webnovel

Chapter 65

Noong una ay normal lamang na dahon ang nasisipat nila, ngunit nang umuhip ng dasal si MIlo sa hangin ay doon niya nakita ang maliliit na lambanang namamahinga sa dahong iyon.

Napangiti naman si Liway nang mapansin ang pagkakatitig ni Milo sa hawak niyang dahon.

"Napagod sila sa paglilibot kaya hinayaan ko muna silang magpahinga." Nakangiting wika ni Liway at napatango naman si Milo. Naalala niya rin kasi bigla ang kaniyang mga gabay na lambana. Nang sumagi naman sa isip niya ang kaniyang gabay na tikbalang ay dali-dali siyang lumabas ng bahay upang tawagin ito.

"Kaibigan, Napuntahan mo ba si Lolo Ador?" tanong ni Milo.

"Nasa maayos na kalagayan ang matandang si Ador, ipanatag mo ang loob mo Milo." Tugon ng tikbalang. Napabuntong-hininga naman si Milo nang marinig ang magandang balitang iyon. Saglit pa silang nag-usap sa kalagayan ng kaniyang iniwanang baryo at bahagyang napanatag ang kaniyang loob nang malamang nasa maayos ang kanilang baryo.

"Hindi pa tayo makakauwi dahil hihintayin pa natin ang muling pagsalakay ng mga bangkilan. Sa tingin ko handa na rin naman kayo." Nakangiting wika ni Milo. Natawa naman si Karim at matamang tinitigan si Milo.

"Napakalaki na ng iniunlad ng iyong kakayahan. Natutuwa kaming mga gabay mo dahil napapanatag kami kapag may digmaan na. Pagbutihin mo pa Milo, at nawa'y gamitin mo sa kabutihan ang biyayang iyan." makahulugang wika ni Karim at bigla na itong naglaho sa kaniyang paningin. 

Humugot si Milo ng malalim na hininga bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay ni Mang Isko. Lumipas pa ang maraming araw at unti-unti na nga nilang napapansin ang pagdatingan ng mga uwak sa kanilang baryo. Bawat bahay sa bayan ng Talusan ay may mga nakahanda nang pangontra. Maging ang mga dingding at bubong ay pinatibay na rin nila sa takot na baka mabilis itong masisira ng mga nagwawalang mga aswang.

Gumawa na rin sila ng bakod na gawa sa kawayan na pinagapangan nila ng halamang makabuhay. Kung hindi itak na tanso, bunto't-pagi at mga punyal na ibinabad sa dinikdik na bawang ang hawak ng mga kalalakihan bilang pamprotekta sa kanilang mga mahal sa buhay.

"Malakas ang pakiramdam ko na alam na ni Ama ang nangyari kay Ismael, hindi na tayo puwedeng pakampante dahil ano mang oras ay maaari na silang umatake." Wika pa ni Gustavo habang marahang ipinaghehele ang kaniyang anak. Mahimbing na itong natutulog sa bisig ni Gustavo habang si Agnes naman ay naliligo muna sa kanilang banyo. 

"Tiyak na ang sanggol pa rin ang habol nila. Hindi sila titigil hangga't hindi nila nakukuha ang nais nila." Dugtong ni Maya at napatango naman ang iba.

"Malaking bagay kasi kung makukuha nila ang bata, ang anak ko ang magsisilbing tagahalili niya at ang siyang magapapatuloy ng lahi ng mga bangkilan. Hindi makakapayag si ama na magtatapos ang lahi namin sa kaniya. Subalit, hindi din ako papayag na malahian si Gino, oo magiging aswang siya dahil nasa dugo na niya ito ngunit sisikapin kong makapamuhay siya nang naaayon sa nais ng liwanag." Mahinang wika ni Gustavo habang matamang tinititigan ang natutulog niyang anak. 

Nang matapos ng maligo si Agnes ay kinuha na rin niya si Gino kay Gustavo, sumunod naman si Milo sa mga ito nang pumasok na sila sa kwarto upang makapagpahinga.

"Ate Agnes, may ibibigay po ako kay Gino." wika ni Milo na ikinangiti naman ni Agnes.

"Ano 'yon Milo. halika pasok ka, umupo ka rito sa tabi niya." Alok ni Agnes na kaagad din naman niyang sinunod. UMupo siya sa tabi ng sanggol at marahan hinaplos ang malambot nitong pisngi. Napapangiti naman si Milo dahil sa malambot at maumbok nitong pisngi. Napakalusog ng batang si Gino, at namumula-mula pa ang pisngi nito.

Maingat na kinuha ni Milo ang isang maliit na animo'y isang uri ng baging. Kulay berde ito at tila ba may buhay pa ito at hindi pa natutuyo. Idinampi niya ito sa kamay ng sanggol at gulat na gulat si Agnes nang makitang tila ahas itong pumaikot sa kamay ng kaniyang anak.

"Huwag ka pong mabahala ate, isang uri iyan ng halaman na makukuha pa sa mundo ng mga engkanto, ibinigay ito sa akin ng mga kaibigan ko at ayon sa kanila ay mabisa itong pantaboy sa mga elemento ng dilim na naghahangad ng kapahamakan sa inyong anak. Wala pang muwang si Gino at hindi niya pa kayang protektahan ang kaniyang sarili. Napapaloob sa halamang ito ang isang gabay na siyang magiging tagabantay ni Gino hanggang sa makaya na niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili. Kusang aalis ang gabay na ito sa panahong nakatakda." Paliwanag naman ni Milo. Napapaluha si Agnes habang nagpapasalamat sa binata.

"Hindi mo na kailangan magpasalamat ate, gusto ko si Manong Gustavo dahil napakabuti niya sa kabila ng pagiging aswang niya. At nararamdaman ko rin na magiging mabuting bata si Gino sa piling niyo. Kaya nais kong protektahan ang pamilya niyo at lumaki si Gino na masaya at may kompletong pamilya." Nakangiting wika ni Milo.

"Napakabuti mo Milo, kaya ka pinagpapala ay dahil sa ginintuan mong puso. Nawa'y maabot mo ang lahat ng ninanais mo at pagkatapos ng lahat ng sigalot na ito ay sana'y mabuhay ka ng mapayapa at masaya sa piling ng iyong itinuturing na pamilya." saad pa ni Agnes.

Matapos maibigay sa bata ang nais niyang maibigay ay lumabas na siya ng silid at naabutan niyang nakamasid na sa labas ang kaniyang mga kasama.

"Napakarami nang tagamasid ang nakakalat sa labas ng bayan. Mukhang malapit nang dumating ang kanilang pinuno." Wika ni Maya habang malayo ang tingin. Naabot kasi ng tingin niya ang mga nagpupulahang mga mata ng mga uwak na nagmamasid sa kanila.

"Nakakatuwa naman sila." Nakangisi pang dagdag ni Maya na ikinatawa naman ng kapatid niyang si Simon.

"Mukhang masasakto pa sa kabilugan ng buwan ang kanilang pagsalakay, tamang-tama Maya, napapanahon na naman para hugasan mo ng dugo ng aswang ang iyong bertud." Wika ni Simon at nangislap ang mga mata ni Maya.

"Oo nga ano, buti pinaalala mo. Muntik ko nang makaligtaan ang gawain kung iyon." Sabik na wika ni Maya. Tila batang paslit itong pinangakuan ng kendi sa kaniyang kaarawan.

"O' kita mo 'to, pagagalitan ka na naman ni ama sa pagiging makakalimutin mo." Napapailing na wika ni Simon at mbilis na inakbayan ni Maya ang kapatid.

"Hindi mo naman ako isusumbong e' at isa pa nariyan ka naman para ipaalala sa akin, katulad ngayon. " Nakangising wika ni Maya at nasapo lang ni Simon ang kaniyang noo. Kahit kailan talaga ay walang kadala-dala ang kapatid niyang ito.

Nakabantay lang sila sa labas ng bahay habang pinagmamasdan rin ang mga nilalang na nakamasid sa kanila. Hindi nila kailangan magpagod para atakihin ang mga ito dahil kusang lalapit ang mga kaaway sa oras na dumating ang kanilang pinuno.

"Manong Gustavo, alam kung ama mo ang makakalaban natin, maaari bang ipaubaya mo na sa akin ang iyong ama?" Tanong ni Maya. Napapikit naman si Gustavo na tila ba nahihirapan itong magdesisyon.

"Simula nang pagbantaan niyang pat*yin si Agnes ay kinalimutan ko nang ama ko siya. Ipapaubaya ko na sa iyo ang nilalang na iyon. " Mayamaya ay wika ni Gustavo. Batid nilang mabigat din sa loob ni Gustavo ang desisyong iyon. Ngunit sa pagkakataong iyon ay mas matimbang na sa puso niya ang kaligtasan at kapakanan ng kaniyang mag-ina.

Nais na rin naman niyang makawala sa kadenang nagkukulong sa kaniya. Ang kadenang nagturo sa kaniya na kahit kailan ay hindi mabubuhay ng mapayapa amg mga tulad nilang aswang sa mundong ginagalawan ng mga tao. Ang kadenang tinatawag niyang ama. Pagkakataon na rin ito para maranasan naman niya na maging malaya at walang pangamba sa bawta araw na nabubuhay sila.

"Huwag kang mag-alala, alang-alang sa 'yo ay hindi ko pahihirapan ang tatay mo. Pero nakadepende pa rin iyon sa kaniya." Nakangising wika ni Maya at natawa naman si Gustavo.

"Ikaw na ang bahala sa kung paano mo siya gagapiin. Mas mainam kung maiparanas mo sa kaniya ang lahat nang ipinadanas niya sa aming pamilya. Wala na akong pakialam,ang nais ko na lang ay mabilis na makuha ang kalayaan ko at nang makapamuhay na ako ng matiwasay kasama ang pamilya ko. Kung maaari lang sana na lumayo na kami sa lugar na ito para makapagsimula kami ng panibago ay gagawin namin." Wika ni Gustavo.

"Kung gusto niyo ay maaari kayong sumama sa amin pag-uwi namin sa bayan. Malawak ang sakahan ni Lolo Ador at maaari kayong magtayo ng kubo sa isa sa mga lupang malapit doon." Suhestiyon ni Milo na ikinatuwa naman ni Gustavo.

" Hindi ko tatanggihan yan alok mo Milo. Maraming salamat sa lahat ng tulong niyo sa amin."

"Walang anuman po iyon. Matutuwa si lolo dahil magiging mas masaya pa ang aming lugar kapag nandoon na kayo. Medyo malayo iyon sa bayan kaya payapa kayong makakapamuhay doon." Tugon pa ni Milo.

Bab berikutnya