webnovel

Chapter 32

"Baka si Rita ang pumunta rito, may sakit ang anak no'n, mga bata, sumama na kayo sa amin, at walang magbabantay sa inyo rito, mahirap na," wika ni Mang Isko at agad namang tumayo ang mga ito. Nagkatinginan naman si Milo at Simon bago sumunod sa matanda.

Tama nga ang hula nito, dahil pagdating nila sa bahay ng sinasabi nito ay naroroon si Maya na may tinitingnang ginang. Mabilis na lumapit doon si Mang Isko at agad na kinausap si Aling Rita.

"Rita, hindi pa rin ba gumagaling si Agnes? Hindi ba't napatingnan mo na iyan sa manggagamot sa kabilang bayan?" Tanong ni Mang Isko.

"Isko, mabuti at nandito ka na, pumunta ako sa bahay mo pero wala ka at itong dalaga ang sumama rito, oo napatingnan ko siya pero lahat sila ayaw makialam. Masyadong malakas raw ang gumagambala sa anak ko, buntis pa si Agnes at wala rito ang asawa niya ngayon." Halos naiiyak naman na kwento ni Rita. 

Napailing naman si Mang Isko at agad na pinakalma si Aling Rita na noo'y nagiging emosyonal na dahil sa biglaang pagkakasakit ng nag-iisang anak nito.

Natatayang nasa trenta y kuwatro na si Agnes, may balingkinitang pangangatawan at maputing balat at hindi rin maipagkakaila ang natural na kagandahan nito.

Ilang sandali pa ay tumayo na si Maya at lumapit sa kaniyang mga kasama.

"May mga marka ako ng aswang na nakita sa katawan niya, maging mga sumpa ng barang at kulam. Nakakapagtaka, dahil ito ang unang beses na nakatagpo ako ng ganitong sitwasyon." Lumalapit na saad ni Maya. Napahikbi naman si Aling Rita dahil sa narinig.

"Sigurado ka hija?" Paninigurong tanong ni Mang Isko.

"Opo, hindi ako puwedeng magkamali. At may isa pa kayong dapat malaman tungkol sa anak niyo Aling Rita, ang batang pinagbubuntis niya ay hindi ordinaryo, ang sanggol ay may dugong aswang. Isang mataas na uri na napapabilang sa lahi ng mga bangkilan." Dagdag na saad ni Maya at doon na lalong napaiyak si Aling Rita na agad namang dinaluhan ni Mang Isko.

"Kung isang aswang ang batang nasa sinapupunan ni Agnes, kailangan pala natin 'yang idispatsa." Wika ng isang matandang lalaki na kakapasok lamang ng bahay.

"Nakadepende po iyan sa sagot ng anak niyo." Si Simon ang sumagot sa matanda. Alam nilang ito ang ama ni Agnes, basi na din sa kilos at pananalita nito.

"Isang aswang ang bata, walang puwang sa mundong 'to ang mga nilalang ng dilim, hindi na dapat sila pinapadami." Halata ang galit sa boses ng matandang lalaki, hindi naman agad nakaimik ang magkapatid dahil hindi rin nila alam kung ano pa ang pinagdaanan ng mga ito para masabi ang mga katagang iyon.

"Lahat ng nilalang ay may karapatang mabuhay, aswang man, engkanto, lamang-lupa, hindi lang tao ang may karapatan sa mundo." Sabad ni Milo nang hindi na nito maatim ang sinabi ng lalaki.

Natahimik naman ang lalaki at napayuko.

"Manong, hindi natin alam ang totoong pangyayari, kailangan nating makausap ang anak niyo para malaman natin kung kaninong anak ang dinadala niya, kung siya ba ay napilitan lang o ginusto rin niya ito." Mahinahong paliwanag ni Maya.

Kalaunan ay sumang-ayon na din ang mag-asawa, napagdesisyonan na rin nilang doon pansamantala manatili sa bahay ni Aling Rita upang mabantayan nila ang kanilang pasyente.

Hapon na nang tuluyang magkamalay si Agnes, agad naman itong kinausap ni Maya habang tinitingnan ang kalagayan nito.

"Pakiusap, huwag mong sabihin kay Itay, siguradong ikakagalit niya ito. Galit si Itay sa mga aswang dahil aswang ang dahilan kung bakit siya naulila sa mga magulang. Nakilala ko si Gustavo sa bayang pinagtrabahuan ko, mabait siya sa akin at kahit kailan hindi niya inilihim sa akin ang pagkatao niya. Una pa lamang nang maging magkaibigan kami ay ipinagtapat na niya sa akin ang pagkatao niya, pinapili niya ako kung lalayo ako o mananatili ako sa tabi niya at ang huli ang pinili ko. Mabuting tao si Gustavo, hindi siya tulad ng ibang aswang na hayok sa laman ng tao. Hindi siya masama, isinakripisyo niya ang sarili niya para makatakas kami ng anak niya dahil tutol rin ang angkan niya sa relasyon namin, ngayon hindi ko alam kung buhay pa ba siya." Umiiyak na salaysay ni Agnes, hinaplos naman ni Maya ang likod nito para mapakalma.

"Hindi kita hinuhusgahan, alam kong may mga mabubuting aswang sa mundo, mga aswang na nagnanais ng pagbabago. Naiitindihan kita dahil ako at ang kapatid ko ay may dugo ring aswang."

Napatulala naman si Agnes sa narinig niya kay Maya. Napatingin siya sa maamong mukha ng dalagang nasa harap niya at tila ba nabuhay ang pag-asang, maaari niyang makasama ang kaniyang anak.

Ilang minuto din ang lumipas bago mahimasmasan si Agnes sa kaniyang pag-iyak.

"Ibig sabihin, maaari kong buhayin ang anak ko? Mamumuhay siyang normal sa mundo kahit mayro'ng dugo ng dilim na nananalaytay sa kaniyang mga ugat?" Natutuwang tanong ni Agnes, bumalik ang sigla sa mukha nito at bahagyang nagkaroon ng kulay ang namumutlang mukha nito.

"Oo naman, kahit ano pa ang dugo niya, kapag napalaki mo siya ng maayos at may takot sa Diyos, magiging maayos din ang lahat. Manalig ka sa Panginoon Ate Agnes, isuko mo ang lahat sa kaniya, dahil walang dasal ang hindi niya pakikinggan." Mahinahong saad ni Maya, tumango-tango naman si Agnes bago siya muling pinagpahinga ni Maya at tuluyan nang iwan ang silid nito.

"Maari niyo na po siyang samahan sa silid niya Aling Rita, hindi natin maaring kunin ang buhay ng anak niya dahil, mahal niya ito at ang lalaking ama ng anak niya," wika ni Maya at napasimangot naman si Mang Isidro na siyang ama ni Agnes.

"At paano naman kayo nakakasiguro na hindi magiging isang halimaw ang anak niya sa halimaw na iyon?" Giit na tanong ni Mang Isidro habang naggigitgitan ang mga ngipin nito.

"Dahil, hindi kasalanan ng sanggol ang mabuhay sa mundo at hindi niya kasalanan na magkaroon ng dugo ng isang halimaw. Mang Isidro, alam kong masakit ang mawalan ng pamilya dahil sa kagagawan ng mga aswang subalit pakatandaan niyo po sana na hindi lahat ng aswang ay masama. Huwag niyo sanang kalimutan na kahit ang mga taong tulad niyo ay may kasamaan din na minsan ay mas masahol pa sa mga aswang," giit naman ni Milo na noo'y hindi na mapigilan ang sariling sumagot.

"Tama ang mga bata Pareng Isidro, huwag mo na itong isumbat sa anak mo, mukhang minahal naman siya ng lalaking iyon. Dahil kung hindi ay siguradong si Agnes mismo ang tatapos sa buhay na nabubuo pa lamang sa tiyan niya. " Dagdag ni Mang Isko at doon lamang tila nahimasmasan ang matanda. Napaupo ito sa papag at bahagyang naihilamos ang palad sa mukha.

"Isidro, hayaan na natin si Agnes, ang mahalaga ay nandito na siya ngayon at maibalik natin ang dating lakas niya. Nahihirapan na ang ating anak, ayokong nagkakaganito siya. Huwag na tayong dumagdag pa sa kaniyang pasakit." Saad naman ni Aling Rita na animo'y nagmamakaawa sa asawa.

Wala nang nagawa pa si Isidro kun'di ang makinig sa asawa niya. Mahal din naman niya si Agnes, mahirap lang na tanggapin oara sa kaniya subalit wala siyang magagawa kun'di ang buong puso itong tanggapin. Bahagyang tumango si Mang Isidro na labis na ikinatuwa naman ni Aling Rita at Mang Isko.

Kalaunan ay nagpaalam na muna sila sa mag-anak para bumalik sa bahay ni Mang Isko, nangako naman sina Milo na babalik sa gabi upang bantayan ang kanilang paligid. Hindi rin kasi nila maaaring iwan sa gabi si Agnes dahil sa mga banta ng aswang, barang at kulam dito.

Pagdating sa bahay ni Mang Isko ay agad na kinuha ni Milo at Simon ang kanilang mga sandata na naiwan nila sa kanilang mga sisidlan.

"Hindi pa rin talaga ako makapaniwalang mga antinggero at babaylan kayo, nakakatuwa at nakakamanghang isipin na ang babata niyo pa." Manghang wika ni Mang Isko.

"Hindi naman po Mang Isko, hanggang ngayon ay inaaral ko pa rin po ang ibang dapat na pag-aralan. Sa katunayan, itong si Maya at Simon ang nagsisilbi kong Maestro at maestra." Pambibida pa ni Milo at natawa naman si Simon. Natawa na rin si Mang Isko bago sinuyod ng tingin ang magkapatid. .

Bab berikutnya