At dito na nga nagsimula ang paglalakbay ni Mina kasama ang mga antinggero at si Sinag. Dahil ito ang unang beses na naglakbay siya ay manghang-mangha naman siya sa kanyang mga nakikita.
Dahil na din sa madaling araw pa sila umalis ng baryo Maasil ay kitang kita nila ang magandang pagsikat ng araw. Sandaling nagdasal muna si Mina at nagpasalamat sa ama at humiling ng kaligtasan dito. Matapos magdasal ay muli niyang ibinaling ang pansin sa daanan.
"Aabutan tayo ng gabi sa daan, kaya Mina, ihanda mo ang sarili dahil paniguradong sa labas tayo matutulog. Huwag kang mag-alala dahil sa dito ka matutulog sa kangga."
"Ayos lang po Lolo Ipo, bata pa ako at kaya ko naman ang matulog sa labas. Kayo na lamang po ang gumamit ng kangga." Tugon naman ng dalaga. Hindi naman kasi problema sa kanya ang matulog sa labas, magiging pabor din iyon sa kanya dahil magkakaroon siya ng oras na magnilay sa kalikasan.
"Hayaan nyo na ho si Mina Tandang Ipo." Wika naman ni Sinag na siya namang nakasakay noon sa likod ng isang kalabaw na nakasunod lamang sa kanilang kangga.
Halos maghahapon na din nang makaratong sila sa isang malawak na kalupaan. Naghanap sila ng mapunong lugar at doon na nila napagpasyahang magpahinga pagsapit ng dilim. Hindi na nila ibinaba sa kangga ang kanilang mga gamit dahil magpapalipas lang naman sila ng gabi at agad din silang mapapatuloy kinabukasan.
"Kuya Sinag, medyo maaga pa naman, magiikot muna ako at maglalagay ng harang sa ating pagpapahingahan. " Paalam ni Mina na agad namang sinang-ayunan ni Sinag. Hindi din siya nag aalala na may mangyayari dito dahil alam niyang parating nakasunod dito ang haring tikbalang.
Agad naman siyang nilapitan ng isa niyang kasamahan na kilala sa tawag na Obet. Kinalabit nito ang kanyang balikat at agad na nagtanong ng...
"Ayos lang ba na hayaan mo ang batang yun ang mag isa sa gubat?"
Napangiti lamang si Sinag nang marinig ang tanong nito.
"Higit kanino man sa atin dito, si Mina ang mas nakakaalam sa kagubatan. At isa pa, marami siyang gabay na handang magbuwis ng buhay para sa kanya. " Wika ni Sinag at bahagyang natawa.
"Noong una ganyan din ako kahigpit sa kanya, ni ayaw kung mawala siya sa aking paningin pero nung unang beses kong makita ang mga gabay niya at kung gaano ito kalalakas ay napanatag na ako. " Dagdag pa nito.
"Bakit gaano ba kalakas ang mga gabay ni Mina?" Tanong naman ni Emer na isa sa mga disipulo ni Tandang Ipo.
"Hindi ko masukat pero sabihin na natin mas malakas pa sa lahat ng pinagsama sama nating mga gabay." Makahulugang tugon ni Sinag sa tanong ng binata.
Kinagabihan ay nagtipon-tipon sila sa harap ng apoy para magpainit. Nag usap ang mga ito kung sino-sino ang mauunang magbantay, habang ang iba sa kanila ay mauunang matulog para makapagpahinga. Salitan sila kumbaga.
Umiling naman si Mina bilang hindi pag sang-ayon sa suhestiyon nito. Sa isip-isp niya, hindi na nila kailangan magbantay dahil ang buong paligid na kinaroroonan nila ay nababalot ng sabulag ng kanyang gabay na engkanto. Kahit anong nilalang ay walang makakakita o makakapansin ng kanilang mga presensya. Inilahad naman niya sa mga ito ang kanyang ginagawa at halos gulat lang ang nakapinta sa mga mukha nito. Habang si Sinag naman ay tawang-tawa sa mga reaksyon nito.
"Wala pa yan sa mga kayang gawin ni Mina. Makikita niyo.mas mapapadali ang misyon niyo dahil sa pagsama ni Mina sa atin." buong pagmamalaking wika ni SInag habang natatawa. Si Tandang Ipo naman ay nakangiti lang, batid kasi nito ang kakayahan ng dalaga dahil nanggaling din ito sa lahi ng mga babaylan.
Sumapit na nga ang umaga at halos lahat sila ay napasarap ang pahinga. Pag-gising ng mga ito ay agad nilang nakita si Mina na may dala-dalang prutas at gulay na nakuha nito sa kung saan. May mga isda din itong dala-dala na nakasilid sa isang maliit na bayong. Papungas-pungas pa noon si Sinag nang magising at agad na nilapitan si Mina at sinipat nito kung meron itong sugat o galos man lang.
"Kuya, hindi na ako bata." nakasimangot na wika ni Mina habang iniaabot dito ang kanyang mga dala-dala. "May malapit na ilog dito kaya nanghuli na ako ng isda para may makain tayo bago umalis. Itong mga gulay naman, bigay ng isang engkanto, regalo daw para sa ating grupo."
Napapakamot lamang ang mga kasama niya dahil sa sobrang hiya. Masyadong napasarap ang tulog nila at hindi nila nagawang magising ng maaga. Sa Sobrang payapa ng gabi ay tila iyon ang kauna-unahang beses na nakapagpahinga sila ng maayos sa isang paglalakbay.
Pagsikat ng araw ay muli na silang naglakbay patungo sa unang baryo na kanilang madadaanan. Doon ay ipinagpalit nila ang iilan sa mga gulay at prutas na dala-dala nila upang makabili ng bigas. May iilan din mga tao ang walang pag-aatubiling nagbigay sa kanila ng bigas o di kaya naman ay mga karne ng baboy. Lubha naman iyong ikinatuwa ni MIna dahil, meron silang makakaing masarap sa hapunan. Ito ang unang pagkakataong nakisalamuha siya sa mga tao sa labas ng Baryo kaya naman ay manghang-mangha siya sa kabutihang nakikita niya.
Habang nagpapahinga sila sa isang kubo ay isang pamilya ang lumapit sa kanila.
"Nako Manang, mga antinggero po kami at hindi manggagamot." Turan ni Obet nang marinig nito ang hinaing ng matandang babae. Nagmamakaawa ito na halok manikluhod na ito. Agad naman itong napansin ni Mina kaya nilapitan niya ang mga ito.
"Mina, di ba may alam ka sa panggagamot, maari mo ba silang tulungan? Nakakaawa eh." nahihiyang wika ni Obet sa dalaga. Tumango naman si Mina at hinarap ang mga ito. Ayon sa matanda at sa babae nitong kasama, bigla biglang nagkasakit ang kanyang anak na lalaki, galing lamang ito sa bukid para mag-araro, nang bumalik ito ay ayos pa naman ito ngunit pagsapit ng gabi ay bigla itong inatake ng mataas na lagnat. Kinaumagahan ay nawala ang lagnat nito ngunit hindi ito magising-gising kahit anong gawin nilang pagtawag.
Inilapit na nila ito sa mga albularyo sa baryou ngunit ni isa sa mga ito ay walang magawa. Nang marinig nila ang pagpasok ng grupo nila ay nagbakasakali ang mga ito na makahingi ng tulong.
Naanitg naman ang puso ni Mina at agad na sumang-ayon na titingnan nito ang kaniyang anak. Inalok sila nito na doon muna manatili sa kanilang bahay habang ginagamot ang kanilang anak. Hindi naman tumutol si Tandang Ipo dahil hindi pa naman sila nakakahanap ng matutuluyan sa baryong iyon.
Pagdating nila sa bahay ng matanda ay nagulat sila sa lawak at laki ng bahay nito. Gawa man sa kahoy ay makikita mo na nakakaangat ang mga ito sa buhay. Ganun paman ay mamapansin mo din ang simple nitong pamumuhay sa kabila ng kanilang karangyaang tinatamasa.
Dali-dali naman silang pinapasok ng matanda at pinaasikaso sa kasama nitong babae. Iyon pala ang kasambahay ng matanda na laging nakasunod dito sa tuwing lalabas ito ng bahay. May katandaan na din kasi ang babae at nag-aalala ito na baka may mangyari dito sa labas kaya lagi niya itong sinasamahan.
Habang inihahatid sila ng babae sa tutuluyan nilang bakanteng kubo sa gilid ng bahay ay tinungo naman ni Mina at Sinag ang kwarto ng anak ng matanda. Pagpasok nila sa kwarto nito ay ramdam agad nila ang madilim na awrang nakapalibot sa buong kwarto. Hindi ito ramdam ng matanda kaya naman wala itong pag-aatubiling pumasok. Habang si MIna at Sinag naman ay biglang nagtaas ng bakod at poder bago pumasok dito.
Umupo si MIna sa gilid ng higaan nito at mabilis na hinawakan ang pulso ng binata. Pinakiramdaman niya ang presensya nito kung naroroon pa. Pagdampi ng kamay sa pulso nito ay bigla itong napa-ungol na tila may iniindang sakit. Nagulat naman ang matanda dahil iyon ang unang beses na nagkaroon ito ng reaksyon. Madalas din nila itong hinahawakan para linisin ang katawan nito ngunit ni isang reaksiyon ay wala itong naibibigay, Nabuhayan naman ng loob ang matanda na may pag-asa pang gumaling ang kanyang anak.
"Pakiusap tulungan niyo ang anak ko. Nag-iisa na lang ito at halos lahat ng mga anak ko ay namatay na. Ayokong pati ang aking bunso ay mawala sa akin. Lubos ko itong ikakamatay. " hikbi ng matanda habang nakikiusap sa magkapatid. "Tatanawin kong malaking utang na loob ang pagtulong ninyo, kahit anong mangyari ay hindi ko ito isisisi sa inyo, isa lang ang ipangako ninyo , kapag namatay ang aking anak, maari nyo rin bang kunin ang buhay ko? ayokong mag-isa sa mundong ito. Lahat sila ay iniwan na ako." Tuluyan na ngang napaiyak ang matanda sa matinding kalungkutan at panlulumo nito. Lahat na lamang ay ginawa niya ngunit tila ba ang malas talaga ang lumalapit sa kanila. Hindi niya alam kung saan siya nagkamali. Hindi niya alam kung bakit ito nangyayari sa kanya.
"Walang mamamatay. Gagawin ko ang lahat upang mailigtas ang inyong anak sa kamay ng demonyo. Lola, tahan na , walang magagawa ang inyong pag-iyak. Ang gawin ninyo, magdasal ng taimtim at humingi ng tulong sa ama. Hindi bingi ang diyos sa mga taong lubos ang pananampalataya sa kanya." wika ni Mina habang pinapatayo ang matanda. Tinanguan naman niya si Sinag na agad namang nakuha nito ang kanyang ibig sabihin. Inalalayan ni Sinag ang matanda palabas ng kwarto at dinala ito sa harap ng altar nito sa sala ng kaniyang bahay. Doon ay nagsindi sila ng kandila at lumuhod ang matanda para magdasal. Agad naman itong sinabayan ng babae nitong kasambahay, maging ang mga antinggero na kakapasok lamang ay nagsimula na dinag magdasal, habang si Tandang Ipo ay nagpalipad hangin na din sa paligid ng bahay.
Nang tuluyan nang makabalik si Sinag sa kwarto ng binata ay isinara naman niya ang pintuan at isinabit doon ang isang medalyon na merong nakaukit na tao sa gitna, nakahawak ito ng krus at isang aklat sa magkabilang kamay nito. Agad namang sinimulan ni Mina ang pag-uusal habang ang kamay nito ay nakalapat sa dibdib ng binata. Nang walang anu-ano'y lumiyad ito sa kinahihigaan nitong katre at umungol ng malakas. Ang boses nito ay tila pinaghalong boses ng matanda na lubhang nakakapangilabot.
Ipinagpatuloy lamang ni Mina ang pag-uusal at patuloy din ito sa pagliyad at pagpupumiglas sa kanyang pagkakahawak hanggang sa muli itong naging payapa. Isang itim na usok ang lumabas sa katawan nito na agad namang hinuli ng kayang gabay na engkanto at isinilid iyon sa isang sisidlan. Gawa sa kumikinang na kristal ang sisidlang iyon na tinatakpan ng isang maliit na kahoy na punong puno ng ukit na sa pakiwari ni Mina ay mga dasal. Ang mga titik na iyon ay mga salita ng mga engkanto na siyang nagsisilbing pananggalang upang hindi makatakas ang nilalang sa loob ng sisidlan.
"Sa ngayon ligtas na ang binata. Hintayin na lamang natin na magkamalay siya upang matanong kung ano ba ang nangyari sa kanya bago siya magkasakit." Wika ni Mina na noo'y pinagpapawisan.
"Batid kong muling magpaparamdam ang nilalang na may gawa nito sa kanya sa oras na malaman nito na naalis na ang kanyang unang baon." Dagdag pa nito bago hinarap ang engkanto. Kinausap niya ito gamit ang dialekto ng mga engkanto. Ilang sandali pa ay naglaho na ito sa kanilang paningin. Tahimik lamang si Sinag at muling nag usal ng pamproteksyon sa loob ng kwarto upang walang anumang elemento ang magtangkang pumasok doon.