webnovel

Chapter 29

"ANG TAGAL niya." Hindi na napigilan ni Ross ang mainip kasabay ng pagtayo mula sa bench na kinauupuan sa lobby. Nakakaramdam siya ng hindi magandang kutob kaya nagdesisyon siyang lumapit sa reception upang itanong kung ano ang room number ng ina ni Bianca. Mabuti na lang at ibinigay agad sa kanya ng nurse ang impormasyong kailangan. Mabilis siyang naglakad patungo sa silid ng nanay ni Bianca.

Nasa harap na siya ng pinto at akmang kakatok na nang marinig ang boses ni Bianca mula sa loob. "Tinatanggap ko ang alok mo. Aalis kami ng Maynila. Lalayo kami at magpupunta sa lugar na hindi na magsasalubong ang mga landas natin. Iyon naman talaga ang plano ko umpisa pa lang."

Parang sinuntok ang sikmura ni Ross sa narinig. Aalis si Bianca? Iyon talaga ang plano ng dalaga? Even after the wonderful night they spent together?

"You don't have to go that far, Bianca," sabi ng tinig na sigurado si Ross na pagmamay-ari ni Ferdinand Salvador. Napaderetso tuloy siya ng tayo at may lumukob na protectiveness sa kanyang dibdib para kay Bianca, iyon ay sa kabila na nanlamig siya sa sinabi ng dalaga kanina.

"Nakapagdesisyon na ako. Puwede ka nang umalis."

Noon ipinasya ni Ross na buksan ang pinto. Kay Bianca kaagad natuon ang kanyang tingin. Parang wala na siyang iba pang nakita kundi ang dalaga. Napatingin din si Bianca sa kanya at namutla ito nang magtama ang kanilang mga mata. Kahit na may suminghap sa loob ng silid ay hindi inalis ni Ross ang tingin sa dalaga.

"Ross…" usal ni Bianca.

"You're leaving?" tanong ni Ross sa tinig na parang hindi galing sa kanya. Magaspang iyon, halos paos. Bakit hindi? Kung parang may lumalamutak sa kanyang dibdib at may nakabara sa lalamunan nang isatinig iyon.

May kumislap na guilt sa mga mata ni Bianca at nag-iwas ng tingin. "Hindi ngayon ang tamang oras para pag-usapan natin ito, Ross."

"May balak ka bang sabihin sa akin, in the first place?" Hindi niya napigilan ang pagtataas ng boses.

"Mitchell," maawtoridad na saway ni Ferdinand sa kanya.

Noon lang naisipan ni Ross na ilibot ang tingin sa buong silid. Ang una niyang nakita ay ang pag-iling ni Ferdinand na para bang sinasabing kontrolin niya ang kanyang sarili.

"Salamat at pinagbigyan mo ang kahilingan ko na ilayo si Bianca sa Maynila habang isinasagawa ko ang press conference. Hindi na lumaki pa ang gulo dahil do'n."

Nagtagis ang mga bagang ni Ross at tumalim ang tingin kay Ferdinand, kasabay ng marahas na paglingon uli ni Bianca sa kanya.

"What?" bulalas ng dalaga na may-panunumbat sa tono.

Shit! "Kailangan mo bang sabihin `yan ngayon?" naiinis na tanong ni Ross sa matandang abogado. Nang muli niyang tingnan si Bianca ay may kislap ng tila paghihinanakit sa mga mata nito.

"Alam mo na anak niya ako bago mo pa ako puntahan kahapon? Ang mga nangyari kagabi, ginawa mo lang ba ang lahat ng iyon dahil sinabi niya sa `yo?" puno ng panunumbat na sabi ng dalaga.

Napuno ng frustration ang dibdib ni Ross. "No! Of course not. Come on, Bianca. You know how I felt about you bago ka pa man sumulpot sa law firm! Huwag ako ang sumbatan mo nang ganyan dahil ikaw ang nagdesisyong umalis kahit alam mo ang nararamdaman ko!"

Napaatras si Bianca at may kumislap na guilt sa mga mata. Muling nag-iwas ng tingin ang dalaga.

"Ross, stop shouting," saway ng pamilyar na tinig ng isang babae.

Agad na dumako ang tingin ni Ross sa dalawang may-edad na babae na nasa kama. Halos mapaatras siya sa pagkabigla nang makilala ang isa sa dalawang ginang. "`Ma? What are you doing here?" manghang bulalas niya nang makita ang kanyang ina.

"`Ma?" tila hindi makapaniwalang sambit ni Bianca na muling tumingin sa kanya, pagkatapos ay sa kanyang mama. "Mrs. Charito, a-anak ninyo si Ross?" manghang tanong ng dalaga.

"Yes. Hindi ko alam na magkakilala kayong dalawa… until yesterday. Nang sabihin sa akin ng driver ko na nakita niya si Ross na lumapit sa `yo kahapon sa—" Napahinto ang mama ni Ross at naitakip ang kamay sa bibig na tila may nasabing hindi dapat ipaalam.

Biglang bumaha ang realisasyon kay Ross. Parang may lumamutak sa kanyang sikmura. Oh, no. Mama, what have you done? Ngayon ay alam na niya na ang kaibigang tinutukoy ni Bianca ay ang kanyang ina. Palagi ngang naikukuwento ng mama niya ang tungkol sa isang kaibigan nito na "Jackie" ang pangalan. Subalit hindi niya naisip na posibleng ang ina ni Bianca ang tinutukoy ng kanyang mama. At isang tingin pa lang ni Ross sa guilt na nasa mukha ng kanyang ina, sigurado siya na may kinalaman ito sa lahat ng ginawa ni Bianca—sa panggugulo ng dalaga kay Ferdinand, sa pagpapanggap na mistress, sa revealing na kasuotan… Lahat ng iyon ay posibleng ideya ng kanyang ina.

His mother had almost ruined Bianca's life. Kung hindi lamang siya nakialam. But he would deal with his mother later.

Ibinalik ni Ross ang tingin kay Bianca na mukhang nalilito. "Bianca, hindi ka aalis, hindi ba?" seryosong tanong niya.

Kumislap ang mga mata ng dalaga na nagbabadya ng pagluha, dahil doon ay sumikip ang dibdib ni Ross. Kagabi ay napagtanto na mahina siya pagdating sa mga luha ni Bianca. Ayaw niyang nakikitang umiiyak ang dalaga. Subalit nang marahang umiling si Bianca at humakbang palayo, pakiramdam ni Ross ay may bahagi niya ang namatay.

"Kailangan kong gawin `yon, Ross. Hindi na magbabago ang desisyon ko. Kailangan ito para ayusin ang buhay namin. Please, huwag tayong magtalo rito. Not now. Umalis ka na muna, okay?" Pagkatapos ay bumaling si Bianca kay Ferdinand. "Umalis ka na rin."

Walang kumilos kina Ross at Ferdinand. Ang mama ni Ross ay tumayo at tumikhim bago nagsalita. "Lalabas na rin muna ako para makapag-usap kayong mag-ina." Naglakad ito palapit kay Ross at kumapit sa kanyang braso. "Let's go, Ross," bulong nito.

Pilit na hinuli ni Ross ang tingin ni Bianca subalit tumalikod na ang dalaga sa kanya. Parang may asido sa kanyang sikmura. Hinatak siya ng kanyang ina palabas ng pinto at nanghihinang nagpahatak siya. Sunod na lumabas ng hospital room si Ferdinand.

Nang puminid ang pinto at mawala na sa paningin ni Ross si Bianca, pakiramdam niya ay may naiwan sa loob ng silid na malaking bahagi ng kanyang pagkatao. Sumagi sa kanyang isip ang nangyari sa kanila ni Bianca kagabi, sa ilalim ng liwanag ng buwan. Naalala niya ang mga salita na biglang nanulas sa kanyang mga labi pagkatapos ng kanilang pagniniig. Ang mga salita na ikinabigla niya na nanggaling sa kanya at ikinatakot na baka narinig ni Bianca.

Last night, he had accidentally said, "I love you." Bigla ay napagtanto ni Ross kung ano ang kanyang bahagi na naiwan sa loob ng silid na kinaroroonan ni Bianca.

It was his heart.

次の章へ