webnovel

Chapter 71

"Guguran!!!"

Halos mag-apoy sa galit si Asu-an, mabaliw-baliw ito sa pagpalinga-linga habang hinahanap ang kung sino sa paligid.

"Asu-an. bumalik ka na sa mundo mo, hindi ka na dapat nanggulo dito sa mundo ng mga tao, hindi ka pa ba nadadala sa parusa sayo ng kapatid mo?"

Marahas na nilingon ni Asu-an si Mina, nakatayo naman sa tabi nito si Isagani na noo'y nakabalik na sa taong anyo nito. Isang pag-angil ang pinakawalan ni Asu-an at mabilis na tumalon patungo kay Mina, bago pa man tumama ang mga kuko nito kay Mina ay mabilis iyong napigilan ni Milo. 

"Wala dito ang kapatid mo pero, kahit malayo siya ay kaya pa rin niyang pahinain ka." Wika ni Milo at ibinalibag si Asu-an sa lupa. Napakalaking nilalang ni Asu-an ngunit dahil nanghihina na ay nakaya na itong ibalibag ni Milo sa lupa. Parang isang uhaw na lobo si Milo habang pinauulanan ng sapak si Asu-an. Nangingislap ang mga mata nito sa bawat suntok na kaniyang pinapakawalan. Hanggang sa tuluyan nang makabawi si Asu-an at muli silang nagpambuno.

Walang ano-ano'y umikot ang malakas na hangin sa paligid at naramdaman nila ang pagyanig ng lupa. Muling dumagundong ang langit at isang malakas na kidlat ang tumama mula sa kinatatayuan ni Asu-an na siyang dahilan upang maghiwalay si Asuan at Milo. 

"Milo, hayaan mo nang si Guguran ang tumapos ng laban." Tawag ni Mina. Agaran namang kumalma si Milo ay marahang lumayo roon. Galit na galit si Asu-an at akmang hahabulin pa nito si MIlo ngunit muling kumidlat. sa pagkakataon iyon ay tinamaan na si Asu-an na siyang naging dahilan para ikabuwal nito sa lupa.

Napasigaw nang malakas si Asu-an, pilit siyang tumayo ngunit lumitaw sa kanilang paningin ang malalaking kadenang yari sa ginto ang pumulupot sa braso, paa at buong katawan nito. Maging ang ulo nito ay hindi naligtas sa mga kadenang tila may buhay na gumagapang sa lupa. Tila isang hayop na umaatungal si Asu-an habang nakasubasob sa lupa ang mukha nito, mayamaya pa ay yumanig ang lupa na ikinaluhod naman ng mga taong naroroon. 

Kitang-kita nila ang pagbiyak ng lupa kasabay nito ang unti-unting paghatak kay Asu-an patungo roon. Wala nang nagawa si Asu-an kun'di ang sumigaw haggang sa tuluyan na siyang lamunin ng lupa at muli itong magsara.

MUling namayani ang katahimikan sa buong paligid, kasabay nito ang dahan-dahang pagsilay ng bukang-liwayway sa kabihasnan. Umihip ang malamig na hangin na siyang pumukaw naman sa pagkakatulala nila. Nang lingunin nila ang mga katawan ng aswang na kanilang napasl*ng, nakita nilang unti-unting nagiging abo ang mga ito. Nakatayo lamang sila roon, hindi makapaniwalang napagtagumpayan nilang tapusin ang laban kontra sa mga aswang na nais sumakop sa kanilang bayan. Napahagulgol naman ng iyak si Mang Isko kasama ang mga kasama nitong lalaki. Sabay-sabay na napaluhod ang mga ito at nagpasalamat kay Bathala.

Napaantanda naman si Padre Miguel at nag-alay ng dasal para sa mga aswang na namat*y sa digmaang iyon. Matapos ang pasasalamat ng mga tao ay naghiyawan naman ang mga ito na siyang naging hudyat ng pagdiriwang ng lahat sa pagtatagunpay nila sa laban. Napaupo naman si Milo at bahagyang napatawa dahil sa labis na kaligayahan. Muli nang nagbalik ang kaanyuan niya sa normal, hindi siya makapaniwalang ang labang ito ang siyang magbubukas pa ng isang impormasyon sa kaniyang tunay na pagkatao.

Hanggang ngayon ay tila panaginip pa rin ang lahat para sa kaniya. Napangiti pa siya nang ilahad ni Simon ang kamay nito sa kaniya. Malugod niya itong tinanggap ngunit sa sobrang pagod ay agad na bumigay ang kaniyang tuhod. Mabilis naman siyang inalalayan ni Simon na noo'y tatawa-tawa pa.

Nang tuluyan na silang makabalik sa bahay ni Mang Isko ay doon pa lamang nakilala ni Milo ang mga taong tumulong sa kanila. Ito ang mga tumugon sa kaniyang pagtawag habang nakikipaglaban kay Asu-an.

"Milo, ito ng pala si Inang Mina at Amang Isagani." Pakilala ni Simon. "At ito naman si Padre Miguel, isa siyang Pari na naging parte din ng laban noon ng aming mga magulang kay Sitan." Dagdag pa ni Simon at nangislap ang mga mata ng binata.

"Kinagagalak ko po kayong makilala. Maraming salamat po sa pagtugon sa aking tawag. Alam kong kayo ang nakasugpong sa ipinadala kong palipad hangin. Lubos po akong nagpapasalamat sa inyong pagdating." Mapagpakumbabang wika ni Milo at bahagyang iniyukod ang ulo bilang paggalang sa mga ito.

"Kami ang dapat magpasalamat sa iyo. Dahil sa ipinadala mong palipad hangin ay mabilis namin natunton ang lugar na ito at naabutan pa namin kayong buhay. Malaking bagay ang ginawa mo Milo." Mahinahong wika ni Mina.

"Tama ang Tiya Mina mo Milo, hindi mo kakayanin si Asuan dahil hindi siya isang normal lang na nilalang. Hindi siya engkanto at lalong hindi siya katulad ng mga aswang na nakalaban niyo." Dugtong pa ni Isagani.

"Kapatid ni Guguran si Asu-an, pinaniniwalaang si Asu-an ang siyang tinuturing na Diyos ng mga aswang, ang kanilang tagapagbigay mg buhay at kapangyarihan. Habang si Guguran naman ang siyang nagpoprotekta sa mga tao." Wika ni Mina, nanlaki naman ang mga mata ni Milo dahil doon lamg niya napagtanto na isang mataas na uri ng diwata o Diyos pala ang kaniyang nakalaban.

Ayon pa sa mga ito ay matagal nang may hidwaan sa pagitan ng magkapatid. Nagsimula ito nang minsang nakawin ni Asu-an ang pinangangalagaang apoy ni Guguran sa tirahan nitong isang bulkan. Dahil sa ginawa ng kapatid ay naging dahilan iyon upang kumawala ang apoy noong hindi ito makontrol ni Asu-an. Walang nagawa si Guguran kun'di ang tawagin ang iba pang mga Diwata o Diyos upang apulahin ang apoy na siyang lumilipol sa sangkatauhan.

Matagumpay naman naapula ang apoy ngunit magmula noon ay lalong umihting pa ang hidwaan ng dalawa.

"Ibig sabihin ang may kagagawan ng malalaking kadenang ginto ay ang kapatid niyang isa ring Diyos?" Tanong ni Milo at marahang tango naman ang itinugon ni Mina.

"Siya nga po pala, isa po kayong babaylan, maaari niyo po ba akong suriin?" Tanong ni Milo na pinagtakhan naman ng kaniyang mga kasama.

"Bakit may dinaramdam ka ba? May masakit ba sa'yo?" Tanong ni Maya. Umiling naman si Milo at ngumiti. Doon ay isinalaysay ni Milo ang kakaibang nangyari sa kaniya sa kalagitnaan ng laban nila ni Asu-an.

"Isa pang pagkatao? Akin na ang kamay mo." Wika pa ni Mina ay marahang hinawakan ang kamay ng binata. Ipinikit ni Mina ang kaniyang mata at ilang sandali pa ay isang ngiti ang sumilay sa kaniyang labi.

"Bakit ina, may kakaiba ba kay Milo?" Tanong ni Simon habang si Maya ay tahimik lang na nag-aabang sa sagot ng kanilang ina.

"Tama ka ng hinala, may nilalang ngang nagkukubli sa kaibuturan ng iyong pagkatao. Subalit hindi mo kailangang mangamba dahil lumalabas lamang ito kapag nasa alanganin ka nang sitwasyon katulad kanina. Magkarugtong ang inyong pagkatao, at marahil ang lolo mo lang ang tanging makapagpaliwanag sa iyo kung sino nga ba talaga siya. Wala akong karapatang ibunyag ito sa iyo."

"Ganoon po ba? Maraming salamat po, hindi naman ako nababahala dahil ramdam kong mabuting nilalang siya." Inosenteng wika ni Milo at ngumiti naman si Mina.

"Ipahinga niyo ang mga katawan niyo at ako na ang bahalang gumamot sa mga sugat na natamo ng iilan sa inyo." Wika pa ni Mina. Dahil sa sinabi nito ay napanatag na si Milo. Paglapat ng kaniyang likod sa papag ay agaran na din siyang nakatulog.

Tila ba isang mahabang panaginip lang ang mga nangyari sa kanila. Naging mahaba ang pahinga nila halos maggagabi na nang magising sila. Naabutan pa nila sa kusina sina Mang Isko kasama si Mina at Isagani habang si Padre Miguel naman ay nasa maliit na sala ng bahay kasama ang mag-ina ni Gustavo.

"Magandang gabi ho. " Bati ni Milo habang nag-iinat ng braso.

"Kamusta ang pahinga mo Milo?" Tanong ni Mang Isko.

"Ayos naman po Mang Isko, medyo magaan na po ang pakiramdam ko. Parang nawala na din ang pananakit ng katawan at panlalambot ng aking mga tuhod." Tugon pa ng binata habang nagtatakang pinakikiramdaman ang sariling katawan.

"Mabuti naman kung gano'n, sadyang napakabisa ng gamot ni Mina." Masayang wika ni Mang Isko habang inihahain ang manok na niluto nito. "O' alam kong gutom na kayo, halina't magsabay-sabay na tayo sa pagkain. " Tawag pa ni Mang Isko sa kanila. Sabay-sabay na silang kumain at sa paglalim nga ng gabi ay nagpaalam na si Mina, Miguel at Isagani sa kanila. Sa maikling panahon na nakilala ni Milo ang mga ito ay nakapagtatakang napakagaan mg loob niya sa mga ito. Lalo na kay Mina na siyang ina naman ni Simon at Maya.

"Nakakamangha talaga ang mga magulang niyo Simon." Puno ng paghangang wika ni Milo. Natatawa naman si Simon sa reaksyon ng kaibigan niya. Inakbayan niya ito at saka pabilong na nagwika ng—

"Kapag nakasama mo sila nang matagal, magbabago din opinyon mo sa kanila."

Napangisi naman si Milo sa sinabi nito. Magka-akbay silang bumalik sa loob ng bahay at nakasunod naman sa kanila si Liway at Maya.

Bab berikutnya