webnovel

Chapter 16

Kinaumagahan ay nagising na lamang sila nang maramdaman nilang meron mga matang nakatingin sa kanila. Unang nagmulat ng mata si Mina at nakita niyang titig na titig si Amante at Gorem sa kanila. Doon lang niya napansin ang mga braso ni Isagani na nakayakap sa kanya. Agad niyang siniko ito upang magising ito. Pupungas-pungas naman si Isagani na kamuntikan pa nitong ikahulog sa papag na inuupuan nila.

Tawang-tawa naman si Gorem at Amante habang pasipol sipol na lumayo sa mga ito habang ang dalawa naman ay tila nagkahiyaan at pinamumulahan ng mukha.

Ilang sandali pa ay napagpasiyahan na nilang sumunod sa mga ito. Natgpuan nilang nakatingala si Gorem at Amante sa isang puno ng niyog kung saan nasa taas naman si Luisa.

"Grabeng babae talaga itong si Luisa, akala mo hindi babae eh. Sukat mong akyatin ang punong yan na tila wala lang." wika ni Amante habang napapailing.

"Sanayan lang yan Amante." saad naman ni Gorem. Napalingon naman sa kanya si Amante at mabilis na binatukan si Gorem.

"Hoy bata, baka nakakalimutan mo, mas matanda ako sayo, anon Amante?" Tanong ni Amante habang hinahabol si Gorem na nooy tatawa-tawang tumatakbo papalayo rito. Sa kanilang pananakbo ay muntikan na ang mga itong mahulugan ng isang bungkos ng niyog na inilaglag ni Luisa. Galit naman silang binulyawan ng dalaga dahil sa kakulitan ng mga ito. Pagbaba nito sa puno ay agad nitong binatukan ang dalawa dahil kamuntikan na ang mga itong maaksidente dahil sa kanilang kakulitan. Animo'y para silang bata na pinapagalitan ng kanilang nanay ng mga oras na iyon na ikinatawa naman ni Mina.

Lubos din ang paghanga ni Mina kay Luisa dahil nakakaya nitong gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga lalaki, tulad ng pag-akyat ng niyog at pag-aani nito. Minsan pa nga ay ito na din ang tagasibak ng kahoy nilang ginagamit sa araw-araw. 

"Tahimik din dito sa inyo ano." wika ni Mina nang mabigyan sila ng pagkakataon mapag-isa ni Luisa.

"Tahimik talaga rito, kung hindi lang dahil sa mga dayo, ay hindi iyon magbabago. Walang aswang ang nangangahas na pasukin ang bayan namin dahil na din sa proteksyong binibigay ni Tiyo Norma. Simula ng mawala siya, halos kada linggo ay may mga gumagambala na sa amin dito." sagot naman ni Luisa habang nakatanaw sa malawak na niyogan sa harapan nila.

 

Habang tahimik silang nagmamasid sa niyogan ay narinig na lamang nila ang pagsisigawan ng mga tao. Bago pa man sila makakibo ay isang malakas na pagsabog ang bumagsak sa kanilang kinatatayuan. Tumilapon si Mina dahil sa pagsabog na iyon at bumagsak ang katawan nito di kalayuan sa kinatatayuan nila kanina. Mabuti na lamang at mabilis na lumitaw ang kasangga nitong tikbalang at hindi gaanong nasaktan si Mina sa pagsabog na iyon.

Mabilis siyang tumayo mula sa pagkakahawak ng tikbalang at agad na tinanaw si Luisa. Maayos pa rin itong nakatayo habang ang buong paligid na kinatatayuan nito ay bumabaga dahil sa misteryosong pagsabog na iyon. Kaharap nito ay isang nilalang na nababalot ng tila nagaapoy na kasuotan habang ang mukha nito ay kinukubli ng isang mala-ibong maskara. Maihahalintulad mo sa isang payat na binata ang pangangatawan nito na may pakpak na tila nagniningas na apoy.

"Mina, yan si bulalakaw. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa kanya para bumaba mula sa bundok Madia-as, pero isa lang ang naiisip kong kasagutan. Ang babeng kaharap niya ngayon ay marahil ang taong kanyang kinalulugdan. Nararamdaman ko sa kanyang pagkatao namamahay ang makapangyarihang apoy ng santelmo. Bagaman hindi ako sigurado, isa ito sa posibilidad kung bakit nandito si Bulalakaw." wika ng tikbalang bago ito naglaho sa kanyang tabi. 

Napatingin lamang si Mina sa kinaroroonan ng dalaga habang tila kinakausap ito ni Bulalakaw. Agad namang lumingon sa kanya ang nilalang at bahagya itong tumango sa kanya at ngumiti. 

"Paumanhin sa aking kabastusan, itinakda." wika nito at mabilis na bumulusok paitaas ng kalangitan. Agad namang nawalan ng malay si Luisa nang mawala ang nilalang na iyon. Mabilis itong dinaluhan ni Mina upang matingnan ito kung meron itong sugat o pinsala sa katawan. Nakahinga naman siya ng maluwag nang makita nitong nasa maayos itong kalagayan, maliban na lamang sa isang sugat nito sa leeg na animo'y isang batong bulalakaw na nahulog mula sa kalangitan. Marahil ay ito ang markang iniwan ng nilalang bilang tanda ng pakikipag-isa nito sa dalaga.

Halos tanghali na nang tuluyang magkamalay si Luisa. Hingal na hingal pa ito nang mapabalikwas ito ng bangon na tila ba galing ito sa isang masamang panaginip. Muling nanumbalik sa kanyang isipan ang mga nangyari matapos silang masabugan ng kung ano sa gitna ng niyugan.

"Ayos ka lang ba?" tanong ni Mina habang dahan-dahan niyang pinapahiga si Luisa. May inilapat itong malamig na dahon sa kanyang noo na agad na pumawi sa nakakasunog na init ng kanyang katawan. "Hayaan mong pakalmahin ko muna ang apoy na namamahay sa iyong kalooban, Luisa kailan pa ng magsimula kang makaramdam nito?" tanong ni Mina. 

"Hindi ako sigurado, siguro noong araw na mamatay si Tiyo Norman. Ang naalala ko parang may isang bolang liwanag ang tumagos sa aking katawan. Hindi ko naman iyon pinansin dahil saglit lamang iyon, ang buong akala ko ay guni-guni ko lamang ito." sagot naman ni Luisa. Mabilis na umihip ng usal si Mina sa kanyang palad at inilapat iyon sa dibdib ni Luisa. Agad na nakaramdam si Luisa ng matinding sakit na para bagang nilalakumos ang puso niya sa sobrang sakit. Ilang sandali pa ay nakita nila ang pag-angat ng isang bolang apoy mula sa katawan ni Luisa at lumiyab iyon na animo'y kagigising lamang nito. Pumaikot-ikot iyon sa buong kwarto ng dalaga at muling huminto sa balikat nito.

"Yan ang santelmo, Luisa, napakaswerte mo dahil isa iyang maharlikang santelmo. Ito marahil ang dahilan kung bakit ka kinalulugdan ng Bulalakaw." wika ni Mina at napakunot ang noo ni Luisa.

"Bulalakaw?"

"Oo, ang nilalang na bumagsak kanina ay si Bulalakaw isang diyos na kinatatakutan ng mga tao dahil nagdadala ito ng sakit sa sino mang makakakita sa kanya. Ngunit mapalad ka dahil hanggat nasa sayo ang kanyang marka ay patuloy siyang magiging gabay mo." paliwanag naman ni Mina.

Napatulala lamang si Luisa dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang meron siyang gabay at isang buhay na mutya. Noon pa man ay tinitingala na niya ang pagiging antinggero ng kanyang tiyuhin. Noon pa man ay hangad na niyang maging isang antinggera ay ngayon nga ay tila isang regalo itong bumagsak sa kanyang harapan.

Napaluha na lamang siya ng unti-unti na itong pumasok sa kanyang sistema. Unti-unti na din niyang nauunawaan ang mga panaginip na kanyang nakikita sa bawat gabi ng kanyang pagpapahinga.

Marahil ay ito na din ang minsan tinutukoy ng kanyang Tiyo Norman sa kanyan na darating ang araw na ang panginoon na mismo ang magbibigay sa kanya ng pagkakataong maging isang mandirigmang katulad niya.

"Mina, maari mo ba akong turuan? Maari ba akong matuto? Hindi pa ba ahuli ang lahat?" sunod-sunod na tanong nito sa dalaga.

Napangiti lamang si Mina at kinuha ang kamay nito. 

"Kung nais mong matuto ay hindi pa huli ang lahat. Walang edad na pinipili ang panginoon kung meron man siyang nais na maging mandirigma niya. Napakabata mo pa para sabihin mong huli na ang lahat, kung nais mo talaga ay maari kitang maturuan ngunit hindi kami maaring magtagal dito." wika ni Mina.

"Kung ganoon, maari ba akong sumama sa inyo? Noon pa man ay nais ko nang maglakbay katulad ng aking tiyuhin noong kabataan niya."

"Oo naman, basta ba maayos kang magpapaalam sa iyong ama." Samabit pa ni Mina. Tuwang-tuwa naman si Luisa na animo'y isang bata na yumakap sa dalaga.

Noong gabing iyon ay kinausap ng Luisa ng masinsinan ang kanyang ama at kanyang pinsan. Hindi naman tumutol si Mang Berting sa nais ng dalaga nitong anak dahil noon pa man ay bukambibig na ng kanyang kapatid na isang araw ay kusang magpapaalam ang anak nito uoang maglakbay at upang tuklasin ang mundong kanyang tinatalikuran noon pa man.

Hindi naman kumibo si Simon dahil kahit anong sabihin niya ay buo na din ang loob ng pinsan niya.

Masayang bumalik si Luisa sa kanyang kwarto upang magpahinga. Doon ay nakita niyang muli ang maliit na bolang apoy na palutang lutang sa kwarto niya na animo'y naglilibot ito.

"Ikaw na ang bahala sa akin simula ngayon ha. Magtulungan tayo para mas maging malakas at matibay ang ating pagsasama." Wika ni Luisa at umikot-ikot naman ang apoy sa kanya na tila natutuwa rin ito.

Sumapit ang umaga at doon na nga nila sinimulan ang pagsasanay ni Luisa. Hindi pa sila maaring umalis hangga't hindi pa natututunan ni Luisa ang mga pangunahing usal pang kombate at depensa. Hindi naman sila nahirapan dahil sa bilis matuto ng dalaga. Sa tulong na din ng mutya nitong taglay at nang gabay nito ay mas napabilis ang kanyang pagtuklas sa mga lihim na karunungang minsan tinangan ng kanyang tiyuhin.

Habang sila ay nagsasanay ay nanonood lang naman sa kanila si Berting at Simon. Nakakunot ang noo nito habang nakatitig sa bolang apoy na umiikot sa katawan ng kanyang pinsan. Ilang beses pa niyang kinurap-kurap ang kanyang mga mata dahil baka guni-guni lamang niya ito ngunit hindi pa rin ito nawala.

Kamuntikan pa siyang mahulog sa kanyang inuupuang bangko nanag biglang lumitaw ang malakabayong tao sa kaniyang paningin.

"Tiyo, nakikita niyo ba ang nilalang na yan?" Pabulong na tanong ni Simon sa tiyuhin.

"Anong nilalang, si Luisa lang naman at Mina ang nakikita ko" wika pa ng tiyo niya at doon na siya nagsimulang magtaka. Tumulo ang gabutil niyang pawis dahil sa takot nang bigla siyang lingunin ng nilalang at ngumisi ito sa kanya.

Bab berikutnya