webnovel

Chapter 47

Kinabukasan, nagising si Elysia sa pagkatok ng mga bata sa kaniyang pintuan. Sa kaniyang pagbangon ang mukha agad ni Lira ang sumabulat sa kaniya. 

"Lira, nakabalik ka na." bulalas ni Elysia nang makita ang tila kagigising lang na si Lira.

"Nasa tabi mo lang naman ako lagi. Nagpahinga lang ako, dahil nauubos ang lakas ko dito sa mundo niyo. Nakakapagod." Wika ni Lira habang nag-iinat abgo pinakatitigan si Elysia.

"May nangyari ba habang tulog ako?" nagtatakang tanong ni Lira at napakamot naman sa ulo si Elysia. Mayamaya pa ay mabilisang ikinuwento ni Elysia kay Lira ang mga nangyari nang nagdaang mga araw habang nag-aayos ng sarili. Mabilisan iyon dahil sunod-sunod pa rin at walang tigil ang pagkataok sa labas ng kaniyang pinto.

Pagbukas ng pinto ay agad niyang nabungaran sina Miguel na matiyagang naghihintay. Nakabihis na rin ang mga ito at halatang nasasabik na hindi niya maipaliwanag.

"Ang aga niyo naman yata, bakit parang nakagayak kayo?" nagtatakang bati ni Elysia. 

"Sabi ni Papa Vlad, sunduin ka namin. Kakain na tayo." nasisiyahang sagot naman ni Kayla. Nangislap naman ang mata ni Elysia nang marinig ang tawag ng bata kay Vlad. Tila ibig niyang matawa at matuwa ngunit hindi na siya nagpahalata pa. 

Pagdating nila sa hapag ay nakita nga niyang nakaupo na sa kabisera si Vladimir, habang nakatayo naman sa tabi nito si Grego na tila may sinasabi ang binata rito. Bahagya pang nagtatawanan ang mga ito. Hindi naman maipaliwanag ni Elysia ang nararamdaman. Ang buong akala niya ay mahihirapang makisama si Vladimir sa mga bata, ngunit sa kaniyang nakikita ay mali pala ang akala niya. Natural at walang bahid ng hirap ang nakikita niya sa binata. 

"Magandang umaga." Bati niya at noon lang napatuwid ng upo si Vladimir. Ngumiti ito at minuwestra nitong lumapit sa kaniya. LUmapit siya at umupo sa upuang madalas na upuan niya sa hapag. Maging ang mga bata ay nagsiupo na rin at napangiti si Elysia. Nangingislap ang mga mata ng dalaga at napuno ng init ang kaniyang puso.

Pakiramdam niya, sa unang pagkakataon ay nagkaroon siya ng isang kompletong pamilya.

Nang makaupo na silang lahat ay saka naman nagsilabasan ang mga tagapagsilbi upang ihain ang kanilang kakainin. Tahimik at sabay-sabay silang kumain nang umagang iyon. Tuwang-tuwa naman ang mga bata habang pasimple nilang tinatapunan ng tingin si Vladimir. Maging sina Ruka at Esme ay hindi maiwasang hindi mapangiti.

Matapos kumain, lahat naman sila ay nagtipon sa isang silid kung saan prenteng nakaupo lang si Vlad sa isang upuan habang ang mga bata naman ay naglalaro sa lapag. Si Elysia ay nakataas ang kilay habang pinagmamasdan si Vladimir na nakikihalubilo sa mga bata na tila matagal na niya itong ginagawa.

"Hindi ko alam na magaling ka palang mag-alaga ng mga bata, Vlad." Mahinang puna ni Elysia.

"Matagal na akong nabubuhay at maraming bata na rin ang dumaan sa aking mga kamay. Sa tingin mo ba, wala akong alam?" Tanong ni Vladimir at doon lamang niya naunawaan kung bakit.

Ang pinagtataka lang niya, ay hindi natatakot ang mga bata sa kaniya at tila ba nag-uunahan pa ang mga ito na kunin ang atensyon niya.

"Vlad, isa rin ba sa abilidad mo ang magpaamo ng mga tao. Alam mo 'yon, nagagawa mong alisin ang takot nila sa'yo?"

"Hipnotismo ba ang tinutukoy mo, mahal? Oo may abilidad akong gano'n, pero hindi takot ang inaalis ng kakayanan kong iyon, kundi ang kakayahan mong makapag-isip ng tama. Kahit ayaw ng utak mo kung nasa ilalim ka ng kapangyarihan ko, wala kang magagawa. At isa pa, bakit ko naman gagamitan ang mga bata ng gano'n?" Tanong ni Vladimir at napipilan naman si Elysia.

Bakit nga ba niya naisip iyon?

"Iniisip mo ba na masyado akong naging malapit sa mga bata? Wala akong ginagamit na kakayahan. Hindi ba't nais mong maging pamilya tayo? Kaninang umaga kinausap ko sila at sinabi ko na ako na ang kanilang magiging ama simula ngayon at ikaw naman ang ina. Natuwa sila, nawala rin ang takot nila. Mga bata sila na sabik sa alaga ng mga magulang pero lahat sila may pakiramdam. Alam nila kung tunay o hindi ang pinapakita lalo pa ng isang nilalang na hindi nila katulad." Paliwanag naman ni Vladimir at napangiti si Elysia.

"Talagang sineryoso mo? Pero Vlad, maraming salamat. Napasaya mo ako, sobra. Ito na yata ang pinakamasayang araw sa buhay ko. Pakiramdam ko, may kompletong pamilya na ako." Nagagalak at puno ng kasiyahang wika ni Elysia at yumakap kay Vladimir.

Tinugon din naman ito ng yakap ng binata. Sa gulat nila ay bigla ring yumakap sa kanila ang limang bata kasama na rin Ruka at Esme. Napuno ng tawanan ang buong silid na iyon na ikinatuwa naman nina Loreen at nang iba pang mga katiwala at kawal na nakakarinig.

Ilang buwan pang naging payapa ang buhay ni Elysia, kasama ang mga bata at si Vlad. Nakasanayan na rin nila ang buhay na para silang isang buong pamilya.

"Isasabay mo sa kaarawan ko ang koronasyon at kasal natin?" Gulat na tanong ni Elysia habang nag-uusap sila ni Vlad.

"Oo naman, bakit. Ayaw mo ba?" Tanong ni Vlad at napailing naman ang dalaga.

"Hindi naman sa gano'n, nabigla lamang ako. Pero matagal pa naman 'yon. Bakit ang aga naman yata ninyong nagpaplano?" Muling tanong ni Elysia.

"Malaking selebrasyon ang araw na iyon Elysia. Hindi basta-basta dahil sa loob ng isang daang taon at mahigit, ngayon lamang sila magkakaroon ng reyna. Kaya napakaraming paghahanda, isa na roon ang paglalapat ng proteksyon sa bawat sulok ng kaharian." Salaysay ni Vladimir.

"Ganoon katagal, perp bakit Vlad? Ibig bang sabihin niyan, ako lang ang naging babae sa buhay mo?" Nagtatakang tanong ni Elysia. Imposible kasi na sa bawat taong nagdaan ay hindi pa nagawang umibig ni Vladimir sa iba.

"Ikaw ang pangalawa at ayokong mangyari sa'yo ang nangyari kay Theresa." Sagot ni Vladimir at bumakas ang kalungkutan sa mukha ni Vladimir.

Gulat at awa naman ang naramdaman ni Elysia rito.

"Limampung taon ang nakakaraan nang makilala ko si Theresa, isa rin siyang tao katulad mo. Mahinhin, mabait at maganda. Walang kapares noong kapanahunan niya. Pero ang buhay ay hindi naging patas dahil araw din ng koronasyon nang mawala siya sa akin." Kuwento ni Vladimir at may kumislot sa puso ni Elysia nang makita ang kalungkutan sa mga mata ni Vladimir.

"Namatay siya? Pero bakit? Anong nangyari Vlad?" Bulalas ni Elysia. Marahang hinawakan ni Vladimir ang kamay ng dalaga at ginagap iyon. Bumuga ito nang malalim na hininga at tinitigan si Elysia sa mga mata.

"Dumating sa koronasyon si Vincent, ang buong akala ko ay naroon siya upang tuluyan nang maudlutan ang aming away ngunit nagkamali ako. Ginamit niya ang pagkakataong iyon upang mapaslan si Theresa bago pa man maganap ang seremonyas. Naabutan ko si Vincent sa silid niya, hawak niya ang namumutla at wala na niyang buhay na katawan." Sagot ni Vladimir.

Doon lamang mas naintindihan ni Elysia kung bakit ganoon na lamang ang galit ni Vladimir sa kaniyang kapatid. Pinat*y ni Vincent ang unang babaeng minahal ni Valdimir at wala man lang itong nagawa dahil nagtiwala siya.

Niyakap ni Elysia ang ulo ni Vladimir at isinandal iyon sa kaniyang balikat. Masakit ang makitang wala nang buhay ang isang taong mahalaga sa'yo, alam niya iyon dahil minsan na rin niyang dinanas ang sitwasyong iyon.

"Hindi naman siguro mauulit ang bagay na 'yon 'di ba?" Mahinahong tanong ni Elysia.

"Hindi, dahil hindi na ako papayag. Hindi na ako katulad ng dati, at lahat ng nandito sa palasyo ay nakahanda para sa araw na iyon. Hindi na sila papayag na mawalan ulit ng reyna. At isa pa, inihanda kita para sa araw na iyon. Malagay ka man sa panganib, kahit wala kami ay makakaya mong iligtas ang iyong sarili. Si Theresa noon ay walang alam, ang akala ko ay sapat na ako, pero nagkamali ako. Hindi sapat ang proteksyon ko dahil hindi sa lahat ng oras ay kasama niya ako." Sagot ni Vladimir at napatango si Elysia.

Doon lang niya napagtanto na lahat ng pagsasanay niya, lahat ng itinuro sa kaniya ng mga naging maestro niya ay paghahanda para sa araw ng koronasyon. Unti-unting naging malinaw sa isip niya na lahat ng iyon ay ang paghahandang tinutukoy ni Vladimir.

Tunay ngang malupit na guro ang buhay. Dahil matuto ka lamang kapag may isang mahalaga na ang nawala sa'yo. Masakit ngunit kailangan mong lumaban para sa hinaharap. At ang mga aral na nakuha mo, ang mga karanasan mong naging malupit sa iyong nakaraan ang magiging bala mo sa hinaharap upang ito'y iyong mabago at makamtan ang bagay na iyong inaasam.

"Salamat, Vlad. Ngayon naiintindihan ko na. Salamat at naging matiyaga ka sa akin. Salamat at binago mo ang buhay ko." Nakangiting wika ni Elysia.

"Naniniwala ka ba sa tadhana?" Biglang tanong ng binata. Natawa naman si Elysia, hindi niya mawari kung nagloloko ba ito o seryoso.

"Tadhana, bakit naman?"

"Oo o hindi lang ang sagot Ely." Wika ni Vladimir. Napaisip naman si Elysia at nangunot ang noo.

"Oo?" Hindi siguradong sagot niya na nagpangiti naman sa binata.

"Ako naniniwala, alam kong ikaw ang sunod na itinadhana sa akin. Buhat ng ipanganak ka, hanggang sa araw na makuha na kita. Lahat ng iyon at nakatakda. Hindi ko alam paano nangyayari iyon, ngunit isang propesiya ang siyang muling nag-udyok sa akin na ipagpatuloy ang aking buhay. At ikaw ang propesiyang iyon. Sa tamang gabay at paghahanda, sisibol ang isang reyna na siyang magbubuklod sa lahat ng nilalang dito sa Romania." Saad ni Vladimir at napatulala naman si Elysia.

Bab berikutnya