"Tayo na!" Anunsyo ni Simon at maingat na silang lumabas ng bakuran ni Aling Lorna. Ang hindi nila alam ay tahimik ring nagmamasid sa kanila si Aling Lorna at ang anak nitong si Arnulfo.
"Nay, sigurado ka bang mapagkakatiwalaan sila? Paano kung sila pala ang kalaban?" Tanong ni Arnulfo sa kaniyang ina.
"Sigurado anak, dahil kung kampon sila ng dilim, hindi nila kakayaning pumasok sa bakod pa lamang ng bakuran natin. Hindi ba't iyon ang iniwang propesiya ng Lolo mo. Ang mga batang iyon ang matagal na nating hinihintay." Maluha-luha pang tugon ng ginang. Napabuntong-hininga naman si Arnulfo at pinagmasdan ang kalaliman ng gabi.
Sa kabilang panig naman ng bayan ay tahimik na naglilibot sina Maya, Simon at Milo. Maigi nilang pinapakiramdaman ang paligid habang naglalakad. Pabaling-baling naman si Milo habang patuloy na nagpapalipad-hangin sa paligid.
Batid nilang tatlo na may mga matang nakamasid sa kanila at naghihintay lang din ito ng tamang pagkakataon para salakayin sila.
"Nararamdaman niyo sila?" Mahinang tanong ni Maya. Halos pabulong iyon at tila hangin lang iyon na dumaan sa tainga ni Milo.
"Oo tatlo ang nararamdaman ko." Sagot ni Milo na halos pabulong din.
"Lima, hindi tatlo. Ang dalawang 'yon ay higit na mas malakas. Kaya mag-iingat kayo." Sambit ni Maya at inilabas na nito ang kaniyang sundan na madalas na nakasuksok sa kaniyang tagiliran.
"Humanda kayo, andyan na sila." Dagdag pa ng dalaga. Narinig ni Milo ang mahinang pag-angil ni Maya na animo'y isa itong mabangis na hayop.
Doon ay nasipat nila ang tatlong aninong nakaharang sa kanilang daanan. Nang tamaan ito ng liwanag ng buwan ay doon nila nasilayan ang mga anyo nitong kakaiba sa kanilang paningin, lalo na kay Milo.
Mahaba at nagtatayuan ang mga buhok nito, nangingitim ang palibot ng mata habang nanlilisik naman ito ay namumula. Nagtatalasan rin ang mga ngipin nito na maihahalintulad mo sa ngipin ng isang pating. Mahahaba at matutulis ang nangingitim nitong kuko at tila ba may lilidong tumutulo roon na hindi nila mawari kung dugo ba o langis. Umaalingasaw rin ang amoy nito na maihahalintulad mo sa amoy ng nabubulok na karne na inihalo sa dumi ng manok.
Maduwal-duwal naman si Milo nang maamoy niya ito at agad siyang napalatak at naitakip slang braso sa kaniyang ilong.
"Ano ang mga 'yan?" Tanong ni Milo.
"Kubot, Milo. Maging alerto ka, may kakayahan ang mga iyan na gamitin ang kanilang buhok sa pakikipaglaban. Huwag mong hahayaang mahuli ka ng mga buhok nito dahil maaari mo iyong ikapahamak." Wika ni Simon.
Nqging alerto naman si Milo at mabilis na kinuha sa taguban ang kaniyang tabak na hawak. Sa pagkakataong iyon ay patuloy lang na umaangil sa kanila ang tatlong nilalang ngunit walang makikitang paggalaw sa mga ito.
Halos tila nagsusukatan ang dalawang grupong magkatunggali. Sa di kalayuan ay isang matandang lalaki ang tahimik na nagkukubli sa isang malaking puno. Madilim ang lugar na iyon kaya naman walang nakakapansin sa kaniya.
Wala namang pagsidlan ang kabang nararamdaman ni Milo habang tinititigan ang mga nilalang na nagbabantang umatake sa kanila. Walang nais na mauna at parehong nagmamatyag lamang sila. Sa pagkakataong ito ay tila naubos ang pasensiya ni Maya.
"Sino kayo, at ano ang pakay niyo sa bayang ito?" Tanong ni Maya, dahan-dahan na ding nagbago ang anyo ng dalaga. Naging kulay pilak ang buhok ni Maya at muli na ding naging kulay abo ang balat niya.
Nakita nila ang pagkagulat sa tatlong nilalang at bahagya pang napaatras ang mga ito nang masilayan ang tunay na anyo ni Maya.
"Kayo, sino kayo? Amin ang bayang ito. Mas nauna kami rito." Umaangil na wika ng isa sa mga nilalang.
"Sa inyo? Hindi ba't sapilitan niyo lang din naman na sinakop ang bayang ito? Binalot niyo ng takot ang mga naninirahan dito. Inalisan niyo sila ng kalayaang makapaglakad sa labas sa tuwing sasapit ang gabi. Ano ang karapatan niyo para gawin iyon? Napakalawak ng kagubatan para inyong pamahayan." Maigting na wika ni Maya.
Natawan naman ang mga ito sa sinabi ng dalaga.
"Likas sa mga aswang ang kumain ang laman ng tao. Ano naman ang kakainin namin sa kagubatan? Mga bungang-ugat? Sawang-sawa na kami sa karne ng mga ligaw na hayop." Umaangil na sagot ng isang aswang. Mayamaya pa ay biglang gumalaw ang buhok nito at humaba. Mabilis itong gumalaw na tila isanh ahas na bumulusok patungo sa kinatatayuan ni Maya.
Dali-daling umilag si Maya at napangisi. Matagumpay niyang nailagan ang unang atake nito na mabilis din namang sinundan ng isa pa nitong kasama.
Sa pagkakataon iyon ay nakisali na din si Simon at Milo sa laban. Nagbuno sila at halos umalingawngaw sa buong paligid ang sigaw ng mga nilalang sa tuwing lumalapat ang talim ng kanilang mga sandata sa balat ng mga ito.
"Aswang ka din, paano ka nakakagamit ng sandatang iyan nang hindi ka nasusunog?" Humihiyaw na tanong ng aswang na kalaban ni Maya. Napangisi ang dalaga at mabilisan na pinalis nito ang buhok niyang sagabal sa kaniyang pisngi.
"Simple lang, dahil hindi ako tulad niyong makasalanan." Sagot ni Maya at mabilis na itinarak sa aswang ang kaniyang punyal habang nagwawala pa rin ito. Tumarak ang punyal niya sa puso nito at ramdam ni Maya ang pagpunit ng punyal niya sa mismong dibdib ng nilalang. Bumagsak ang nilalang kasabay nito ang unti-unting pagkatupok ng katawan nito.
Nang lingunin niya ang kaniyang mga kasama ay halos napatumba na rin ng mga ito ang kanilang kalaban. Subalit isang hindi inaasahang pag-atake ang bigla na lamang sumunggab kay Maya dahilan upang tumilapon siya sa isang puno ng mangga sa di kalayuan. Napaubo si Maya at mabilis na umiwas nang makita niya ang makapal at matulis na buhok na mabilis na bumubulusok patungo sa kaniya.
Halos matipak naman ang kalahati ng katawan ng punong iyon na tinamaan ng buhok nito. Dali-dali niyang dinampot ang kaniyang punyal at napangisi.
"Sa wakas, inilahad niyo rin ang mga sarili niyo. Ang buong akala ko ay maduduwag na kayo at hindi na ninyo ipaghihiganti ang inyong mga kasama." Pangungutya ni Maya at pinahid ang dugong naglandas sa kaniyang labi.
Kitang-kita ni Milo kung paano pinagsabay na labanan ni Maya ang dalawang Kubot. Higit na mas malakas ito sa nauna nilang nakalaban. Nagmistulang mga buhay na galamay ng pugita ang mga buhok nito na halos pagtulungang atakihin ang dalaga. Sa una ay matagumpay na nasasangga ito ni Maya subalit dumating ang oras na tila ba nawawalan ng puwersa ang dalaga. Panaka-naka na itong natatamaan ng pag-atake na agad din namang napansin ni Milo.
Walang sabi-sabi ay mabilis na sinangga ni Milo ang atake ng isang kubot at puwersahan iyong inilayo ng binata sa kinaroroonan ng dalaga. Nang matagumpay niyang naisagawa ang kaniyang plano ay mabilis siyang nag-usal ng pangtigalpo rito.
Isang malakas na tigalpo ang kaniyang pinakawalan na siyang nagpaluhod naman sa kubot. Gulat na gulat pa si Simon nang makita niya ang ginawa ni Milo. Walang pagdadalawang isip naman na itinarak niya ang kaniyang balaraw rito. Subalit nang akmang makalapit na ang talim ng kaniyang sandata ay isang boses ng matanda ang pumigil sa kanila.
"Huwag!!!" Pigil na sigaw ng matanda. Lumabas iyon sa pinagkukublian niyang kadiliman at tumambad sa kanila amg isang matandang lalaki na nakasuot ng simpleng damit ng magsasaka. May suot-suot din itong medalyon at may mga ukit na simbolo sa kaniynag mga braso.
Ibinaba naman ni Simon ang kaniyang balaraw nang makilala ang mga simbolong iyon.
"Huwag niyo siyang kikitilan ng buhay hanggat hindi niya sinasabi kung saan sila namumugad. Napakadelikado kung malalaman ito ng iba nilang kasamahan." Wika ng matanda. Naglabas ito ng lubid na kulay itim na tila ba may kumikislap na animo'y pilak na nagsisimula sa isang dulo patungo sa kabilang dulo nito.
Mahigpit niyang itinali doon sa kubot ang lubid at sinuguradong hindi ito makakagawa ng kahit anong paggalaw. Maging ang buhok nito ay sinilid niya sa sa isang itim na telang may mga simbolo at mahigpit na itinali kasama ang katawan nito.
Agad namang napatingin ang matanda sa kinaroroonan ni Maya at inihagis niya ang isang pangkaraniwang patalim sa dalaga.
"Munting babaylan, maaari mo bang putulin ang buhok ng isang iyan bago mo kitilan?" Malumanay na utos ng matanda na agad din namang sinunod ni Maya nang walang tanong-tanong.
Isang malakas na pag-atungal ang pinakawalan ng nilalang nang maputol ni Maya ang buhok nito gamit ang punyal na bigay ng matanda. Matapos nito ay agad nang itinarak ni Maya amg kaniyang punyal sa dibdib ng Kubot na dagli naman nitong ikinasawi. Tulad ng lahat ng nilalang na napapaslang gamit ang kanilang mga sandata ay natupok ang katawan nito hanggang sa naging isang tumpok ng itim na abo ito.
Ibinalik naman ni Maya ang kanyang punyal sa taguban at isinuksok iyon sa kaniyang tagiliran bago naglakad patungo sa matanda, hatak-hatak niya ang pinutol na buhok mula sa kubot.
"Anong gagawin mo sa buhok na ito?" Tanong ni Maya bago ibinigay sa matanda ng buhok.
"Salamat." Tugon naman ng matanda at isinilid na sa isang bayong ang buhok na iyon.halos mapuno naman ang kaniyang bayonh dahil sa haba at kapal ng buhok ng aswang na iyon.
"Gagamitin ko ito para kontrahin ang mga kakayahan ng mga kubot. Siyanga pala, ako si Apolonio, pero mas kilala ako sa tawag na Tandang Polon,nanggaling pa ako sa ibayong bayan, nabalitaan ko kasi dito lumipat ang mga kubot na tinutugis ko." Paliwanag nito kahit hindi sila nagtanong.
"Tinutugis ho? Ikaw lang mag-isa?" Gulat na tanong ni Milo. Halos kasing-edas lang ito ng lolo niya kaya nagulat siya nang sabihin nitong tinutugis niya ang mga nilalang. Matanda na ito at hindi ito tatagal sa kahit anong laban.
"Antinggero ako noy, oo matanda na ako pero mas malakas pa ako sa sampung kalabaw." Natatawnag sagot ng matanda .
"Tama si Tandang Polon at isa pa bukod sa mutya, tangan niya rin ang gabay ng isang malakas na diwata." Saad naman ni Simon.