webnovel

Chapter 12: Adlaw, Diwata ng Araw

Kinabukasan ay buong pagtatakang nagising si Isagani sa kanyang higaan. Napapakamot pa siya ng ulo habang pupungas-pungas na bumabangon sa higaan.

Paglabas niya sa bahay ay agad naman siyang kinantiyawan ng mga kasamahan niyang antinggero dahil tinanghali na itong nagising di tulad ng dati.

"Mukhang napasarap ang tulog mo ah, halika na at mag kape." Anyaya ni Tandang Karyo sa kanya habang inaabutan siya ng tasa.

"Tandang Karyo meron akong ikukunsulta sa inyo. Kasi kagabi matapos kung kausapin si Mina, muling nagparamdam sa akin yung sinasabi ko sa inyo. Ngunit mas lalo siyang lumakas. Napakainit ng aking pakiramdam na tila ba nag-aapoy ang aking buong pagkatao." Wika ni Isagani at umupo sa harap ng matanda.

"Si Mina? Hmmm. Ang pagkakaalam ko anak ng isang babaylan ang batang iyon. At ayon pa kay Ipo, isa siyang pinagpalang lalang ng Amang may likha. Marahil ay muling nagising ang iyong gabay sa pagramdam niya sa presensya ni Mina. "

"Pero Tandang Karyo, natatakot ako na baka isang demonyo ang aking gabay. Paano kung isa nga itong diablo at sa oras ng digmaan ay magawa ako nitong pangibabawan? Hindi ba't parang ipinagkalulo ko ang samahan kapag nagkataon?" Nag-aalalang wika ng binata. Ayaw din naman niya na siya ang maging dahilan ng pagkalipol ng samahan ni Tandang Karyo, buhat kasi nang mamatay ang kaniyang mga magulang ay ito na ang kumupkop sa kanya ng walang pag-aatubili. Kahit pa isa siyang aswang ay hindi ito kailan man nag isip ng masama sa kanya.

"Alam mo Isagani, ang diyos ay may dahilan, lagi siyang may nakalaan kung bakit niya tayo nilalagay sa ating mga sitwasyon ngayon. Ang pagkamatay ng mga magulang mo ay hindi nawalan ng silbi dahil ikaw ay nabuhay. At ang buhay mo ngayon ay may dahilan. Hindi para pasakitan ka kundi para ipaunawa sayo ang kahalagahan ng buhay at kung paano mo ito gagamitin. " Paliwanag ni Tandang Karyo sa naguguluhang binata.

"Ang mabuti pa, puntahan mo si Mina, mag usap kayo, samahan mo siya upang kahit papaano ay malibang ka naman. Baka nagkakaganyan ka kasi pulos matatanda na ang kasama mo. Nandoon sila ni Sinag sa kalapit na ilog at naghahanap ng mga magiging kasangga natin." Utos ni Tandang Karyo sa binata.

Napakamot naman ng ulo si Isagani ngunit agad ding tinugon ang payo ng matanda.

Pagdating niya sa ilog ay agad niyang nasipat si Mina na nakaupo sa malaking bato na tila may kinakausap habang si Sinag naman ay nakatayo sa di kalayuan at nakatanaw lamang sa dalaga.

"Anong ginagawa niya?" Tanong ni Isagani na ikinapukaw ng atensiyon ni Sinag.

"Nakikipag ugnayan sa kalikasan." Simpleng tugon ni Sinag at tumingin sa binata. "Bakit ka nandito, may kailangan ka kay Mina?" Tanong nito na tinanguan lang ni Isagani.

Pareho na silang hindi nagkibuan hanggang sa tuluyan na ngang matapos si Mina sa kaniyang gina gawa. Napangiti naman si Mina nang makita si Isagani na kasama ni Sinag.

"Nakapag-isip isip ka na ba? Kung naguguluhan ka pa. Maaari kang sumama sa akin. Tutungo ako sa kagubatan ngayon. Kuya Sinag, si Gani na muna ang sasama sa akin alam kong marami pa kayong gagawing paghahanda." Wika ni Mina sa kapatid. Tumango lang si Sinag at muli itong nagpaalala na mag-iingat. Hindi na nito kinausap pa ang binata bago nilisan ang dalawa. Batid din niya kasi na hindi ito magsasawalang kibo kapag may nangyari.

Ilang sandali pa nga ay naglakad na sila patungo sa likurang bahagi ng kanilang tahanan kung saan meron doong maliit na daanan patungo sa kagubatan.

"Ano sa tingin mo ang aking gabay? Mabuti ba ito? Kung isa din itong masamang nilalang ay mas makabubuti pang hindi ito magising." Sambit nang binata habang patuloy sila sa paglalakad.

Bahagyang natawa si Mina bago nagwika ng...

"Kung masamang nilalang ang iyong gabay, hindi kita kukumbinsihing gisingin ito. Kung masama yan, una palang ay kinitil ko na ang buhay niya. Huwag kang mag- alala. Ang gabay mo ay isang diwata. Marahil iyan ang biyayang naiwan sa iyo ng iyong ina. "

"Habang ang naiwan ng iyong ama ay iyang bertud mo. Batid kong sa tinagal tagal mo nang aswang ay hindi ka pa nakakatikim ng karne ng tao kaya naman malaki pa ang pag-asa mong magbago. Kaya din hanggang ngayon ay hindi ka pa iniiwan ng gabay mo."

" Paano mo ito nalalaman? Bakit ang dami mong alam, gayong magkasing edad lang tayo. Talo mo pa si Tandang Karyo. Napapaisip tuloy ako na baka isa kang matandang hukluban na nagkatawang bata." Wika nito sabay kamot sa ulo.

"Kung matandang hukluban ako di sana tanda din ang tawag nila sa akin?" Wika naman ng dalaga habang humahagikgik. Napangiti lamang si Isagani.

Nang marating nila ang parang ay agad na silang nagpahinga. Napakaganda ng tanawin doon. Malawak at puro damo lamang ang iyong makikita. May mga puno din na hitik sa mga bunga at mga bulaklak na nagkalat sa buong paligid. Sa dakong kaliwa naman nila ay may ilog na hindi masyadong kalakihan.

Pinaupo naman ni Mina si Isagani sa damuhan bago ito umupo sa kaniyang harapan.

"Susubukan kong tawagin ang iyong gabay." Sambit pa ng dalaga at hinawakan ang dalawang kamay ng binata. Bahagyang nagulat si Isagani nang dumampi sa kamay niya ang malalambot nitong palad. Napakainit niyon na tila ba napakakomportable, bahagya siyang nakaramdam ng kapayapaan hanggang sa unti-unti siyang napapapikit ng kanyang mata.

Ito na naman, nakakaramdam siya ng matinding init sa kanyang katawan na tila ba nasusunog ang kanyang kaluluwa. Dagli niyang iminulat ang kanyang mga mata at nasipat niya ang isang nilalang na nakaupo sa sentro na animo'y natutulog. Inilibot niya ang paningin at napansin niyang wala doon si Mina.

"Gani, ang nilalang na nakikita mo ay ang iyong gabay." Napapiksi pa siya nang bigla niyang marinig ang boses ng dalaga. Muli siyang napatitig sa nilalang at napansin niya ang anyo nito. Napakaaliwalas ng buong pagmumukha nito. Malaporselana din ang balat nito na animoy nangingintab. Kakaiba din ang mga nakaukit sa buo nitong katawan. Mga salitang hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin. Kulay abo din ang buhok nito na may pulang hibla na nimoy mga baga. Malaginto naman ang kasuotan nito na maihahalintulad mo sa bahag ng mga katutubo na napapalamutian ng iba't-ibang kalseng bato.

Napaatras naman si Isagani nang biglang magmulat ito ng mata. Kulay puti ang mga mata nito na animoy isang bulag ngunit alam niyang nakakakita ito.

"Sa wakas ay nagawa mo din akong puntahan tao." Wika ng nilalang sa malamyos nitong boses.

"Sino ka? Ikaw ba ang aking gabay."

"Sino ako? Nakakatawang katanungan. Ako ang iyong gabay buhat pa lamang nang ipagbuntis ka nag iyong babaylang ina. Ako ang diwata ng araw, kilala ako sa tawag na Adlaw. " Sambit nito habang unti-unting tumatayo. Doon lamang niya napagtanto na ang kaharap niya ay isang matangkad na nilalang.

"Sabihin mo tao, ano ang kailangan mo ?" Tanong nito at nagulat siya nang biglang mag apoy ang mga kamao nito habang papalapit sa kaniya. Napatda naman ang tingin ni Isagani sa paanan ng diwat. Naglalakad ito ngunit tila ba nakalutang ang mga paa nito sa lupa. Wala din itong suot na sandalyas o kung ano paman ngunit kapansin-pansin ang nakaukit na simbolo ng araw sa magkabilang binti nito na tila nagliliwanag sa bawat paghakbang nito.

Hanggang sa tuluyan na nag itong nakalapit sa kanya. Marahan nitong ipinatong ang kanyang kamay sa noo ng binata at agad naramdaman ni Isagani ang kakaibang init ng kamay na iyon. Noong una ay tila ba napapaso ang kanyang balat hanggang sa masanay na siya sa init at naramdaman naman niua ang banayad na temperatura nito na animo'y nililinis ng init ng diwata ang kanyang pagkatao.

Doon din niya nakita ang muling pagkamatay ng kanyang mga magulang at ang huling paalala ng kanyang ina. Doon ay tila ba naunawaan niya ang lahat. Nangilid ang luha niya nang muli niyang masilayan ang kaluluwa ng kanyang ina na unti-unting dinudukot ng isang demonyo.

Bab berikutnya