webnovel

Kabanata Siyam [5]: Dugo Para sa Dugo

"A-Anong atraso niya sa 'yo?" naninginig na tanong ni Kariah na nilalamon na kuryusidad, "Gaano ba kalaki ang atrasyo niya sa inyo at nagawa n'yo silang patayin?!" asik niya rito at napakalapit pa rin ng kanilang mukha.

"Hindi mo ba alam na isa ang 'yong ama sa 'min?"

"A-Ano?! Hindi---."

"Siyempre hindi mo yun alam, sino bang matinong ama ang magsasabi ng ilegal niyang pinaggagawa sa kaniyang pamilya?"

"Hindi 'yan totoo!" sigaw niya at saglit na binalingan ng tingin si Tobias upang humingi ng sagot, pero napailing lang ito tanda na wala ring kaalam-alam.

"Gusto mo ang katotohanan 'di ba? Ito na, totoong kasapi namin ang ama mo---." giit nito pero na naputol matapos sampalin ni Kariah, "Kung hindi lang namin sinunog ang katawan niya, makikita mo ang tattoo niya ng Black Triangle sa likod." dugtong nito na ikinagimbal niya, kung kaya't sa galit niya ay malakas niyang sinipa ang lalake.

Bigla itong bumulagta sa sahig at ungol nang ungol sa pagkakabagsak dahil sa nahigaan nito ang sandalan ng upuan na napakatigas na para bang bumiyak sa kaniyang buto, pero mas lalong kumulo ang dugo ni Kariah nang marinig ang tawa nito kalaunan na pinipikon talaga siya; palakas ito nang palakas na para bang may nakakatawa sa mga kaganapan.

"Anong nakakatawa Luke?" tanong ni Tobias na agad na mabilis na dumalo at inapakan ang leeg ng lalake.

Sa bigat ng nito ay nahirapang huminga at magsalita si Luke, "N-Nakakatawa lang n-na nagagalit pa r-rin siya kahit n-na sabihin ko ang totoo; h-hindi ko a-alam kung gusto n-nga niya b-bang marinig ito o hindi siya makapaniwala dahil i-iba ang kaniyang inaasahan?" pilit na pahayag nito kahit na putol-putol dahil sa pagsinghap ng hangin.

Hindi na makapagsalita pa si Kariah sapagkat tama nga ito, hindi niya ginusto ang sagot ng lalake at alam niya ring hindi yun magagawa ng kaniyang ama, sa kanilang dalawa ni Luke ay siya lamang ang may nakakakilala ng lubusan sa kaniyang sariling magulang at hindi itong mamamatay tao. Hinayaan na lang niyang si Tobias muna ang magtatanong nito habang siya'y nalulunod sa malalim an iniisip, tinitimbang ang sitwasyon sa kung ano ang paniniwalaan niya. At sa kabila ng pagtanggi niya sa paratang ni Luke ay may bumubulong talaga sa kaniyang isipan na totoo ito---na ang kaniyang ama na kasama sa nakalipas na dalawampung taon ay isang estranghero at hindi ang ama na kilala niya dahil sa ito'y nakamaskara. Masakit, mabigat ang kaniyang loob sa narinig dito; sumisikip ang kaniyang dibdib at gusto na niyang iiyak ang lahat ng ito hanggang sa siya ay magsawa. Pero naisip niyang wala pa ring mangyayari pagkatapos nito, gano'n pa rin ang katotohanan at nagsayang lang siya ng oras.

Malalim siyang suminghap ng hangin at pumikit, nagbilang siya mula sa isa at saka dahan-dahang ibinuga palabas ang hangin. Sinulit niya ang sandali at ibinuhos niya ang natitirang luha sa kaniyang namumugtong mata, muli ay inalala niya ang nakaraan at ang mga kaganapan at dahilan na naghatid dito sa kaniya. Hanggang sa lumuwang na rin ang dibdib niya at naibuga na rin niya ito palabas, sa pagsapit ng ika-sampung bilang ay napadilat siya at nawala na ang bigat ng kaniyang loob at nakapinta na sa mukha ang pagiging seryoso animo'y tinakasan na siya ng emosyon. Ipinangako niya sa sarili na magdadalamhati lamang siya sa loob ng sampung segundo at hindi na sosobra pa, at lalong hindi rin muna siya bibigay hangga't hindi niya natatapos ang pangunahing tungkulin sa mundong ito---ang dahilan kung bakit siya nabuhay kahit inilibing pa siya nito.

"Anong ginawa ni Papa sa inyo at apat na buhay mismo ang kinitil n'yo." Tanong niya rito ulit at sinenyasan si Tobias.

Upang makausap ito ng maayos ng babae ay mabilis itong inangat ni Tobias at muling pinaupo ng maayos, nagkaharap na sila ng babae at nagtagpo ang kanilang tingin na nagsusukatan, at sa mga mata nilang nag-uusap ay batid niyang hindi na puwedeng basta-bastahin lang itong babae. Pero napansin naman ni Luke na iba na itong kaharap niya---parang hinahamon siya, bagay na nagtulak sa kaniya upang magsalita at tignan ang magiging reaksyon nito.

"Bago ang lahat, mayroong inatas na trabaho ang mas nakakataas sa ama mo; ito ay ang ihatid ang bayad sa 'ming katransaksyon bilang kapalit ng armas at iilang kagamitan na ipinasok dito sa syudad. Pero imbes na ibayad ito, pinili niyang itago ito sa inyo at huli na nang mapag-alaman naming itatakas na pala nila kayo sa gabing yun, dala-dala ang perang 'di naman sa kaniya---.

At sa ibinunyag ng lalake ay bigla siyang nabingi nang mapagtanto kung bakit ayaw ng kaniyang ama na umalis siya noon, kung gaano ito kahitpit sa gabing yun sa kaniyang kagustuhang gumala. Hindi man ito nakikita sa labas, pero ang kaloob-looban niya'y pumapalya nat bumibigay; nanlalabo na ang kaniyang tingin sa pamumuo ng luhang hindi niya alam kung kailan matutuyo o mauubos at muling may bumikig sa kaniyang lalamunan. Pero gaya ng kaniyang pinangako ay hindi na siya nagluksa pa at marahas na pinahid paalis ang luha nito.

"…masuwerte ka at hindi ka nasama sa apoy, dapat ka pa ngang magpasalamat kasi naging kapaki-pakinabang ka sa 'min sa gabing yun."

Sa galit niya ay agad niyang inatake ang lalake at pinagsusuntok ito sa dibdib at mukha; paulit-ulit at walang-habas niyang pinagsasapak ito upang ibunton ang galit habang sinisigaw ang kaniyang pagmumura sa lalake, sa kabilang dako naman ay mahipit namang hinihawakan o sinuportahan ni Tobias ang kinauupuan ng lalake upang 'di ito bumagsak at nang mapirme ang tinatamaan ng babae. Manhid na manhid na ang magkabilang kamao ni Kariah at hindi niya ramdam ang sakit ng natatamaang bungo sa pisngi ng lalake, sa halip ay ramdam niya ang bigat ng magkabilang kamay na nais niyang ilabas para sa lalake.

Hanggang sa magsawa siya't hinihingal na napatigil sa pagsuntok, humahangos siyang napatingin sa lalakeng naliligo na sa dugo matapos pumutok ang labi nito at nabasag ang ilong. Nanlalanta ito sa kinauupuan at hindi na halos mabalanse ng maayos ang bigat ng sariling ulo, hindi rin ito makapagsalita at daing lang ng daing na halatang nahihilo. Nang maibaba na niya ang sariling kamay ay ramdam niya ang panibagong bigat na humihila sa kaniyang braso pababa, nagsimula na rin sumibol ang kirot sa kaniyang mga kamay.

"P-Pero s-sulit d-din naman, a-ang s-sarap m-mo kas---."

At hindi na nakapagtimpi pa si Kariah, mula sa military boots niya ay hinugot niya mula sa gilid ng kaniyang kanang paa ang matulis na patalim, hindi na natapos pa ng lalake ang nais na sasabihin nang mapalitan ito ng nakakagimbal na sigaw ng lalake nang saksakin niya ito sa hita; inikot-ikot pa niya ang patalim sa loob at damang-dama niya sa hawakan ng patalim ang buto nito na matigas sa ilalim. Lubusan itong nagpumiglas at naiyak na lang sa tindi ng sakit na nadarama, bagay na ginustong makita ng babae sa demonyong kagaya nito. Saglit niyang tinapunan ng tingin ang sugat nito at nakita niyang walang-tigil ang pag-agos ng dugo at pumapatak sa sahig, pero agad namang mas bumilis ang pagbuhos nito nang puwersahan niyang hugutin ang patalim; dumanak ang dugo at gumapang sa sahig, pero hindi pa rin nakukuntento ang babae.

次の章へ