webnovel

Chapter 76

Nahulog sa isang malalim na pag-iisip si Milo dahil sa narinig mula sa kaniyang mga gabay. 

"Mutya ng kakao. Tamang-tama, anihan ng kakao sa dulo ng lupain ni Lolo. Magbabaka-sakali akong makahanap ng mutya roon." Wika pa ni Milo na animo'y kinakausap lang ang sarili.

"Hindi madali ngunit isa kang tagubaybay na kaisa ng kalikasan, gamitin mo ang kakayahan mo Milo at kusang magpapakita sayo ang kahit anong mutyang nanaisin mo." Turan naman ni Karim.

Dahil sa paalalang iyon ni Karim ay nanumbalik sa kaniyang alaala ang isa pang katauhan na meron siya. Noong gabi ding iyon ay ninais niyang magpalit ng anyo at libutin ang kanilang lugar sa anyo niyang tagubaybay.

Matikas na nakatayo ang anyong usa ni Milo, kapansin-pansin ang ginintuang sungay nito na muling nadugtungan ng sanga. Kahali-halina ang mga mata nitong tila mga bituin kumikislap sa madilim na kalangitan.

Iyon ang tagpong naabutan ni Lolo Ador na labis nitong ikinagulat. Nanlalaki ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa napakalaking usa na nasa harap ng puno ng balete. Noong una ay inakala niya na isa itong engkantong naliligaw ngunit nang mahagip ng mata niya ang palawit na kuwentas na minsan niyang niregalo sa kaniyang nag-iisang apo ay doon niya lang napagtanto ang lahat.

"Milo, apo ikaw ba yan?" Tawag niya. Tumango si Milo at marahang lumapit sa matanda. Ipinilig nito ang kaniyang ulo at idinampi ang nguso sa balikat ng kaniyang Lolo. Napaluha naman si Lolo Ador sa nasaksihan. Ang unang beses na nakita siya ng ganitong nilalang ay nang minsan silang mapadpad ng kaniyang anak sa Ilawud. Doon nila nakilala ang ina ni Milo.

Ilang sandali pa ay patakbong nilisan na ni Milo ang kanilang bakura at nagsimula nang maglibot sa paligid. Dahil malalim na ang gabi at halos lahat ng kabahayan ay sarado na, wala ni isang tao ang nakapansin sa kaniyang pagdaan. Hanggang sa marating niya ang kagubatan. Doon ay walang kahirap-hirap niyang tinahak ang matarik na daan paakyat ng bundok.

Kalaunan ay narating niya ang tuktok ng bundok kung saan kitang-kita niya ang kabuuan ng kanilang baryo. Mula roon ay sinamyo niya ang banayad na ihip ng hangin. Malamig at presko ang hangin sa tuktok, naririnig niya ang mga huni ng kulisap sa gabi at ang mararahang kaluskos ng mga panggabing hayop. Nanatili pa siya nang ilang oras sa tuktok bago niya mapagdesisyonang bumaba.

Dahil nasa anyong tagubaybay siya ay halos saglit lamang niyang nababa iyon. Naabutan pa niya si Gustavo na may dala-dalang baboy ramo na pababa na din sa bundok. Mabilis niyang nilapitan ito at muling nag-anyog tao sa harap ng lalaki.

Nakangiti si Gustavo nang makita si Milo.

"Sinasabi ko na nga ba at ikaw ang aking nararamdaman kanina. Kamusta ang pag-iikot?" tanong ni Gustavo. Napakamot naman si Milo at ngumiti.

"Nakakapanibago, kakaiba pala ang pakiramdam kapag dito ako nagpalit ng anyo sa tunay na mundo. Nakakamangha, ramdam na ramdam ko ang lahat, lahat ng nilalang, ngunit may isa akong hinahanap, isang kakaibang awra na hindi pamilyar sa akin."

"Kaya ka ba pumunta sa bundok para hagilapin ang berbalang?" tanong ni Gustavo at napatango naman si Milo.

"Nagbabaka-sakali akong maramdaman kahit ang kakarampot niyang presensiya. Manong Gustavo, kapag ba may binibiktima ang isang berbalang, kaya ba niyang gawin ito kahit nasa malayo siya?" tanong ni Milo habang naglalakad sila. Napatingala naman sa kalangitan si Gustavo at napabuntong-hininga.

"Ayon sa mga matatandang bangkilan sa aming angkan ay nagagawang mambiktima ng isang berbalang kahit nasa malayo ito. Ang tanging ginagawa lang nito ay paghiwalayin ang kaniyang katawang lupa at ang espiritual nitong wangis. Sa ganitong paraan ay hindi sila basta-basta nararamdaman ng mga albularyo o antinggero." seryosog sagot naman ni Gustavo. Napatahimik naman si Milo at muling nag-isip.

"Kung ganoon ay kailangan ko talagang makuha ang mutya ng kakao upang magawa ko siyang maramdaman. Masama kasi ang kutob ko." Tugon ni Milo. Muling namayani ang katahimikan sa kanilang dalawa hanggang sa makabalik na sila sa palayan ni Lolo Ador. Nang makapasok na si Milo sa kubo ay agaran na din siyang nagpahinga.

Sa tulong ng gabay niyang diwata ng hangin ay agad din siyang nakatulog at nakabawi ng lakas. Kinabukasan ay masiglang nagising si Milo, paglabas niya sa kaniyang silid ay naabutan niyang nagkakape na si mang Nestor at Lolo Ador.

"Magandang umaga, Mang Nestor kamusta po ang tulog nyo dito sa bahay?" Tanong ni Milo at naupo na sa tabi ng kaniyang lolo.

"Maayos naman, medyo napanatag ang loob ko na hindi kami masusundan dito. Maging si Lara ay nakapagpahinga ng maayos, hindi na siya nagsisisigaw sa pagsapit ng gabi." sagot ni Mang Nestor, bakas sa mukha nito ang labis na kasiyahan dahil sa unang pagkakataon ay muli niyang nakitang matulog ng mahimbing ang kaniyang mahal na asawa.

"Wala pa po akong nagagawa, hindi ko pa rin nakikita ang nilalang na may gawa nito sa asawa nito. Saka na po kayo magpasalamat kapag natapos na at tuluyan nang gumaling si Aling Lara. Sa ngayon ay dumito na muna kayo, mas ligtas rito." Wika ni Milo.

"Hindi ba nakakahiya sa inyo? Makikituloy kami sa bahay niyo gayong, masasakit na salita ang nabitiwan ko sa inyo noong namat*y ang aming anak? Labis kong pinagsisisihan ang araw na iyon, sana ay mapatawad niyo ako." naluluhang wika ni Mang Nestor. Tinapik naman ito ni Lolo Ador sa balikat at binigyan ng saging na siya namang almusal nila nang umagang iyon.

"Matagal na 'yong nangyari, hindi naman kami nagalit. Naiintindihan ka namin, ama ka lang na nawalan noon." mahinahong turan ni Lolo Ador at doon na napahagulgol si Mang Nestor sa labis na pagsisisi.

"Huwag niyo na pong isipin ang nakaraan, ang mahalaga ay ang ngayon." Wika pa ni Milo at napatango naman ang lalaki. Matapos nilang kumain ay tinungo naman ni Milo ang silid na tinutuluyan ni Mang Nestor at ng asawa nito. Tulad ng dati ay mahina pa rin ang asawa nito pero nagkamalay na ito nang araw na iyon na labis namang ikinatuwa ni Mang Nestor.

Halos ilang araw na din kaso itong hindi nagigising magbuhat noong makabalik sila sa Talisay. Gabi-gabi ay umuung*l lamg ito sa sakit at madalas ay sumisigaw rin ito nang hindi malaman ang dahilan.

"Kamusta po ang pakiramdam niyo Aling Lara?" Tanong ni Milo habang nilalapatan ng mga halamang gamot ang mga sugat nito sa katawan. Dahil sa tagal nitong nakahiga ay nagkakaroon na ito ng sugat sa katawan.

"M–maayos n–na." Pautal-utal na sagot nito sa garalgal na boses.

"Hihilotin ko po kayo ha, para muli niyong maramdaman ang inyong katawan." Sabi pa ni Milo bago kinuha ang isang bote sa kaniyang sisidlan. Pagbukas niya sa takip ay agad na kumalat ang mabangong amoy sa silid na iyon.

Para iyong pinaghalong mga bulaklak. Marahan ngunit polidi ang ginagawang paghihilot ni Milo sa katawan ng ginang. Bukod sa pagising sa natutulog nitong mga kalamnan ay nais din niyang masiguro na wala na itong ibang iniindang sakit.

Maratapos ang panghihilot ay bumuga ng malalim na hininga si Milo. Ngumiti siya at hinawakan ang kamay ng ginang.

"Aling Lara, kailangan niyong magpagaling agad hindi lamg para kay Mang Nestor kundi para sa isa pang buhay na nasa sinapupunan niyo." Wika ni Milo at halos madapa si Nestor nang lumapit sa kanila.

"Sinapupunan? Buntis si Lara, tama ba ang pagkarinig ko Milo?" Gulat at naluluhang tanong ni Nestor.

"Oho Mang Nestor, buntis ho si Aling Lara, kaya kailangan nating magdoble ingat at magmadali na mapagaling siya." Wika ni Milo. Napayakap naman si Nestor sa kaniyang asawa. Nanghihina man ay pareho silang napaiyak sa kagalakan.

"Kaya ba inaatake si Lara ng aswang dahil sa pinagbubuntis niya? Balak ba niyang kainin ang anak ko? Hindi ako papayag, nawalan na ako ng anak dahil sa barang, kulam o kung ano man iyon—hindi ako papayag na mawalan ulit ng anak dahil naman sa aswang. Milo pakiusap, kung may magagawa ako sabihin mo lang." Saad ni Nestor.

"Huwag ho kayong mag-alala, bantayan lang po ninyo at alagaan si Aling Lara, kami na po ang bahala sa iba."

Sumapit na ang tanghali at magkita-kita sa palayan ang magkakaibigan. Bitbit nila ang kaniya-kaniyang mga gamit sa pagbubungkal ay simple silang naglalakad sa mga pilapi ng palayan.

"Sa inyo na pala natuloy sina Mang Nestor. Ayos lang ba sila?" Tanong ni Nardo.

"Oo ayos lang naman. Sa ngayon ay wala pa akong magagawa dahil kulamg pa ang lakas ko para hanapin at harapin ang aswamg na nais bumiktima kay Aling Lara.

"Ang saklap din naman talaga ng buhay ni Mang Nestor ano, biruin niyo namat*y ang unang anak nila dahil sa kulam tapos ito naman. Para siyang hinahabol ng malas ang masaklap, anak niya ang tinitira." Umiiling na saad ni Ben.

"Tama ka Ben, napakasaklap. Siguro naman makikinig na siya sa inyo." Sang-ayon ni Nardo.

"Nakikinig na si Mang Nestor. Siya na din ang nagkusang humingi ng tulong. Sa katunayan, kaya sila bumalik ay para humingi ng tulong." Nangingiting sagot ni Milo. Pagdating nila sa maisan ay agad din naman nilang sinimulan ang kanikang pagbubungkal. Sa kalagitnaan ng pagbubungkal ay bigla namang natigilan si Milo nang makaramdam ng isang masamang presensya na biglang dumaan sa tabi niya. Parang hanging lang iyon na dumaan ay bigla din itong nawala bago pa man niya ito masundan.

Bab berikutnya