webnovel

Kabanata Dalawa [2]: Unang Atake

Nang makapasok siya sa banyo ay agad niyang hinubad ang maiksing uniporme at isinilid ito sa loob ng dala-dala niyang backpack kasama ang high-heels niyang sandals. Humarap din siya sa salamin at nakita niyang maayos pa rin ang pagkaka-bun ng kaniyang buhok matapos hubarin ang mahigpit niyang uniporme.

Wala na siyang inaksaya pang oras at inayos kaagad ang kaniyang panloob na damit; ang nakalulon niya na mahabang manggas ng kaniyang suot-suot na itim na leotard ay hinatak niya at iniladlad upang takpan ang braso niya, at ang nakalulon din niyang itim na leggings ay hinatak niya pababa at tinakpan ang mga binti niya.

Mula sa backpack niya'y inilabas niya ang isang holster at ito'y ikinabit sa kaniyang kaliwang hita, kasunod nito ay ang kaniyang Glock-19 na baril na isinilid niya sa holster matapos tignan ang magazine. Huling kinuha niya mula sa backpack niya ay isang brass knuckles na ikinabit niya kaagad sa kaniyang kanang kamay.

Nang marinig niyang pumasok na ang lalake sa kwarto nito ay dali-dali niyang sinuot ang kaniyang backpack at naghanda habang hinihintay ang tamang pagkakataon upang kumilos. Ilang saglit pa'y narinig din niya ang papalapit na mga yabag nito sa kaniyang kinalulugaran.

Nang biglang bumukas ang pinto ng banyo ay agad niyang sinapak ang mukha ng lalakeng nasa bungad. Dahil sa suot-suot niyang brass knuckles ay diretsong bumagsak ang lalake sa sahig na hilong-hilo.

Ilang saglit pa'y natigil din ang lalake sa kakadaing at nagkamalay na rin ito sa kaniyang paligid. Doon na siya ulit kumilos at hinugot niya mula sa holster ang kaniyang baril at saka itinutok ito nang direkta sa noo ng lalake.

Biglang namutla ang lalake nang makitang may baril siyang hawak-hawak at ito'y nakatutok pa sa kaniya. Bakas din sa pagmumukha nito ang pagkagimbal at 'di makapaniwalang hitsura nang mamukhaan siya nito.

"I-Ikaw 'yong s-saleslady s-sa mall," nauutal niyang pahayag, "Ikaw si Nevada."

Natahimik ang lalake't hindi na ito nakapagsalita pa; nanginginig ito at namumutla habang nakapako lamang sa kaniya ang tingin. Samantalang siya naman ay tahimik na natutuwa, sa kaloob-looban niya ay lubos siyang nagpupugay sa mga nangyayari.

"Sundin mo ang iuutos ko kung ayaw mong butasan ko 'yang noo mo." Banta niya sa lalake.

Hindi siya pumalya at napasunod niya nga ang lalake sa takot. Nanginginig nitong itinaas ang magkabilang kamay animo'y sinasabing sumusuko na siya. Doon na siya kumilos at nakapaang humakbang palabas ng banyo papalapit sa pwesto ng lalakeng titig na titig sa kaniya.

Nang iilang talampakan na lang ang layo nila ay nakatutok pa rin ang baril niya sa ulo ng lalake. Sa malapitan ay kitang-kita niya ang namumula at naluluhang mga mata nito at napansin niya ring nahihirapan na itong huminga dahil sa kaba.

"Tumalikod ka." Utos niya sa lalake.

Takot na takot ang lalake at walang pagdadalawang-isip itong tumalikod habang nananatiling nakataas pa rin ang kamay.

"Mamaya na tayo mag-uusap." Bulong niya't buong-lakas na hinampas ng baril ang batok ng lalake, "Magpahinga ka muna ng maayos, magiging mahaba ang gabing ito."

Bumagsak ito at nawalan kaagad ng malay. Dali-dali niya itong dinaluhan at mahigpit na hinawakan ang magkabilang binti ng lalake, nagbilang muna siya ng tatlo bago hinila at kinaladkad ang katawan nito palabas ng kwarto.

May kabigatan din ito at nahihirapan siyang kaladkarin ito ng tuloy-tuloy, panandalian siyang tumitigil upang huminga at magpapatuloy ulit kapag makakabawi na ng lakas.  Kinaladkad niya ito hanggang sa mapadpad sila sa kusina ng apartment nito.

Nang mapasok niya ang katawan nito sa kusina ay binitawan niya ang mga binti nito't hinayaang bumulagta muna sa sahig. Tinulak at itinabi niya ang nakapwestong lamesa sa gitna at ito'y pinalitan ng isang puting upuan na gawa sa plastik. Nang mahanda na ito'y binalikan niya ang lalakeng wala pa ring malay at hinila ito papalapit sa upuan.

Kalaunan ay inayos niya ang pagkakahiga ng lalake. Itinaas niya ang magkabilang tuhod nito at inapakan ang mga paa bilang harang. Hinawakan niya naman ang magkabilang kamay nito at pinag-ekis, saka pabiglang hinila ang lalake patayo. Mabilis siyang umikot at tinalikuran ang lalake at namalayan niya na lang na dumagan na ang mabigat nito kaniyang likod.

Binuhat niya ang lalake at ipinaupo ito sa nakalaang upuan. Ipinuwesto niya ito ng maayos at isinandal sa upuan na nakabalanse upang 'di mahuhulog o matutumba.

Inalis niya muna ang kaniyang pansin sa lalake at ibinaba niya ang sariling backpack sa sahig. Hinalughog niya ang laman nito hanggang sa mahanap niya ang isang rolyo ng duct tape.

Ginamit niya ito at upang talian ang lalake; binalot at ibinigkis niya ang magkabilang binti ng lalake sa binti ng upuan at siniguro niyang nakabalot talaga ito mula mula bukong-bukong hanggang tuhod ng lalake, ang magkabilang kamay naman nito ay hinila niya sa likod ng upuan at doon binalot ng duct tape na hindi sakop ng paningin ng lalake. At ang bibig din niya'y hindi rin nakaligtas at binusalan din ito ng duct tape.

▪ ▪ ▪

Habang hinahanda ni Nevada ang kagamitan niya ay narinig niya ang mumunting ungol ng lalake. Nang lingunin niya ito ay nakumpirma niyang gising na nga si Jansen at parang pinoproseso pa lang nito ang kaniyang sitwasyon.

"Sapat na ang tatlong oras na tulog para sa gabing ito." Aniya sa lalake, "Magsisimula na tayo."

Hinayaan niya lang ang lalake na magpumiglas at umungol sa kinauupuan hanggang sa tuluyan na itong mawalan ng pag-asa at mapagod; hahayaan niya muna itong sumubok man lang para sa nalalabi nitong buhay.

Binuhay niya ang gas stove at pinasiklab ang kulay asul nitong apoy. Napatitig naman siya sa naglalagablab na apoy at saglit na dinama ang init nito. Mula sa sisidlan na nakalagay sa kaliwang bahagi ng kusina ay inabot at hinugot niya ang isang malapad na butcher's knife, ipinakita niya ito sa lalake bago direktang inilapag sa apoy.

Nang pagtuonan niya ng pansin ang lalake ay nakita niyang namumula na at parang sasabog na ito sa matinding galit. Hindi na ito nagpupumiglas at humihingal na ito sa pagod, gaya ng inaasahan niya'y wala talagang binatbat ang katawan ng lalake sa higpit ng duct tape na nakatali sa kaniya.

"Simple lang naman ang gagawin natin ngayon. Kung gusto mong matapos kaagad ito, sabihin mo lang ang totoo at magiging madali lang 'to."

Hindi sumagot ang lalake at napakasama ng titig na ipinukol nito sa kaniya, animo'y binabalak na siyang patayin. Subalit, wala itong epekto sa kaniya. Nginitian lamang niya ang lalake at ipinakita ang cutter na hinugot niya mula sa gilid ng backpack.

次の章へ