"Dito ka lang, ako ang titingin sa loob kung naroon ba siya." pahayag na bulong ng lalake sa kaniya at humakbang paalis.
Pero pinigilan naman niya ito at mabilis na hinila ang kaliwang kamay, "Ako ang papatay sa kaniya Steve." Bilin niya rito.
"Pangako, ikaw ang hahatol sa kaniya." Turan nito at saka tuluyan nang naglakad matapos niyang bitawan ito, kung kaya't wala siyang magawa kung hindi ang panoorin ang lalake na dahan-dahang tinutungo ang silid na maaaring pinaglalagyan ni Johan.
Mula sa perspektibo ni Steve ay lubos siyang kinakabahan nang makalapit na rin sa silid habang nasa kalagitnaan ng pag-atake ay pilit naman niyang iniiwasang makagawa ng ingay at isinasaisip na dapat malinis niya itong maisasagawa. Ilang saglit pa, nang maramdamang tahimik pa rin at hindi pa rin natutunugan ang kanilang presensya ay mahigpit niyang hinawakan ang malamig na busol at marahan itong pinihit. Isang tunog lang nito ay napagtanto niyang hindi pala ito nakakandado mula sa loob, kung kaya't pinagpatuloy niya ang pag-ikot nito hanggang sa nagdulot ito ng kaunting langitngt kasabay ng pagbukas ng pintuan.
Dahan-dahan niya itong itinulak at hinayaang lumabas ang liwanag mula sa loob ng kuwarto, at mula sa bungad ng pintuan ay nakita niya ang lalakeng nakatalikod sa kaniyang gawi at mahimbing na natutulog sa sariling higaan. Para siyang tinamaan ng kidlat sa takot at pangamba na baka biglang lilingon ito, kung kaya't saglit siyang sumenyas sa babaeng kasama at sinabing maghintay muna saglit, habang siya naman ay sisiguruhin munang hindi makakapanlaban itong lalake.
Pumasok na nga siya at maingat pa rin sa bawat hakbang, pero makalipas ang tatlong hakbang ay napagtanto niyang mas mahirap kung babagalan niya ang sarili. Napagdesisyonan niyang sumugod kaagad at walang pag-aatubiling diretsong inatake ang lalakeng wala pa ring kamalay-malay. Dinaluhan niya ito kaagad at malakas na hinampas sa ulo gamit ang hawakan ng baril, isang hampas lang ay lubos naman siyang nagtaka nang magdulot ito ng kakaibang ingay na 'di pamilyar sa kaniya, kung kaya't buhat ng kaniyang pagtataka ay marahas niyang hinila ang katawan upang ipatihaya.
At sa puntong ito ay laking-gimbal niya nang malamang isa pala itong manikin na may malaking butas sa sikmura; tadtad ito ng sari-saring kulay ng mga wires, may mga silindrong bagay na nakabalot at nakatali sa ilalim nito, ngunit ang mas kapansin-pansin talaga sa kaniya ay ang timer sa gitna nito na nagbibilang pababa at nagbibigay babala.
…7…6…5…4…
▪▪▪
"STEVE?" bulong na tawag niya rito makalipas ang ilang segundo no'ng nakapasok na ang lalake.
Walang sumagot pero may narinig siyang kalabog sa loob animo'y may matigas na hinampas, kung kaya't ito na ang naging hudyat para sa kaniya. Mabilis siyang naglakad at tinahak ang maliit na pasilyo sa gilid ng hagdanan patungo sa kuwartong pinasukan ng lalake. Ngunit, bago pa man siya tuluyang nakalapit ay nakarinig siya ng nakakahindik na sigaw.
"Tumakbo ka Nevada!"
At bago pa man niya maproseso ito ay lubos siyang nagimbal nang umalingawngaw ang nakakabinging pagsabog kasabay ang pagbaha ng makapal na apoy mula sa kuwarto; sa lakas nito ay nilamon ng apoy ang buong silid, pati na rin sa labas. Hindi rin naman siya nakaligtas at malakas siyang natangay ng puwersa, tumalsik siya mula sa kintatayuan kasabay ang paglukob ng apoy sa kaniyang katawan. Humalo ang kaniyang sigaw sa pagsabog at sunod na lang niyang namalayan ay ang masamang pagbagsak niya sa hagdanan na hindi niya talaga mawari ang sakit, malakas siyang napadaing sa pinaghalong sakit at kirot sa buong katawan habang siya ay pagulong-gulong pababa ng hagdanan, at kalakip ang paglanghap niya ng makapal na usok na nagpapahirap sa kaniya sa paghinga.
Nag-aagaw na ang dilim at liwanag at may kung anong matinis na tunog na umaalingawngaw sa kaniyang tainga, ramdam na niyang bahagya siyang nabingi kalakip ang panlalaban na h'wag mawalan ng malay sa proseso. Mariin niyang tiniis ang hapdi sa katawan sapagkat para siyang mamamatay na sa pinaghalong hapdi ng pasong natamo, kalakip ang pananakit ng sikmura na unang bumagsak sa matigas na hagdanan kanina. Naiyak na lang siya habang nanlalaban na manatiling dilat ang sariling mga mata, pursigido siyang gumapang sa sahig na tadtad ng mga bubog at batong dulot ng pagsabog, at saka ginamit niya ang natitirang puwersa upang lumayo ngayong napuno na ang bahay ng usok at unti-unti na ring tinutupok ng apoy. Ibinaba niya talaga ang sariling mukha sa sahig at doon lumanghap ng malalim, saka pinipigilan ang sariling paghinga at ipinipikit ang mga mata bago gumapang at magpatuloy. Pahirapan para sa kaniya ang aninagin ang paligid ngayong konting liwanag na lang ang gumagabay sa kaniya dulot ng makapal na usok, kung kaya't todo-kapa siya sa paligid habang inaalala ang daan palabas.
Ininda niya ang sugat at gasgas na natatamo sa mga bubog na nakikiskis sa kaniyang katawan at nagtuloy-tuloy pa rin. Idinaan na lang niya sa pag-iyak at hiyaw ang sakit na nadarama upang magpatuloy; luhaan siya dahil sa usok na nakukuha ng kaniyang mga mata at dahil na rin sa panlulumo niya nang maalalang nasa loob si Steve at napakalapit sa pinagsabugan. Masakit mang isipin, pero alam niyang nagkapira-piraso na ito ngayon, wala nang kabuhay-buhay pa at hindi na maibabalik ang buhay na nawala. Kasalanan na naman niya, isang buhay na naman ang kapalit para sa kaniya, walang-wala na siya.
Ngunit sa kabila ng labis na padadalamhati ay hindi siya tumigil at sumuko, saglit lamang siyang sumisinghap ng hangin at saka mabilis na nagpatuloy bago pa man siya masakal ng usok o matusta ng apoy. Tanging braso na lang niya ang 'di gaanong sumasakit at lubos ding kapaki-pakibang sa kaniyang sitwasyon, sapagkat ramdam talaga niya ang 'di mawaring sakit sa buong katawan na hindi na niya magawang igalaw. Hanggang sa hindi nagtagal ay nakapa na lang niya ang paanan ng pintuan, muli siyang naglakas-loob at inabot ang busol ng seradora nito at saka malakas na pinihit ito pabukas at hinila pabalik. Nang makagawa siya ng kaunting siwang ay dali-dali niyang hinila ito pabukas saka gumapang palabas; ksabay ng tuluyang paglabas niya ay siya ring paggapang palabas ng makapal na usok mula sa loob ng bahay.
Ubo siya nang ubo habang pinipilit na tumayo at bago pa man siya maabutan ng mga maaaring reresponde ay dali-dali siyang tumakbo papasok sa kadiliman, kahit na paika-ika man at maya't mayang napadarapa ay pinilit niyang tumawid hanggang sa marating niya ang dating pinagtataguang bahagi. Hinihingal siyang napasandal sa magaspang na kahoy malakas na dumadaing at humihikbi, sa kabila ng sakit na nadarama niya ay hindi pa rin siya mapalagay nang sa lakas na apoy na unti-unting tumutupok sa bahay ay naliliwanagan pa rin siya. Kung kaya't nanginginig niyang binuksan ang backpack niyang 'di gaanong natusta, habang kinakapa niya sa loob ang pinapakay ay kitang-kita naman niya ang nasunog niyang braso na namamaga, pati na rin ang damit niyang natunaw at ang mas malala pa ay dumikit ito sa kaniyang balat.
Dali-dali naman niyang hinugot palabas ang paketeng naglalaman ng droga, binuksan niya rin ito at saka kinuha ang tabletang kulay dilaw. Agad niya itong nilunok at saka uminom ng kaunting tubig mula sa isa pa niyang baon, at ang natitirang laman nito ay ibinuhos niya sa nanhahapding braso saka malakas itong hinipan upang pawiin ang hapdi. Hanggang sa kalaunan ay umepekto na rin ang drogang nilunok niya't naramdaman niya ang pamamanhid ng buong katawan, nawala ang sakit na lumulukob sa kaniyang katawan kung kaya't dali-dali na siyang tumakbo sa loob ng kagubatan, papalayo sa umaapoy na bahay habang pilit sinasanay ang sariling mga mata na nanhahapdi sa dilim.
Sa kabila ng drogang naging kaantabay niya sa gipit na sitwasyon ay hindi pa rin nito magawang pawiin ang sakit na nadarama ng kaniyang damdamin sa kaloob-looban; kumikirot pa rin ang kaniyang puso sa pagkamatay ni Steve at alam niyang pagsisisihan niya ito sa buong buhay. Hindi na niya alam pa kung mapapatawad pa ba niya ang sarili sa nagawa, pero alam niyang sa bawat segundong lilipas ay aatakehin siya ng bangungot ng kamatayan nito.