webnovel

Chapter 127

Editor: LiberReverieGroup

"Li Ce, maganda ang lupain ng Tang." Ang mga tao ay pumupulot ng pera sa lupa pero hindi nag-away doon. Tulirong tumayo si Chu Qiao doon.

Tumawa si Li Ce at umiling, "Ayos lang. Magandang parte ang nakita mo. Gayumpaman, mas maganda ito kaysa sa nakikita mo sa Xia." Sagot niya.

Dahil hindi na nila mapapanood pa ang akrobatikong palabas, naglakad nalang sila sa mga kalye at kaswal na nag-usap.

Bumili ng ilang makakain si Li Ce, binubuo ng honey sweets, dates, mga osmanthus keyk, at mga kastanyas. Nakahiwalay sila sa dalawang lalagyan. Kumuha sila ng tag-isa at kumain habang naglalakad.

Makikitang umalwan ang pakiramdam ni Chu Qiao, ang pagod niya mula sa mga nakalipas na araw ay nawala. "Li Ce, alam mo ba? Hinahanap ako ng Xia. Marahil ako ang pinaka pinaghahanap na takas ng mundo ngayon." tanong niya.

"Takas?" Natuliro si Li Ce. Tumatawa siyang sumagot, "Bagong paraan ng pagtawag iyan."

"Hindi mo ba ako ibibigay sa Xia?"

Napasimangot si Li Ce at kakaibang nagtanong, "Ibigay ka sa Xia? Anong mapapala ko doon? Isang libong tael ng ginto? Haha, mas gusto kong panatilihin ka sa tabi ko."

"Pero," umiling si Chu Qiao, "Hindi magtatagal ay babalik ako sa Yan Bei."

"Hay, Qiaoqiao, sinasadya mo akong saktan." Umiling si Li Ce at sinabi, "Kalimutan mo na. Alam kong wala ka sa Tang para makita ako."

Matagal na nag-isip si Chu Qiao bago nahihiyang nagsalita, "Li Ce, sa pagbuo ng alyansa sa Xia sa pamamagitan ng kasal, kinakalaban mo ba ang Yan Bei?"

Lumingon si Li Ce at tinantya si Chu Qiao. May buntong-hininga niyang sinabi, "Qiaoqiao, sa gabing ganito, maaari bang pansamantala mong kalimutan si Yan Xun at ang Yan Bei? Pwede bang magpahinga ka muna?" Nanatiling hindi makapagsalita si Chu Qiao. Nagpatuloy so Li Ce, "Ang digmaan sa pagitan ng Xia at Yan Bei ay sarili mong problema. Isa pa, bakit maglalakbay ako ng malayo para apak-apakan ang tahanan ni Yan Xun? Napaka bangis niya. Paano kung bugbugin niya ako? Narinig ko na napaka lamig na may malakas na hangin sa kabundukan ng Yan Bei. Ang kutis ng mga kababaihan doon ay hindi magiging makinis. Hindi ako gagawa ng bagay na wala akong benepisyo."

Umihip ang hangin sa manggas ni Chu Qiao at lumapag sa kanyang pala-pulsuhan. Mukha itong marahang dampi ng paru-paro nang lumapag ito sa balat niya. Bahagyang ngumiti si Chu Qiao at tumingin kay Li Ce, nagpahayag siya, "Li Ce, kahit na hindi ko laging mabasa ang isip mo, nararamdaman ko na hindi ka masamang tao."

Suminghal si Li Ce, nagtaas ng baba at sinabi, "Mataas ang estado ko, maganda sa loob at labas. Kapag hinayaan kitang madali akong mabasa, may mukha pa ba akong maihaharap?" Nang matapos niya ang sasabihin, tumakbo siya pasulong at sinabi, "Qiaoqiao, bibigyan kita ng pagkakataong makilala ako. Gusto mo ba?"

Ngumuso si Chu Qiao. "Sarilihin mo nalang yan."

"Hay," buntong-hininga ng lalaki. "Isang hindi marunong magpasalamat na babae."

Dumaan sila pareho sa tindahan ng isda. Si Chu Qiao, na nagtaka, ay lumapit para tumingin. Nakakita siya ng malaking grupo ng goldfish na may pulang buntot sa malaking tangke ng tubig. Makulay sila at kaibig-ibig.

Sanay si Chu Qiao sa pagpapalaki ng isda. Noon pa ay gusto na niya ang mga hayop at gustong umampon ng aso. Gayunpaman, dahil sa pangako niya sa hukbo, wala na siyang oras para doon. Isa pa, hindi rin ito pwede sa tinitirahan niya. Kinailangan pa niyang ilihim ang pag-aalaga ng isda. Pagkatapos noon, kahit na nalaman ito ng kapitan niya, wala itong pakialam. Samakatuwid, itinatago niya ang ugaling magpalaki ng isda bilang mga alagang hayop. Subalit, maraming taon na ang lumipas at mahirap ang buhay niya. Wala siyang kalayaang gawin iyon. Nang makita ni Li Ce na gusto niya ang mga ito ay binili ang lahat ng isda. Ang may-ari ng tindahan, nang makita ang bihirang mapagbigay na mamimili, ay niregaluhan sila ng porselanang lalagyan ng mga isda.

Gabing-gabi na. Dahil hindi pa lubos na gumagaling si Chu Qiao sa mga sugat niya, nakaramdam siya ng pagod. Nagdesisyon na silang bumalik. Nang nakabalik na sila sa lawa, kumakain pa rin ng damo ang kabayo. Ilang mga bata ang nakaupo sa gilid at hinihila ang renda. Gusto nilang nakawin ang kabayo pero takot na sipain sila nito. Nagdadalawang-isip sila at ayaw umatras, ngunit nang makita ang amo ng kabayo ay nagsitakbuhan na sila.

Sumakay na si Chu Qiao at Li Ce sa kabayo. Dahil may dagdag silang mga isda, hinayaan nilang mabagal na maglakad ang kabayo sa kalye.

Biglang nakaramdam ng kakaiba si Chu Qiao nang maisip niya ang mga panahong nagkita sila sa Xia. Hindi sila magkaibigan o magkaaway. Parang ang tagal na ng mga panahong iyon. Katulad ng inaasahan, totoo ang sinabi ni Yan Xun. Ang syudad ng Zhen Huang ay parang isang malaking kulungang hawla, walang sigla. Ang kahit anong nandoon ay walang alinlangang madudungisan.

Hindi niya alam ang kinaroroonan ni Yan Xun. Nagkukunwari siyang si Liu Xi at nilamon ang yaman ng Da Tong Guild sa Xiangyang. Walang alinlangan na gusto niyang umabante sa hangganan sa timog at dalhin ang lahat ng kalakal pabalik sa Yan Bei. Sa hinaharap, dahil gusto ng Da Tong na traydurin ang Xia at tumungo sa Tang, hindi mahirap intindihin kung bakit gusto ni Yan Xun na magkunwari bilang si Liu Xi. Sa paghusga gamit nito, siguradong tutungo si Yan Xun sa Tang. Para naman sa rason at motibo, hindi siya sigurado.

Ang tunog ng tambol na senyales ng oras ay papalapit. Padagdag ng padagdag ang pagod ni Chu Qiao. Simula ng nalason siya ng grupo ng mga mamamatay-tao, dumadalas ang kagustuhan niyang matulog. Nakaupo lang siya sa kabayo, nakararamdam ng panglalambot. Sumandal siya kay Li Ce at natulog. Natuliro ang lalaki sa harap at lumingon, nakita niya ang noo ni Chu Qiao na nakasandal sa kanyang balikat. Magaan ang kanyang paghinga at nakatulog na.

Nagpatuloy sa pag-ihip ang hangin. Ang bulaklak ng magnolia sa kanyang ipit ay naglabas ng mabangong halimuyak. Wala sa mukha ni Li Ce ang karaniwang pangungutya. Tahimik siyang tumingin kay Chu Qiao, hinahayaang maglakad ang kabayo na hindi kinokontrol ang renda nito.

Ang lupain ng Tang ay kilala bilang "Bansa ng mga Bulaklak". Madaming bulaklak at puno ang dekorasyon sa dalawang gilid ng daan. Habang umiihip ang hangin, dinadala nito ang talulot ng mga bulaklak sa hangin papunta sa lupa na parang mga paru-paro. Nilipad-lipad ng hangin ang dilaw na roba ni Chu Qiao, binibigyan siya ng parang diwatang itsura sa gitna ng mga bulaklak.

Bahagyang tumakbo ang kabayo. Magkadikit ang mga kilay ni Chu Qiao. Sa konting galaw, patalikod na nalaglag ang katawan niya.

Agad na napansin ito ni Li Ce at mabilis na hinablot ang bewang ni Chu Qiao. Pagkatapos noon, ang lalaking hindi magaling sa martial arts ay inikot ang katawan at gamit ang isang kamay na hinawakan ang upuan. Ang kanyang katawan ay lumipad sa ere. Sa susunod na segundo, lumukso siya mula sa harap papunta sa likod. Ang kanyang kamay ang nakapulupot sa bewang ni Chu Qiao, hinahayaan itong matulog sa kanyang yakap.

Umihip ang hangin sa mga dahon, dahilan para tumulo ang natirang mga tubig mula sa mga ito papunta sa lupa, kasama ang mga talulot ng bulaklak.

"Malapit nang masira ang kapayapaan sa Tang." Bumuntong-hininga si Li Ce at ngumiti. Ang kanyang ngiti ay hindi nagrereplekta na siya ay mahinahon o masaya, bagkus ay ipinapakita nito na naging ugali na niya ito habang nakikipag-usap. "Pagkatapos mong gumaling, ipapadala kita para makita mo ang dating iniirog. Walang kasiyahan sa mundong ito. Isa kang hangal."

Ang sinag ng buwan ay parang manipis na patong ng yelo at hamog. Ang marilag na Jinwu Palace ay dahan-dahang nakikita sa kanyang mata..

Hapon na nang gumising si Chu Qiao. Ang batang tagasilbi na si Qiu Sui ay nakaupo sa upuan habang hinihintay siya. Nang makitang gising na siya, ngumiti si Qiu Sui at nagdala ng tsaa nang lumapit ito at sinabi, "Gising ka na. Gusto mo ba ng tubig?"

Umiling si Chu Qiao. Nagpatuloy ang batang tagasilbi, "Nasa labas ang manggagamot, naghihintay na makuha ang pulso mo. Inutusan sila ng kamahalan na pumasok pag gising mo."

Kaswal na naghilamos si Chu Qiao, tinatanggihan ang intensyon ng tagasilbi na maayos na gawin ang kanyang buhok. Naglagay siya ng ipit sa likod ng kanyang buhok. Hindi siya maharlika at hindi namuhay ng magandang buhay. Gayumpaman, sa pagkakataong ito, higit sa sampung tao ang nagbibigay ng atensyon sa kanya kahit na naghilamos lang siya. Makikitang hindi siya sanay, natuliro siya. Tinanggihan niya ang intensyon ng mga ito, ngunit higit sa 20 manggagamot ang pumasok at kinuha ang kanyang pulso.

Naghanda ang tagasilbi ng marangyang piging na binubuo ng higit sa 30 klase ng may sabaw at iba't-ibang panghimagas. Isang tagasilbi ang lumuhod sa dalawang gilid ng lamesa. Wala nang kailangang gawin si Chu Qiao. Habang inaasikaso siya ng mga manggagamot, pinapakain siya ng mga tagasilbi. Kapag tumango siya, didiretso sa bibig niya ang pagkain. Kapag umiling siya, ang susunod na punong kutsara ang ibibigay sa kanya. Nahihiyang umiling si Chu Qiao kaya tinanggap niya ang bawat sinusubong pagkain. Ang kanyang tiyan ay miserableng malaki pagkatapos noon.

Nang matapos ng mga manggagamot ang trabaho nila, silang 20 ay tumungo sa pangunahing bulwagan para pag-usapan ang paraan ng panggagamot.

Bigla, tunog ng mga nagtamang bakal ang nanggaling mula sa labas. "Anong nangyayari sa labas?" Tanong ni Chu Qiao.

Malinaw na si Qiu Sui ang pinuno ng mga tagasilbi. "Inaayos nila ang munting lawa." Saad niya.

Direktang nasa ilalim ng bintana ni Chu Qiao ang maliit na lawa. Kakaiba siyang nagtanong, "Inaayos ang lawa? Anong nangyari sa orihinal na lawa?"

"Masyadong mababaw ang lawang iyon. Inutusan kami ng kamahalan na bumuo ng waterwheel dito upang taasan ang lawa para ang dinala mo pabalik na goldfish ay maayos na mapalaki."

Natigilan si Chu Qiao. Lumapit siya sa bintana at nakita ang higit sa 200 kalalakihan na pawis na pawis na nagtatrabaho, pero hindi nangangahas na gumawa ng maraming ingay. Lahat ng mga bagay ay inayos sa malayo at dinala lang dito. Nagulat siya sa dami ng pagsisikap na kailangan para lang palakihin ang ilang walang kwentang goldfish. Narinig niya ang yaman ng imperyo ng Tang pero hindi niya inaasahan na magpakita sila ng ganitong pagmamalabis.

Matapos ang lahat, ilang araw lang siyang mamamalagi dito. Nahihiya siya sa ganitong kilos na mula kay Li Ce.

Tumalikod siya at nagtanong, "Nasaan ang Royal Highness mo?"

"Pagkatapos ng umaga, hindi pa bumabalik ang kamahalan."

Tumango si Chu Qiao. Hindi niya alam kung paano siya nakabalik kagabi. Mukhang labis na naapektuhan ang kalusugan niya. Napaisip siya sa sarili: hinihintay kong magpakita si Yan Xun sa Tang. Magpapagaling muna ako dito. Marahan siyang umupo sa malamig na banig habang inaayos ang kanyang iniisip.

"Binibini, mula ka ba sa Xia?"

Tumingala si Chu Qiao at sinabi, "Saan mo narinig yan?"

"Narinig ko ito mula kay Commander Tie. Siya ang nagdala sayo sa palasyo, kasama ng kamahalan. Ang sabi niya ay isa kang maharlika ng Xia at inutusan kami na pagsilbihan kang mabuti."

"Oh."

"Akala ko ay panibago kang kerida! Gayunpaman, sinabi ng kamahalan kagabi na kaibigan ka niya. Ngayong naisip ko iyon, ikaw ang una niyang babaeng kaibigan." Natagpuan ng tagasilbi na madaling kausap si Chu Qiao. Habang pinapaypayan siya ay nagsalita ito, "Maganda ang pakikitungo ng kamahalan sayo binibini. Hindi ko pa nakikitang tratuhin niya ng ganyan ang iba niyang kerida."

"Marami bang kerida ang inyong kamahalan?"

"Oo. Sa pinagsama-samang mga palasyo ng Qiuhua, Zhangqing at Qiushui Pavilion, mayroong mga… ay, hindi din ako nalilinawan. Para maikli, marami."

"Oh," tango ni Chu Qiao. "Totoo ang bali-balita."

Ngumiti ang tagasilbi at sinabi, "Hilig ng kamahalan na maglaro-laro. Kaming lahat ay gustong-gusto siya. Kahit na isa siyang prinsipe, tinatrato niya kami ng patas."

Sa iglap na iyon, isang tagasilbi ang pumasok sa silid at sinabi, "Binibini, nandito si Lady Hongluan. Naghihintay siya sa labas at gusto kang makita."

Natuliro si Chu Qiao. Nagpaliwanag si Qiu Sui, "Bagong kerida si Lady Hongluan. Isa siyang mananayaw. Iniregalo siya sa prinsipe ng imperyo ng Song."

Tumango si Chu Qiao, alam ang intensyon ng bisita. Sinabi niya sa mababang boses, "Pwede bang huwag ko siyang harapin?"

"Syempre. Sinabi ng prinsipe na maaari mong tanggihan ang mga bisita bago siya umalis." Saad ni Qiu Sui.

"Oh," saad ni Chu Qiao. "Tulungan mo kong ipaalam kay Lady Hongluan na malala ang sakit ko. Wala ako sa estado harapin ang mga bisita. Tulungan mo akong magpasalamat sa pagbisita niya."

Umalis na ang tagasilbi.

Kulang kalahating araw, higit sa sampung kerida ang bumisita kay Chu Qiao. Ilan sa kanila ay maharlika. Malinaw na hindi gawa-gawa ang reputasyon ni Li Ce. Marami siyang babae. Nagsusupetya siya kung natatandaan nito ang mga pangalan nila."

Habang papalapit ang hapon, uminit ang panahon. Pagising-gising si Chu Qiao sa pagkakahimbing niya. Naghanda si Qiu Sui ng mangkok ng yelo at nagdagdag ng ilang hiwa ng peach at honeydew dito. Nang naghanda siyang ipakain ito kay Chu Qiao, may pumasok ulit sa silid at sinabi na gustong makita ng Lady ng Tang si Chu Qiao.