webnovel

Chapter 35

Sa paghalakhak na iyon ni Sitan ay ramdam nila ang mahinang pagdagundong ng lupa. Naging alerto naman sila dahil hindi nila alam kung saan ito manggagaling.

Walang anu-ano'y tila naging isang kumunoy ang lupang kanilang inaapakan. Dagli naman silang tumalon papalayo rito upang ito ay maiwasan. Sa pagtalon nilang iyon ay doon naman umahon ang maladem*nyong anyo ni Sitan. Tila naging kulay pilak ang mga balat nito na napapalamutian ng iba't ibang klaseng simbolong nakaukit mismo sa kanyang balat. Itim na itim naman ang mga buhok nito na halos sumayad na sa lupa. Napakalaki na din ng sungay nitong nakausli sa kanyang ulo. Maihahalintulad mo ito sa sungay ng isang matandang toro. Matulis at mahahaba naman ang mga kuko nitong tila ba inilubog pa sa dugo. Habang ang buong kaanyuan naman nito ay buto't balat subalit hindi maipagkakaila ang kakisigan ng tindig nito.

"Kamusta ka itinakda?" Tumatawang bati nito.

"Mabuti naman at naisipan mo nang lumabas sa lungga mo. " Nakangising wika ni Mina at muling humalakhak si Sitan na may kasamang pangungutya.

"Tunay ngang wala kang alaala sa kanya. Kakatuwang mga diwata." hagikgik ni Sitan at muling napakunot ang noo ni Mina. "Bakit di ka na lang sumama sa akin Mina, Ikaw at ako, pamumunuan natin ang mundong ito, maging ang kabilang mundo." Pang-aalok nito sa dalaga habang inikutan ito. Napangisi naman si Mina dahil sa iginawi ni Sitan.

"Hindi ako katulad ni Alisha na kaya mong linlangin gamit ang mga katagang iyan. Ibahin mo ako Sitan, hindi ako hayok sa kapangyarihan." buong igting na wika ni Mina na nagpatawa naman sa nilalang.

"Kung gayon, ano ang ninanais mo? Ibibigay ko. Mas madali akong kausap kesa sa Panginoong sinasamba niyo." Wika ni Sitan habang tila inaamoy-amoy ang buhok ni Mina na parang aso.

"Ibibigay mo? Talaga?" gulat na wika ni Mina at napangisi lang si Sitan.

"Oo naman, kapalit ng kaluluwa mo."sagot nito at saglit na nag-isip si Mina.

Kinakabahan naman si Miguel nang marinig ang tugon ng dalaga. Napakarami nang biglang pumasok sa isipan niya. Paano kung sumang-ayon si Mina kay Sitan, Paano na sila? 

"Kung ganun, nais kong bumalik ka na sa pinanggalingan mo para matapos na ang lahat ng ito." Wika ni Mina at napawi ang mga ngiti sa labi ni Sitan. Nanlilisik ang mga matang tinitigan niya si Mina at walang awa nitong hinablot ang buhok ng dalaga.

"Lapastangan ka tao." Galit na wika nito na may kasamang gigil. Natawa naman si Mina at mabilis na hinawi ang kamay ni Sitan sa pamamagitan ng pagsaksak ng punyal sa braso nito.

Agad naman siyang binitawan ni Sitan at nag-aangil na tumingin sa dalaga. Agad naman na naghilom ang sugat nito na ginawa ng punyal ni Mina.

"Hindi mo ako kayang linlangin Sitan, uulitin ko hindi ako hayok sa kapangyarihan at kung ano pa man." Wika ni Mina at muling tinawag ang espadang ginamit niya sa mga dem*nyong pinaslang nila.

Walang pag-aatubiling inundayan niya ng taga si Sitan na kaagaran naman nitong naiilagan. Hanggang sa inilabas na rin ng nilalang ang kanyang tinatagong sandata at nagsimula na silang magpalitan ng mga pag-atake. Habang naglalaban sila ay dahan-dahan naman nililihis ni Mina ang landas nila patungo doon sa ginawang ritwal ng mga ermetanyo.

Sa kasamaang palad ay napansin ito ni Sitan at agad naman itong umiwas habang patuloy na inuundayan ng saksak ang dalaga. Tila ba tuwang-tuwa ito habang inaatake ang dalaga. Walang humpay ang ginagawa nitong pag atake na animo'y ibig talaga nitong bigyan ng malubhang sugat si Mina. Hanggang sa tuluyan ngang mapatumba sa lupa si Mina habang habol-habol nito ang kanyang paghinga.

Nang akmang itatarak na ni Sitan ang espada niya sa dalaga ay bigla naman napahinto sa ere ang kamay nito na animo'y meron ditong pumipigil.

"Isaaaagaaaannniiiiiii." Gigil na sigaw ni Sitan habang pilit na iginagalaw ang kanyang mga kamay. Lingid sa kaalaman ni Mina na meron isang katauhan ang namamahay sa katawang iyon. Nagulat naman siya sa inasal na iyon ni Sitan at ginamit niya ang pagkakataong iyon upang bumangon.

Sa kanyang pagbangon ay isang boses ang kanyang narinig na tila nangungusap sa kaniya. Napahinto siya at tumitig kay Sitan habang patuloy itong umaastang tila nasisiraan ng bait.

'Mina.' tawag ng isang pamilyar na boses sa pangalan niya. Napakunot naman ang noo niya at pilit na inalala kung saan nga ba niya narinig ang boses na iyon.

"Isa akong aswang, patatawarin ba ako ng Ama dahil lang sinabi mong magbalik-loob ako?"

"Hindi ka maaaring mamatay, lahat gagawin ko para mabuhay ka lamang. Mina, noon pa man gusto na kita. Nais kong lagi kang makasama at masilayan sa tuwina. Pakiusap, ayokong mawala ka nang hindi ko man lang nararanasan ang magandang buhay na kasama kita."

"Paalam Mina, nawa'y sa gagawin kong ito ay makaligtas ka. Lubos kong ikatutuwa ang mabuhay ka at maabot mo ang nais mong kapayapan. Huwag kang mag-alala, lahat ng sakit at pagdurusa mo ay dadalhin ko sa paglisan kong ito."

Sunod-sunod na nanumbalik sa ala-ala niya ang mga katagang iyon kasabay ang pagsilay niya sa isang maamomg mukha ng binata na noong una ay napakalabo ngunit di naglaon ay naging malinaw din ito sa kanya. Tumulo ang luha niya habang nakatitig ito sa maladem*nyong kaanyuan ni Sitan.

"Bakit ngayon ka pa nagising kung kelan abot kamay ko na ang pagpaslang sa itinakda." Galit na sigaw ni Sitan at nagwala ito, habang si Mina ay tila hindi pa rin makapaniwala sa kaniyang mga nakikita.

"Isagani?" Sambit niya ngunit wala siyang lakas ng loob na tawagin ito. Nanginginig ang buong pagkatao niya sa sobrang galit. Galit sa sarili, dahil matagal na panahon niyang kinalimutan si Isagani. Matagal na panahon niyang hinayaang pamahayaan ng isang dem*nyo ang katawan ni Isagani.

"Mina huminahon ka. Kailangang mapatay mo sa tamang oras ang nilalang na iyan. Papasukin mo siya sa ritwal upang masimulan ko na ang pagkukulong sa kaniyang kaluluwa."

"Hindi, Miguel, ang katawang iyan ay kay Isagani. Kailangan kong mabawi ang kaniyang katawan at kaluluwa. Kapag ginawa natin ang ritwal mamamatay din siya. " Umiiyak na wika ni Mina. Natigilan naman si Miguel dahil minsan na din itong naikwento sa kaniya nila Luisa. Minsan na nilang nabanggit ang ginawang pagsasakripisyo ni Isagani upang mailigtas lamang ang buhay ni Mina.

"Nag-isip ng paraan si Mina kung paano niya mababawi ang katawan ng binata nang hindi ito nasasaktan subalit bigo siya. Wala siyang alam na dasal o usal na maaring magtaboy dito.

'Mina, pakiusap tapusin mo na ako. Ito lang ang paraan para mapatay natin si Sitan. Mina makinig ka sa akin." Wika ni Isagani at lalo siyang napaiyak dahil dito. Ipinilig niya ng marahas ang kanyang ulo dahil salungat siya sa nais nito.

"Ayoko, Isagani, ayoko." Wika ni Mina habang umiiyak. Parang bata itong nakasalampak sa lupa habang umiiyak. Gulong-gulo ang kanyang isipan habang patuloy na iniisip ang mga maari nilang gawin. Tinatawag na rin nya ang mga diwata sa kanyang isipan ngunit nanatiling tahimik na ang mga ito.

Nakita naman ni Sitan ang sitwasyon ng dalaga at napangisi ito. Isang masamang balak ang namuo sa kanyang isipan. Iwinaksi niya at tuluyang nilupig ang nangingialam na si Isagani sa likod ng kanyang isipan at muling binunot ang kanyang sandata.

Mabilis siyang umatake sa dalaga habang ito ay walang kamuwang-muwang na umiiyak sa lupa. Akma na naman itatarak ni Sitan ang talim ng kanyang espada sa puso ng dalaga ay isang napakalakas na hangin ang biglang bumalot dito. Isang malakas na pwersa ang biglang pumigil sa sandata ni Sitan at nagtulak dito papalayo. Galit na galit ang nilalang dahil sa nangyari at hindi niya mawari kung sino ang may kagagawan ng malakas na pwersang iyon. Pilit niyang inaaninag ang imaheng nabubuo sa kanyang harapan na nakatayo sa tabi ng dalaga ngunit wala siyang makita kundi purong liwanag lamang.

Samantala, buong pag-aalalang sumigaw sila Luisa at Gorem nang biglang umatake si Sitan. Ang buong akala nila ay katapusan na ng dalaga dahil wala itong kalaban-laban sa nilalang. Subalit isang himala ang nangyari. Maging sila ay gulat na gulat sa paglitaw ng nilalang na iyon na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila maaninag kung sino.

Bab berikutnya