SUMILIP si Rei mula sa pinagtataguan nilang puno ni Edmarie. Di kalayuan sa kanila ay nakaupo sa bench si Hayden at abala sa pagda-drawing sa drawing pad nito. Tulad ng dati ay nakadikit pa rin dito sa Franzine.
"Ang cute-cute pa rin niya kahit na nasa malayo," kinikilig niyang sabi.
"Maganda pa rin siya sa paningin ko. Mas maganda pa sa atin."
Inirapan niya ito. "Tse! Lagi mo na lang akong iniinis."
"Hindi ba compliment na maganda ang irog mo?" tukso nito.
"Guwapo siya! Guwapo!"
Kahit kulapulan pa ng make up si Hayden, lalaki pa rin ito sa paningin niya. Soft spoken ito pero di parang babae kung magsalita tulad ng bading na nakapaligid dito. Parang isa lang itong lalaki na maamo at di marunong magalit.
Kinalabit siya ni Edmarie. "O! Umalis na iyong bodyguard niya."
"Yes! Free na si irog. Wala nang higad. Sugod!" aniya at dali-daling lumapit kay Hayden. Abala ito sa ginagawang plate kaya di napansin ang paglapit niya. Namangha siya nang makita ang ginagawa nito. "Wow! Design mo ba iyan?"
"Rei! Edmarie! Hindi ba mamaya pa ang pasok ninyo?"
"Oo. Pero may ni-research kasi kami sa library tapos nakita ka namin," palusot niya. Di nito alam na kanina pa nila ito sinusundan.
Nakuha na kasi niya ang schedule nito pati ang practice nito para sa drama club. Sa hapon pa ang klase nito pero kadalasan ay may practice ito sa drama club. Madalas din ito sa bench na iyon at tahimik na gumagawa ng design. Sabi nga ni Edmarie ay parang stalker na daw siya.
"Thank you nga pala sa sapin-sapin. Masarap! Sabihin mo sa mommy mo."
"Naku! Tiyak na matutuwa ang mommy ko."
"Mahilig kasi akong kumain kaya nakaka-appreciate ako ng masarap na luto."
"Mahilig din si Rei na kumain," singit naman ni Edmarie. "Kaya kung magde-date kayong dalawa, tiyak na mabubutas ang bulsa mo."
Pinanlakihan niya ito ng mata. "Umayos ka nga." Baka mamaya ay mailang pa si Hayden sa kanya. Mailang pa sa kanya at mapurnada ang panliligaw niya.
"Marunong ka rin bang magluto tulad ng mommy mo,Rei?" tanong ni Hayden.
"Naka! Palpak iyan sa pagluluto. Bubula ang bibig mo," sabi ni Edmarie.
"Edmarie, ano ba?" angal niya. Nababawasan ang ganda points niya.
"Pero magaling ka namang mag-volleyball," wika ni Hayden. "Nakita ko rin ang pictures mo last semester. Sumayaw kayo para sa program ng foundation day. Kinukuha ka pala ng dance troupe pero pinili mo ang mag-volleyball."
"Marami kasing gustong gawin si Rei. She wants to be complete," anang si Edmarie. "At wala rin siyang hilig sa mga lalaki."
"Ah! Wala palang hilig sa lalaki ang amazona na iyan kaya si Hayden ang pinupuntirya niya. Sabi ko lumayo ang amazona na iyan kay Hayden, di ba?" masungit na sabi ni Franzine. Kontrabida talaga ito sa pag-iibigan nila.
Humilig agad siya kay Hayden. "Pinaalis niya ako, o!"
"Its okay. Napadaan lang naman siya dito," sabi ni Hayden.
Tagumpay na naman ang kagandahan niya. Siya ang kinampihan ni Hayden.
"Hello, Hayden!" bati ni Denzell dito.
"May itatanong daw sa iyo si Denzell," nangingiting sabi ni Franzine. At parang hindi niya nagugustuhan ang ngiti na iyon.
"May ka-date ka na ba para sa rock concert next month? Kung gusto mo ako na lang ang ka-date mo," prisinta ni Denzell.
Nakapamaywang siyang tumayo at tinaasan ng kilay ni Denzell. "No way! Ako ang makaka-date ni Hayden. Kaya lumayo-layo ka sa irog ko." At ang ambisyosong Denzell na iyon at gusto pang akitin ang irog niya. Di siya papayag sa maitim na balak nito at ng mga higad. Sasagipin niya si Hayden.
"Ano? Huwag ka ngang atribida diyan!" kontra ni Franzine.
"Basta sa akin lang si Hayden!" mariin niyang sabi. Sasapakin niya ang kumontra. Que babae o lalaki, di pwedeng agawin sa kanya ang irog niya.
"Hindi ko naman sigurado kung makakasama nga ko sa rock concert," wika ni Hayden. "Iba na lang siguro ang yayain mo, Denzell."
Bumuntong-hininga si Denzell at mukhang malungkot. "O, sige." Saka bagsak ang balikat na naglakad palayo si Denzell.
"Look what you've done! You missed your chance. Denzell, one of the most gorgeous guys in campus asked you out and you said no?" anang si Franzine at pinanlakihan si Hayden. "Sino ang gusto mong I-date? Ang babaeng iyan?"
"Ano naman ang masama? Kami ang para sa isa't isa," sabi niya.
"I am sorry, Franzine," nausal na lang ni Hayden.
"Hindi kita maintindihan! Magsama kayo ng amazona na iyan. Huwag mo lang sasabihin sa akin na nagugustuhan mo na ang bruhang iyan at kakalbuhin ko ang kilay mo," wika ni Franzine at saka hinabol si Denzell.
"Lagot ka. Nag-away ang magkaibigan dahil sa iyo,"sabi ni Edmarie sa kanya.
"Hindi iyon kasalanan ni Rei," depensa ni Hayden sa kanya.
"Narinig mo iyon. Ipinagtanggol ako ng irog ko," malambing niyang sabi. "Basta ako ang makaka-date ni Hayden sa rock concert."
"Anong makaka-date? Di ka palalabasin ng bahay ng daddy mo," paalala ni Edmarie. Alam nito kung gaano kaistrikto ang papa niya.
"Basta! Gusto kong makasama si Hayden!" giit niya. Baka mamaya masingitan pa siya ng Denzell na iyon.
"Rei, ganito na lang. Hindi ako pupunta ng rock concert kung hindi ka kasama. Basta huwag kang aalis ng walang permiso," wika ni Hayden.
"Talaga? Hindi ka sasama kay Denzell o sa kahit sino pang ilalapit sa iyo ng friend mo na higad?" paniniyak niya.
Natawa ito. "Nag-promise ako, hindi ba?"
Tumango siya. Kaya di maalis ang ngiti niya hanggang maghiwalay sila.
"Ang tiyaga-tiyaga mo talaga diyan kay Hayden. Marami namang totoong lalaki diyan, kung bakit nagtitiis ka. Have some pride, Rei."
"Aanhin ko ang pride at ang ibang lalaki kung hindi naman sila ang gusto ko?"
"Eh, aanhin mo naman ang guwapo kung mas malandi pa sa iyo?"
"Tama na, Edmarie!" aniyang nagtitimping batukan ito.
"Ano nga ang gagawin mo ngayon? Di naman basta-basta ang karibal mo. Isang guwapong lalaki ang nagpapapansin kay Hayden. At magalit ka man sa akin, alam naman natin na mas type niya ang boys kaysa sa girls."
"Kailangan kong alisin ang Denzell na iyon sa landas namin."
MAAGA pa lang ay nasa pool area na si Rei. Swimming class iyon ni Hayden. Subalit iba ang pakay niya sa pagpunta doon. Hindi si Hayden kundi si Denzell na kaklase rin nito sa swimming class. Hindi na niya isinama pa si Edmarie dahil laban niya iyon.
Naabutan niyang nagwa-warm up si Denzell sa gilid ng pool area. Ugali na nitong dumating ng maaga para lang magpasikat sa mga babae.
"Excuse me, Denzell. Pwede ka bang makausap?" aniya nang lapitan ito.
"Sure, Rei baby! Yayayain mo ba akong mag-date? Na-realize mo ba na wala kang mapapala sa Hayden na iyon? Now you are after the real man." Hinaplos nito ang sariling baba. "I am kinda expecting this."
"Para sa isang lalaki, masyado kang madaldal. Kahit kailan, hindi kita yayayaing mag-date. And I will never choose you over Hayden. I just want you to stay away from Hayden. He is mine," mariin niyang wika.
Nagimbal ito. "Ano? Iyong baklang iyon ang gusto mo?"
"Bakla? I am sorry pero kahit kailan di ko nakita si Hayden bilang bakla. For me, he is a man. Mas lalaki pa kaysa sa iyo. At oras na lapitan mo pa ang irog ko at yayaing mag-date, masasaktan ka lang sa akin," aniya at tinalikuran ito.
Di pa siya nakakalayo ay hinila nito ang braso niya. "Talaga bang si Hayden ang gusto mo o nagpapapansin ka lang sa akin?"
Thank you sa kusang loob na namimigay ng gifts at spirit stones. Malaking bagay po iyan para tumaas ang ranking. Sana happy kayo sa updates.