webnovel

Ang kababalaghan sa boarding house 10

"Shhhh, tahimik ka lang, marinig tayo ni Nica", anas niya sa akin.

Nanigas ako sa aking kinahihigaan, hindi ako makatingin ng diretso sa kanya. Aninag ko sa dilim ang amo ng kanyang mukha. Magkaharap kami sa kadiliman at katahimikan ng gabi. Wala ng isang dangkal ang agwat ng aming mga mukha. Parehong pigil ang aming mga hininga.

Nagtatalo ang takot at kaba sa aking dibdib. Naririnig ko ang bilis ng pintig ng kanyang puso.

Kinuha nya ang isang kamay ko at ipinatong nya iyon sa kanyang katawan. Mas bumilis ang lagabog sa dibdib ko.

Kusang naglapit ang mga labi namin. Nagsimula sa sablay na dampi, sa paghahanap ng tamang diin at ritmo ng halik.

Nakaramdam ako na hindi na bago ang pangyayaring ito kay Beatrice. Sanay na kaya sya o ako lang ang mali ng iniisip?

At habang nangyayari ang paglalapat ng aming mga labi ay idinilat ko ang isa kung mata para makita kung ano ang ekspresyon nya. Nakapikit sya. Para syang kumakain ng tsokolateng tunaw.

Pumikit rin ako at hinayaang matangay sa sensasyong ngayon ko lamang nadama. Matamis, parang kending punong puno ng asukal.

Maya maya ay naulinigan ko na may mga yabag pababa ng hagdan.

"Si Sir Del bumaba!" Naitulak ko si Beatrice sa aking pagkagulat. Dali-daling lumipat si Beatrice sa kanyang higaan.

Bumukas ang ilaw sa kusina. Lumapit ako sa pinto at sumilip sa ilalim nito. Papunta sya sa labas. Kinalabit ko si Beatrice at paanas kong sinabi sa kanya, "Papunta sya sa kwarto namin,anong gagawin ko?!"

Tumayo agad si Beatrice at maagap nyang sinabi sa akin, " Punta ka sa sofa sa sala mahiga ka doon, kunwari dun ka na nakatulog, hindi yun mapapansin ng matanda kasi madilim sa sala."

"Haaa?!"

"Sige na bago pa sya pumasok uli ng bahay!" Sabay tulak nya sa akin, marahan nyang binuksan ang pinto at sinenyasan nya akong puwede ng lumabas.

Nakatingkayad ang mga paa ko't maliksi kong tinungo ang sofa at nahiga agad doon. Madilim nga sa sala, hindi basta basta maaninag kung may nakahiga o wala.

"Ed, Ed, saan ka? Bakit sarado pa rin ang kwarto nyo?"

Naririnig ko ang boses ni Sir Del sa kusina sa labas. Bumukas ang pintuan sa likod, pumasok sya.

Tok, tok, tok!

Hala, kumakatok sya sa kwarto nina Beatrice.

"Buksan nyo itong pinto, wag nyong sabihing nagpapatulog kayo ng lalaki dyan sa loob, malilintikan kayo sa akin!"

Mabuti na lang at maagap mag-isip ng paraan si Beatrice at nakalabas agad ako.

Nakahiga lang ako sa sofa at nakikiramdam sa susunod na gagawin ng matanda.

"Sir wala po si Ed dito."

"Buksan nyo ito sabi!"

Bumukas ang pinto at agad pumasok si Sir Del. Binuksan nya ang ilaw sabay silip sa loob.

Naku, naiwan kong dalhin ang sapatos ko, baka makita ni Sir Del, huli ako!

"Asan si Ed Beatrice?"

" Sir wala po dito, tignan nyo po sa sala kung nandoon kasi sabi nya kanina dun na sya mahihiga", pagsisinungaling ni Beatrice sa matanda.

Nagsara ang pinto at narinig ko ang paglapit ng mga paa ni Sir Del sa sala. Binuksan nya ang ilaw. Nagkukunwang mahimbing ang aking tulog.

Ramdam ko ang pag-upo nya sa tabi ko.

"Ed, Ed, bakit dito ka natulog?" Niyuyugyog nya ako. Nakahawak naman sya sa binti ko na may pasimpleng haplos.

Kunwari ay naalimpungatan ako. Umusog ako palayo sa kinauupuan nya.

" Sir yung punch po kasi na pinainom kanina parang sumakit ang ulo ko at inantok agad. Dito na ko inabot ng antok."

"Gusto mo ba sa taas matulog?"

Kinilabutan ako. Natakot ako sa kanya. Agad akong tumayo at nagpaalam na tuloy na ako sa kwarto namin. Hindi naman sya tumutol.

"Ed saglit..."

Palabas na ako sa kusina. Huminto ako sa paglalakad.

"Asan ang sapatos mo?"

(Itutuloy)

次の章へ