webnovel

CHAPTER 1: STRANGERS IN COAT

MAHABANG pasilyo ang nilalakad ni Misha habang may dalawang nurse na nakaantabay sa kanyang tabi. Lumilipad ang isip niya sa kung anu-anong mga bagay. Mayroon daw kasing mga taong gustong kumausap sa kanya sa 'di niya malamang dahilan.

Sa isang taong pamamalagi niya rito sa loob ng rehabilitation center ay ngayon lang siya nagkaroon ng dalaw. Kaya naman labis niya itong ipinagtataka.

Wala na rin siyang pamilya para asahan niyang dadalaw sa kanya. Mag-isa lamang siyang anak at namatay na sa isang aksidente ang kanyang mga magulang isang taon na rin ang nakakaraan—bagay na lalong nagtulak sa kanya para mapadpad sa lugar na ito matapos siyang hiwalayan ng dating asawa.

Malayo pa lang ay tanaw na niya ang isang babae't isang lalaki na matamang naghihintay sa may bench ng malawak na harden. Nakasuot sila pareho ng black suit, American attire. Napaka-pormal ng hitsura nila at halatang nagta-trabaho ang mga ito sa isang malaking kompanya.

'Ano kaya ang kailangan ng mga 'to sa'kin?' Tanong niya sa sarili.

Weird ang pakiramdam niya sa prisensya ng mga ito kaya kung kinakailangan niyang magbaliw-baliwan at ipalabas na hindi pa talaga siya lubusang magaling ay gagawin niya.

MALAKAS ang kabog ng kanyang dibdib nang tuluyan na silang makarating sa kinaroroonan ng mga ito. Pinili niyang huwag magsalita hangga't hindi pa kailangan. Aalamin muna niya ang totoong pakay ng mga ito sa kanya.

"Please, have a seat Mrs. Lewis—" nakangiting bungad sa kanya ng babae't inihanda pa ang mauupuan niya. Ngunit, agad namang bumawi ang babae nang makitang bigla niya itong  tinitigan ng masama. "Oh, I forgot! I'm sorry, Ms. Ramirez."

Marahan naman siyang umupo sa itinuro nitong upuan nang walang binibitawang ni isang salita.

'Hmmm kilala nila ako. At mukha ring may alam sila tungkol sa nakaraan ko.' Nasabi niya sa sarili.

"Ako nga pala si Nagi. Isa akong Black American, Federal Agent mula sa Viper Institute," pagpapakilala ng babae sa kanya. Ngunit hasa ito sa pananagalog.

Inilahad nito ang kamay upang selyuhan ang pagpapakilala ngunit tinitigan lamang niya iyon.

"A-ah..." Nag-aalangan namang binawi na lang ng babae ang kamay nito matapos ang ilang sandali. Tiningnan nito ang lalaking kasama at maging ang dalawang nurse na kasama niya. Halatang napahiya ito. Ngunit, pilit pa rin itong ngumiti. Tila natatakot itong magalit siya sa kanila.

"A-at siya naman pala si Rod. Isa rin siyang Federal Agent katulad ko," pagpapakilala ng babae sa kasama.

"Hi! Ikinagagalak ka naming makilala," bati ng lalaki sa kanya.

At kagaya ng nauna'y hindi niya ito sinagot. Nanatili siyang nakatingin sa lalaki na parang kaya niyang sindakin ito sa mga titig na iyon.

'At ano naman ang kailangan sa'kin ng mga Federal Agents na 'to?' Natanong niyang muli sa sarili.

Pinag-aaralan pa rin niya ang kilos ng mga ito. Wala talaga siyang ma-isip na dahilan at kahit pilit man niyang alalahanin ay hindi niya matandaang nakita na niya ang mga ito noon.

"Pasensya na kung naabala ka namin, Ms. Ramirez. At kung nabigla ka sa pagpunta namin dito. Kaya lang naman kami narito ay para sunduin ka," muling paliwanag ng babae.

Bigla siyang nagulat sa sinabi ng babae. Agad siyang napatayo at hinarap ito. Buong akala niya'y dito na siya sa mental hospital tatanda.

"Sino ba kayo? Ano bang kailangan niyo sa isang baliw na katulad ko?" Hindi na niya napigilang magsalita sa pagkakataong ito.

"Kagaya ng pakilala namin kanina'y mga Federal Agents kami. Nais ka naming bigyan ng bagong buhay, bagong pamilya, at bagong tahanan. According to your latest medical records... you are fully recovered. Magaling ka na, Misha. Kaya hindi ka na nababagay pa sa lugar na ito," sagot ng babae sa mahinahon na tono't nilangkapan pa ng matamis na mga ngiti.

"Hindi!" singhal niya. Nanlilisik ang mga matang sinugod niya ito at hinawakan ang babae sa kuwelyo ng uniporme. "Hindi ko kayo kilala at lalong hindi niyo ako kilala! Kaya, paano niyo 'ko bibigyan ng pamilya at bagong buhay na sinasabi niyo? Naglolokohan ba tayo rito?"

Agad naman siyang inawat ni Rod at ng dalawa pang nurse na nakabantay sa kanya. Pilit siyang inilayo ng mga ito sa babae na noo'y sobrang nabigla sa ginawa niya.

"Ms. Ramirez... please, calm down. Wala kaming masamang gagawin sa 'yo. Narito kami para tulungan ka," saad naman ng lalaking Federal Agent.

Sarkastikong tumawa si Misha. "Tulungan? Tsk! Nahihibang na ba kayo? Papaanong nangyari na ang mga Federal Agents ng Viper Institute ay nag-aampon na rin pala ngayon ng mga baliw mula sa mental? Parte na rin ba 'to ng trabaho niyo o may kailangan lang kayo sa'kin kaya kayo nagpunta rito?" pambubuska niya.

Sandaling nagtitigan ang dalawa pagkuwa'y ibinaling ang atensyon sa dalawang lalaking nurse. "Maaari niyo ba kaming iwan muna sandali?" tanong ni Nagi sa mga ito.

Agad namang tumalima ang dalawa at mabilis na nilisan ang lugar.

"Sige. Tatapatin ka namin, Ms. Ramirez," ani Nagi. "Kaya kami narito ay para sundin ang utos ng nakatataas."

"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong niya.

"Tama ka. May kailangan nga kami sa 'yo. Isa ka sa mga qualified person na binibigyan ng pagkakataon na makapag-trabaho sa Viper Institute bilang isang secret agent," paliwanag ng babae.

"Wala akong natatandaang nag-apply ako para sa posisyong 'yan! At lalong-lalo na... wala akong planong magtrabaho sa Viper Institute!" mariin niyang sagot.

'Balak na rin ba akong paglaruan ng mga tao ngayon dahil sa sirang-sira kong pangalan?' Galit na tanong niya sa sarili.

"Pinaniniwalaang sangkot ang dati mong asawa sa pinakamalaking drug syndicate ng bansa, Ms. Ramirez."

"At ano naman ang pakialam ko?" mataray niyang sagot. 

"Kailangan namin ng tulong mo. Higit kanino man, ikaw ang mas nakakakilala sa kanya," saad ni Rod.

"Ah... So, gagamitin niyo 'ko para mahuli siya, ganoon ba? Baka hindi niyo pa rin alam na magda-dalawang taon na kaming hiwalay?" natatawang sagot niya.

Mahigit isang taon na ngang wasak na wasak ang buhay niya. At dahil ito sa lalaking pilit na niyang kinalimutan. Ngunit, dahil sa makasariling mga naka-unipormeng ito'y nabali-wala lang lahat nang paghihirap niya dito sa loob ng Mental Hospital. At ngayon ay sariwa na naman ang sakit sa kanyang dibdib na tila kahapon lang iyon nangyari.

Ramdam pa niya sa pisngi ang mga luhang inubos niya sa kanyang mga mata, dahil sa pag-iyak sa lalaking iyon.

Muli ring nabuhay ang kanyang galit, puot, at hinagpis. Huli na lamang niyang namalayang umiiyak na pala siya.

"Pasensya ka na, Ms. Ramirez. Hindi namin intensyong muling ipaalala sa 'yo ang sakit. Gusto naming tulungan ka upang maipaghiganti mo ang iyong sarili sa mga ginawa niya. Ito na ang pinaka-mainam na paghihiganting magagawa mo," mahabang paliwanag ni Nagi da kanya.

Matagal rin siyang hindi naka-imik at pinag-isipang mabuti ang mga sinabi ni Nagi.

Tama nga naman sila sa ideyang maipaghihiganti niya ang sarili mula sa dating asawa. At kung gugugulin niya ang buong buhay niya sa loob ng rehabilitation center na ito, walang mangyayari sa buhay niya.

Kung nagawang sirain at wasakin ng dati niyang asawa ang buhay niya'y kaya rin niyang ibalik ito sa lalaking iyon—ng sobra pa.

"Sabihin niyo lang ang dapat kong gawin," mariin niyang sagot. Pinal niyang disisyon at handa na siyang simulan ang kanyang bagong buhay.

"Humanda ka na ngayon Loven! Humanda ka na!"

...to be continued

次の章へ