MULA SA LOOB NG ISANG PRIBADONG silid ay nagkaharap ang babae at lalakeng may seryosong pinag-uusapan; prenteng nakaupo lamang ang babae at seryosong tinignan itong kaharap na lalakeng humihithit ng sigarilyo. Tanging isang naglalagablab at nagbabagang apoy mula sa tsimineya ang nagbibigay-liwanag sa kanila at pumapawi rin sa lamig ng madaling araw.
"Wala na ang lalakeng sumusuporta sa kaniya. Konti na lang at aayon na rin ang lahat sa plano; mahihirapan na siyang gumawa ng panlaban sa grupo ngayong wala na ang lalakeng pinagkakatiwalaan at mahal niya."
"Sa tingin mo, hindi ba 'yan magiging problema kung sakaling gaganti na siya?" tanong ng babae, "Baka mas matindi rin ang ganti niya sa 'tin?"
"Ang grupo ang unang babagsak, hindi niya tayo mahahawakan."
"Hindi ba yun kahina-hinala? Baka mabisto ka niya kaagad."
"Hindi yun, sa lakas ng pagsabog ay wala na talagang makakaligtas no'n." ani ng lalake, "At ano na ang susunod kong gagawin?"
"Sa ngayon ay magpahinga ka muna, magbakasyon ka at magpakalayo-layo, tatawagan lang kita 'pag kailangan na ulit kita sa inner circle." Ani nito.
"Salamat."
▪▪▪
"A-ANG SABI NILA SA 'KIN AY MAIIWAN si Patrix mag-isa sa bahay nila ka-kaya agad kitang inimporma, ang inaasahan ko ay magiging maayos ang plano mo pero isa pala yung patibong---tayong dalawa nahulog sa kanilang patibong Tashia." nauutal at pawisang paliwanag ng lalake na nakaluhod pa rin at hinahangad na makumbinse ang babae, "Binabantayan din pala nila ako at ang pag-atake mo ang kumpirmasyon. Sa ngayo'y hinahanap na rin nila ako, kailangan nila ang ulo ko."
"Paano mo 'ko nasundan? Kaya ka ba pumunta rito para dalhin sila? May granada ako Tobias, papasukin mo sila at nang sabay-sabay ulit tayong sasabog."
"S-Sinundan kita papunta rito, p-pero h-hindi gano'n Tashia, ang alam nila ay patay ka na at kasama sa pagsabog." turan nito na nagpakalma sa kaniya, malalim siyang napabuntong-hininga at marahas na napasabunot ng sariling buhok niyang basang-basa pa, "K-Kailangan ko ang tulong mo Tashia."
"H-Hindi Tashia ang pangalan ko, Kariah ang totoo kong pangala!" aniya na pilit ding iniiwasang marinig ulit ang pangalang ibinigay sa kaniya ni Steve, "Kariah ang pangalan ko no'ng kinuha nila sa 'kin ang lahat." Aniya.
"P-Pero maniwala ka sa 'kin Kariah, b-biktima na rin nila ako."
"At paano na kita paniniwalaan ngayon?"
"Kasi nanganganib na ang buhay ng pamilya ko."
Sa sinabi ng lalake ay hindi na siya nakapagsalita pa, muling nangibabaw ang sakit sa katawan niya at kalooban nang maisip din ang kamatayan ng kaniyang pamilya; nanghihina siyang napasandal sa pader at saka naiyak, nanlambot din ang kaniyang tuhod at dahan-dahan siyang dumausdos paupo. Ngunit bago pa man siya makaupo ay sinalo kaagad siya ng lalake at binalot ng kumot, kinuha rin nito ang kaniyang baril at saka tinulak papalayo. Nagpaubaya na lang din siya at hinayaang aluin ng lalakeng ramdam niyang totoo naman sa sinasabi, niyakap na lang din niya ito pabalik at saka iniyak lahat ng poot sa kaloob-looban niya sapagkat kailangan na kailangan niya ngayon ng presensya ng taong makakaintindi sa sakit na nadarama niya.
"K-Kailangan nating p-puntahan ang pamilya mo." nag-aalalang pahayag ni Kariah sa takot na baka magaya ang sinapit ng kaniyang sariling pamilya sa pamilya rin ni Tobias, bumuwag siya sa pagkakayakap at saka hinarap ang lalake, "P-Papatayin nila yun."
"Hindi na kailangan pa, p-pinauwi ko na sila sa 'ming probinsya." pahayag nito, "S-Sasamahan na lang muna kita rito." Saad nito at marahang hinaplos ang kaniyang kamay gamit ang hinlalaki nito.
Napatitig si Kariah sa lalake at kapuwa sila nagkatitigan; nawala ang pagkailang, takot, poot, at pangamba na bumibigat sa kaniyang dibdib nang malunod siya sa titig ng lalake, animo'y nilalason at ginagayuma siya sa pares ng kulay kapeng mga iris ng mata. Para silang nag-uusap sa tingin, kahit hindi niya alam o nasisiguro pero ramdam ni Kariah na nag-aalala ang lalake para sa kaniya---na totoo ito at hindi nagsisinungaling. Ngunit, agad naman siyang nagbalik sa reyalidad nang muling naalala ang mukha ni Steve bago siya nilamon ng apoy; ang ngiti at pag-aalala nito sa kaniya, kung kaya't muling rumishitro ang sakit sa kaniyang dibdib at ramdam niya ang pamumuo ng luha sa kaniyang mga mata, bigla ring bumigat ang kaniyang pakiramdam at may kung anong bumibikig sa kaniyang lalamunan. Pinahid na lang niya ang luha sa kaniyang pisngi at saka ibinalot sa hubad niyang katawan ang makapal na kumot.
"M-Magbibihis muna a-ako," paalam niya at mabilis na tumayo.
"Sandali lang, gamutin muna natin 'yang sugat mo." Pigil ng lalake na maingat na napahawak sa kaniyang braso.
"S-Sige," hindi na siya umangal pa at hinayaan ang lalake, sapagkat dahil sa binanggit nito ay ramdam niyang muling nangibabaw ang hapdi ng bawat sugat niya sa katawan, "Salamat."
"Nasaan ba ang emergency kit mo?" tanong ng lalake.
"W-Wala ako no'n, tignan mo lang diyan sa banyo ko at may iilang kagamitang panlunas akong itinabi."
Agad naman itong tinungo ng lalake habang siya'y naiwang nakatulala at nakasandal pa rin sa dingding, dahil sa hindi na niya mawari pa ang sakit, kalakip ang lamig ng sahig ay bumangon na lang siya't tumayo habang hawak-hawak ang nakabalot na kumot sa katawan niya. Dumako naman siya sa kaniyang sariling higaan at doon napaupo. Saktong lumabas naman ang lalake mula sa banyo at may dala-dala na itong mga kagamitan, mabilis itong lumapit sa kaniya at saka inilapag sa higaan niya ang mga benda, alcohol, bulak, at betadine. Marahang kinuha ng lalake ang kaniyang kamay at pinasadahan ng tingin ang kaniyang nalapnos na balat na hanggang ngayon ay namamaga pa rin at namumula, napailing na lang ito at saka kumuha ng isang piraso ng bulak.
Tahimik na pinanood ni Kariah ang lalake na binuhusan ng betadine ang bulak, hindi rin naman siya umaray ng marahan nitong idinampi ang gamot sa kaniyang sugat. Tulala lamang siya, nagpakalunod sa malalim na iniisip; muli na naman niyang sinariwa ang alaala kasama si Steve at taimtim na nanalangin na sana'y panaginip pa lang ito. Nais niyang kinabukasan, paggising ay wala pang nangyaring masama sa kanila at ito ngayo'y isang masamang panaginip lamang na madaling kalimutan. Ilang saglit pa ay nalipat naman ang lalake sa kanan niyang braso at ito naman ang pinagtuonan, gamit ang isa pang bulak ay dahan-dahan ding pinapahiran nito ng betadine ang mga sugat niya. At wala talaga siyang nararamdamang sakit sa pinaggagawa ng lalake, sa halip ay mas dama pa niya ngayon ang sakit ng dibdib na may kung anong punyal na nakabaon na hindi niya alam kung paano huhugutin.
"A-Ano na ang plano mo Tashia?"
"Kariah, Tobias." Pagtatama nito.
"Oo nga pala, a-ano na ang plano mo ngayon Kariah." Pag-uulit ng lalake at saglit siyang binalingan ng tingin at ibinalik naman sa trabaho nito.
"I-Ikaw anong plano mo?" tanong niya pabalik.
"T-Tulungan na kita, kasama mo na ako sa pagpapabagsak ng Black Triangle."
"Yun din ang plano ko."