, dali!" sabi ni Vicera sa mga binatang sireno.

Napakamot na lang sa ulo ang dalawang binatang sireno. Binigyan na lang nila ng malutong na halik sa magkabilang pisngi ang baklang sireno.

"Aheey, let the adventure begin," sabi naman ni Vicera na kinikilig pa sa paghalik ng mga binatang sireno sabay kindat sa dalawa at tuluyan na ring naglaho sa dingding.

Kabanata X

Mula sa dingding ay iniluwa sina Lorena, Pawikana at si Vicera sakay ng isang mahiwagang kabemay, sa kakaibang mundo. Sobrang liwanag ng mundong ito sa kadahilanang walang gabi rito. Bukod doon, ito rin ang mundo na kung saan nakalutang sa himpapawid ang mga malalaking bato na kulay berde. At kahit nakatatakot ito dahil baka mabangga ang kanilang sinasakyang kabemay ay napawi ito sa mga tanawing nakikita sa ibaba. Mula sa itaas makikita ang mga nagagandahang bulaklak at halaman na tumubo sa patag na lupa. Nariyan pa ang napakalinaw na ilog na kulay asul. Parang paraiso ang lugar. Manghang-mangha ang tatlong nilalang sa kanilang nakikita. Punumpuno ng mga ngiti ang kanilang mga labi habang pinagmamasdan ang mga tanawin sa ibaba. Naghaharutan din sina Lorena at Pawikana. Masaya naman si Vicera habang pinagmamasdan ang dalawa. Mas lalo pa silang naging masaya nang makita nila ang grupo ng mga paruparo na papalapit sa kanila na tila gustung-gustong makipaglaro sa kanila. At sa tuwing hahawakan ni Lorena ang mga paruparo ay nagiging bulaklak ito. Tuwang-tuwa siya. Nakikisali na rin sina Pawikana at Vicera. Sila man ay nakikihawak na rin sa mga paruparo. Masayang-masaya sila. Kahit papaano ay napawi ang lungkot ni Lorena dahil sa pagkakasakit ng kanyang ina. Patuloy sila sa paglalakbay hanggang sa may nararamdaman silang ingay, parang isang matunog na ungol at palaspas mula sa likuran.

"Vicera, my sumusunod sa atin. I-i-isang pambihirang nilalang," sabi ni Pawikana na halatang nanginginig sa takot.

"Oo, nakikita ko nga!" pamimilosopong sabi ni Vicera. "Oh, my God, ang seksi ng katawan niya. Aheey, ang kisig niya! Yummy Parang si Sam Milby!"

"Yeah right pero ang mukha… scary!" sabi naman ni Pawikana.

"Ito naman, kontra agad," sabi ni Vicera sabay batok kay Pawikana.

"Araaay! Sakit noon ha." sabi ni Pawikana. "Girl, kalaban iyan ha. Remember, may naghihintay sa iyong dalawang sireno sa kaharian natin."

"Sabi ko nga." sabi ni Vicera.

"Anong klaseng nilalang ba iyan?" tanong naman ni Lorena.

"Iyan ay isang Letala. Isang mabangis na halimaw. Ang ulo niya ay kagaya ng ulo ng leon, ang katawan ay kagaya ng isang lalaking mortal, at ang mga pakpak ay kagaya ng mga pakpak ng isang buwetre." sagot ni Vicera. "At ang paborito nitong pagkain ay iyong mga nilalang na may… palikpik," dagdag nito sabay tingin kay Pawikana.

"H'wag ka namang ganyan girl. Natatakot na ako," sabi ni Pawikana.

"Joke!" sabi ni Vicera. "Ikaw naman 'di ka mabiro, lahat gustong kainin niyan."

"Kung ganoon, ano nang gagawin natin ngayon?" tanong ni Lorena.

"H'wag kayong matakot, ako ang bahala sa inyo?" sabi ni Vicera.

"Ano ang gagawin mo?" tanong ni Pawikana.

"A, simple lang. 'Di umiwas sa gulo," sabi ni Vicera. Kabemay, inuutusan kita, bilisan mo ang iyong paglipad. Dali!"Binilisan pa ng kanilang sasakyan ang paglipad. Tili naman nang tili si Vicera. Tinakpan naman nina Lorena at Pawikana ang kanilang tenga dahil sa nakakabinging tili ng baklang kasama. Hinahabul-habol naman sila ng Letala.

"Girl, wala ka bang kapangyarihan na labanan iyan?" tanong ni Pawikana kay Vicera.

"E, kung may kapangyarihan ba ako, sa tingin mo, magpapahabol pa ba tayo? E di ginamitan ko na iyan kanina pa kung mayroon ako, para di na iyan sumusunod sa atin," sagot naman ni Vicera. "A-h-h, actually, mayroon, kaya lang naiwan ko ang isang supot ng mga mahiwagang perlas."

"Sabagay, ikaw Lorena. Subukan mo kayang gamitin ang kapangyarihan mo. Paganahin mo kaya ang liwanag sa mata mo." sabi ni Pawikana.

"Ha, a, e, hindi ko alam. S-s-sige, susubukan ko," sabi naman ni Lorena sabay tingin sa papasunod na kalaban, ngunit wala ring nangyari.

"Ikaw friend, hindi ba may kapangyarihan kang bigla na lang naglalaho? Bakit hindi mo gamitin ngayon?" tanong ni Lorena kay Pawikana.

"Hindi p'wede friend. May limitasyon ang paggamit ko ng aking kapangyarihan. Kung sasagarin ko ay baka ma-dead ang beauty me," sagot naman nito.

Walang nagawa ang tatlo. Matagal ang habulan sa ere. Panay tili ang maririnig sa kanila sa tuwing lalapit na ang halimaw at aakmang dadakmalin na sila. Lalo pa silang nagtitili na may papasalubong na mga nilalang.

"Mga Bahasa. Ang mga babaeng ahas na may mga pakpak," sabi ni Vicera na tila natatakot sa paparating na mga nilalang. "Naku, sandwich na tayo. Katapusan na natin! Huhuhu! Ahhhhhhhhhhhhhhhhhhhhh!" dagdag pa nito sabay pikit ng mga mata.

"OA mo naman, 'di ka kaya mamatay. Kita mo o, nilampasan lang tayo ng mga babaeng ahas," sabi ni Lorena sabay turo sa mga ahas papunta sa Letala. "Mababait naman pala sila. Nakipag-apir pa nga ang isa sa kanila sa akin. Hehehe!"

"Ha, gano'n ba? Salamat naman. Akala ko hindi ko na makikita sina Coco at John Lloyd," sabi naman ni Vicera.

"S-sino sila?" inosenteng tanong ni Lorena.

"Iyong kasama nating mga sireno kanina, friend. Coco at John Lloyd ang mga pangalan noon." sagot ni Pawikana. "Ang hindi niya alam friend, ini-echos lang siya ng mga iyon, hehehe!"

"Hehehehe!" tugon ni Lorena.

"O, ano ang tinatawa mo riyan, bubuwit na sirena?" tanong ni Vicera.

"Wala naman, magandang Vicera," tugon ni Lorena sabay takip sa bibig. Habang sila'y nag-uusap ay nakikipaglalaban naman ang dalawang babaeng ahas sa Letala. Kakaiba nga ang mga babaeng ahas, ang kalahating katawan nito paitaas ay kahalintulad sa isang mortal na babae samantalang ang kalahating katawan pababa naman ay buntot ng ahas. May malalaking pakpak rin ito na nagpapabilis sa kanilang paglipad. Mahaba ang kanilang buhok at sadyang kaakit-akit ang kanilang alindog.

Nakamasid ang tatlo kung paano nakipaglaban ang mga Bahasa. Nariyang puluputan ng isang babaeng ahas na may pulang buntot ang Letala sabay buka ng kanyang bibig at litaw ang malalaking pangil, at akmang kakainin ito, ngunit, sadyang mabilis at malakas din ang Letala at agad na nakawala sa pagkapulupot sa ahas sa pamamagitan ng paghawak nang mahigpit sa buntot nito sabay hagis. Agad namang napaungol ang ahas tanda ng sakit na nararamdaman. Sumugod naman ang isang Bahasa na may dilaw na buntot. Ibinuka ang bibig at nagpalabas ng isang malaking bola ng makamandag na likido at itinuon ito sa Letala ngunit nakaiwas naman ang huli. Agad namang nagpakita ng kapangyarihan ang Letala. Gamit ang mga pakpak, nagpalabas ito ng matatalim na balahibo na parang punyal at pinunterya ang Bahasang may dilaw na buntot ngunit nakailag naman ito. Matagal ang labanan. Sukatan ng kapangyarihan at lakas. Hanggang sa matalo rin ng mga babaeng ahas ang Letala sa pamamagitan ng pagbabagong anyo, mula sa pagiging kalahating tao at kalahating ahas ay nagiging ganap na babae sila at ginawa ang Snake Dance, isang uri ng mapang-akit na sayaw na kung saan ang beywang ay pinaikut-ikot habang ang mga kamay ay gumagalaw ayon sa indayog ng katawan. Habang ginagawa nila ang sayaw na ito ay napatitig at nahuhumaling ang Letala, at nang tuluyan nang naakit ang Letala, ay nagsisipaglabasan sa katawan ng mga Bahasa ang mahigit animnapu't anim na mga ahas at inatake ang tulalang-tulala na Letala. Huli na nang natauhan ang Letala dahil tuluyan na siyang kinagat at sinisipsip ng mga ahas ang kanyang dugo. Bagsak sa lupa ang kawawang Letala.

Masayang-masaya naman sina Lorena, Pawikana at Vicera sa pagkapanalo ng mga Bahasa. Ngiti ang kanilang salubong sa mga papalapit na mga babaeng ahas.

"Congrats girls, ang galing niyo! Nakaka-lurky!" sabi ni Vicera.

"Salamat nga pala sa pagligtas n'yo sa amin," malumanay na sabi ni Lorena.

"Walang anuman. Tungkulin naming iligtas ang mga nilalang na nangangailangan ng aming tulong," sagot ng isang Bahasa.

"Maiba ako, ano nga pala ang sadya n'yo sa aming daigdig?" tanong ng isa pang Bahasa.

"Kailangan namin ang tulong n'yo mga friends. Kailangan namin ang lumang balat ng ahas, I mean ang lumang balat niyo upang gawing gamot sa aming nalasong reyna," sagot ni Pawikana.

Nagkatitigan ang mga Bahasa.

"Sumunod kayo sa amin," sabi ng mga Bahasa.

Sumunod ang tatlo. Nakarating sila sa lugar ng mga Bahasa. Kagaya ng dalawang kasamang Bahasa, nakikita nila ang ibang kauri nito na masayang nag-uusap at nagtatawanan, hanggang sa huminto ang dalawang Bahasa sa pinakagitna ng kagubatan.

"Narito na tayo. Sa punong iyan nakasabit ang mahiwagang balat ng reyna. Mahigit anim na raan, anim naput siyam na ang gulang ng balat na iyan. Marami nang sumubok na kunin iyan, pero lahat sila ay nabigo. Ayon sa Propesiya, tanging ang nilalang na may busilak na kalooban ang makakakuha niyan," sabi ng isang Bahasa na may pulang buntot.

"Sige, subukan mo, batang sirena," sabi ng isa pang Bahasa.

"O, sige susubukan ko," sabi ni Lorena.

Sakay pa rin ng kabemay ay pinuntahan nina Lorena, Vicera at Pawikana ang kumikinang na balat ng ahas na nakasabit sa punongkahoy. Nakuha niya ito nang walang kahirap-hirap. Nagulat ang dalawang Bahasa sa nakita habang masayang-masaya naman sina Vicera at Pawikana sa nangyari. Agad namang bumalik sa kinaroroonan ng mga Bahasa si Lorena at ang kanyang mga kasama.

"Pinahanga mo kami batang sirena sa iyong ginawa. Mahabaging Bathala, ikaw nga ang sinasabi ng Propesiya na magliligtas sa amin mula sa isang malaking dilubyo," sabi ng isang Bahasa. "Ikaw ang aming tagapagligtas."

"Anong tagapagligtas?" takang tanong ni Lorena.

"Malalaman mo rin 'yan sa takdang panahon. At sana'y sa panahong iyon ay hindi mo kami bibiguin," sabi ng isa pang Bahasa. "Samantala, kailangan niyo nang makaalis para malapatan ng lunas ang inyong reyna."

"Naku mahaba-habang biyahe na naman ito," sabi ni Pawikana.

"Oo nga, nakaka-lurky," sang-ayon ni Vicera.

"H'wag kayong mag-alala, tutulungan namin kayo sa problemang iyan," magkasabay na sabi ng dalawang Bahasa.

Gamit ang kapangyarihan, nagsambit ng orasyon ang dalawang Bahasa sabay turo sa tatlong nilalang. Lumabas ang asul na liwanag mula sa kanilang mga daliri, pinalibutan ng liwanag ang tatlo at unti-unti silang naglaho.Iniluwa sila sa kuwarto ng reyna. Nagtataka pa ang mga naroroon sa bigla nilang paglitaw. Agad na lumapit si Lorena sa nakahigang reyna hawak-hawak ang balat ng ahas, kasunod sina Vicera at Pawikana.

"Lorena, ibalot mo sa katawan ng reyna ang balat ng ahas," sabi ni Vicera.

Ginawa ni Lorena ang sinabi ni Vicera. Nagliwanag ang buong katawan ng reyna. Wala pa yatang limang segundo ay nagkamalay na si Reyna Landaya.

"Kamahalan, salamat kay Neptuna at magaling na kayo! Nais ko pong ipakilala sa inyo si Prinsesa Lorena, ang inyong nawawalang anak at munting prinsesa ng inyong buhay," sabi ni Karuno. "Siya po ang nagligtas sa inyo."

"Sinong anak?" takang tanong ng reyna. "Paano nangyari 'yan Karuno? Patay na ang aking bunsong anak, alam mo 'yan.

"Hindi po, Kamahalan," sabat ni Pawikana. "Ninakaw po siya ni Lawudra, ibinigay kay Haraya at pinalaki sa daigdig ng mga mortal. Nakita ko po ang pangyayari pero hindi po ako nagsasalita dahil binantaan po ako ni Lawudra na papatayin po ako sampu ng aking mga angkan kung sasabihin ko po ang aking nalalaman. Patawad po."

"Naiintindihan kita Pawikana," sabi ng reyna.

Tinititigan ni Reyna Landaya si Lorena sabay sabi, "Halika anak, aking anak. Maraming salamat sa iyo. Utang ko sa iyo ang aking pangalawang buhay. Halika, anak, yakapin mo ang iyong ina."

"Opo ina," sagot ni Lorena na umiiyak habang niyayakap ang ina.

"Ang buo kong akala ay patay ka na. Salamat at buhay ka. Salamat kina Neptuna at ng Dakilang May Likha," sambit ng reyna na umiiyak din habang yakap-yakap ang anak nang mahigpit.

Matagal na nagyayakapan ang mag-ina. Parehong sabik na sabik na mahagkan ang isa't isa. Lumapit din si Prinsesa Sarina at nagyakapan silang tatlo. Umiiyak namang nakatingin ang mga pantas at si Pawikana.

"I'm so happy for you, friendship," pa-Ingles na bulong ni Pawikana sa kanyang sarili habang umiiyak din.

Napaiyak din sina Vicera at Karuno.

"Maraming salamat sa inyo, lalung-lalo na sa iyo Pawikana. Maraming salamat sa inyong katapatan sa akin. Kung hindi niyo mamasamain, gusto ko sanang magkasarili kami ng aking munting prinsesa ngayon at magpapahinga na dahil lumalalim na ang gabi. Mag-uusap tayo bukas ng umaga sa Tamiyok kasama ang ibang mga pantas at konseho," sabi ni Reyna Landaya.

Umalis sina Pawikana, Prinsesa Sarina, Vicera, Karuno at ang mga pantas. Naiwang magkayakap ang mag-ina.

"Ina, mahal na mahal kita. Sobrang saya ko po ngayon dahil kapiling ko na po kayo. Ako na yata ang pinakamasayang anak sa buong mundo dahil sa wakas ay nayayakap na kita at nararamdaman ko na rin ang inyong pagmamahal," sabi ni Lorena na lumuluha dahil sa sobrang galak.

"Ako rin anak. Ako na yata ang pinakamasayang ina sa buong Dagatlaot at ng pitong dagat dahil sa wakas ay natagpuan na rin kita," sabi ng reyna sabay halik sa noo at pisngi ng anak. "Anak, ikaw at ang kaharian ng mga sirena ay iisa. Sige, anak matulog ka na. At tatabihan kita, dahil sigurado akong pagod na pagod ka na dahil sa sobrang layo ng iyong nilakbay. Bukas ay magkukuwentuhan tayo ng buong maghapon habang namamasyal sa buong Dagatlaot. Gusto mo ba iyon, anak?" buong paglalambing na sabi ng reyna na yakap-yakap pa rin ang anak.

"Opo ina. Gustong-gusto ko po," sagot ni Lorena.

Natulog na magkayakap ang mag-ina. Alam ni Lorena na bukas ay magsisimula na ang kanyang bagong buhay sa Dagatlaot kapiling ang mga nilalang na nagmamahal ng tunay at wagas sa kanya.

次の章へ