Kalmado lang ang itsura ni Song Xiangsi, na para bang wala na talaga siyang
pakielam sa batang nasa sinapupunan niya. "Oo."
"Ayaw mo bang pagisipan mina?" Muling tanong ng gynecologist. Bilang
doktor, trabaho niyang bumuhay ng tao at hindi pumatay, kaya sa pinaka
huling pagkakataon, gusto niya sanang suyuin si Song Xiangsi na huwag
nalang iabort ang bata, pero nang makita niya ang pagkairita nito, wala na
siyang nagawa kundi ang ibalik ang resulta ng check up nito. "Wala naman
akong nakitang kahit anong problema sa kalusugan mo. Maghanda ka na.
Pagkalipas ng kalahating oras, ako mismo ang magoopera sayo."
-
Hindi pa man din nagtatagal sina Xu Jiamu at Lin Qianqian sa loob ng private
room ng Jade Wave Hotel, dumating na rin kaagad si Mr. Lin.
Kaya dali-daling tumayo si Lin Qianqian para yakapin ang tatay nito.
Samantalang si Xu Jiamu naman ay nanatili lang sakanyang kinauupuan, at
ngumiti lang ng bahagya bilang respeto, at yumuko rin kaagad.
Hindi nagtagal, dumating ang waiter dala ang menu. Si Mr. Lin ang unang
nagorder at pumili ito ng dalawang masustansyang putahe. Pagkatapos,
ibinigay naman ng waiter ang menu kina Lin Qianqian at Xu Jiamu.
Masayang binuklat ni Lin Qianqian ang menu at sa bawat putahe, palagi itong
tumitingin kay Xu Jiamu para tanungin ang opinyon nito, "Brother Jiamu, gusto
mo bang kainin 'to?"
Pero nang makarating na si Lin Qianqian sa pinaka dulong pahina ng menu, si
Xu Jiamu, na kanina pa nanahimik, ay biglang nagsalita, "Nagpunta ako rito
para makipagusap, at hindi para kumain, kaua orderin mo kung among gusto
mo."
"Oh." Nakangusong sagot ni Lin Qianqian, na wala ng nagawa kundi
mag'order nalang ng ilang putahe. Pagkatapos, inulit ng waiter ang mga order
at nang makumpirmang kumpleto na ang lahat, agad din itong umalis. Muli,
tumingin si Lin Qianqian kay Xu Jiamu para magtanong, "Brother Jiamu, may
gusto ka bang sabihin sa papa ko? Sige lang, sigurado naman akong
pagbibigyan ka niya."
Bilang respeto, ngumiti si Xu Jiamu at walang pagdadalawang isip na
nagsalita, "Hindi po tungkol sa negosyo ang gusto kong sabihin sa inyo."
Huminto siya ng halos dalawang segundo at napatuloy, "Pero kumain po muna
tayo."
Nanatili namang kalmado si Mr. Lin at masayang tumungo.
Hindi maintindihan ni Lin Qianqian ang nangyayari, kaya maya't-maya siyang
tumitingin kay Xu Jiamu para silipin ang reaksyon nito.
Dumating kaagad ang mga inorder nilang pagkain at hindi kagaya ng mga
tipikal na salu-salo ng mga mayayaman, kaunti lang ang mga putaheng
inorder nila, pero walang duda na sobrang ganda ng presentation kaya kahit
sinong makakaita ay talagang kakaganahang kumain.
Pero bukod tangi si Xu Jiamu dahil hindi talaga siya ginanahang kumain o
baka naman sadyang hindi lang talaga siya interasado sa mga kasama
niya…kaya nang ibaba ni Lin Qianqian ang chopsticks nito, napansin kaagad
nito na walang kabakas-bakas ang plato niya.
"Brother Jiamu, masama ba ang pakiramdam mo? Bakit ayaw mong kumain?"
Pero imbes na sagutin si Lin Qianqian, humarap siya kay Mr. Lin. "Uncle, yung
tanong niyo po sa akin, yan din po talaga ang gusto kong sabihin sa inyo
ngayon."
At dahil dito, ang nagaalalang Lin Qianqian ay hindi na napigilang mapangiti
sa sobrang saya, "Brother Jiamu, tinanong ni papa sayo kung kailan mo ako
papakasalan. Kailan mo ba talaga ako planong pakasalan?"
Walang emosyong tinignan ni Xu Jiamu ang nakangiting Lin Qianqian, at
muling hindi nagtagal, muling tumingin kay Mr. Lin. "Ang tungkol sa kasal na
'to, hindi kop o itutuloy."
At noong sandaling yun, biglang natigilan si Lin Qianqian at base sa reaksyon
nito, halatang hindi ito makapaniwala.
Maging si Mr. Lin ay nanlaki rin ang mga mata habang nakatitig kay Xu Jiamu.
Parehong hindi makapagsalita ang mag'ama.
At dahil dito, biglang nabalot ng katahimikan ang buong private room.
Samantalang si Xu Jiamu naman ay kabaliktaran ng dalawa at nanatili lang
siyang kalmado sa kanyang kinauupuan. Pagkalipas ng isang minuto, muli
niyang inulit ang sinabi niya, "Pasensya na po, hindi ko po pwedeng ituloy ang
kasal na 'to."