webnovel

HER MOTHER'S UNTOLD STORY

Gabi na pero wala pa rin si Harold. Nakakain na sila't naghahanda nang magsitulog pero hindi pa rin dumarating ang kapatid.

"Ma, bakit wala pa rin si Harold?" tanong ni Flora Amor sa ina nang dumaan ito sa sala kung saan siya nakaupo karga ang naglalambing na namang si Devon. Ewan ba kung bakit kanina pa niya napapansing madalas magpakarga sa kanya ang bata. Ngayon nga'y nakatulog na ito sa kanyang mga bisig.

"Gagabihin daw. Kasama kasi ang gf niya. Nagdate ang dalawa," sagot ng ina.

"Aba, kahit na ba magdate sila, alam niya dapat ang oras ng uwi niya!" sagot niya, bahagya pang tumaas ang kanyang boses.

"Unawain mo na lang ang kapatid mo, Flor. Lalaki 'yon tsaka kahit naman may syota na 'yo, nasa akin pa rin ang sahod no'n," anang ina sabay tabi sa kanya sa pagkakaupo at kukunin na sana ang bata.

"Ako na ang magkakarga sa baby ko. Doon muna ako sa kwarto nila hanggang wala pa ang pappy niya."

"'Wag na, Ma. Sa kwarto ko na lang siya patutulugin," tutol niya.

"Oh, hindi ba't 'di ka nakakatulog 'pag may katabi ka sa kwarto," paalala nito.

"Panahon na seguro para makasama ko naman ang anak ko sa pagtulog, Ma. Tignan mo, halos 'di na siya humiwalay sakin, panay pakarga."

"Oo nga eh. Palaki na nang palaki ang anak mo, Flor. Pataba na nang pataba. 'Di ko na nga minsan mabuhat. Sumasakit na rin ang dibdib ko 'pag binubuhat siya," segunda nito habang pinupunasan ng likod ng palad ang pawisang noo ng apo.

"'Wag mo na kasing bubuhatin, Ma. Sabihin mong sumasakit na naman ang opera mo sa dibdib 'pag nagpapabuhat sa'yo. Nakakaintindi naman siya."

Napabuntunhininga ito.

"Minsan kasi namimiss kong magkarga ng bata. Noong bata pa ako, palagi ako nasa palengke nagtitinda ng isda. Si Mamay Elsa ang taga alaga ko sa mga kapatid mo kasi easy-go-lucky ka no'n, ayaw mong nauutusan sa bahay. Gusto mo aral, kain at tulog ka lang," pagbabalik-tanaw nito sa nakaraan.

Napangiwi siya sa sinabi nito, pero 'yon naman talaga ang totoo. Kahit nga ngayon, nasanay siyang walang iniisip na obligasyon kahit kay Devon. Iniaasa niya ang lahat dito at kay Harold.

"Pero ngayon, kung kelan malalaki na kayo, saka naman ako nasabik mag-alaga ng bata."

"Ma, sa kwarto ko na lang patutulugin ang anak ko. Tulungan mo akong mag-ayos sa kanya sa bed," pakiusap niya, pero ang totoo, gusto pa niyang makausap ito nang matagal. May mga bagay na gusto siyang malaman tungkol dito.

Halos magkasabay silang tumayo at pumasok sa loob ng kanyang kwarto, tinulungan nga siya nitong ilapag ang bata sa ibabaw ng kama.

"Ma, nasaan pala ang mga lolo't lola namin? Bakit 'di man lang namin sila nakita no'ng mga bata pa kami?" pakli niya pagkatapos ayusin ang pagkakahiga ng anak sa kama.

Natigilan ito't nahalata niya ang pamumutla ng mukha saka ilang beses na napalunok pagkuwa'y napayuko.

"Kuuu--kung kelan ka nagkaroon ng anak, saka mo naman sila hinanap," pabiro nitong wika ngunit 'di makatingin sa kanya.

"Syempre, kahit naman 'di ko pa sila nakita, namimiss ko din makita ang mga magulang mo," anyang niyakap ito sa likuran.

"Ma, namiss ko din kayang maglambing sa'yo tulad ng dati."

"Asus, Flor. 'Yang ugali mo na 'yan ang di ko pwedeng makalimutan. May hihilingin ka na naman 'no?" pambabara nito sa kanya.

Pigil ang tawang pinakawalan niya't baka magising ang anak.

"Ma, dito ka na matulog kasama namin ng bata," lambing niya.

"'Di talaga nawawala 'yang ugali mo na 'yan, Flor. Oh siya, dito na ako matutulog. Namimiss ko na rin makatabi itong baby ko," anito saka kumawala sa pagkakayakap niya't humiga sa kama paharap sa bata.

"Ma, 'di mo na sinagot ang tanong ko kanina. Asan ang mga magulang mo? Buhay pa ba sila?"

"Matagal na silang patay, bata pa lang ako no'ng mapat---madisgrasya sila," sandali itong huminto saka muling itinuloy ang sasabihin pagkuwa'y pakaswal na sumulyap sa kanyang kumukuha ng kumot sa loob ng kabinet sa tapat ng kanyang kama.

"Saan kayo nakatira dati, Ma? Ba't wala ka man lang picture no'ng dalaga ka? Kayo ni papa?" usisa uli niya.

"Andami mong tanong. 'Di pa uso ang picture noon. Wala pang cellphone sa kapanahunan namin ng papa mo," naiirita nitong sagot.

Nangingiti naman siya habang ibinibigay sa ina ang kinuhang kumot mula sa kabinet saka kinumutan din ang anak.

"Mama, mayaman ba kayo noon?" tanong na uli niya.

"Medyo," tipid nitong sagot habang inaayos ang kumot ng apo.

"Ano'ng medyo?"

"Mayaman sa mayaman. Madaming lupa sa Laguna ang papa ko kaso nawala sa kanya ang mga titulo no'n. At ang bahay namin, nasunog 'yon pagkatapos lang namin silang ilibing," sa wakas ay nagsimula itong magkwento.

Siya nama'y isiniksik ang katawan sa likod ng ina.

"Oh, ba't d'yan ka humiga?" takang tanong nito saka umusog nang kunti palapit sa natutulog na bata.

"Eeee. Pa'no kita mayayakap kung do'n ako sa kabila hihiga," angal niya.

"Hinampak ka talagang bata ka. Pinahihirapan mo lang sarili mo sa ginagawa mo eh," anito't bahagyang iniangat ang ulo saka iniusog sa kabila si Devon nang magkaro'n siya ng espasyo sa likuran nito.

"Ma, may mga kapatid ka ba? Nasaan sila?" tanong niya uli.

"Naku, andami mong tanong. Matulog ka na lang kaya," inis na nitong wika.

"Ma naman. Ngayon nga lang ako nagtatanong eh."

"Hmp! O siya, siya. Magtanong ka nang magtanong. Bawal na bukas," anitong agad sumuko sa kanya.

Napahagikhik siya bilang tugon.

"Tatlo ang pamilya ni papa noon, at tatlo rin kaming magkakapatid, ako ang bunso. Ang mama ko tindera lang din sa palengke pero siya ang pinakasalan ni papa kaya nagalit 'yong dalawang asawa. Nang mamatay silang dalawa, walang itinira sa'kin. Sabi ni Mamay Elsa, nakagawa na daw ng last will and testament ang papa bago namatay at hindi naman daw nawala ang mga titulo ng lupa namin, itinago lang ni papa," kwento nito.

"Ma, ang yaman pala natin. Bakit tiniis mong magtinda sa palengke kung gano'n pala tayo kayaman?!" bulalas niya.

"Kuu---maniwala ka do'n. Ako nga, tinwanan ko lang 'yon. No'ng pinalayas ako ng mga asawa ni papa, kay Mamay Elsa ako napunta, katulong namin siya dati pero sabay kaming umalis sa Laguna. Nang nasa Bicol na kami, iniwan niya ako kasi may trabaho naman na ako no'n kahit kasing-edad lang ako ni Maureen noon. Nagtitinda na rin ako ng isda sa palengke. Nagpunta si Mamay Elsa sa Novaliches. Ako naman, kahit paano'y tinulungan ng amo kong makatapos ng high school. Tapos 'yon, nakilala ko ang papa niyo saka kami nagpakasal," mahaba nitong kwento.

Mataman lang din siyang nakinig.

"Mama, mahirap pala ang pinagdaanan mong buhay. Buti 'di ka naging taong grasa. Buti na lang pala ando'n si Mamay Elsa," pakikisimpatya niya sa ina saka ito mahigpit na niyakap sa likuran.

Mahina itong tumawa.

"Hindi kasi ako marunong magtanim ng galit sa kapwa ko. Kaya tignan mo, pinagpapala ako ni God, binigyan ako ng sobrang mababait na mga anak at napakatalinong apo," anito ngunit bahagyang gumaralgal ang boses saka itinaas ang isang kamay at inihimas sa kanyang pisngi.

"Madami ka rin namang pinagdaanang hirap anak. Ang kaso nga lang, 'di mo nakayanan kaya nagka-amnesia ka."

"Babalik din ang alaala ko, Ma. Pero kahit 'di bumalik ang alaala ko, magiging masayahin pa rin ako tulad ngayon," kaswal niyang sagot.

"Anak. Kahit bumalik ang alaala mo, gayahin mo si mama. 'Wag ka ring magtanim ng galit sa kapwa mo para panatag ang loob mo bago ka matulog. Mas maganda nang magpatawad ka kesa magtanim ng galit sa kapwa," payo nito.

"Ma, patay na lahat ng mga marter ngayon. Ikaw na lang ang natitira," biro niya.

Hinampas nito ng kamay ang kanyang tagiliran, at sabay silang humagikhik.

"Seryoso, Flor. Ayukong magtanim ka ng galit sa kapwa mo. Matuto kang magpatawad anak, para laging panatag ang kalooban mo." Sumeryoso na ang mukha nito.

Nakaramdam siya ng pamimigat ng talukap saka naghikab. Marami pa siyang gustong itanong, marami pang gustong ungkatin. Tulad ng gustong itanong ni Dixal, kung kaanu-ano nito si Director Diaz? Kung sinong director 'yon, hindi niya alam. Ang kilala lang niyang Diaz ay ang ama ni Anton ngunit isa itong professor at hindi director.

Isa pa'y kung sinu-sino ang dalawa nitong mga kapatid at kung nasaan ang mga 'to.

Subalit 'di na niya mapigilan ang antok. Napagod siya sa buong araw na 'yon idagdag pang panay pakarga sa kanya si Devon.

Ngunit ngayon lang siya gustong pagbigyan ng ina. Wala na daw bukas.

At bago pa siya tuluyang talunin ng antok ay may naitanong pa siya.

"Ma, Montenegro ang apelyido ng lolo ko 'di ba?"

"Hindi, apelyido 'yon ni Mama. Pinalitan ko ang apelyido ko pagkatapos kung umalis sa Laguna. Pati pangalan ko, pinalitan ko."

Subalit battery empty na siya. Bahagya na lang rumihestro ang sinagot nito sa kanyang utak at tuluyan na siyang tinalo ng antok.

Ni hindi na niya naramdamang yumuyugyog na ang balikat nito at pumapatak na ang luha sa mga mata.

'Anak, natatakot akong pagdaanan mo ang pinagdaanan kong buhay kaya sana 'wag nang bumalik ang alaala mo. Ayukong magkrus pa uli ang inyong landas ng kapatid ko. Tama na sana ang naranasan kong hirap dahil sa kanya,' ang dasal nito.

次の章へ