webnovel

Kabanata Tatlo [3]: Simoy ng Kasamaan

Pagpasok niya sa sariling apartment ay nakakabinging katahimikan ang bumungad kaagad sa kaniya. Tahimik lang din naman siya't agad na hinubad ang sandalyas na may mga lupa pang kumakapit at itinabi ito sa gilid ng pintuan.

Dahil sa mangilan-ngilang dumi na kumapit sa paa niya'y ipinahid niya muna ito sa malapad na basahang nasa sahig bago naglakad at tinungo ang pabilog na mesa sa kusina niya. Inilapag niya sa ibabaw nito ang laptop na hiniram niya't saglit itong iniwanan.

Sunod niyang nilapitan ang 'di kalakihang refrigerator niya sa may kaliwang gawi at binuksan ito. Napayuko naman siya at mula sa gitnang bahagi ng nito ay kinuha niya ang isang pitsel na may lamang tubig at inalis ang takip nito, 'di na siya nag-abala pang kumuha ng baso at diretso niyang nilagok ang laman nito pumapawi sa panunuyo ng kaniyang lalamunan.

Matapos uminom at maibalik sa pwesto ang pitsel ay binuksan naman niya ang nagyeyelo na compartment sa ibabaw na parte ng refrigerator at doon hinila niya ang naninigas at napakalamig na garapon. Tiniis lamang niya ang nakakapasong lamig nito at saka pwersahan at mabilisang binuksan ito.

Hinila kaagad niya palabas ang nag-iisang laman nito at saka ibinalik ang garapon sa loob. Masusi naman niyang sinuri ang hawak-hawak niya at napagtanto niyang maayos pa rin naman ang kalagayan ng pinriserba niya; gano'n pa rin ang hitsura nito, maliban nga lang sa binabalot ito ng manipis na yelo.

Mula sa bulsa niya'y hinugot niya ang isang namasamasang balat na may naka-tattoo na itim na tatlusok at iilang may bakas pa ng dugo. Napatitig naman siya sa dalawang piraso ng balat na hawak-hawak niya at napangiti siya sa katotohanang siya ang naglakas-loob at kusang kumuha nito mula sa may-ari.

Ilang saglit pa, nang maramdaman niyang natutunaw na ang manipis na yelo sa isang piraso ng balat ay dali-dali niya itong ibinalik sa garapon kasama ang bagong piraso. Mahigpit niyang sinarhan ito saka isinara na rin ang refrigerator.

Hindi naman siya nagtagal sa kusina at kinuha niya ang laptop na iniwanan sa mesa at dumiretso na sa nag-iisa kwarto ng apartment. Pagpasok niya'y inilapag niya ang laptop sa higaan at sa tabi nito'y roon siya bumagsak at napahiga. Kahit medyo nagugutom siya ay binalewala lamang niya ito at sa pagod niya'y napatitig na lang siya sa kisame.

Nang simulan niyang alalahanin ang mga pangyayari kanina ay nagsimula na namang sumibol ang konsensya mula sa kaloob-looban niya dulot ng ginawa niya kay Emil at pati na rin kay Jansen; may parte sa kaniyang sistema na naaawa dahil sa parang sobra-sobra na ata ang ginawa niya.

Pero nang alalahanin naman niya ang rason niya kung bakit niya ito ginagawa ay muling nanigas ang loob niya't binalot siya ng poot. Nais niyang ipaglaban ang hustisya ng panggagahasa sa kaniya at hinding-hindi siya susuko hangga't hindi siya nakakaganti sa lumapastangan sa kaniya't pati na rin sa mga salarin sa pagkamatay ng pamilya niya. Gagawin niya ang hindi magawa ng mga pulis na hanggang ngayon ay wala pa ring ginagawang aksyon.

Dahil sa hindi naman siya tinatamaan ng antok dulot ng drogang ininom ay napaupo na lamang siya at hinila ang laptop ni Steve mula sa tabi. Dali-dali niyang binuksan ito at saka binuhay na rin ang naka-kabit nitong Wi-Fi. At ilang saglit pa'y nabuksan niya rin ang YouTube na website at doon niya itinipa ang username ni Emil.

Binisita niya ang channel ng lalake't isa-isa niyang pinanood ang lahat ng videos nito; masusi niyang inobserbahan ang mga palabas nito at hinahanap ang mga parte na may koneksyon sa grupo ng Black Triangle. Ang mga nakakalap naman niyang impormasyon o ideya ay agad niyang isinusulat kwaderno; ang mga pangunahing tao na nasama sa mga videos, ang mga lugar kung saan sila nagpunta, at ang mga tao na may kaugnayan sa kanila.

Alam niyang napakahaba pa nitong proseso na ito kumpara sa kakausapin niya ng personal ang tao na pakay niya. Ngunit, sadyang dalawang beses na talaga siyang pumalpak at wala siyang napiga ni katiting ideya man lang tungkol sa malagim na gabing iyon, kung kaya't pagtatiyagaan na lang niya muna itong proseso niya at sisiguruhing hindi siya papalpak.

▪ ▪ ▪

Pasado ala una na ng madaling araw nang matapos siya't nakakuha ng tatlumpu't walong pangalan na may potensyal na kasapi sa miyembro mula sa YouTube channel ni Emil. Plano naman niya na masusing pag-aaralan itong mga pangalan na nakalap niya; kakailanganin niya ang mga personal at pangunahing impormasyon nito hanggang sa makakahanap siya ng matibay na ebidensya na mag-uugnay sa kanila sa grupong Black Triangle.

Napabuntong-hininga na lamang siya't iniligpit ang mga papel na pinagsulatan saka itinago ito sa ilalim ng unan. Sumandal naman siya sa dingding ng kwarto at pinahinga ang likod niyang nangangalay saka inilipat ang laptop sa ibabaw ng hita niya. Doon ay napagpasyahan niyang buksan ang sariling dummy account sa Facebook na ginawa niya lang kahapon.

Tinignan niya kaagad ang Facebook page ng Black Triangle at binasa niya ang mga posts nito, pati ang mga komento nitong kalakip ay hindi niya pinalagpas at binasa niya rin lahat. Ang mga larawan naman na nasa loob ng page ay kinuha niya't inipon sa laptop ni Steve bilang reperensiya sapagkat may namumukhaan siyang mga tao roon mula sa listahan niya.

Matapos ang pangangalap niya ng impormasyon sa page ay tinignan niya naman kung ano na ang balita tungkol sa kaniyang ginawa kahapon. At kusa naman siyang napangiti nang mabasa at malamang umaayon nga ito sa kaniyang gusto.

Tinanggap na ng mga kaibigan nina Emil at Jansen ang friend request niya kahapon; kadalasa'y mga lalake ang tumanggap sa request niya na halatang naloko sa pekeng katauhan na ginamit niya, at mangilan-ngilan lang din naman ang mga babae.

At ang blangko niyang news feed kahapon ay may laman na rin. Tadtad ito ng mga nakaka-antig na mga mensahe ng iilang tao tungo kay Jansen na namatay sa sunog at sa kay Emil na kasalukuyang nasa emergency room ngayon, lahat ng ito'y nagmumula sa mga kaibigan nila't ang iilan sa mga ito ay nasa listahan niya.

Isang post naman nagmumula sa isang babae ang kumuha sa kaniyang pansin; ito ay isang larawan ng babaeng umiiyak sa ibabaw ng isang puting kabaong. Nang palakihin niya ang larawan nito ay napagtanto niyang si Jansen pala iyong lalakeng nasa picture frame sa ibabaw ng kabaong.

Tinignan niya ang detalye ng post nito at napag-alaman niyang 'di pala gaanong malayo ang lokasyon ng pinaglalamayan ni Jansen mula sa apartment niya. Kung kaya't dali-dali niyang itiniklop ang laptop at itinabi ito.

Hinugot niya rin mula sa ilalim ng unan ang sariling smartphone at binuksan ito saka diretsong kinontak si Steve. Sa simula'y purong ring lang ito at hindi nasagot ngunit hindi siya tumigil at makailang ulit niyang ini-dial ang numero nito, hanggang sa ika-anim na beses niyang pagkontak ay sinagot na rin nito.

"Steve?"

"Ba't ka napatawag? Ala una pa lang Kariah, kakatulog ko lang kaninang alas dose." Reklamo nito na ibinubulong, "Antok na antok pa ako."

"Bumangon ka riyan, dadalo tayo sa lamay ni Jansen."

次の章へ