webnovel

VI

Hindi maiwasang mamangha ni Maia sa itsura at laki ng bagong palasyo sa kabila ng katotohanan na habang naglalakad ay nasa kaniyang harapan ang nakaiinis na si Otis.

Ang pasilyo ay napakalawak at may mataas na kisame kung saan nakasabit ang naglalakihan at kumikinang na mga aranya na sa paningin niya ay tila gawa sa brilyante. Ang sahig, mga dingding, at naglalakihang poste naman ay may mga kaakit-akit na disenyo na ang mga kulay ay naglalaro lamang sa puti at abo na nagbigay sa buong paligid ng payak ngunit elegante at bagong dating.

Ibang-iba ang itsura nito sa kabilang palasyo at naisip niya na talagang abandonado at napakaluma na ng palasyong iyon. Bukod sa halos luma na lahat ng kagamitan doon at ang mga aranya ay hindi na gumagana, madilim ang kulay na ginamit para sa buong palasyong iyon na nagbigay doon ng dating na tila pinamamahayan na iyon ng mga masasamang kaluluwa.

Mabuti nalang na hindi siya matatakutin at sa mundong ito ay walang konsepto ng mga multo o engkanto.

Huminto si Otis sa harap ng isang malaking pinto at naglaro na naman sa kaniyang isip na sa pinto palang ay hindi na maitatanggi ang karangyaan ng pamilyang ito. Napukaw ang kaniyang atensyon ng mga nakaukit dito, iniisip kung gawa ang mga iyon sa isang uri ng tinunaw na kulay abong hiyas.

"Iyong Kataasan, narito na po ang Binibini."

Tila ay hinila pabalik si Maia sa kasalukuyan mula sa kaniyang pagninilay-nilay at hindi niya maiwasang mapalunok.

Kahit na natuon ang kaniyang isip sa paghanga sa paligid habang naglalakad kanina, kasabay niyon ay ang mga alaala ni Malika na luminaw sa kaniyang isip.

Maraming pagkakataon na rin na nagtungo sa palasyong ito si Malika. Ngunit tatlong silid lamang sa palasyong ito ang maaari niyang pasukin nang malaya: ang silid-kainan, silid-tanggapan, at ang silid-talaan ng Punong Lakan.

Ang pinakahuli ay ang silid kung saan madalas nagtutungo si Malika. Hindi dahil malapit ito sa Punong Lakan kung hindi dahil sa silid na ito ipinaaalam kay Malika kung ano ang kaparusahan sa mga kasalanan na nagawa nito.

May ideya na rin naman si Maia kung bakit ipinatawag si Malika. Kasalukuyan kasi itong bawal lumabas ng palasyo dahil sa ginawa nitong gulo sa isa sa mga salu-salo ng mga maginoo na dinaluhan nito. Nagsimula ang parusang iyon bago umalis ang Punong Lakan at ang tagapagmana nito noong nakaraang dalawang linggo at matatapos dapat sa darating na pagdiriwang ng pagkakatatag ng kaharian ng Aguem ilang linggo mula ngayon.

Ngunit lumabas si Malika limang araw na ang nakararaan upang mangabayo. At hindi lang iyon dahil napahamak pa ito na nalaman rin ng karamihan.

Binuksan ni Otis ang pintuan at sa kabila ng kagustuhan ni Maia na tumakbo sa kabilang direksyon ay hindi niya maaaring gawin. Una dahil hindi naman niya talaga matatakasan ang Punong Lakan lalo na kung pera at kayamanan nito ang bumubuhay kay Malika sa mundong ito; at pangalawa ay dahil hindi niya maaaring galitin ito ng husto. Hindi niya maaaring alisin ang posibilidad na maaaring ito ang pumatay kay Malika sa huli sapagkat ama ito ni Selina.

At sa pagitan ni Malika at Selina, ang huli ang tunay na anak nito. Malamang na mahal nito si Selina at natitiyak niya rin na gagawin nito bilang ama ang lahat upang maprotektahan at maging masaya ang anak nito.

Hindi man pamilyar si Maia sa pagmamahal na binibigay ng isang magulang para sa anak, na tila ay isang bagay na kinapareho niya kay Malika, ngunit alam at nasaksihan niya na sa normal na buhay, ang ganoong uri ng pagmamahal ng mga magulang sa mga anak ay hindi mapapantayan.

Huminga ng malalim si Maia nang makapasok sa magarang silid at bahagyang yumuko bilang tanda ng paggalang. "Mahal na Punong Lakan."

Nagpasalamat siya na kahit hindi siya ang tunay na Malika, ang mga kilos at paraan ng pananalita nito ang naipapakita niya. Dahil kung nagkataon na hindi, hindi niya alam ang eksaktong gagawin sa mga oras na ito. Isa pa, maaaring matagal na siyang nabisto ni Mindy dahil kung tutuusin, hindi rin siya sanay sa paraan ng pananalita ng mga tao sa mundong ito.

"Alam ko na alam mo ang dahilan kung bakit ika'y nandito na naman, Malika," anito, ang tinig nito ay malamig at malatuba.

Tumayo ng maayos si Maia at inangat ang tingin dito bago umiwas muli. Bahagyang kumirot ang kaniyang ulo nang makita ang mukha nito sa kabila ng katotohanan na hindi ito nakatingin sa kaniya. At hindi na rin siya nabigla sapagkat ayon sa alaala ni Malika, ni minsan ay hindi talaga ito tinitigan ng Punong Lakan simula noong araw na natagpuan nito si Malika sa silid ni Selina.

Noong panahong iyon, ilang linggo pa lamang ang nakalilipas nang mawala si Selina. Natapos ang bagong palasyong ito at nagsimula na ring ilipat ang karamihan ng mga gamit dito.

At sa kadahilanan na si Selina lamang ang natatanging tao sa palasyong ito na tumuring kay Malika bilang kaibigan at tunay na kapamilya, bukod sa Ina nito na yumao isang taon pagkatapos itong maampon, tunay itong nalungkot sa pagkawala ni Selina.

Kaya sa huling araw ng paglilipat, siniguro ni Malika na walang maiiwang gamit ni Selina. Ngunit sa hindi maipaliwanag na pangyayari, pinagbintangan itong nagnanakaw sa mga gamit ni Selina sa kabila ng pagpapaliwanag nito. At iyon din ang araw na pinagbawalan ito ng Punong Lakan na pumasok sa mga silid ng palasyong ito nang walang pahintulot, bukod pa sa katotohanan na naiwan si Malika sa lumang palasyo.

Mukhang hindi nagdalawang-isip ang mga ito na iparating kay Malika na magnanakaw ang tingin ng mga ito dito kaya hiniwalay nalang ito. Ngunit pagkatapos naman niyon ay nagpapunta ng mga platero at mananahi ang Punong Lakan upang gawan si Malika ng mga alahas at mga damit. Para hindi na daw nito kailangang pag-interesan ang mga gamit ni Selina.

Humigpit ang hawak ni Maia sa palda ng suot na bestido. Sa alaalang iyon, sampung taong gulang palang si Malika. Hindi niya maiwasang makaramdam ng kirot at awa para sa batang iyon na wala naman talagang ginawang mali.

"Wala ka bang nais sabihin?" tanong ng Punong Lakan.

Tinikom ni Maia ang kaniyang mga labi. Kung si Malika ang nasa sitwasyong ito, magwawala iyon at ipipilit na wala itong ginawang mali. Ngunit hindi iyon gagawin ni Maia. Kahit saang anggulo tignan, mali si Malika sa hindi pagsunod lalo na kung kaparusahan iyon para sa naunang kasalanan na nagawa nito.

Ngunit, naiintindihan niya kung bakit nagawa ni Malika ang mga ginawa nito. Malungkot ito. Umaasa at naghahangad ng pagmamahal. At ang nais nito ay matanggap at mahalin...

Kaya naiintindihan din ni Maia ang galit na mayroon dito... at ang selos na mabubuo dito sa pagbabalik ni Selina.

Ngunit hindi siya sang-ayon na kamatayan ang kapalit ng mga iyon. Mali rin si Malika na maghangad ng pagmamahal kung hindi maganda ang ipinapakita nito.

Kung iisipin nga ay maswerte pa ito sapagkat sa kabila ng mga kamalditahan na ipinapakita nito ay napakalaking halaga ng salapi pa rin ang binibigay ng Punong Lakan dito. Hindi ito tunay na pinabayaan.

Maaaring malamig ang naging pakikitungo ng pamilyang ito sa kaniya simula pa lang ngunit ang mga desisyon na ginawa ni Malika ay pinili nito ng malaya. Wala dapat itong sinisising iba sa lahat ng nangyari dito. At mali rin ito na maghangad pa ng sobra sa kaya lamang ibigay ng pamilyang ito.

Hindi maiwasang maisip ni Maia na minsan sa buhay niya ay katulad niya si Malika... Na naghangad ng pagmamahal at pagtanggap mula sa mga taong kumupkop sa kaniya.

Ang naging kaibahan lang nila ay maaga niyang natanggap ang katotohanan na hindi mangyayari ang bagay na iyon samantalang si Malika ay umaasa pa rin.

"Wala po akong sasabihin, Iyong Kataasan..."

"Ano?!" Napatayo ang Punong Lakan at ang malalamig na mata nito ay bumaling sa kaniya. "Hindi ka ba nat---"

Napahinto ito nang makita siyang nakaluhod sa may pintuan, ang mga noo niya ay nakadikit sa sahig katulad ng pagluhod na ginawa ni Mindy sa kaniya kani-kanina lang at noong una siyang magising sa mundong ito.

Hindi niya nais na gawin ito dahil naniniwala siya na walang sinong tao ang karapat-dapat yukuan nang ganito ngunit sa mundong ito, karaniwan ang ganitong kilos sa paghingi ng paumanhin.

Kailangan niyang gawin ito sa ngayon ngunit ito na ang una at huling pagkakataong gagawin niya ang bagay na ito.

"...bukod po sa paghingi ng paumanhin," pagpapatuloy niya. "Alam ko po ang aking pagkakamali at handa po akong harapin ang kaparusahan na inyong ibibigay, Mahal na Punong Lakan."

Sa mga nangyari at sa mga alam niyang susunod na maaaring mangyari, gagawin ni Maia ang lahat upang hindi mapatay si Malika. At oo, handa na siyang gawin iyon. Marahil wala siyang magagawa kung pipiliin pa rin ni Malika na maghiganti kapag nakabalik na ito ngunit sa ngayon, iiwasan niya muna iyon.

"A-Ano'ng..." naguguluhang bulong ng Punong Lakan. Hindi maipagkakaila na nabigla ito sa kaniyang ginawa at lumipas ang ilang sandali bago ito nagsalita. "T-Tumayo ka. Sapat na na alam mo ang iyong ginawa."

Umupo muli ang Punong Lakan na tila ay nahihiwagaan pa rin sa ikinilos ni Malika. "Bilang kaparusahan, dadagdagan ko ang mga araw na hindi ka pa rin maaaring lumabas. Ngunit dahil sa paparating na salo-salo na gaganapin sa Palasyo ng Hari, pahihintulutan kita ng isang araw na paglabas upang makabili ka ng iyong gagamiting damit at alahas. Mamili ka ng araw sa linggong ito at sasamahan ka ng isa sa mga kawal."

Sa pagkakataong ito, sa kabila ng kaniyang pagtayo, bahagyang yumuko si Maia. Sa katunayan, nais niyang tanggihan ang alok na iyon sapagkat napakarami pang damit ni Malika na maaari niyang gamitin. Ngunit naisip niya na magandang pagkakataon na rin iyon na makabili ng maayos at masustansiyang pagkain at iba pang kakailanganin niya upang maisagawa nang mas maayos ang paghahanap sa kalahati ng kaluluwa ni Malika.

"Naiintindihan po ng Binibining ito. Maraming salamat po sa inyong pang-unawa, Mahal na Punong Lakan."

Kunot-noong nakatingin sa kaniya ang Punong Lakan. "M-Maaari ka nang lumabas."

Hinawakan ni Maia ang magkabilang-gilid ng suot na bestido upang muling magbigay-galang. At pagkatapos ng kaniyang malalim na pagyuko, marahan ngunit mabilis na lumabas na siya ng silid-talaan.

Hindi niya maiwasang punasan ang kaniyang noo kahit na wala namang pawis. Kakaiba ang presensya ng Punong Lakan. May kaba at takot siyang naramdaman ngunit hindi katulad kapag kaharap niya ang boss ng samahan.

At marahil ay magandang senyales iyon na hindi basta-basta papatay ng tao ang Punong Lakan. Dahil ang kilala niyang boss...

Umiling si Maia at ibinalik sa isang kahon sa kaniyang isip ang pangit na naalala. Isa pa, hindi niya dapat pinagkukumpara ang dalawa dahil hindi pa rin naman siya sigurado kung sinasadya ang magiging kamatayan ni Malika. Kailangan pa rin niyang mag-ingat pagdating sa pakikihalubilo sa Punong Lakan.

Nagmadali na siyang maglakad palayo ngunit makalipas ng ilang sandali ay bumagal ang paghakbang niya nang maalala na madadaanan niya ang pasilyo patungong silid-aklatan ng palasyong ito. Mas malaki ang tyansa na may makita siyang aklat na may nakasulat tungkol sa karamdaman ni Malika sa silid na iyon. Dahil ayon sa alaala ni Malika, hindi ito nagkaroon ng pagkakataon na pasukin ang silid-aklatan dito.

Nilingon niya ang paligid. Mabuti at nang lumabas siya ng silid-talaan ay pumasok naman ang matandang si Otis at hindi na siya sinundan. At ngayon, tahimik ang buong pasilyo.

Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa direksyon ng silid-aklatan, hinihiling na walang tao doon ngayon. Mamaya na niya poproblemahin kung paano siya makalalabas nang walang nakakapansin.

"Tila lubusan na ngang magaling ang iyong paa kung may panahon ka nang maglaro. Ano ang iyong ginagawa diyan?"

Napatindig ng maayos si Maia at mabuti na nakadikit at nakahawak siya sa kanto ng mahabang pasilyo kundi ay mawawalan siya ng balanse dahil sa pagkagulat.

𝘈𝘯𝘢𝘬 𝘯𝘨--???

Hindi ba at halos kakasuri niya lang sa paligid at wala siyang nakitang ibang tao? Kaya saan galing ang damuhong nagsalita?

Nilingon niya ito sa kabila ng kagustuhan niyang huwag gawin dahil kahit ngayon lang talaga narinig ni Maia ang malamig na tinig na iyon na malaki ang pagkakatulad sa tinig ng Punong Lakan, alam na alam ni Malika kung kanino iyon.

Sumalubong sa kaniya ang madilim na kulay luntiang mga mata at makakapal na kilay na kasalukuyang nakakunot...

Mukha ito ng panganay na anak ng pamilya Raselis at ang tagapagmana na si Akila.

"Ano? Ako ba ay hindi mo narinig o sadyang napipi ka lamang?"

Kumulo bigla ang dugo ni Maia at kinagat niya ang kaniyang dila upang mapigilan na masagot ito kahit na kung iisipin ay may karapatan siya dahil mas matanda dito si Malika ng isang taon. Ngunit dahil hindi naman basehan ang edad sa pagbibigay galang sa mudong ito, walang magagawa si Malika kung hindi ang maging magalang sa tuwing kausap ito dahil sa katayuan nito.

Isa pa, sa pagitan nito at ng Punong Lakan, mas kailangan niyang mag-ingat dito dahil mas malaki ang tyansa na ito ang pumatay kay Malika sa huli. Kung hindi siya nagkakamali, malaki ang galit na mayroon ito kay Malika...

Siyempre, base iyon sa mga alaala ni Malika.

Malalim siyang huminga bago yumuko upang magbigay-galang kahit na hindi kagalang-galang ang lalaking ito sa paningin niya. "Mahal na Lakan, paumanhin po," malumanay niyang simula. Sa katunayan, mas lalo pa niyang pinatindi ang pagkalumanay ng tinig at pananalita niya sa pag-asa na masira niya ang araw nito. "Nabigla lamang po ang Binibining ito sa inyong pagdating. May inakala lamang po akong lumilipad na malaking insekto kaya napagpasyahan kong magtago ngunit ako pala ay namalik-mata lamang."

"Hah! At sa iyong palagay, ako ay maniniwala doon?" pagnuya nito.

Umirap ang mga mata ni Maia at tumayo siya ng maayos. Ngumiti siya dito sa kabila ng pagkawala ng emosyon sa mga mata niya. "Nang may buong paggalang, hindi po."

Bumilog ang mga mata ni Akila. "Ano?!"

Bakit nagulat pa ito sa sagot niya? E iyon naman ang nais nitong marinig hindi ba?

Bahagyang yumuko si Maia sa direksyon nito. "Kung inyong mamarapatin..."

Akma na siyang aalis nang pinigilan siya nito sa paghawak sa kaliwang braso niya. "Aking batid na ika'y kinausap na ni Ama. Ngunit bakit ikaw ay gumagawa na naman ng kalokohan? Hindi ka ba talaga marunong makinig?"

Naguguluhang binawi niya ang braso niya sa pagkakahawak nito. "Ano po ba ang inyong problema, Mahal na Ginoo?" tanong niya, ang mga ngipin niya ay nagngangalit. Pasalamat ito at hindi niya ito kaano-ano. Dahil kung nagkataong kapatid nga ito ni Malika, malilintikan talaga ang bastos at mayabang na batang ito.

Bumuga ito ng hangin na tila ay hindi makapaniwala. "At tunay nga na iyo pang tinanong? Saan ka tutungo? Akala mo ay hindi ko napansin? Kahina-hinala na tila ikaw ay nag-iingat na hindi makita. Ano na naman ba ang iyong binabalak?"

Nagsimulang kumirot ang ulo ni Maia nang malaman niya ang mga alaala ni Malika kay Akila. At hindi niya maiwasang ikuyom ang kaniyang mga palad.

Sa mga sinabi nito, iisa lang ang pumasok sa isip ni Maia. Na pinapasaring nito na may balak si Malika na magnakaw muli.

Makalipas ng ilang taon, magnanakaw pa rin talaga ang tingin nito kay Malika. Ngunit kung sabagay, noong panahong iyon, ito ang pinaka-galit. Hindi na rin siya magtataka kung ito ang nagkumbinsi sa lahat na nagnakaw si Malika noon.

"Ginoo? Oras na po upang umalis."

Lalong sumakit ang ulo ni Maia nang marinig ang tinig ng bagong dating na lalaki. Isa itong maharlika at ang kanang kamay ni Akila. At ayon sa alaala niya sa nakasulat sa journal at sa tulong ng mga alaala ni Malika, isa ito sa posibleng tinutukoy na kabalyero na maaaring umibig kay Selina. Ito rin ang naghatid ng balita sa Punong Lakan at Lakan tungkol sa paglabas ni Malika nang walang pahintulot.

Ang kabalyero na si Einar Terre.

Bago pa lumala ang kaniyang sakit na nadarama o ang mawalan ng malay sa harap ng mga ito, tumakbo na si Maia palayo, pilit na hindi pinansin ang pagtawag sa kaniya ni Akila.

Bab berikutnya