CHAPTER 3 - Ang Batang Lalaki sa Bar
Matapos ang limang taon. Sa Eden Wine Bar, sa isang koridor sa pinakamataas na palapag.
Sinamahan ni Ning Xi ang investors na nag-inuman buong gabi. Sumasakit na ang ulo niya at naghanap siya ng tahimik na lugar para magpalamig. Hindi niya inaasahang susundan siya ni Chang Li palabas at sa isip na lamang siya nakapaghandang kausapin ito.
"Chang, may kailangan ka bang sabihin?"
"Ning Xi, matanong ko lang, nag-apply ka bang mag-audition as female lead sa <The World>?"
"Oo, tapos?"
"'Di ka pwedeng pumunta bukas!" kahit na manager ni Ning Xi si Chang Li, heto siya at pinapayuhan ang artista na 'wag pumunta para sa isang malaking role sa entertainment industry.
'Di na nagulat si Ning Xi at napataas na lang ang kilay, "Dahil?"
"Una sa lahat, itinago mo 'to at 'di mo sinabi sa akin, tapos ngayon kukuwestiyonin mo ang dahilan ko? At saka, 'di mo ba alam na inayos na ng kumpanya na si Ning Xueluo ang mag-aaudition para sa role na yun?"
"Kung mag-aaudition ako, 'di naman salungat sa arrangement ng kumpanya ah," ngumiti na lang si Ning Xi kay Chang Li. "Sinabihan ka ba ni Ning Xueluo na kausapin ako tungkol dito? Natatakot ba siya na isang 'di sikat na baguhan tulad ko ang aagaw ng role na 'yun mula sa kanya?"
"Ganun ka ba kagaling para makipagkumpitensya sa kanya para sa roles? Nahihibang ka na para isipin 'yang imposibleng pangarap na yan! Sinasabi ko sa'yo ngayon pa lang, 'wag ka na magsayang ng effort. Nag-invest ng 30 million pesos ang Ning Family sa drama na 'to, malamang mapupunta kay Ning Xueluo ang role."
"Ganun ba? Eh bakit ka kailangang kabahan?"
"Artista kita! Dapat makinig ka sa mga plano ko para sa'yo!" sabi ni Chang Li.
"Oh, so Chang Li, alam mo palang artista ako under sa management mo."
"Ning Xi, wala akong oras para sayangin sa'yo ah. Dahil ayaw mong tanggapin 'tong pagmamabuting loob ko at gusto mong mahirapan, 'wag mo 'kong sisisihin sa pagmamalupit ko!"
Pagkasabi ni Chang Li, naramdaman ni Ning Xi ang malakas na puwersa at nabigla siya. Itinulak na siya sa storeroom ng bar at kinuha ang cellphone niya mula sa kanya.
BANG! Sarado na ang pinto.
…
Unti-unting humina ang mga yapak sa labas ng pinto habang papalayo ang naglalakad.
Dahil alam niyang wala ring magagawa ang pagsigaw, sumandal na lang si Ning Xi sa pintuan at tahimik na umupo sa sahig.
Noong sumali si Ning Xi sa kumpanya, nagagawa pa rin ni Ning Xuelo na awatin ang pag-angat niya. Lagi nitong ipinapagawa kay Chang Li na bigyan si Ning Xi ng mga kontrabidang roles, ngayon naman ay sumosobra na at talagang napili na nilang ikulong siya sa storeroom ng isang bar.
Kapag hindi niya nakuha ang role na 'to, kailangan na niyang humanap ng paraan para iwanan ang Starlight Entertainment.
Habang pinagninilayan niya ito, may narinig siyang kaluskos.
Naku 'wag niyo namang sabihing may daga rito?
Lumingon si Ning Xi sa direksyon ng ingay at nagulat.
Sa likod ng patung-patong na kahon ay may nakita siyang batang lalaki.
Mukhang nasa limang taon ang bata, parang makinis na inukit na marble, maputi ang bata at mukhang malambot. Para siyang… siopao. Nagtatago ang bata sa sulok at nanginginig, mukhang takot na takot ang itim na mga mata ng bata dahil sa pagkagulat.
Ha, bakit may bata sa storeroom ng isang bar?
Wala naman sigurong customer sa tamang pag-iisip ang magdadala ng bata sa bar, 'di ba?
"Hi, siopao, ano pangalan mo? Pa'no ka nakarating dito?"
"Tumakas ka ba at sumuot dito bigla?"
"May nagkulong ba sa'yo dito?"
"Kumakain ka ba ng candy?"
Matapos magtanong na parang halos kalahating araw, 'di pa rin nagsalita ang bata, lalo lang itong nanginig at parang takot na takot na tuta.
Tumigil na sa pagsasalita si Ning Xi. Wala rin naman siyang kinalaman dito.
Kaya't isang matanda at isang bata ang nagkanya-kanya ng sulok at nanatili lang sa kinauupuan nang walang pakialamanan.
Nagpatay-sindi ang ilaw sa kisame at biglang nawalan ng kuryente.
Sa kabila ng dilim, may naririnig si Ning Xi na ingay. Napagtanto niyang tunog pala 'yun ng nangangatal na mga ngipin.
'Di naiwasan ni Ning Xi na matawa at hinarap niya ang batang siopao. "Takot ka ba sa dilim?"
Tumigil saglit ang ingay pero bumalik rin at mas lumakas pa.
Hay, ganun ba siya kaduwag?
Tumayo si Ning Xi at nagpagpag saglit bago lumakad papunta sa kinauupuan ng bata.