webnovel

Chapter 33

Napangiti naman si Mina at Taimtim na nag-alay ng dasal. Bago sila sabay-sabay na lumabas sa talahiban. Bumungad agad sa kanila ang kalunos-lunos na sinapit ng kagubatan sa parteng iyon. Patay ang lahat ng puno, wala ni isang damo ang makikita sa lupa. Bitak-bitak na din ang lupa na animo'y hindi iyon nadadaanan ng ulan. 

Ibang-iba ito sa pinanggalingan nilang talahiban na mayabong sa talahib at buhay. Kapansin-pansin din ang mga bitak sa lupa, patunay na minsan na itong hinukay upang makapanghuli ng mga lamang-lupa. Sa kanilang paglalakad sa lugar ay panaka-naka silang nakakasipat ng mga nilalang na aninoy nagmamasid sa kanila. Iilan sa mga ito ay nagkukubli sa mga patay na puno na naroroon.

Saglit pa silang naglakad hanggang sa marating nila ang isang lugar kung saan may mga nakatirik na kubo. Ang mga kubong iyon ay tila ba napaglumaan na nag panahon. Gawa ito sa pinagtagpi-tagping dahon ng nipa na ginawang dingding at bubong na gawa sa kugon. Walang pag-aatubili silang lumapit sa mga kubong iyon dahil nararamdaman nilang naroroon ang kanilang mga hinahanap.

Isang malakas na tawa ang kanilang narinig mula sa isang kubo at doon bumungad sa kanila si Alisha na noo'y napakalaki na ng ipinagbago. Ang dating batang-bata at magandang mukha nito ay tila ba tumanda na ng sampong taon. Naging kulay abo na rin ang buhok nitong dating kulay itim. Nakasuot pa rin ito ng itim na kasuotan ngunit ang kaibahan nga lamang ay tila may naggagapangan sa damit at balat ni Alisha.

"Biruin mo nga naman at nakaabot kayo dito. Hindi pa ba sapat ang pagkatalo niyo noon?" tanong ni Alisha habang tumatawa. Galit at poot ay nag-uumapaw sa sistema nito. Galit para kay Mina at galit kay Sitan. Kung hindi dahil dito ay hindi magkakaganoon ang anyo niya. Mahigit sampong taon ang kinuhang esensiya ni Sitan sa kanya upang mapagaling nito ang sugat na kanyang natamo sa kaluluwa nito.

Lalong umigting ang galit niya nang makita ang magandang pagmumukha ni Mina na lubha naman niyang kinaiinggitan. Napatingin lang naman si Mina sa kanya, wala siyang ibang nararamdaman kundi awa sa babae.

"Mukhang sabik talaga kayong makita si kamatayan. Kung gayun, pagbibigyan ko kayo."Wika pa ni Alisha at ikinumpas ang kanyang mga kamay. Agaran naman ang pag-atake ng mga kampon nito sa gurpo nila Mina.

Nagbanggaan ang dalawang pwersa at halos naging tabla lamang ito sa unang paghaharap. Agad na nag-usal ang mga antinggero at iniihip nila ito sa kani-kanilang mga sandata upang maging lason iyon kapag tumama sa mga nilalang.

Nakipag-sanib pwersa na din si Luisa sa kanyang mutya at gabay at halos tupukin niya ang lahat ng mga nilalang na umatake sa kanya. Si amante naman ay walang ginawa kundi padalhan ng salot ang mga nilalang na naglakas ng loob na siya ay kalabanin. Hindi matawaran ang mga insektong kanyang tinatawag upang salakayin ang katawan ng mga aswang na lumusob sa kanya. Ang iba ay bago pa man makalapit kay Amante ay naglulupasay na sa lupa dahil sa sakit habang unti-unti nang kinakain ng mga uod at kulisap ang kanilang mga katawan.

Si gorem naman ay nagtawag na din ng hukbo ng mga engkantong lobo upang maging depensa at opensa niya sa laban. Walang nilalang ang nakakalapit dito dahil wala pa man din ay walang awa na silang dinadakmal ng mga lobo at kinakatay.

Agad naman na nagharap si Mina at Alisha sa gitna ng kaguluhan. Walang pagdududang ginamit ni Mina ang buong kalakasan niya na lubha namang ikinagulat ni Alisha.

Buhat sa mga usal hanggang sa pagtatama ng kanilang mga sandata ay walang pinalampas na pagkakataon si Mina para atakihin si Alisha. Nakaramdam naman ng paghihirap si Alisha sa pagsalag sa umuulang atake ni Mina. Hindi niya lubos akalain na ganito na kalaki ang pinagbago ng dalaga buhat noong huli nilang paghaharap.

Kung susumahin ay biglang tumalon ang kakayahan ng dalaga sa napakataas na antas na lubha niyang ikinabahala. Pilit niyang sinalag ang mga pinapakawalang pag atake ni Mina ngunit may pagkakataong nadadaig siya nito.

Idagdag mo pa ang lubos na paghina ng kanyang katawan dahil sa paghihop ni Sitan sa kanyang esensiya. Pakiramdam niya ay napakalupit ng tadhana sa kanya. Siya ang higit na mas malakas at nasa kanya ang malaking potensiyal na maging tagapamahala ng iniatang tungkulin ng mga ninuno nila. Bakit sa isang mahinang nilalang nila ito ibinigay?

Bakit sa isang babae pa na hindi kaano-ano ng kanilang angkan? Dahil sa sobrang galit ay ginamit niya ang isang ipinagbabawal na usal upang pahinain si Mina. Dahil dito ay nagawa niya itong masukol at napaluhod naman si Mina sa lupa.

Ramdam na ramdam niya ang malakas na pwersang tila dumadagan sa kaniya at pumipigil na siya ay makagalaw. Gigil na napa-angil si Mina nang nakangising lumalapit sa kaniya si Alisha.

"Akala mo ba ay matatalo mo na ako? Mahina ka pa Mina. Kahit kailan ang isang tulad mong ampon ay hindi kailanman mananaig sa isang tulad kong purong babaylan." Napakunot naman ang noo niya sa sinabi ni Alisha. Akmang sasagot na siya ay bigla naman nitong hinablot sa kanyang leeg ang kwentas na ibinigay sa kanya ng kanyang ina.

Ayon pa sa kanyang ina, ang kwentas na iyon ang siyang palatandaan na siya ang itinakda. Ibinigay pa iyon sa kanyang ina bago pa man nito nakilala ang kanyang amang si Lando.

"Tama ka ng narinig Mina, hindi purong babaylan ang iyong ina, dahil napulot lamang siya ng Punong Asog sa ilog. Ako na kanyang tunay na apo ay pinagkaitan niya ng pagkakataong ito. Bakit ikaw? Bakit ang iyong ina at hindi si Ina?" Galit na galit na tanong ni Alisha. Dahil sa matinding galit ay unti-unting nagbabago ang mukha nito. Kumukulubot ang balat nito habang ang buhok nitong abo ay tuluyan ng namuti.

"Tingnan mo ang nangyari sa akin. Kung hindi dahil sa inyo ng nanay mo ay hindi ito mangyayari sa akin. Hindi sana namatay ng maaga si Inay. Hindi sana ako nasa sitwasyong ito." Wika nito sa garalgal na boses. Maging ang boses nito ay tila ba naging isang boses ng matandang uugod-ugod na.

Pilit namang nilabanan ni Mina ang pwersang lumulupig sa kanya para titigan si Alisha. Ang kaninang galit niya sa babae ay napalitan ng awa. Naaawa siya rito dahil hanggang sa huli ay baluktot pa rin ang paniniwala nito.

"Ikaw ang may gawa niyan sa sarili mo Alisha. Kung sa una pa lamang ay natanggap mo na ang katotohanang hindi ikaw ang itinakda. Kung sa una pa lamang ay hindi ka nagpadala sa kasakiman mo sa kapangyarihan, hindi yan mangyayari sayo."

"Ikaw ang siyang pumili ng landas na iyong tinatahak. Kung meron kang dapat sisihin, iyon ay anag sarili mo." Mahinahong wika ni Mina at nagulat siya nang tumulo ang luha sa tumatandang mukha ng dalaga.

"Kailanman ay hindi matatahimik ang kaluluwa ko hanggat hindi ka namamatay Mina. Ikaw ang puno at dulo ng paghihirap ko. Ikaw at ang iyong Ina." Wika pa ni Alisha habang uugod-ugod itong lumapit sa dalaga. Hawak nito sa kanang kamay ang isang sundang na kulay berde.Matingkad na berde na may halong itim, patunay na ang sundang na iyon ay puno ng lason.

"Kung ipinanganak lang sana ako sa kalagayan mo, sana ay masaya ako. Kaya kailangan mong mamatay uoang muling manumbalik aang dating ako." Wika nito sabay unday ng saksak sa dibdib ni Mina.

Subalit, bago pa man tumarak ang sundang na iyon sa balat ni Mina ay nagulantang naman siya namg may isang nakakasilaw na nilalang ang pumigil sa kanyang sundang.

Nang titigan niya ito ay napasogaw siya dahil sa pagkasunog na kanyang naramdaman sa kanyang mga mata. Napaupo ito sa lupa habang nakatakip sa mga mata ang kulukulbit nitong kamay. Kasabay niti ay ang pagrinig naman niya ng nakakabinging usal na hindi na malaman kung ano.

Napasigaw ng malakas si Alisha habang tila hindi niya malaman kung ano ang unang tatakpan niya, kung ang tenga ba niya na noon ay nagdurugo na o ang mga mata niyang tila nasunog ng apoy.

Muli namang nanumbalik ang lakas ni Mina dahil sa pagkawala ng pwersang kanina'y dumadagan sa kanya. Napantingin lamang siya kay Miguel na noo'y abala sa ginagawa nitong pagdarasal habang ang gabay nitong anghel ay hinaharap si Alisha.

Kitang-kita niya ang anim nitong pakpak, isang pares ay nasa likod nito na ginagamit nito sa paglipad, isang pares ay nakatakip sa kanyang mukha ang ang isang pares naman ay nasa kanyang mga paa.

Walang pagkakakilanlan din ang anghel na iyon at ang tanging maakikuta mo lamang dito ay ang mga nagliliwanag nitong pakpak at ang napakalaking nitong latawan na binabalot ng malametal na balute.

'Mina ang nilalang na iyan ay isang Serapim, isa sa pangunahing anghel na nahahanay sa herarkiya ng mga anghel.' wika ni Mapulon sa kanyang isipan.

Napatanga lamang si Mina sa nilalang na iyon dahil napakalakas nito kung tutuusin pero nagawa nitong bumaba lamang sa lupa upang gabayan si Miguel at tulungan sila.

Nagmistulang isang kawawang sisiw naman si Alisha dahil sa sumpang dulot ng pagsilay niya sa Serapim. Ang matandang katawan nito ay tila ba kinakain na ng lupa dahil sa katandaan. Naglupasay na lamang ito na tila hindi na nito kaya pang tumayo sa sarili niyang mga paa.

"Nakakaawa ka Alisha, dahil hanggang sa kahuli-hulihan ng iyong buhay ay hindi ka natutong magpatawad at humingi ng tawad. Mapalad ang mga taong nabiyayaan ng karunungan tulad natin, ngunit sa masama mo ito ginamit. Marahil ay nakita ng Panginoon ang pagkaganid mo sa kapangyarihan at iyon ang dahilan kung bakit inialis niya sa iyo ang pagiging isang takda." Wika ni Mina at galit na sumigaw si Alisha gamit ang namamaos niyang boses.

"Wala kang alam. Wala kang karapatang mabuhay habang ako ay nasa pintuan na ng impyerno. Isasama kita roon." Natatawang wika nito na tila ba nasisiraan na ng bait.

Naoabuntong-hininga lang si Mina. Hinahantay niyang humingi ito ng kapatawaran sa Panginoon, ngunit masyado nang nabulag si Alisha sa kanyang galit at inggit. Agaran niyang tinawag ang Tabak ni Mapulon at iwinasiwas iyon kay Alisha dahilan upang mahiwalay ang ulo nito sa kmayang katawan.

Bab berikutnya