webnovel

CHAPTER 12: Ang Anorwa At Ang Limang Kaharian

~ SA PALASYO NG EZHARTA ~

Hindi na ako nakatulog nang magising ako mula sa masamang panaginip. Pasaway na Chelsa! Magpapakita nga sa panaginip, kung hindi ako tatakutin, mananakal naman! Pero sa totoo lang, 'tong nararamdaman ko na pagka-miss sa kanya nang sobra-sobra-sobra! Ay para na rin akong pinapatay. Kaya siguro gano'n ang mga napapanaginipan ko. Wala naman sigurong ibig sabihin ang mga 'yon. Pero, shit! Sa totoo lang, kinakabahan ako sa mga panaginip na 'yon.

Nasaan ka na ba? Nasaan na kayo rito sa mundong 'to ng papa mo? Sana walang masamang nangyayari sa inyo. Sana… sana, buhay ka nga. Gustong-gusto na kitang makita... Mga nasambit ko sa isip ko at ipinangako kong hahanapin ko sila. Magkaroon lang talaga ako ng mga pakpak, hahanapin ko sila. Lahat ng sulok sa mundong 'to ng Anorwa, pupuntahan ko! Walang shit na makakapigil sa 'kin!

Sa sigasig ko sa loob ko, natigilan ako sa biglang naisip ko. Sana naman sa buhay naming 'to ni Chelsa, hindi lang kami basta pinagtagpo lang ng kapalaran. 'Yong tipong naging parte siya ng buhay ko na pinahalagahan ko, pero wala lang pala 'yon. Na sa chapter na 'yon ng buhay ko, isang simpleng bahagi lang siya na napasama lang. Parang mga classmate mo sa high school, na halos 'di kayo mapaghiwalay, pero kinalaunan sa paglipas ng mga taon, wala na kayong contact sa isa't isa at parang hindi na kayo magkakakilala. Sa tropa namin, alam kong malabong mangyari 'yon. Pero usually, gano'n talaga. Walang permanente sa mundo. Iikot at iikot ang mundo, may ibang mga tao kang makakasalubong, at may mga tao kang maiiwan.

What is love? Nasabi ko na 'to, SHIT!

~~~

"Alam n'yo ba kung kailan ako magiging diwata?" tanong ko kina Rama at Shem-shem. Naglalakad kami papunta sa labas ng palasyo para puntahan si Pinunong Kahab para sa pagsasanay ko.

"Wala akong alam, Nate. Siguro kapag handa ka na?" sagot ni Rama. Nasabi na sa 'kin ni Pinunong Kahab na kailangan maging handa ang katawan ko at isipan bago nila ako gawing kauri nila. Hindi kasi magiging madali ang lahat. At nai-imagine ko 'yon, 'yong tutubuan ka ng pakpak sa likod at antena sa noo, baka parang paglabas ng laman-loob sa katawan 'yon? Sobrang sakit siguro, 'no?

"Wala rin akong alam, Nate. Paumanhin," sagot naman ni Shem-shem. Nakaupo siya sa balikat ni Rama.

"Okay lang," sabi ko na lang. Sana ngayon mismo na! sigaw ko sa isip ko. Hindi naman ako atat. Atat na atat lang. Kahit pa naiisip ko na baka masaktan ako at 'di ko kayanin ang proseso ng pagiging diwata, nangingibabaw sa utak ko na kapag naging diwata ako, ako na mismo ang hahanap kina Chelsa at Tito Chelo.

~~~

NAGLAKAD DIN KAMI pabalik sa loob ng palasyo pagkalabas namin. Wala raw pagsasanay sa araw na 'to sabi sa 'kin ni Pinunong Kahab at magpahinga na lang ako ngayong araw. Pero kami na lang ni Shem-shem ang bumalik sa loob ng palasyo, si Rama, may pupuntahan daw siya. Palihim pa nga siyang nagpaalam sa 'min.

"Lagi bang lumilindol dito sa mundo n'yo? Normal lang ba 'yon, 'yong lindol kagabi?" tanong ko kay Shem-shem. Napansin ko kasing parang wala lang sa mga norwan ang nangyaring lindol kagabi. Ilang segundo lang 'yon, pero ramdam na ramdam 'yong yanig. Sa 'tin kasi, pag-uusapan na 'yon at ipo-post na sa kung saan-saang social media accounts. At kapag nakapag-post ka, sikat ka (sa feeling ng nag-post lang), at ang iba, magpo-post na rin kahit 'di niya naramdaman 'yon at tulog siya nang mga oras na 'yon para maging in lang.

"Hindi naman. Pero sa inyo ba, sa mundo ninyo, hindi lumilindol?" sagot-tanong ni Shem-shem.

"Well, oo. Okay," sabi ko na lang. Siguro dapat masanay na ako na may mga nangyayari sa mundong ito na 'di naman gano'n kahiwaga na dapat kong pagtakahan, dahil sa mundo natin nangyayari din ang mga bagay na 'yon tulad ng lindol.

"Lagi bang umuulan dito sa Anorwa?" tanong ko.

"Hindi naman. May mga panahong maulan, at may hindi. At pangkaraniwan lamang iyon. Sa mundo ninyo ba, hindi umuulan? Ang alam ko, oo," sagot-tanong ni Shem-shem na may halong pagtataka.

"Well, oo. Okay," sabi ko na lang na naman. Haist! Kasasabi ko pa lang na masasanay ako sa mga ilang nangyayari rito dahil normal ding nangyayari maging sa mundo natin. Tapos, umulan lang, natanong ko na? Siguro, gusto ko lang ma-convert ang attention ko sa ibang bagay. Si Chelsa kasi, pasaway! At ngayon, habang umuulan, naalala ko nang minsang maligo kami sa ulan at tumakbo sa gilid ng kalsada. Nakangiti siya no'n, pero bakas ang lungkot sa mga mata. Nang mga oras na 'yon, siguro iniisip na niyang biglang mawala na lang at iwan ako. Ilang araw lang matapos ang araw na 'yon, hindi na siya nagpakita. Wala akong alam no'n sa mga nangyayari at pinagdadaanan niya. Nagalit pa ako ng sobra sa kanya no'n, 'yon pala, kaligatasan ko lang ang iniisip niya kaya bigla siyang nang-iwan. Dahil balak akong gawing alay ng mama at papa niya at ng sira-ulong diwatang si Kabahon.

Pero ano na kayang nangyari sa diwatang 'yon? Ang alam ko naparusahan siya. Pa'no kung bigla siyang magpakita rito at sugurin ako? Eh 'di, para siyang bumangga sa pader! Kaya ko na siyang tapatan!

Pumasok na kami ni Shem-shem sa library ng palasyo. Naisip kong magpakuwento sa kanya tungkol sa mundong 'to ng mga norwan, ang Anorwa. Naalala ko kasi 'yong sinabi niya na dapat kilala ko ang mundong ipagtatanggol ko. At para kahit pa'no, mas maging pamilyar ako sa mahiwagang lugar na 'to. Para hindi na ako parang temang. At kung ano ba talagang accurate na tawag sa mundong 'to, kung mundo ng mga norwan o mundo ng mga diwata. Nalilito ako sa part na 'yon. At kung ano-ano pa bang mga nilalang ang nakatira rito? Aalamin ko ang lahat-lahat tungkol sa Anorwa. Well, 'di naman lahat talaga. Baka sumabog naman na ang utak ko no'n. Sa mundo nga ng mga tao, Pilipinas nga 'di ko alam ang lahat tungkol sa kasaysayan, eh.

"May mga nagpupunta pala talaga rito?" puna ko nang makapasok na kami sa aklatan. May mga diwata kasi akong nakitang nagbabasa ng mga libro at mga saday na palipad-lipad na may mga librong nakalutang sa harapan nila na kanilang binabasa. Sa ilang gabi kasing nagpupunta kami rito para magsanay, ang tahimik at kaming tatlo lang nina Rama ang narito sa aklatan, kaya nga nakakapagsanay kami. May ilang ugpok din akong nakita. Naghanap ako ng butingoy pero wala akong nakita. Sabi ni Rama, makulit at mapaglarong klase ng duwende ang butingoy, kaya siguro wala sila sa ganitong lugar.

Isang diwata ang tila nagpahinto ng oras – at nagpabilis ng tibok ng puso ko. Napakaganda niya. Nakatali ang may pagkakulot na kulay brown niyang buhok. Napalunok ako nang mapagmasdan ko ang leeg niya. Nakaupo siya't nagbabasa ng libro. Tumayo siya at napagmasdan ko siya nang magtama ang aming mga mata. Dilaw ang kanyang pakpak, nakasuot siya ng baluti tulad ng mga sundalo. Parang nakita ko na siya?

"Oo naman," sagot ni Shem-shem. Nabaling ang atensiyon ko sa kanya. "Mga tagapalasyo rin sila. Ang iba sa kanila, mga nagsasanay para maging tagasilbi at ang iba'y tulad ko na mahilig lang talaga magbasa at sadyang palaaral tulad ng ilang saday na narito. Nasabi na namin sa iyo nang unang beses na maparito ka, na sa aming mga norwan, mahalagang malaman namin ang aming kasaysayan at pinagmulan, at ang lahat tungkol sa aming mundo. Alam mo bang sa sobrang daming hiwaga sa aming mundo, maging kaming mga taga-Anorwa ay namamangha pa rin sa mga nakikita at nararanasan naming kakaiba. At may mga mahikang hindi talaga pangkaraniwan, na akala namin ay gawa-gawa lamang at kathang isip lang. At may mga maalamat na nilalang din, mga halimaw na hindi pangkaraniwan na nabuhay ilang daang-libong taon na ang nakararaan."

Napatango-tango na lang ako. Mukhang mapapasubo ang utak ko. Good luck, brain cells. Muli kaming naglakad ni Shem-shem, bago kami tuluyang makalayo, muli kong nilingon ang babaeng diwata nang narinig kong may tumawag sa kanya.

"Claryvel! Pinapatawag ka ni Pinunong Kahab," balita ng sundalong lalaki.

Claryvel? Nasambit ko sa isip ko. Nakangiti siyang sumama palabas sa sundalo. Isa nga siya marahil sa sundalo ng palasyo. Ang astig niya.

May pinasukan kaming pinto ni Shem-shem, malawak ang loob ng silid na ang mga aklat ay nagsilbing pader. At sa gitna ay may malaking globo? Nakalutang ang bagay na 'yon at napatulala ako, ang gandang pagmasdan. ¼ din siguro ang sukat nito sa globong nasa MOA (Mall of Asia).

"Pamilyar sa iyo, hindi ba?"

"Earth?" mahinang sagot ko kay Shem-shem at inikutan ko ang globo. Huminto ako nang makita ko ang mapa ng Pilipinas.

"Ang tawag ninyo sa planetang tirahan natin. Planetang may dalawang mundo, ang mundo ninyong mga tao at mundo naming mga norwan."

"Ano ba talaga ang Anorwa, mundo ng mga diwata o norwan?"

"Norwan kaming mga nilalang na naninirahan sa Anorwa. At ang mga diwata ang nakakataas na uri ng norwan, ang lahi nila ang namumuno sa amin. At karamihan sa mga nilalang sa Anorwa ay mga diwata."

Tumango ako. Na-gets ko naman ang sagot ni Shem-shem. At 'di ko na ipapaliwanag, i-gets n'yo na lang. Okay, paliwanag ko na rin. Parang mundo nating mga tao, pero di lang naman tayo ang nakatira sa ating mundo. Gets?

Muli kong pinagmasdan ang globo, kakaiba kasi talaga, para siyang buhay? Gumagalaw-galaw kasi habang umiikot. Hindi naman nagbabago ang sukat at shape ng mga isla na mapa ng mundo, pero gumagalaw-galaw. Dahon ata na mga sobrang liit at may bato-bato pa at lupa. At nang hawakan ko ang asul na bagay na nagsisilbing dagat sa mapa, tubig nga ito. Sa bandang baba, kung hindi ako nagkakamali ay Antartica, parang sa snow gawa. At may mga puti pa na animo'y ulap na nag-iiba-iba ng hugis na nakalutang. 'Yong tipong nasa outer space ka at pinagmamasdan mo ang Earth.

"Ang galing. Saan gawa 'to?" tanong ko.

"Sa kung ano ang nakikita mo. At ginamitan iyan ng mahika. Daan-daang-libong taon nang narito 'yan," ewan kong sagot ni Shem-shem.

Tumango-tango ako. Oo na lang. May pagka-Edward din 'to, eh. 'Di na lang sumagot sa tanong. Kailangan pa talagang mag-isip ako at ako mismo humanap ng sagot sa tanong ko. Akala ko ba, saday ko siya na sasagot sa mga gumugulo sa isip ko, sa mga katangungan ko tungkol sa Anorwa.

"Wala ka bang napapansin?"

"Na gumagalaw 'to?" sagot-tanong ko at itinuro ko ang globo.

"Hindi iyon. Kita namang gumagalaw siya, eh." Lumapit si Shem-shem sa globo. "Replika ito ng 'Peserio', tawag naming mga taga-Anorwa sa planetang Earth na ating tirahan. Ang planetang nahahati sa dalawang magkaibang mundo, ang mundo ng mga tao at mga norwan." May itinuro siya at tumigil sa pag-ikot ang globo. "Ang mga pulong ito ang tinutukoy ko."

Tumango ako. "Bakit, ano 'yan?"

Nilingon ako ni Shem-shem at tiningnan ako ng masama. "Hindi mo kabisado ang mundo ninyo, ano? Hindi mo kilala ang mga pulo sa mundo ninyo?"

Umiling ako bilang pagsang-ayon sa kanya. "Mga city nga ng Pilipinas 'di ko alam lahat, mga pulo pa kaya sa mundo namin," sabi ko. At natanong ko sa sarili ko kung ano ba ang 'pulo'? Isla ba?

Hinawakan ni Shem-shem ang itinuro niyang mga isla na ewan ko kung ano. Nasa gitnang bahagi ito ng globo, sa 'equator' ng mundo, sa pagitan ng 'oceania' at 'pacific ocean'. Apat ang pulo na malayo sa mga kontinenteng pamilyar sa 'kin na sure akong nakita ko na sa world map. At tsaka ko lang na-realized na bago nga sa paningin ko ang mga pinakitang 'yon sa 'kin ni Shem-shem. Nawala ang ibang lugar sa mapa at ang apat na pulo na lamang ang natira, pinalaki ito ni Shem-shem, parang touch screen lang ang gamit niya kung gawin niya 'yon.

Pamilyar ang mapang nakikita ko, ito rin ang mapang nasa bulwagan kung nasaan ang truno ng reyna. "Ito 'yong islang nasa bulwagan, ang mapang nakaguhit do'n," sabi ko.

"Tama. Lahat ng pangunahing palasyo kung saan nakatira ang hari't reyna ay may ganoong bulwagang may mapa. Sa tuwing may pagpupulong ang mga hari't reyna ng Anorwa, kung saan nila napagdesisyonang palasyo magpupulong, magpapakita sila doon sa mapa ng kahariang pinamumunuan nila kasama na rin ang truno nila," paliwanag ni Shem-shem.

"Lupet," komento ko. Kunwari naiintindihan ko nang maayos.

Nag-iba ang kulay ng mga pulo; nahati sa kulay yellow at orange ang nasa taas na pinakamalaki sa apat, naging blue naman ang nasa kanan na watak-watak na mga isla, naging green ang nasa kaliwang pulo, at ang nasa gitna na pinakamaliit at humuhugis nakabukang pakpak ng paruparo ay naging pula.

Lumipad si Shem-shem sa harap ng mapa at niliyad niya ang kanyang mga kamay. "Ito ang Anorwa," sabi niya at humarap siya sa 'kin. "Wala ito sa mapa ng mundong alam mo Nate. Dahil ang aming mundo ay protektado, kaya wala pang pangkaraniwang taong nakarating dito o nakakita man lang. Pero base sa mga nakatala, may ilang tao nang napadpad sa Anorwa, pero pinabalik din sa mundo ng mga tao at kinuha o binura ang alaala tungkol sa aming mundo."

"So, ibig sabihin, may tao na ring nakapunta rito? Hindi lang ako ang unang beses na naparito?" tanong ko.

"Ganoon na nga. Ang ilan ay sakay ng barko at naligaw rito. Ang ilan naman ay sakay ng mga sasakyang lumilipad na aksidenteng napunta rito. May ilan kasing taong espesyal gaya mo, Nate, na tinatanggap ng Anorwa."

Gano'n pala. Naisip ko, siguro mga dati rin silang diwata sa una nilang buhay gaya ko.

Nagpatuloy si Shem-shem. "Narito tayo ngayon, Nate, sa kaharian ng Ezharta(E-zhar-ta)." Itinuro niya ang green na isla. "Tagapangalaga ng 'Bato ng Gubat' ang Ezharta. At sagisag ng kahariang ito ang kulay berde o luntian na kumakatawan sa mga puno't halaman."

"Kaya pala puro berde rito?" nasabi ko.

"Ganoon na nga. At kung mapapansin mo, halos kagubatan ang bumubuo sa aming kaharian. At talagang halos puno't halaman ang iyong matatanaw. Dahil ang Batong Elpio ng aming kaharian ay kumukuha ng lakas sa kagubatan."

"Nasaan ang batong 'yon?"

"Ang 'Elpio' ay nasa katawan ng pinagkalooban nito."

"Teka nga pala, Elpio?" ang gulo!

"Elpio ang tawag sa mga sagradong bato na sumasagisag sa mga elementong bumubuo sa mundo; ang lupa, tubig, hangin, apoy at puno."

"May iba pang mga bato? At ang mga batong 'yon ay nasa loob ng katawan ng pinagkalooban nito? Sino ang mga 'yon?"

"Bawat kaharian ay may 'Batong Elpio' na pinangangalagaan. At sa Ezharta, ang Bato ng Gubat. At ang batong iyon ay nasa loob ng katawan ni Reyna Kheizhara. Nagiging isa ang bato at ang hari o reynang pinagkakalooban nito." Bumuntong-hininga si Shem-shem. "Ganito iyon, ang Batong Elpio ang pumipili ng magiging reyna o hari ng isang kaharian. Papasok siya sa katawan ng diwatang itinadhana para mamuno at mangangalaga sa kanya, Bawat kaharian ay may Elpio na pinangangalagaan at nasa katawan sila ng hari at reynang kailangan protektahan." paliwanag niya. Napansin niya sigurong medyo 'di ko gets.

Oo na lang, kahit magulo pa.

Nagpatuloy si Shem-shem. Itinuro niya naman ang pulo sa itaas, ang orange na bahagi ng pinakamalaking isla sa apat. "Ito ang Buenevha(Bue-ne-vha), ang kahariang tagapangalaga ng 'Bato ng Lupa'. Sumasagisag sa Kaharian ng Buenevha ang kulay kahel na kumakatawan sa lupa't mga bato. Halos disyerto at kabundukang bato ang bumubuo sa Buenevha, doon kasi kumukuha ng lakas ang Bato ng Lupa. Pero siyempre, may mga kagubatan din sa lugar nila para pagkunan ng lakas ng mga diwatang nakatira roon at ng iba pang norwang naninirahan sa kanilang kaharian. Kahel din ang kulay ng mga pakpak ng mga diwatang Buenevhan. Maraming langis na mamimina sa kanilang kaharian na nagagamit nila sa paggawa ng mga makinarya na nakakatulong para mapadali ang kanilang pamumuhay."

"At dito sa Ezharta, berde ang mga pakpak?" singit ko.

"Tama ka."

"Pero bakit may ibang orange din, ibig kong sabihin, kahel din dito, at may asul na pakpak din tulad ni Rama? At may nakita rin akong dilaw na mga pakpak?"

"Dahil may mga diwatang naninirahan sa bawat kaharian na mula sa ibang kaharian. Maaring doon nila nahanap ang kaligayahan at doon na sila pinahintulutan ng tadhanang mamalagi. Si Rama, sa pagkakaalam ko, Ezhartan ang kanyang ina at isa namang Sakharlan ang kanyang ama. Kapag ipinanganak ang diwatang ma"

"Sakharlan?"

Lumipat si Shem-shem sa kulay asul na binubuo ng maraming isla, may dalawang malaking isla na napapagitnaan ang maliliit na isla. "Tagarito ang mga Sakharlan, sa Kaharian ng Sakharla(Sak-har-la). Mga asul ang pakpak ng mga diwatang naninirahan sa kahariang ito. Tagapangalaga sila ng 'Bato ng Tubig'. Asul ang sagisag na kulay nila na kumakatawan sa tubig. Kung mapapansin mo, malawak ang bahaging tubig ng kanilang kaharian."

"Dahil sa tubig kumukuha ng lakas ang bato ng Sakar – ?"

"Sak-har-la," pagtama sa 'kin ni Shem-shem. "At si Rama, sa pakpak niya, makikita mo ang kulay berde sa gitna na nakakapit sa kanyang likod. Tanda iyon na isa sa magulang niya ay isang Ezhartan. Kapag magkaibang lahi ang nagkaroon ng supling, Diyos na lamang ang makakaalam kung ano ang magiging kulay ng kanyang pakpak. Sa kaso ni Rama nga, asul ang kanyang naging pakpak dahil sa pagiging Sakharlan niya, at ang bahaging berde sa kanyang pakpak ay tanda ng pagiging niyang Ezhartan." Napa-okay na lang ako. Bumalik siya sa taas, sa dilaw na bahagi ng malaking pulo. "Ito naman ang Kaharian ng Hamerha(Ha-mer-ha), tagapangalaga ng 'Bato ng Hangin'. Dilaw ang sagisag ng kanilang kaharian na kumakatawan sa hangin."

"Dilaw ang kulay ng hangin?"

"Hindi. Pero sa amin dito sa Anorwa, dilaw ang kumakatawan sa sariwang hangin. Pero sa pagkakaalam ko, may pagka-asul talaga ang kulay ng hangin, kaya nga asul ang makikita mo sa kalangitan. Kailangan ko pa bang ipaliwanag sa iyo ang tungkol doon?"

"'Wag na siguro," sabi ko. "Pero, hangin ba ang bumubuo sa Kaharian ng Hamerha?"

Natawa si Shem-shem sa obvious kong katangahang tanong na bakit pa kailangang itanong. "Ano ka ba, Nate? Pero ang kaharian nila, halos malawak na damuhang mga burol," paliwanag niya. "Tulad din sa mundo ninyo, may kanya-kanyang pamumuhay ang bawat kaharian at paniniwala maging sa ikinalalakas ng bawat nilalang."

"At may pagkakaiba-iba sa anyo ng mga diwata tulad sa kanilang mga pakpak, sa kulay at disenyo depende sa lahi niya?"

Tumango si Shem-shem bilang pagsang-ayon sa sinabi ko. "Ezhartan, Sakharlan, Buenevhan at Hamerhan." Lumipat siya sa islang pulang hugis pakpak ng paruparo na nasa gitna. "Ang huli, kaharian ng mga Alhargan, ang Kaharian ng Alharga(Al-har-ga). Bagamat ito ang pinakamaliit na kaharian, ito naman ang pinakanakakataas sa lahat ng kaharian."

"Pinakanakakataas?"

"Dahil ang pinakamalakas na Elpio na Bato ng Apoy, ay nasa kanila – hawak ni Reyna Alythea. Si Reyna Alythea ang reyna ng mga hari't reyna ng Anorwa. Sagisag ng kaharian ng Alharga ang kulay pula na kumakatawan sa apoy."

"Pula ang mga pakpak ng diwata sa kanila?"

"Hindi, Nate. Ang pula ay sumasagisag sa katapangan, pagmamahal at pagiging nakakataas. Pero hindi maganda kung ang pakpak ay pula – walang pulang pakpak – hindi dapat magkaroon ng pulang pakpak. Ang pulang pakpak ay indikasyon ng pagkakaroon ng itim na kapangyarihan – isang posibleng banta sa kaayusan ng lahat."

Naalala ko si Nael na dati kong buhay, naging pula ang kanyang mga pakpak at naging apoy – 'yon siguro 'yon?

"Puti ang mga pakpak ng mga Alhargan," pagpapatuloy ni Shem-shem. "At uunahan na kita, Nate, hindi apoy ang bumubuo sa kaharian ng Alharga. Ang Elpio na nasa katawan ni Reyna Alythea ay sa araw kumukuha ng lakas – ang pinakamakapangyarihan."

"Ano-ano ang mga kapangyarihan ng mga diwata?" tanong ko. Bigla ko kasing naisip ang mga powers na nagagawa ni Chelsa; ang kakayahan niyang makipag-usap gamit ang isip, ang makapag-teleport at ang pagpapagaling.

"May kanya-kanyang kakayahan ang bawat diwata, depende sa kanilang lahi. At bawat kakayahan o kapangyarihan ay kailangang masusing mapag-aralan upang ito'y ganap na mapakinabangan. At may ilan namang diwatang likas na pinagpala, na sa kanilang pagsilang pa lamang ay taglay na ang mga kakayahan at kusang natutunan hindi man ito pag-aralan."

Malamang si Chelsa, taglay niya na ang mga powers niyang 'yon no'ng ipanganak niya.

"Nate, ang mga Ezhartan, likas silang mahusay sa panggagamot. Kaya nilang magpatubo ng puno't halaman. Kaya din nilang maging isa sa kalikasan, kaya nilang maglaho. Ang mga Buenavhan, mahusay sa paggawa ng mga gusali at mga makabagong makinarya. At likas silang malalakas, kaya nilang bumuhat ng bato na sampung beses ang bigat sa kanilang katawan. Ang pangangaso naman ang ipinagmamalaki ng mga Sakharlan. May kakayahan silang pasunurin at kausapin ang mga hayop gaano man ito kabangis. At may kakayahan pa silang gumaya ng wangis ng hayop na naisin nila, kaya nilang magpalit ng anyo."

Naalala ko si Kabahon, asul ang pakpak niya, isa siyang Sakharlan at may dalawa siyang alagang halimaw na aso. Kahit hindi na magpalit ng anyo si Kabahon, mukha na siyang hayop.

"Ibig sabihin, kaya ni Rama magpalit ng anyo? Kaya niyang mag-anyong hayop?"

"Pinag-aaralan niya, pero hindi niya makuha. Kahit pa nga minsan, gumagamit na siya ng marhay, ngunit bigo pa rin siya. Mahusay siya makipag-usap sa mga hayop at pasunurin ang mga ito." Kahit na, astig pa rin ni Rama. "Ang mga Hamerhan naman ay likas na matatalino at malawak ang isip. May kakayahan silang maging napakabilis tulad ng hangin. Ang mga Alhargan, likas namang mahuhusay sa pakikipaglaban at paghawak ng sandata. Sila rin ang pinakamahusay gumamit ng mahika at makakaya nilang pagalawin ang isang bagay sa pamamagitan lamang ng kanilang isip.

"Parang mga mutant lang," nasabi ko.

"Lahat ng mga kapangyarihan na kayang gawin ng bawat diwata ay mapaghuhusay sa tulong ng marhay."

"Makapangyarihan talaga ang marhay."

"Tama ka, Nate. Kaya hindi ito dapat basta-basta mapunta sa kung kanino man na may masamang hangarin. Ang mga habo na makakasagupa natin, ang mga itim na diwatang iyon na kailangan mong harapin ay maaring punterya ang Puno ng Marhay."

"Puno ng Marhay?"

"Ang puno sa ilalim ng palasyong ito. Bawat kaharian ay may kuweba sa ilalim ng palasyo, at nandoon ang Puno ng Marhay, ang punong pinagmumulan ng mahiwagang pulbos, ang marhay. Hindi lahat maaring mapunta roon. May sundalong mahigpit na nagbabantay, piling mga sundalong dumaan sa matinding pagsasanay. At ang pamamahagi ng marhay ay nasa mga kamay ng reyna o hari ng bawat kaharian."

Oo na lang. Basta kailangang pigilan ang mga habo na mapagharian nila ang mahiwagang puno. Nagkakaroon ako ng idea sa maaring balak ng mga habo na 'yon – lulusubin nila ang palasyo at aangkinin ang lahat ng marhay upang mas lumakas sila at gamitin ito sa masama.

"Kaya din bang magkipag-usap ng mga diwata sa pamamagitan ng isip at makapunta sa ibang lugar na gustuhin nila?"

"Lahat ng lahi ng diwata ay magagawa ang mga kakayahang iyon, maging ang ibang norwan na tulad ko. Hind ko kaya makipag-usap sa isip, ngunit nagagawa kong makabaltas." Nagsampol siya ng pag-teleport. "Siya nga pala, may mga ipinagbabawal din na kakayahan, tulad ng pagbasa ng iniisip ng iba."

Tumango ako. Sa totoo lang, na-gets ko agad kung bakit bawal ang gano'n. Hindi nga magandang basahin mo ang isip ng iba. Pero dati naiisip ko 'yon lagi, na kung ano ba ang iniisip ng iba tungkol sa 'kin. Pero sa palagay ko, normal 'yon sa tao, ang gustuhing malaman kung ano ang iniisip ng iba. Lalo na sa taong mahal mo, dahil may duda ka kung talaga bang mahal ka niya. Kapag kasi nagmahal ka, kakambal na no'n ang pagdududa.

Nagliwanag ang mga kaharian at may lumitaw na limang diwatang may gintong mga pakpak kasama si Reyna Kheizhara na nakatayo sa mapa ng kaharian ng Ezharta. Para silang mga hologram, gumagalaw na tuwid na nakatingin lang sa kung saan.

"Sila ang hari at mga reyna ng Anorwa," pakilala ni Shem-shem.

Lumapit ako at namangha sa mga diwatang may mga gintong pakpak na may kulay ginto ring mga kasuotan at mga palamuti sa katawan. Mababakas mo sa kanila ang pagiging angat nila sa lahat at ang kapangyarihan nilang taglay – tunay ngang hari at mga reyna sila.

次の章へ