webnovel

KABANATA 5

Singer

Nakakapanghinayang tuloy ang punta ko rito sa penthouse. Lunch break ko kasi, hindi ko na nga nginuya ang kanin nung kumain ako para maabutan si Mader Fely sa hallway. Mga ganitong oras kasi siya naglilinis. Tinimbrehan ako ni Ate Sam kanina. Mabait naman si Mader Fely sa akin, kumpara sa iba pa naming kasamahan sa housekeeping department.

Metikulosa at palaging on time, kaya siguro napilit ko dahil nga roon.

Binusog ko na lang ang mata ko ng magandang muwebles at maaliwalas na estilo ng buong silid. Kung sa presidential suite ay white and gold, dito naman sa penthouse ni Sir ay white and silver. Mas gusto ko ang ambiance dito. Alam mong lalaki talaga ang nakatira.

Walang humpay sa pagpapaalala si Mader Fely na mag-ingat daw ako. Lahat kasi ng kagamitan dito ay mamahalin, karamihan ay nagmula pa sa Paris.

Nandoon pa rin ako nakatayo sa tabi ng cleaning trolley habang inaayos na ni Mader Fely ang mga nakakalat na throw pillow sa sahig pabalik sa infinity couch. Mula ceiling ang glass window. Paano kaya niya nalilinis 'to ng siya lang? Kung ako, 'di ko kakayanin 'to mag-isa. Baka bukas pa ako matapos.

Napasinghap ako sa sobrang taas at ganda ng view mula roon. Ang Reussie kasi ang pinaka mataas na hotel kaya kita ang buong ka-Maynilaan! Ang sarap sigurong manirahan sa ganitong lugar. Para kang reyna na pinagmamasdan ang buo mong kaharian!

"Hep! Tumingin ka sa dinadaanan mo, MJ!" Sita agad ni Mader Fely nang makitang naglalakad ako papunta sa bintana.

Nginitian ko siya at nagdahan-dahang lakad hanggang sa tantanan na niya ang kakatitig sa akin. Huminga akong malalim, nilapat ang kamay sa bintana. Namamangha talaga ako rito. Sa gilid ko ay ang hagdang gawa sa marmol. Humarap ako sa direksyon no'n at nakita ang grand piano sa likod, meron din palang elevator na glass ang pintuan. Ilang milyon kaya ang nagastos nila para dito?

Parang masyado naman yatang magarbo at unnecessary ng elevetor kung dalawang palapag lang naman o baka naman kasi tatlo? Sabagay, wala na rin sigurong mapaggastusan ng pera ang mga Rizaldo kaya naglulustay na lang sa kahit na ano. Nagpatuloy ako sa paglilibang sa pagtingin.

"Matagal na po kayong naglilinis dito?" Tanong ko kay Mader Fely habang pinapasadahan ng isang daliri ang ibabaw ng grand piano. Nakasarado 'yon. Tinignan ko ang daliri kong walang kahit na anong alikabok na nakuha.

Sa ibabaw no'n ay may green at bilugang vase na merong gold lining sa nguso, katamtaman din ang laki. Napangiti ako nang makita ang repleksyon ko sa makinang na vase. Ibang klase ang vase na 'to sa nakikita kong vase sa Binondo o Divisoria.

Magkano kaya ito? Saglit kong nilingon ang silid. Itong vase lang ang nag-iisang vase rito ah. May sentimental value siguro ito.

"Matagal na. Bakit?"

Nanatili ang titig ko roon. Naririnig ko ang bawat kalansing ng mga babasaging gamit sa lamesa, nagpupunas siguro si Mader doon.

"Edi lagi niyo pong nakikita si Sir Shaun?" Wala sa sarili kong tanong.

Malamang, Emery! Kanya kasi 'to 'di ba?

Pinatulan naman ni Mader Fely ang walang kwenta kong tanong. Siya lang naman kasi mag-isang naglilinis dito, nakakabagot 'pag ganon.

"Oo naman. Pati nga mga babae ni Sir, e."

"Ah..." tumango-tango ako.

"Pero alam mo, hindi ko pa nakikita 'yung fiancè niya. Sino nga ba 'yon? Si Blanca Pereira? 'Di pa naman 'yun dinadala ni Sir Shaun dito,"

"Ganon po ba..." ang totoo'y wala akong interes sa lovelife ni Sir. Pero tuwing naiisip ko si Blanca, nasa kanya ang simpatya ko.

Inilapag ko pansamantala ang coat sa ibabaw ng grand piano para ipahid sa suot kong uniporme ang nagpapasma kong kamay. Naligo kasi ako pagkatapos kong mamalantsa kaya heto ang nangyayari.

Nilingon ko na lang ang Maynila sa gilid ko. May mga ibong lumilipad sa labas akong natatanaw. Sa gilid ng mata ko ay may kung ano nang pinagkakaabalahan si Mader Fely.

"Sa daming babae ni Sir, tiyak hindi matutuloy ang kasal nila no'n," komento niya.

Pagak akong napatawa. Pati ba naman si Mader ay apektado rin? Hindi niya napansin ang pagtawa ko.

"Pero kahit na ganon si Sir, mabait 'yon sa mga katulad natin, MJ. Hindi 'yon matapobre tulad ng mga dati kong boss sa dati kong trabaho. Lagi akong may increase sa sahod at tuwing may business trip siya sa abroad ay may pasalubong ako. Saan ka makakakita ng ganong amo? Kaya naman nalulungkot akong matatali siya sa babaeng hindi naman karapat-dapat sa kanya," kanina ay buong sigla niyang kinukwento ang kabutihan ni Sir tapos bigla na lang bumagsak ang energy niya.

Nakakatuwa naman pala na ganong klaseng amo si Sir, hindi niya tinuturing mababa ang isang taong nasa mababang posisyon. Pero napukaw ang atensyon ko sa panghuli niyang sinabi. Karapat-dapat? Hindi naman sa pagiging bastos o pakialamera, pero... paano niya nasabing hindi karapat-dapat si Blanca kay Sir Shaun?

Meron bang makakapagsabi kung sino ang karapat-dapat sa isang tao? Hindi ba 'yung may katawan mismo ang makakaalam no'n, hindi ang ibang tao?

"Bakit po? Ano po bang meron kay Sir Shaun?" I asked curiously.

Humarap ako kay Mader Fely na nagkukuskos na ng sahig malapit sa bar counter. Kumuha akong extrang basahan sa cleaning trolley para tumulong magkuskos ng sahig.

"Mabait si Sir 'no," nakangiti niyang sagot. "Saka sweet 'yon kay Ma'am Tori tuwing nandito. Swerte ang babaeng totoong mamahalin ni Sir," sambit niya pagluhod ko sa sahig.

"Ay 'yung stool na lang ang punasan mo, MJ," Sabay turo niya sa mga 'yon.

Tumango at sumunod. "Nagmahal na po ba si Sir? 'Yung seryoso?"

"Hmm, ewan. Baka hindi pa. Pero sa anim na taon ko rito, ngayon lang siya hindi nagdadala ng babae rito. Baka inlove na."

I chuckled. "Syempre, baka doon sa fiancè niya."

Mabilis lang ang paglilinis namin ni Mader dahil wala naman talagang kalat. Nitong mga nakalipas na linggo bago ang insidenteng kinasangkutan ko, wala akong naririnig na balita na pumaparito si Sir. Busy naman kasi iyon, sa dami ba naman nilang business, nahihilo na 'yon kakatrabaho.

Bukod doon, ikakasal na siya. Next year ang graduation ni Blanca, sapat na 'yong haba nun sa preparasyon ng engrade nilang kasal.

Nagunat akong katawan. Mina-masahe ko ang likod ni Mader Fely dahil sumasakit daw. Sa edad niyang 58, nagta-trabaho pa rin siya. Kung tutuusin ay hindi na dapat siya nagpapaka-pagod ng ganito. Kaso ay wala naman daw siyang maasahan dahil matagal nang yumao ang asawa niya at 'yung anak naman niyang babae, maraming anak tapos lasinggera pa!

"Hmm, ba't wala pong picture ng kahit na sino sa Rizaldo rito?"

"Nasa taas lahat, e. 'Yun ang gusto ni Sir-- diinan mo pa sa banda riyan, MJ."

Diniinan ko ang masahe ko sa huling pagkakataon. Nakakangalay din 'yon ah. Sabi niya'y bukas pa siya maglilinis sa itaas dahil nakasarado ang mga kwarto. Ibig sabihin, bukas babalik dito si Sir Shaun? Kung alam ko lang sana bukas na lang ako sumama.

Paalis na kami ni Mader nang maalala kong nasa grand piano pa rin 'yung coat. Pumihit ako pabalik doon.

"Ilipat mo na lang sa center table diyan, sabihin ko na lang kay Sir na ikaw ang nagbalik."

Nilingon ko si Mader Fely. "Opo," sabi ko.

Pagkahatak ko no'n ay nanlaki ang mata ni Mader Fely, narinig ko na lang ang pagkabasag ng vase. Napatalon ako sa gulat at nanlamig ang kamay. Binalingan ko ang sahig, alam kong 'yung mamahalin vase 'yon pero hiniling ko pa rin na sana nagkakamali ako.

"Diyos ko, mahabanging langit!" Nanghihinang boses ni Mader Fely.

Lumapit siya roon, tinitigan ang pira-pirasong vase sa sahig. Umiiyak na ako sa takot. Ang tanga-tanga ko! Gustong-gusto kong magpakain na lang sa lupa sa kahihiyan. Andami-dami ko nang kapalpakan sa buhay tapos nadagdagan ulit!

Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Tuloy-tuloy sa pagtatawag ng santo si Mader Fely sa harapan ko. Napapadasal na rin ako pero hindi naman mabubuong muli ito.

"MJ naman... alam mo ba kung magkano 'to?! Nasa 80 thousand 'yan! At bigay pa 'yan ng asawa ni Sir Zion kay Sir Shaun! Diyos ko, magwawala si Sir 'pag nalaman 'to!" Naghi-hysterical niyang sambit.

Mariin akong napapikit. Iyak ako nang iyak. Wala akong pambayad ng ganoong kalaking halaga. Saan ko kukunin 'yon?! Hindi magkanda-ugaga si Mader Fely, 'di niya alam kung saan ako dadalhin pero sa huli ay sa security office kami nagpunta. Nagkagulo sa hotel dahil sa akin, ngayon ako na naman!

Panay ang kamot sa ulo ng payat na head ng security office nang malaman ang nangyari. Hindi sila makapagsalita. Huminto naman na ako sa pag-iyak pero 'di pa rin ako matigil sa pagiisip kung ano nang mangyayari sa akin.

Matatanggalan na ba ako ng scholarship? Ipakukulong ba nila ako? 'Wag naman sana!

"Babayaran ko po," pikit mata kong sabi.

"Aba, paano? Paaral ka na nga ng mga Rizaldo tapos maninira ka pa ng gamit nila?" Mataray na sabi ng sekretarya.

Nasa kamay ko ang mga mata ko. Hindi ko sila magawang tignan, kasalanan ko naman at tama sila. Malaking halaga ang 80 thousand. Kahit mag triple job ako, taon ang bibilangin bago ko mabayaran 'yon.

Pagalit na di-nial ng sekretarya ang personal assistant ni Sir Shaun. Nasa Cebu raw kasi sila para sa magaganap na malaking social event tampok ang mga kilala at ma-impluwensyang tao sa Pinas. Kasama roon ang mga Montes kaya nandoon din si Kuya.

Naglalaro ang mga daliri ko pampawalang nerbyos. Nabuhay ang boses ng sekretarya, sumagot na yata ang personal assistant ni Sir.

"Good afternoon, Ma'am Amalia! Si Luzviminda Apostol po ito ng security department ng Reussie. Yes po... opo... Tungkol po kasi ito sa penthouse. Opo... May nakabasag kasi nung mamahaling vase ni Sir Shaun..." mariin niyang sabi.

Napalunok ako at humingang malalim, naiiyak na naman. Nakikinig din si Mader Fely sa tabi ko. Samantalang lumabas naman ng opisina 'yung head, siguro'y titignan nila ang nangyari sa penthouse. Lumapit pa si Mader sa akin, mabigat ang kanyang paghinga.

"Yes, Ma'am. Ay hindi po si Ate Climaco ang nakabasag, 'yung scholar po. Si Emery Hernandez, Ma'am," dire-diretso niyang sabi.

Matapos ng pag-uusap nila ay binagsak niyang malakas ang telepono. Napaigtad ako. Hindi ko na kaya pang mag-angat ng tingin. Hinawakan ni Mader Fely ang kamay ko.

"Ma'am ano pong sabi ni Ma'am Amalia?" Banayad niyang tanong sa galit na sekretarya.

Humingang malalim ang sekretarya. "Ipapaalam niya raw kay Sir," aniya, "kaya ikaw, Hernandez, maghanap-hanap ka na ng perang pambayad mo. Ipagdasal mong hindi ka nila tanggalan ng scholarship! At isa pa kayo Ate Climaco, mahigpit na pinagbabawal ni Sir na bawal magpapasok ng kung sino roon kung wala namang pahintulot niya, pati tuloy kayo madadamay."

Napakagat akong labi. Nakakakonsensyang pati si Mader Fely damay sa katangahan ko! Natahimik na lang si Mader Fely sa tabi ko. Gumawa ng pansamantalang kasulatan ang sekretarya, nakasaad doon na nangangako akong babayaran ko ang nabasag na vase. Pumirma ako.

Bumalik na ako sa locker room. Tuloy pa rin naman ang buhay, du-muty pa rin ako. Balisa kaya medyo magaslaw na ang kilos ko. Natagalan ako sa paglilinis ng isang kwarto. Tila mas mabilis pa yata sa pagtama ng kidlat sa lupa ang pagkalat ng chismis dito sa hotel.

Nasa loob na ako ngayon ng cubicle sa dulo ng restroom, sa labas naririnig ko ang usapan ng dalawang babae na kakapasok lang. Palabas na sana ako nang marinig ko binanggit nila ang pangalan ko.

"Emery Hernandez nga, Shiela! Nakita mo na ba itsura no'n?" tanong ng isa sa matinis na boses.

Binuksan kong kaonti ang pintuan para silipin sila. Nagre-retouch sila ng kanilang make-up. Namumukhaan ko 'yung isa pero 'yung isa ay kilala ko. Si Ma'am Myka 'yon, hotel manager.

"Oo, noong isang araw. Dumaan 'yon sa front desk. May kausap na matabang janitress. Kapag may nakita kang janitress na maraming freckles, siya 'yon. Alam mo, feel ko sinasadya niya 'to, e." sabi nung Shiela habang naglalagay ng mapulang lipstick sa labi.

Ang tinutukoy niyang matabang janitress ay si Jean. Isinarado ko ang pinto. Hinilig ko ang likod sa malamig na pader ng restroom.

Tumawa ang hotel manager. "You think? Gusto lang no'n gatasan si Sir Alfie 'no? Inakit siguro tapos peperahan, nung nabisto, pinalabas niyang ri-rape-in siya!" Buong tiwalang sambit ng hotel manager.

Nagtimpi akong inis. Iyon talaga ang tingin nilang lahat? Dahil ayaw nila sa akin ayun ang iisipin nila?!

"True! 'Di ba alam naman nating mabait si Ate Climaco sa lahat? Nagpumilit sigurong sumama sa penthouse para magpapansin kay Sir, malas niya nasa Cebu si Sir!"

Nagtawanan silang dalawa.

"Ang kapal ng mukha! Ambisyosa! As if namang mapapansin talaga siya. Buti nga sa kanya, tiyak ipapakulong 'yon ni Sir!"

Lumabas na rin ang dalawa. Naghintay lang ako ilang sandali saka ako lumabas. I looked at myself in the mirror. Huminga akong malalim at ngumiti. Kaya mo 'to, Emery! Makakaahon ka rin! Paulit-ulit kong sabi sa sarili.

Nakasalubong ko si Ma'am Myka papuntang restaurant, nginitian ko siya na parang wala akong narinig sa mga sinabi nila. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa bago sumilay ang mapanlait niyang ngisi. Edi kumpirmado na niya kung sino ako.

I shook my head when she passed by. Hindi ko na nga sila idadagdag sa iisipin ko at marami pa akong problemang mas dapat isipin.

Naglilinis na akong mop nang yakapin ako ni Jean patagilid. Malamang ay alam na niya any nangyari. Tinapik ko ang braso niya sa baywang ko. Humarap ako sa kanya at nakita si Ate Sam na papalapit, tulak-tulak ang sariling cleaning trolley.

"Saan ka kukuhang pambayad?!" Bulalas niya matapos kong ikwento ang buong pangyayari.

I looked at her as I put my thumb on the biometrics, "Kahit saan," sagot ko.

Pagkatunog ng biometrics ay inayos ko ang backpack ko. Naglakad na kami palabas ng hotel, papunta sa antayan ng jeep. Kaming dalawa lang ni Jean sapagkat mago-OT si Ate Sam, nagbabawi sa madalas niyang page-early out.

Humalukipkip si Jean at tinaas ang isang daliri sa ere, animo'y may naalala.

"Alam ko na! Napadaan ako sa resto bar na pinagtatrabahuhan ng atribidang si baklang Richard! 'Di ba magaling ka namang kumanta? Doon ka na lang!" Buong sigla niyang sabi.

Nabuhayan din akong loob. Malaki nga ang tyansang matanggap ako roon kahit part-time lang! Kung full-time ang kailangan nila, kakayanin ko naman basta walang mababangga sa schedule ko ng pasok sa school at hotel. Niyakap ko si Jean bilang pasasalamat.

Naudlot nga lang nang tumunog ang kanyang cellphone. Umatras ako at inayos ang pagkakatali ng buhok ko. Sumimangot agad ang mukha ni Jean nang mabasa ang pangalan nung caller.

"O, 'te? Anong meron? Ano?! Na naman! O sige sige, papunta na!" Sunod-sunod niyang gulat na sigaw sa kausap, pinagtitinginan na kami ng kapwa naming nag-aantay ng masasakyan.

"Anong sabi ni Ate Jini?"

Ginulo ni Jean ang kanyang buhok. Ngumiwi ako, alam ko na 'to. Alam ko na naman ito.

"Hanep talaga 'tong kuya ko! Nasa presinto na naman. Ayun, nahuling nagsho-shoplift ng cadbury sa 7/11! Bwiset na buhay 'to, oo! Magkaroon ka ba naman ng nanay na sugarol, tatay na babaero, ate na anak nang anak tapos kuya na shoplifter! Mababaliw ako nito!" Paiyak na reklamo ni Jean.

Napabuntong hininga ako habang hinahaplos ang likod niya para kumalma. Lahat talaga ng tao may kanya-kanyang problema. Pero itong problema ni Jean, mas malabo pa sa pasig river ang pag-asang magbago ang ugali ng pamilya niya.

"Sige, ikaw na lang pumunta kay bakla. Balitaan mo ako ha? Bye!"

Tumango ako at kumaway sa kanya na pasakay na ng jeep. Ilang saglit lang ay may humintong jeep patungo sa resto bar na pinagtatrabahuhan ni Ate Chandra. Bartender siya roon. Isa siya sa pangunahing tauhan noong nagsisimula pa lang iyon itayo ng chinoy na business man kaya malakas siya roon. Magli-limang taon na rin iyon, talaga namang lumago at sumikat.

Inabot na akong isang oras at kalahati sa loob ng jeep. Nagiinit na ang pwet ko ganoon din ang ulo ko. Nagkaroon kasi ng banggaan, nagsuntukan pa ang driver ng jeep at driver nung private vehicle. Hindi na kami umusad dahil sa gitna sila mismo ng daan, inintay pa ang pulis at MMDA bago sila mapaalis.

Isang jeep lang din naman ang layo ng resto bar sa bahay namin kaya kung sakaling matanggap ako, hindi ako mahihirapan. Pero sigurado naman akong matatanggap ako, e.

Quarter to seven na nang makababa ako sa jeep. Inayos ko ang suot kong kupas na maong at kupas na t-shirt bago pumasok. Binati ko ang kakilala kong bouncer, taga sa amin din. Wala naman akong nakitang wanted poster sa labas kaya nagdalawang isip pa ako kung totoo bang hiring sila o baka may natanggap na.

Pagpasok ko ay wala namang tao sa stage. Humawak ako sa aking dibdib sabay hingang malalim. Hay, salamat!

Kaonti pa lang ang costumer na roon, maaga pa naman din. Napansin ako ng waiter na si Kuya Joey sa 'di kalayuan habang nilalagay niya ang order ng costumer sa lamesa. Kinawayan ko siya. First time kong pumunta rito kung tutuusin kaya naninibago ako. Hinanap ko ang ang bar counter at doon, nakita kong nagpupunas ng mga baso si Ate Chandra.

Typical sa pang bartender ang suot pero pakak ang make-up. Nakangiti akong lumapit sa kanya. Nagulat pa siya nang umupo ako sa kanyang harapan, nagpalinga-linga saglit bago ipinirmi sa akin.

"Bawal ang bata rito ah? Buti pinapasok ka ni Kulas," nakataas ang isa niyang kilay.

Ngumuso ako, "Bente anyos na ako. Saka nabalitaan ko kay Jean na hiring daw kayo ng singer? Maga-apply sana ako."

Sumimangot ang kanyang mukha at binaba ang dalawang hawak, "Alam ba 'yan ni baby boy? Bubugbugin ako no'n 'pag nalamang balak mong magtrabaho rito!"

Ngumisi ako, "Hindi ka bubugbugin ni Kuya Elias 'no! Babae kaya tingin niya sa'yo," ngiting aso ako.

Tumango naman si Ate Chandra, tila kinilig sa sinabi ko. Pabiro niyang inihagis ng basahang hawak at ngumisi. Sandali niya akong iniwan doon. Pagbalik ay kasama na niya ang chinoy na may-ari ng resto bar.

"Boss Wong, siya 'yung sinasabi ko. Sisteret ni baby boy." maharot na pakilala ni Ate Chandra sa akin sa boss.

Malapad akong ngumiti at bahagya akong yumuko bilang respeto, ganoon kasi sa mga napapanuod kong chinese movie.

"Okay tanggap ka na. Pasok mo 9 to 12 AM, lunes, biyernes, kaya ba?" Tanong niya sa chinese-tagalog niyang accent.

Matanda na ang itsura nito. Chinoy pero wala akong nakikitang pagka-Pilipino sa kanya. Sobrang singkit ng kanyang mata, medyo panot na at visible na rin ang wrinkles sa gilid ng mata.

"Opo! Kayang kaya ko po, Boss!" Masigla kong tugon.

Ngumiti si Boss, lalong naglaho ang kanyang mata na naging linya na lang. Noong oras din no'n ay pinakilala ako ni Boss Wong sa lahat ng empleyado. Halos kakilala ko sila kaya nakiusap akong 'wag nilang ipaalam kay Kuya Elias. Napilitan tuloy akong i-kwento sa kanila ang dahilan bakit ko naisipang magtrabaho.

Tila naantig naman sila roon, naawa, kaya napagdesisyunan nilang ilihim na talaga sa Kuya ko.

I-diniscuss din ni Boss Wong 'yung mga patakaran niya, ayaw niya ng late at kung 'di makakapasok ay magsabi lang. Sa tatlong oras kong pagkanta ay sulit dahil 500 hundred ang araw ko! Makakaipon talaga ako kahit papaano. 80 thousand? Mababayaran din kita after four years! Tiyak, bago ako gru-maduate, nakabayad na ako.

'Yun ay kung hindi nila babawiin ang scholarship ko...

Bukas na ang start ko. Pagkauwi ay inayos ko agad ang schedule ko sa notebook ko. Parehas 8 am to 5 pm ang pasok ko sa school at duty ko sa hotel kaya marami pa akong oras para mag-aral!

Excited kong tinawagan ang number ni Jean, pag-ring ay sinagot niya agad ang tawag.

"Good news!" masaya kong sabi.

"Tanggap ka na?" mas masaya niyang tanong.

Tumili agad ako at hindi na sumagot. Tumili rin si Jean sa kabilang linya.

"Congrats! Kailan ang start mo?"

Kinalma ko ang sarili, tinitigang maiigi ang schedule sa notebook.

"Bukas na. Punta ka!"

"Oo ba! Mag-iinom tayo." Sabay halakhak niya.

"Pass ako. Magagalit si Ate Chandra, e. Baka isumbong na talaga ako kay Kuya."

"Teka paano ba naging bading 'yon? 'Di ba patay na patay 'yon sa ate mo?"

"Chismosa ka talaga, e!" Sabi ko na lang.

Natanong ko rin 'yon sa sarili ko pero 'di ko naman alam ang sagot. Pinatay ko na ang tawag. Nag-aral muna ako saglit ng susunod na lesson sa major. Nilulubos ko na hangga't marami pa akong free time. Bukas, magsisimula na naman ang bago kong araw.

Kahit anong tapon ng kamalasan sa akin ng buhay, may swerte namang darating! Kung wala, edi gagawa akong sarili kong swerte. Hindi ako magpapatalo 'no!

Bab berikutnya