"Maiwan muna kita rito, magpagaling ka Tashia at bukas na bukas ay ililipat na kita sa pasilidad ng Vertex."
Hindi na nagtagal pa ang lalake mula sa loob ng silid at agad na naglakad palabas, tinalikuran at iniwanan niya ang babaeng nakatulala at halatang nalulunod sa malalim na iniisip upang bigyan ito ng sandali upang magnilay. Dahil sa nakuha na nga niya ang nais na kumpirmasyong sagot nito ay agad niyang tingungo ang katabing silid upang makialam sa kalagayan nito. Ang buong palapag na kinalulugaran nila ay napakatahimik, tanging dalawang pribadong silid lamang ang inukupa rito at isa na ro'n kay Kariah.
At sinalubong naman siya ng lalakeng matangkad na nakabantay sa pintuan nito, "Mattheson." pahayag nito at tipid na tinanguan siya bilang pagkilala at respeto.
"Kumusta na siya Danvick?" tanong niya patungkol sa pasyenteng binabantayan nito.
"Maayos na ang kaniyang lagay, isang himala na nabuhay pa rin talaga ito sa kabila ng daming natamong tama ng bala." pahayag nito at saglit na nilingon ang pintong nakasara, "Ayon sa doktor ay mabilis naman ang paggaling nito at baka sa susunod na buwan ay makakalakad na ito ulit." dagdag pa nito.
"Mabuti naman kung gano'n, turukan mo kaagad siya ngayon ng rohypnol upang wala itong maalala sa nangyari kanina. At paggising niya ay kausapin mo siya patungkol sa nangyari at sabihin mong patay na si Kariah nang matamaan din ito ng bala sa ulo, nakahanda na rin ang puntod ng babae at puwede mo siyang dalhin doon kung handa na siya." Bilin niya rito at tumango-tango naman ito bilang pagtugon.
"Magiging kasapi rin ba siya ng Vertex?" tanong ni Danrick na kampanteng inusal ang pangalan ng grupo sa palapag.
"Hindi, ang babae lang ang kailangan niya."
"Sayang naman kung gano'n, magaling silang dalawa kung magkasama."
"May koneksyon pa ang lalake, may pamilya pa siya at lalong magiging kahinaan niya ang babae." Tanggi niya, "Mas maiging manatili silang patay sa isa't isa."