"Oo mahal ka niya, hindi lang niya sinasabi pero nakikita ko sa puso niya."
"Bakit mo sinasabi ito sa akin?"
"Malapit na ang 4th birthday ni Lin Lin. Kung hindi mo mamasamain, gusto ko sana na pumunta ka sa birthday party niya. Alam kong diborsyado na tayo pero hindi kita babawalan na dalawin at puntahan ang ating anak."
Ganito din ang sinabi sa kanya ni Mubai noong nagdiborsyo sila. Mula dito at sa iba pa niyang obserbasyon, alam niyang magiging mabuting ama si Mubai. Ito ang tanging dahilan kung bakit hinayaan niya na iwanan niya ang anak sa pangangalaga nito noon.
Noong mga nakaraang taon, may mga pagkakataon si Xinghe na gusto niyang makita ang anak pero pinipigilan niya ang sarili sa bawat pagkakataong iyon. Hindi niya kayang malaman ng anak niya na ang nanay niya ay isang taong walang silbi.
Pero nagbago na ang lahat ngayon.
"Okay," pagpayag ni Xinghe. Sa hindi maipaliwanag na rason, pakiramdam ni Mubai ay nakahinga siya ng maluwag ng marinig niya ang sagot ni Xinghe.
Akala niya ay tatanggihan na naman siya nito. Wala siyang ideya kung bakit inaabangan niya na marinig ang pagsabi nito ng oo.
Naging tahimik ang natitira pang oras ng kanilang paglalakbay.
Hanggang sa sinapit na nila ang ospital. Bumaba na ng kanyang kotse si Xinghe at deretsong lumakad patungo sa pasukan, ni hindi man lang lumingon para tingnan siya. Nakita na ni Mubai na nakapasok na sa ospital si Xinghe at saka siya nagmaneho paalis.
Habang naglalakad si Xinghe patungo sa silid ng kanyang tiyuhin, iniisip niya ang kanyang anak.
Kaya niyang harapin ang kahit ano sa mundo ng kalmado pero pag tungkol sa kanyang anak, ninenerbiyos pa din siya…
Makikilala kaya siya nito?
"Ate, nandito ka na," masayang bati ni Xia Zhi.
Napagtanto ni Xia Zhi na unti-unti na siyang umaasa sa kanyang ate noong mga nakalipas na ilang araw. Hindi na siya mapakali buong umaga ng wala ito.
Ngayong nandito na ito, napapalagay na siya.
"Ate, para sa akin ba ang mga ito? Ang bango nila." Komento ni Xia Zhi habang kinukuha ang bag na hawak-hawak niya, at inamoy pa nito ang mga heat-insulated lunchboxes na nasa loob.
Tumango si Xinghe at sinabi, "Oo, para sa iyo ang mga iyan."
"Kumain ka na ba, ate?"
"Oo, tapos na."
Masayang iniayos ni Xia Zhi ang kanyang tanghalian sa maliit na lamesa. Ipinaghanda siya talaga ni Xinghe, mayroon pang kasama na piraso ng steak!
Nagniningning sa kasiyahan ang mga mata ni Xia Zhi habang nginunguya nito ang pagkain. Nagtanong siya, "Ate, paano ka nakakuha ng oras para maghanda ng masarap na pagkain? Oo nga pala, kumusta ang paghahanap ng bahay? Nakakita ka na ba ng lilipatan natin?"
"Oo, nakakita na ako."
"Ang galing mo talaga ate, siguro niluto mo ito sa bago nating bahay. Saan ito, gaano ito kalaki at magkano ang buwanang renta?"
"Huwag ka magsalita ng may laman sa bibig. Tungkol sa bahay, makikita mo na lamang," sinaway siya ni Xinghe. Hindi niya alam kung paano niya ipapaliwanag kaya iniba na lamang niya ang usapan, "Kumusta si tiyo?"
"Bumubuti, kakainom lang ni tatay ng gamot at natulog na ulit…" sagot ni Xia Zhi habang sumusubo ng malaking piraso ng steak. Kitang-kita ang kasiyahan sa mukha nito, "Ate, ang tagal bago ako nakakain ng ganito kasarap na steak, pwede na akong mamatay kahit anong oras…"
Tulad ni Xinghe, kinailangan ni Xia Zhi na tipirin ang kaniyang pagkain dahil sa kakulangan nila sa budget. Pero kahit na sa ganoong kalagayan, nagawa pa din nitong tumaas hanggang maabot ang 180 centimeters, pero payat ito at walang muscle.
Tumingin sa kanya si Xinghe at malumanay na nagsabi, "Sa hinaharap, makakakain ka nan g steak kahit kailan mo gusto."
"Okay…"
Nararamdaman na ni Xia Zhi na gumaganda na ang takbo ng buhay ng kanilang pamilya. Bumalik na ang memorya ng ate niya, makakapagtapos na din siya at magsisimula nang magtrabaho, bumubuti na ang kalusugan ng kanyang ama at sa kanyang pagkagulat, isa palang programming genius ang kanyang ate.
Nagiging maganda ang takbo ng lahat nitong mga nakalipas na araw.
Naniniwala siyang patuloy na gaganda ang buhay nila. Ang susunod na hakbang ay makapag-impok ng pera para makabili sila ng sarili nilang bahay, para hindi na nila kailanganin pang umupa sa bahay ng iba.
Wala siyang kamalay-malay na natupad na pala ni Xinghe ang pangarap niyang iyon.
Makalipas ang isang lingo, nakalabas na ng ospital si Chengwu. Magpapagaling na lamang siya sa kanilang tahanan.
Dinala na sila ni Xinghe sa villa, ang bago nilang tahanan.