Ang bawat sinaunang kuwento'y parating may katotohanan na nakakabit sa puso nito.~ Juliet Marillier, Tower of Thorns ~
-----
"Siyam na pu't siyam na kaluluwa?"
Tandang tanda pa ni Jack ang sandali kung paano niya klinaro sa kaniyang kausap ang kapalit ng kalayaang ipinagkaloob nito sa kaniya.
"Madali lang, hindi ba?" ang sabi sa kaniya ng lalaki, nakangiti ang mga labi nito ngunit hindi ang nanlilisik nitong pulang mga mata. "Siyam na pu't siyam na kaluluwa kapalit ng kalayaang ipinagkaloob ko sa iyo."
Ngunit may problema sa hinihinging pabor sa kaniya ng misteryosong lalaki.
"Imposible ang hinihiling mo sa akin." Ani Jack sa lalaki. "Ang lahat ng kaluluwang pumapasok sa Hantungan ng mga kaluluwa'y protektado ng kani-kanilang mga gabay, at ang mga gaya ko ay hindi basta nakakalapit sa kanila."
"Hindi ko na problema 'yan, mahal kong Jack." Lumapit ang lalaki kay Jack at marahang hinaplos ang maiitim at maalon nitong buhok. "Ba't hindi mo gamitin ang talento mo? Kinilala ka ng lahat bilang ang 'Mandarayang si Jack', hindi ba? Minsan mo ng dinaya ang Diyablo para hindi niya makuha ang kaluluwa mo para dalhin sa impyerno. Ba't hindi mo ulit gawin iyon para tuluyang ka nang makalaya sa nagawa mong pagkakamali noon?"
Tama.
Isang pagkakamali.
Aminado si Jack na hindi siya naging mabuting tao noong nabubuhay pa siya sa mundo. Para sa kaniya, ang mabuhay ay isang malaking tumpok ng kalokohan, isang biro na maaari niyang pagtawanan habang nilalagok ang isang bote ng alak at ginagawang pampalipas-oras ang panloloko sa iba.
Sa madaling salita, ang naging buhay ni Jack sa mundo ay isang magandang halimbawa ng isang miserableng nilalang na inubos ang mga nalalabing sandali ng buhay niya sa mundo para sa sarili niyang kapakinabangan.
Ngunit tulad nga ng sabi ng matatandang kasabihan, ang lahat ng tao sa mundo'y may kaniya-kaniyang katapat na karma.
At dumating ang 'karma' ni Jack isang araw at kumatok ito sa kaniyang pintuan.
"Jack, tama ba?"
Sariwa pa sa alaala ni Jack kung paano nagpakilala sa kaniya ang binasagang 'Ahas ng Hardin ng Eden' na mas gustong tawagin ang sarili niya na Diyablo. Wala halos pinagkaiba sa tao ang kaniyang hitsura. Wala siyang sungay o buntot, at hindi rin mapula ang kulay ng kaniyang balat. Sa katunayan, mas mukha pa nga siyang taong tingnan kumpara kay Jack na hindi nanunuklay ng buhok, hindi nag-aahit ng bigote, mukhang basahan ang damit at nangangamoy alak ang katawan.
"Gagawin kitang isang mayaman na tao." Ang sabi ng Diyablo kay Jack, diretso at walang paliguy-ligoy. "Ang kailangan mo lang gawin ay ibenta ang iyong kaluluwa sa akin."
Maari ngang tamad si Jack, iresponsable, lasenggo at manloloko, ngunit hindi siya tanga para tanggapin ang alok ng kahit na sino, lalo na kung galing ito sa isang Diyablo na kilalang pinakamahusay pagdating sa panlilinlang ng mga tao.
Kaya naman nag-isip si Jack ng paraan kung paano niya dadayain ang Diyablo. Niyaya niya ito sa isang pampublikong barikan at nakipagkasundo para sa isang barya na ipambibili niya ng alak. Agad namang ginawang barya ng Diyablo ang kaniyang sarili upang ipambayad sa barista, ngunit mabilis na nakuha ni Jack ang barya at inilagay niya ito sa loob ng kaniyang bulsa kung saan nakalagay ang isang pilak na krus. Dahil doon kaya hindi makabalik ang Diyablo sa orihinal nitong anyo. At para makabalik, kinakailangan niyang mangako kay Jack na hindi niya kukunin ang kaluluwa nito sa loob ng sampung taon.
Pumayag ang Diyablo sa kasunduan. Pinalipas niya ang sampung taon at muli niyang binalikan si Jack. Nagkasalubong sila isang gabi sa isang lansangan at sinubukan niyang kunin ang nararapat sa kaniya.
"Oras na ng paniningil, Jack."
Subalit tumanggi si Jack at muli siyang humingi ng pabor sa Diyablong kausap.
"Sige, sasama ako sa iyo. Iyon ay kung ikukuha mo muna ako ng mansanas sa puno na iyon."
Pumayag ang Diyablo sa hininging kondisyon ni Jack. Umakyat siya sa puno at kumuha ng mansanas. At habang abala ang Diyablo sa pagkuha ng mansanas ay sinamantala ni Jack na maglagay ng mga krus sa paligid ng puno, dahilan para hindi makababa ang Diyablo mula sa itaas. At para makalaya, kailangang mangako ng Diyablo na hindi niya kukuhanin ang kaluluwa ni Jack kapag ito ay namatay. At dahil walang ibang pagpipilian ang Diyablo sa kaniyang sitwasyon kaya pumayag ito sa kasunduan.
Ang hindi alam ni Jack, ang kasunduang iyon pala ang maglalagay sa kaniya sa walang hanggan na pagdurusa.
Makalipas ang ilang taon ay namatay si Jack. Naglakbay ang kaluluwa niya sa Hantungan ng mga Kaluluwa upang makatawid sa kabilang buhay. Subalit hindi siya pinayagang makapasok sa langit, at hindi rin siya pinapasok sa impyerno. Wala siyang nagawa kundi ang magpaikot-ikot sa kawalan bitbit ang isang lampara na puno ng nagbabagang bato para magsilbi niyang tanglaw sa napakadilim na mundo. Isinumpa siyang magpagala-gala sa lupa at maging sa kadiliman ng habang panahon at kahit na kailan ay hindi siya makasusumpong ng kapahingahan. Nagsisi man si Jack sa lahat ng mga nagawa niya'y huli na at habang buhay niyang pagbabayaran ang mga iyon sa lugar na higit pa sa kamatayan ang kaparusahan.
Ngunit isang araw, isang pangyayari ang naganap.
Habang naglalakbay si Jack sa madilim na kawalan ay nagpakita sa kaniya ang isang lalaki na may mahaba't masultlang kulay itim na buhok at nagbabagang pulang mga mata.
"Ikaw marahil ang tanyag na si Jack." Ang sabi ng lalaki kay Jack sa isang malambing ngunit malamig na tinig. "Marami na akong narinig na mga kuwento tungkol sa iyo sa mundo ng mga buhay. Hindi ka maniniwala, pero napakarami nilang ginawang bersyon tungkol sa kuwento ng buhay mo."
"T-teka, s-sino ka?"
"Tawagin mo na lang ako sa pangalan na Mephistopheles." Pakilala ng lalaki kay Jack. "At narito ako para tulungan ka, Jack the Smith."
Sa kabila ng napakalamig na ngiti at madilim na presensya ay ang matamis na salitang namutawi sa bibig ng lalaking ito na nagpakilala sa pangalan na Mephistopheles. Hinaplos niya ang malamig at maputlang pisngi ni Jack habang nakatitig sa mga mata nito na nanlalaki sa gulat.
"Alam kong nahihirapan ka na. Kaya naman gusto kitang bigyan ng isa pang pagkakataon. Handa kitang palayain mula sa sumpang ito. Iyon ay kung...papayag ka sa kondisyon ko?"
Dala narin ng matinding desperasyon kung kaya agad na pumayag si Jack sa hinihinging kondisyon ng misteryosong lalaki kapalit ng kaniyang kalayaan.
"S-sige, Payag ako! Kahit na ano pa 'yan! Basta't ialis mo lamang ako rito, gagawin ko ang kahit na ano!"
Aminado si Jack na hindi niya gaanong pinag-isipan ang naging pasya niya. Ngunit nagbigay naman ito sa kaniya ng pansamantalang kalayaan mula sa walang katapusan na paglalakbay at pag-iisa sa kawalan.
Oo, pansamantala.
At para maging permanente na ang kaniyang kalayaan, kailangan niyang sumugal sa isang mapanganib na kasunduan.
"Siyam na pu't siyam na kaluluwa ang kailangan mong ibigay sa akin bilang kabayaran, at ganap nang mapapasa'yo ang kalayaang tinatamasa mo ngayon, mahal kong Jack."
Ngunit...
"Isang paalala lang." Nagbabala si Mephistopheles kay Jack sa oras na hindi ito tumupad ang kanilang kasunduan. "Sa oras na hindi ka sumunod sa ating napagkasunduan, higit pa sa pagdurusang natamasa mo sa kawalan ang ipaparanas ko sa iyo. Ipapakain kita ng dahan-dahan sa kadiliman hanggang sa wala nang matira sa kaawa-awa mong kaluluwa."
Alam ni Jack na huli na para umurong siya. At dahil narin sa takot na muli niyang maranasan ang masalimuot na buhay sa walang hanggang kawalan kung kaya pikit-mata siyang pumayag sa kasunduan kahit pa ang ibig sabihin niyon ay kailangan niyang magpanggap, manloko at magsakripisyo ng mga inusenteng kaluluwa kahit labag ito sa kaniyang kalooban. Ginawa ni Jack ang lahat sa loob ng mahigit isandaang taon sa tulong ng ilang mga kakilala tulad ng nilalang na si Sluagh na dumudukot ng mga kaluluwa sa mundo ng mga buhay, at ng Dullahan na si Setti, ang walang ulo na kabalyera, na mas kilala rin ng lahat bilang ang nilalang na tagapaghatid ng kamatayan.
"Magaling ang ginawa mo, mahal kong Jack."
Dinilaan ni Mephistopheles ang kaniyang daliri para simutin ang natirang bahagi ng kaluluwang inihain sa kaniya ni Jack. Kaluluwa iyon ng isang babae na sumama kay Jack sa pag-asa na makikita nito sa huling pagkakataon ang kaniyang mga anak na naiwan sa mundo ng mga buhay. Ngunit ang totoo, ang lahat ng iyon ay pawang kasinungalingan lang. Isang patibong para makuha ni Jack ang babae at maging pang siyam na pu't walong kaluluwa na pambayad-utang niya kay Mephistopheles.
"Patawad. Patawarin mo sana ako..."
Buong hapis na iniyuko ni Jack ang kaniyang ulo upang hindi makita ni Mephistopheles ang mapait na reaksyon na kumakain sa kaniyang mukha. Ngunit hindi parin iyon naging sapat para hindi siya tantanan ng mapanuksong presensya ng demonyong nagbigay sa kaniya ng kalayaan.
"Tahimik ka yata ngayon?" Sita ni Mephistopheles sa walang kibo na si Jack. "Bakit kaya? Ah! Alam ko na. Naaawa ka ba? Nakokonsensya? O baka naman...napapaisip ka nang umurong sa kasunduan? Ngayon pa? Kung kailan nakakasiyam na pu't walo ka na?"
Lumapit si Mephistopheles at tinangka nitong dilaan ang pisngi ni Jack. Ngunit mabilis na inilayo ni Jack ang kaniyang sarili at imbis na magsalita'y isang matalim na titig ang itinugon niya kay Mephistopheles.
"Isang kaluluwa na lang, tama ba?"
Umarko pataas ang mga labi ni Mephistopheles sa nanlalaban na titig sa kaniya ni Jack.
"Oo, isang kaluluwa na lang. At dahil iyon na ang pinakahuli kaya gusto ko na espesyal 'yon sa lahat."
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Jack at agad na pumihit ang tingin niya sa kausap.
"Tatlong araw mula ngayon, makipagkita ka sa akin sa lupain ng mga puting liryo. Sasabihin ko sa iyo kung sino ang pinakahuling kaluluwa na isasakripisyo mo sa akin. At ipinapangako ko sa iyo, ganap ka nang magiging malaya, mahal kong Jack."
Tama.
Isang kaluluwa na lang.
Ang pinakahuling kaluluwa na isasakripisyo ni Jack, at ang kaluluwa na tuluyang magpapalaya sa kaniya mula sa sumpa.
"Isang kaluluwa na lang, at tuluyan na akong magiging malaya."
Sa ganitong paraan madalas himukin ni Jack ang kaniyang sarili na tama ang lahat ng kaniyang naging pasya. Ngunit sa kailaliman ng puso niya'y naroon ang matinding pangungutya ng kaniyang budhi habang paulit-ulit na rumorolyong parang pelikula ang mga tinig at imahe ng mga kaluluwang isinakripisyo niya para sa pagkakataong makalaya sa sumpa.
"Ang gusto ko lang naman ay isa pang pagkakataon. Isang pagkakataon lang..."
Nakatingin si Jack noong mga oras na iyon sa malawak na kalangitan na sinasalamin ang kagandahan ng mga puting liryo sa paligid. At habang nasa kalagitnaan siya ng kaniyang pagninilay ay may isang maliit na boses siya na narinig mula sa 'di kalayuan, at ang tinig na iyon ay patungo sa direksyon niya.
"May tao po ba d'yan?"
Sigurado si Jack, boses iyon ng isang batang lalaki. Nanggaling ang tinig sa gitnang bahagi ng malawak na lupain ng mga puting liryo kung saan madalas na may naliligaw na mga buhay na kaluluwa, mga tao na may kakayahan na maglabas-pasok sa mundo ng mga patay sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip.
Dahil doon kaya minabuti ni Jack na lumapit para makita ng personal ang bata. At nang malapit na siya sa gitna'y nakita niya ang bata na papalapit din sa kaniya. Nagkatagpo sila sa gitna, si Jack at ang batang lalaki na may masutlang itim na buhok at kulay abo na mga mata.
Napalunok ng bahagya si Jack. Kasunod niyon ay ang kaniyang pagbati sa bata.
"Kumusta?" aniya. "Anong ginagawa mo sa lugar na gaya nito huh, bata?"
"T--teka, S-sino po kayo?"
Pormal naman na nagpakilala si Jack sa batang kausap.
"Tawagin mo na lang ako sa pangalan na Jack. Ikaw? Anong pangalan mo?"
Noong una'y nag-aalangan pa ang batang lalaki na sumagot. Ngunit kalauna'y nagsalita rin ito at nagpakilala kay Jack sa kaniyang pangalan.
"Rowan. Ang pangalan ko po ay Rowan."
"Rowan? Natutuwa ako na makilala ka."
At pagkatapos ng maikling pagpakilala ng dalawa sa isa't isa ay minabuti ni Jack na hikayatin ang batang si Rowan na lisanin na ang lupain ng mga puting liryo at bumalik sa mundo ng mga buhay.
"Makinig ka, Rowan." Maingat na pinili ni Jack ang bawat salitang sasabihin niya sa bata. "Kailangan mo nang umalis sa lugar na ito, maliwanag? Hindi pwede ang tulad mo rito. Hindi ito lugar para sa mga gaya mo."
Ngunit hindi inasahan ni Jack ang isinagot sa kaniya ng batang si Rowan.
"H-hindi pa po ako pwedeng umalis dito."
"Huh?"
May kung anong lungkot na nabakas si Jack sa boses ng batang si Rowan.
"Nangako kasi ako sa kapatid ko na hahanapin ko rito si Mama."
"Mama?"
"Opo." Tugon ng bata kay Jack. "Nagkita pa kami ni Mama rito noong nakaraan. Ang sabi niya, may tutulong daw sa kaniya para makita niya kami ng nakababata kong kapatid. Nangako siya na babalik. Pero ngayon, hindi ko na s'ya makita. Wala na siya rito."
Naramdaman ni Jack na sumikip ang kaniyang lalamunan dahil sa pagkagulat, dahilan para wala ni isang salita ang lumabas sa kaniyang bibig. Bahagya rin na nawalan ng kulay ang kaniyang mukha na sinabayan ng pangangatal ng kaniyang mga kamay. Bigla siyang nanghina. Napaluhod siya kasabay ng pagsilip ng mainit-init na butil ng luha sa gilid ng kaniyang mga mata. Dahan-dahan niyang inangat ang kaniyang mga kamay at hinaplos ang mainit-init na pisngi ng bata na naulila sa murang edad.
"I-ikaw..." Ang sabi ni Jack, nauutal habang nakatitig sa walang kamuwang-muwang na paslit. "Ikaw ang...h-hindi ko alam na..."
"Bakit po?" biglang tanong ng batang si Rowan. "Kilala n'yo po ba ang Mama ko? Alam n'yo po ba kung saan siya nagpunta?"
Hindi alam ni Jack kung paano tutugon sa tanong ng paslit. Hindi niya masabi na siya ang taong nangako ng tulong sa ina ng bata, na siya ang dahilan kung bakit hindi na makikita pa ng batang si Rowan ang kaniyang ina kahit na kailan.
"P-pasensya na." Sagot ni Jack sa batang si Rowan."Pero...wala na rito ang iyong Ina."
"Saan po siya nagpunta?"
Matagal bago nakatugon si Jack sa tanong ng bata.
"Sa isang lugar na malayo rito. Hindi mo iyon mapupuntahan."
"G-ganoon po ba?"
Kitang kita ni Jack kung paano sinakluban ng pinaghalong dismaya, lungkot at pangungulila ang buong katauhan ng batang si Rowan. Gustung-gusto nitong umiyak, ngunit pilit niya itong pinipigilan sa pamamagitan ng pagpapakita ng tapang sa kaniyang mukha.
"Hindi ako...iiyak!" Pigil na pigil si Rowan para hindi bumagsak ang mga luha niya sa kaniyang mga mata. "Malulungkot ng husto ang kapatid ko sa oras na makita niya akong umiiyak. Ipinangako ko sa sarili ko na magiging matapang at matatag ako para sa aming dalawa. Mabubuhay kaming dalawa, kahit kami na lang na dalawa ngayon, wala na si Mama. Hindi na siya...babalik, kahit na kailan!"
Walang nagawa si Jack kundi ang ipakita ang kaniyang pagdamay sa pamamagitan ng paghaplos sa malambot at itim na buhok ng batang si Rowan.
"Napakatapang mong bata." Wika ni Jack kasabay ng pagpapakita niya ng kaniyang paghanga sa batang kausap. "Sigurado akong masayang masaya ang iyong Ina dahil may anak siyang kasing tapang mo. Kung nasaan man siya ngayon, sigurado ako na ipinagmamalaki ka niya. Mahal na mahal niya kayong dalawa ng kapatid mo, Rowan."
Pinunasan ni Rowan ang butil ng luha na sumilip sa gilid ng kaniyang mga mata. Pagkatapos ay ngumiti siya't nagpasalamat sa lalaking si Jack.
"Maraming salamat po. Sana...magkita pa po tayong dalawa, Ginoong Jack."
Unti-unting nagliwanag ang batang si Rowan at nagmistulang isang malaking grupo ng mga alitaptap ang kaniyang katawan. Pagkatapos ay dahan-dahang tinatangay ng mahinang hampas ng hangin ang mga bahagi niya hanggang sa tuluyan siyang naglaho na parang bula sa kalawakan.
"Mas makabubuti para sa iyo na hindi na tayo magkita pang muli, Rowan."
Handa na sanang lisanin ni Jack ang lupain ng mga puting liryo kung hindi lamang siya napigilan ng isang 'di inaasahang nilalang na biglang nagpapakita sa eksena.
"Mabuti naman at nagkita na kayong dalawa. Kahit papaano'y hindi na ako mahihirapan na sabihin sa iyo kung sino siya at kung ano ang kinalaman niya sa ating kasunduan."
Labis na ikinagulat ni Jack ang pagdating ni Mephistopheles. Daig pa niya ang bato na hindi makagalaw habang ang mga mata niya'y nanlalaki sa labis na gitla habang kaharap ang nilalang na pinagkakautangan niya ng kaniyang kalayaan.
"I--ikaw..."
Humakbang palapit si Mephistopheles kay Jack at nagwika sa isang mahina ngunit makapanindig-balahibong tinig na maihahalintulad sa singasing ng isang ahas.
"Walong taon mula ngayon, babalik ang batang 'yon sa lugar na ito."
At kasabay ng huli pananalita niya kay Jack ay ang pag-aanyo niyang itim na usok na dahan-dahang tinatangay ng mahinang hampas ng hangin.
"At siya...ang magiging susi sa kalayaan mo, Jack the Smith."
-----
Nanlambot nang husto ang mga tuhod ni Jack at pagdaka'y napaluhod siya ng tuluyan sa lupa pagkatapos manariwa sa alaala niya ang puno't dulo ng lahat ng problema.
"M-Mephistopheles..."
Hindi inakala ni Jack na hahantong sa ganoong tagpo ang lahat. Iniwan siya Rowan tangan ang matinding galit nito sa kaniya dahil sa katotohanang nalaman nito na sumira sa nabuong tiwala ng binata sa kaniya.
"Kung alam ko lang na mangyayari ito, sinabi ko na lang sana sa kaniya ang totoo sa umpisa pa lang!"
Hindi nakapagpigil si Jack ng kaniyang sarili at bumaon ng husto ang kamao niya sa lupa dahil sa tindi ng kaniyang inis. Ngunit hindi parin naging sapat iyon para maibsan ang iritasyon niya hindi lamang sa mga nangyari kundi maging sa kaniyang sarili.
Kailangan kong gumawa ng paraan.
Walang kasiguruhan ang kapalaran na naghihintay kay Jack at sa natitirang oras na mayroon siya upang isalba ang kaluluwa ni Rowan sa kapahamakan. Ngunit sa kabila niyon ay hindi parin siya nagpatumpik-tumpik pa't agad siyang nagpasiya na hanapin si Rowan kahit walang katiyakan na muli siya nitong matatanggap.
Gagawin ko ang lahat para mailigtas ko ang kaluluwa ni Rowan, sa kahit na anong paraan!