"NEVADA! SUMAKAY KA NA DALI."
Habang nag-aabang sa tabing kalsada ay tumigil sa kaniyang harapan ang isang taxi kung saan nasa likurang bahagi si Steve na agad siyang pinagbuksan. Alam niyang hindi pa siya ligtas sa labas ng ospital, kung kaya't 'di na siya lumingon pa at dali-dali lumapit at saka sumampa papasok ng kotse. Sa loob ay tumabi siya sa lalake at napasandal sa kinauupuan, saka pinahayag sa drayber ang lokasyon na kanilang patutunguhan. At kapuwa sila nakampante nang makitang papalayo na sila sa ospital; malalim namang napabuntong-hininga si Nevada upang pagaanin ang mabigat niyang dibdib dahil sa lubusang pag-aalala, hanggang ngayon ay kinakabahan pa rin siya't malaking palatandaan nito ang kamay niyang nanginginig at ang tumatagaktak na pawis na napakalamig.
"Akin na 'yang kamay mo." Utos ng lalake't diretsong hinila ang magkabilang kamay niya, "Hindi ka pa talaga sanay Nevada, ramdam kong may pag-aalinlangan ka pa." komento nito at minasahe ang kamay niya.
"M-Medyo, m-may pagkakataong nagdadalawang-isip ako sa 'king desisyon o kaya'y pagkatapos ko n-na ito mararamdaman." Turan niya't tinitigan sa mata ang lalake.
"Ganiyan talaga 'yan, huminga ka muna ng malalim Nevada." Payo nito at tuloy-tuloy lamang sa pagmasahe ng kamay niya, "Inhale...exhale." Gabay ng lalake na sinusunod naman niya, "Pero bakit? Ano bang nangyari at nagkaganiyan ka? Hindi ka naman nagkakaganito no'ng nakaraan?" bulong na tanong nito.
"Nakasabay ko kasi yung tatlo 'paglabas ko," bulong niyang sagot upang 'di marinig ng nagmamaneho, "Akala ko, mahuhuli na nila ako." Dagdag niya.
"Wala akong tubig, bibili na lang tayo mamaya pagdating."
"S-Salamat Steve," aniya habang minimentina ang tamang ritmo ng paghinga, nanghihina pa rin siya't mistulang nanlambot ang kaniyang buto na batid niyang hindi na siya makakalakad pa, parang binabalot din ng yelo ang laman dahil sa lamig na nagmumula sa kaloob-looban.
"Walang anuman, buti na lang at naabutan pa kita." Sabi nito na halatang nag-aalala, "Kumusta ang trabaho?"
"Maayos naman, pero mamaya na tayo mag-uusap tungkol diyan." Aniya at hinila pabalik ang kamay, "Kailangan ko ulit ang tulong mo."
▪▪▪
Saktong paglabas ni Nevada sa banyo ay napalingon kaagad si Steve sa gawi niya, saglit lang naman siyang tinignan ito at agad na nagbalik ang atensyon sa kaharap na laptop matapos makitang nakatuwalya lang siya. Habang hawak-hawak ang tuwalya na nakapulupot sa katawan ay agad niyang tinungo ang kalapit na kabinet at binuksan ito upang mamili ng susuotin. Dahil sa nakatalikod naman ang lalake sa kaniya ay hindi na alintana sa kaniya ang sitwasyon at agad na nagbihis, simpleng maong na shorts lamang ang sinuot niya at maluwang na damit upang maging kumportable ang pakiramdam lalo pa't dapit-hapon na at napakainit ng panahon. Nagsusuklay pa siya ng sariling buhok nang daluhan niya ang lalake at nakatayong tinabihan ito, inakbayan niya rin ito at saka nakibalita sa inutos niya sa lalake kanina pa.
"Nahanap mo na ba siya?" tanong niya na hindi inaalis ang tingin sa monitor ng laptop nitong abalang-abala ayon sa pinaggagawa ng lalake.
"Oo, pero may dapat kang malaman." Saad nito na ikinabahala niya dahil sa tono nito, kahit 'di pa niya alam ito ay tinamaan kaagad siya ng kaba at nanlamig sa 'di maipaliwanag na takot.
"Ano yun?"
"May nabasa akong artikulo kanina patungkol sa krimen sa Brisven City General Hospital, alam na nila ang tungkol sa 'yo." Sabi nito at binisita ang isang website na tagabalita sa publiko.
At mas lalo siyang nangamba sa panimula ni Steve, sa katahimikan ay umaalingawngaw sa kaniyang isipan ang kaniyang kinatatakutan na baka naisapubliko na ang kaniyang pagkatao.
"A-Ano pa ang sinabi? M-May ibang detalye pa ba?"
"Heto," iniharap nito sa kaniya ang laptop, "Nagawan ka nilang kunan ng imahe sa surveillance cameras ng elevator at inilakip na nila ito sa balita dahil sa ikaw ang tinuturong suspek sa kamatayan ni Emil at Jade. Suportado rin ito ng mga nurse sa oras na yun dahil sa ikaw ang huling bumisita kay Emil."
Sa pinahayag ng lalake ay bahagyang humupa ang pangamba niya, "Si Vanadia Dela Cruz lang ang alam nila at malayong-malayo pa 'yang larawang hawak nila sa totoo kong mukha." Aniya patungkol sa kabutihang panig ng masamang balita, "Hindi pa nila ako matutunton." Paniniguro niya sa lalake.
"Kahit na, mautak din ang Black Triangle Nevada." Salungat nito, "Hindi magtatagal ay makikilala ka nila lalo na't hindi mo pa natatapos ang misyon mo, hindi mo pa sila nabubura."
"Pag-iigihan ko ang mga susunod na gagawin, alam kong magiging delikado na para sa 'kin ang paglabas kaya kailangan kong maging mas maingat."
"Kung sana dinulog mo sa 'kin ang plano mo, magagawan ko pa sana ito ng paraan na 'di ka mahahalata. Umalis ka lang na 'di ko alam, kahapon pa. Ngayon ay tiyak na daan-daang miyembro na ang naghahanap sa 'yo." Pangaral ng lalake sa kaniya.
"P-Pasensya na," tanging nasabi niya, "Gusto ko lang talaga na matapos ito."
"Nevada h'wag mong kalimutan na may kasama ka pa, narito pa ako na tutulong sa 'yo upang bigyan ng hustisya ang kamatayan ng mga magulang mo." Sabi nito na ikinalambot ng kaniyang puso, ramdam niya rin ang kung anong bumibikig sa lalamunan at ang pag-init ng magkabilang mata. "H'wag mong madaliin ang lahat na halos hindi mo na ito pag-iisipan na magreresulta sa pagsisisi. H'wag basta-bastang papatay lang, magplano ng maigi na walang sasabit at maiiwang bakas. Balang araw ay makakamit mo rin ang hustisya."
"S-Salamat." Aniya, "At ano na ang gagawin natin ngayon?"
"Ituloy mo lang ang ating nasimulan, pero sa ngayon ay ako na ang masusunod at magpaplano."
"S-Sige," pagsang-ayon niya, "Nasaan na ba si Pluto?"
"Ngayon ay kasalukuyan siyang nasa Llanos compound, kasama ang pamilya niya." Nag-aalalang sagot ng lalake, "Mahirap pasukin yun dahil kilalang napakahigpit ng seguridad ng compound; makakapasok ka nga, pero malabong makakalabas ka ng buhay o hindi natutunugan."
"Mahirap nga 'yan," komento nito at saglit na natahimik na halatang nag-iisip, "Gaano ka ba ka-desperadong makuha ang lalake?" tanong nito.
"Sapat na upang isugal ang sariling buhay ko, siya ang magiging tulay ko para makilala ang grupong nanloob sa 'ming bahay no'ng gabi na yun." Rason niya, "Kailangan nating mapalabas si Pluto sa compound saka siya dadamputin, mas ligtas yun at 'di na kailangan pang sumugal." Suhestyon niya.
"Magandang plano 'yan, pero paano? Paano natin siya mapapalabas?"
"Puwede natin siyang hintayin lumabas, imposibleng magkukulong na lang siya sa compound na yun. Aalamin natin ang mga nakasanayan niyang gawin."
"Teka, kanino mo nalaman ang tungkol kay Pluto at ang koneksyon niya sa pamilya mo?" biglang tanong ni Steve na ikinagulat niya.
"Kay Jade," mabilis niyang sagot at agad na nabaling ang tingin sa monitor ng laptop upang 'di mahalatang nagsisinungaling siya, "Bago ko siya pinatay ay nakunan ko siya ng impormasyon." Aniya upang itago ang koneksyon niya kay Tobias, dahil para sa kaniya'y mas maiging wala itong kaide-ideya tungkol sa lalake batay sa kutob niya, isa pa'y hindi na niya rin kokontakin pa ito at tanging ang lawa lang ang magiging huli nilang koneksyon.