webnovel

Chapter 13

"MASAKIT lang kasi. Ganoon-ganoon na lang ba talaga na idispatsa ako?" nguyngoy ni Jemaikha habang kausap sa cellphone ang mga kaibigan. Mabigat ang loob niya nang kaladkarin ang sarili kanina palayo sa condo ni Hiro. Natagpuan na lang niya ang sarili na pumasok sa Mini Stop sa baba ng condo building. Bumili siya ng ice cream at pinapak iyon saka tinawagan ang mga kaibigan na nasa La Union para magbakasyon. Sa mga ito niya ibinuhos ang sama ng loob.

"Ang hirap nga ng sitwasyon mo. Nagtatrabaho ka naman nang maayos tapos basta na lang eentra ang girlfriend ng estudyante mo at isesesante ka. Unfair!" sigaw ni Rachel. "Pag inalis ka ni Hiro dahil sa babaeng iyon, babangasan ko pareho ang mukha nila."

"Sobrang bayolente mo. Manahimik ka nga," saway ni Cherie sa kaibigan. "Init ng ulo mo. Nabasted ka lang ni Melvin e."

"Tse! Di naman ako affected. I'm moving on," kontra naman ni Rachel dito.

"Di naman siguro siya isesesante," pagpapaklma ni Reinne sa kanya. "Mukha namang sensible na tao si Hiro."

"Saka di na niya mababawi ang perang ibinayad niya sa iyo. Manghihinayang din iyon," pasubali ni Mayi.

"Mayaman si Hiro saka 'yung Shobe. Baka nga barya lang sa kanila 'yung bayad ni Hiro," usal niya at huminga ng malalim. Halos nakunsumo na ng binata ang paunang-bayad nito sa kanya kaya wala rin itong babawiin.

"Di ba may kasunduan naman kayo ni Hiro? Di ka niya basta-basta pwedeng patalsikin dahil sa kapritso ng babaeng iyon. Proteksiyon mo iyon, Jemaikha. Isampal mo sa girlfriend niyang mukhang si Mt. Fuji," paliwanag ni Mayi. "Sayang din 'yang raket mo na iyan."

"Di ko naman gagawin iyon. Ayoko na magka-problema pa sa akin si Hiro. Wala naman akong magagawa kung ayaw na niya sa serbisyo ko. Baka nga mas magaling ang babaeng iyon na magturo kaysa sa akin."

Alam ni Jemaikha ang laman ng kontrata. Pwede niyang ilaban kung nanaisin niya. Subalit malayo na sa isip na palalain ang problema. Kung tutuusin ay walang ipinakitang masama si Hiro sa kanya. Wala itong ibang ipinakita kundi kabutihan. Malaki ang naitulong ng binata sa kanya at maayos din ang pagtrato nito. Wala siyang problema dahil marespeto ito at di siya binibigyan ng sakit ng ulo. Seryoso ito pagdating sa pag-aaral. At sa palagay niya ay may nabuo nang pagkakaibigan sa kanila.

"Masakit talaga iyan dahil alam ko na kailangan mo ng trabaho. May sakit pa ang tatay mo," pakikisimpatya ni Mayi.

"Mas masakit na tinawag niya akong "hime"," usal ni Jemaikha at sumubo ulit ng ice crea.

"Ano? Hibe? Pinatuyong hipon?" tanong ni Cherie. "Ibig sabihin chaka ka na may magandang katawan tapos tuyot pa. Grabe naman siya sa iyo."

"Hime. Prinsesa sa Japanese," paglilinaw ni Jemaikha. "Iyon ang tawag niya sa akin minsan. Pero kanina iyon din ang tawag niya sa Shobe na iyon."

"Ayun! Umasa ka sa pambobola ng lalaking iyon," sabi ni Rushell.

"Di ako umasa. Feeling ko ako lang ang prinsesa niya. Di lang pala ako. Pero di naman ako naniwala sa kanya. Nakwento ko lang naman," palusot niya.

"E bakit ka nasasaktan?" pananalakab ni Rushell.

"Kasi..."

"Kasi gusto mo na? Ikaw na nagsabing di mai-in love, affected na ngayon. Parang virus talaga ang love. Di mo alam kung kailan ka tatamaan," sabi ni Rhein at bumuntong-hininga.

"Hindi naman ito love siguro. Saktong crush lang. Kaso mabigat pala sa dibdib."

Unang beses lang niyang nagkagusto sa isang lalaki. Hindi niya naihanda ang sarili niya sa ganito kakomplikadong emosyon. Dumaan na siya sa malalaking problema mula nang magkasakit ang nanay niya at pumanaw ito at kasunod ay ang pagkakasakit ng tatay niya. Pero di pa siya nakadama ng ganitong kahungkagan sa puso niya. Isang importanteng bagay ang nawala sa kanya. At hindi iyon tungkol sa paglawala ng trabaho niya.

Huminga ng malalim si Jemaikha. "Okay na ako. Lilipas din ito. Mas gusto ko na mag-focus sa paghahanap ng trabaho. Salamat sa inyo. Inabala ko pa ang bakasyon ninyo."

"That's what friends are for. Group hug!" sigaw ni Rachel at narinig niya ang sigawan ng mga kaibigan.

Pumikit siya at in-imagine ang yakap ng mga kaibigan. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya. Idinaan na lang niya sa pagkain ng ice cream. "Pagkatapos ng isang cup, uuwi na talaga ako," sabi niya sa sarili at sumubo ulit ng sorbetes. "Magiging okay rin ako kapag nakaubos ako ng ice cream. Tapos kapag nagkausap ulit kami ni Hiro, okay na ulit ako. Kahit na di na niya ako kunin na tutor at pinili niyang sundin si Shobe, magiging okay na ako."

Nag-ring ang cellphone niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang tumatawag. Si Hiro.

次の章へ